Share

A Husband's Vengeance
A Husband's Vengeance
Author: janeebee

PROLOGUE

Maiging pinagmamasdan ni Lucine ang kaniyang sariling repleksyon sa salamin suot ang isang magarang bestida na pinili mismo ng kaniyang ama para suotin sa espesyal na okasyon ngayong gabi. Kulay lila na may mahabang hati sa ibaba pababa sa kaniyang kaliwang hita. Ito ay tila kumikinang lalo na kapag natatamaan ng ilaw. Disenyong puso sa harapan at hapit na hapit sa kaniyang baywang ang bestida na lalong nagpaangat sa kaniya dahil sa perpekong hubog ng katawan, mala-porselanang kutis ng balat at mala anghel na mukha na tinitingala ng lahat.

" Señorita Lucine, pinabababa na po kayo ng inyong ama sa salas. Aalis na raw ho kayo ngayon. " Napalingon siya sa pintuan nang marinig ang tawag ng kanilang kasambahay.

" Opo, pakisabi pababa na ako, " tugon niya saka muling tumingin sa harap ng salamin. Ito ang unang pagkakataon na siya'y makapagsuot ng ganitong kagarang damit at ito rin ang unang pagkakataon na dadalo siya sa isang magarbong okasyon na kung saan mga bigatin at kilalang personalidad lamang ang imbitado.

Pagkalabas ng kuwarto, taas noo siyang naglakad sa pasilyo nang masalubong si Venice—ang kaniyang kapatid na babae sa ama. Gumuhit sa mukha nito ang pagkabigla nang makitang halos parehas sila ng suot na damit subalit ang kaibahan lang ay ang kulay—lila ang kaniya, rosas naman ang kulay sa kapatid niya.

" Hanggang sa damit ba naman, makikigaya ka? " mahinanon subalit bakas sa tono ng boses nito na hindi gusto na ang suot niya ay magkapareho.

" Si Papá ang nagbigay saakin ng susuotin ko, " tugon niya habang pinagmamasdan ang kasuotan ni Venice. " Sa katunayan, mas maganda nga ang kulay ng iyo. Maliwanag, pero iyong kulay ng saakin, masyadong madilim. " 

Sarkastiko itong ngumiti sa kaniya. " Natural na mas maganda ang suot ko kung ikukumpara sayo. Dapat lang na mas angat ang totoong anak, kaysa sa anak sa labas na kagaya mo. "

" Tama ka naman sa sinabi mo. " Ngumiti siya pablik at humakbang palapit sa kapatid. " Maganda nga ang suot mo, pero mas maganda naman ako sayo. "

Umawang ang bibig nito at bago pa man magsimula ang gulo, nilagpasan na niya si Venice para tuluyang bumama ng hagdan patungong salas.

" Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo, hindi porque pinayagan kang tumira dito sa mansyon, ibig sabihin ay tanggap ka na namin, "  rinig niya sa likuran habang silay'y bumababa ng hagdan. " Tandaan mo, anak ka lang sa labas at wala kang karapatan mag mataas dito sa pamamahay namin. "

" Hindi niyo ito bahay, Venice. " Tumigil sya saka ito nilingon. " Walang inyo sa bahay na 'to. "

Nagkaroon ng katahimikan, subalit umaangat naman ang tensyon sa pagitan ng magkapatid na animo'y magkakapisikalan anumang oras. 

" Aba, narito na pala ang mga anak ko, " kapwa sila napalingon sa ibaba nang marinig ang boses ng ama. Abot tainga ang ngiti nitong nakatingin kay Lucine subalit ang babaeng katabi ng kaniyag ama ay tila pinapatay na siya sa pamamagitan ng matalim na pagtitig sa kaniya.

Sabay na bumaba ang dalawang magkapatid at sinalubong naman sila ng ama na may malaking ngiti at papuri lalo na kay Lucine.

" Kamukhang-kamukha mo ang iyong ina, " wala sa sariling sambit nito ngunit nang tumikhim ang babae sa kaniyang gilid,  doon ito natauhan at agad silang niyaya sa labas upang sumakay na ng sasakyan. 

" Bakit ba kailangan mo pang isama ang isang 'yan? " pabulong na tanong ni Victoria—ang kaniyang madrasta at asawa ng kaniyang ama.

" Dahil anak ko siya, " kaswal nitong tugon bago sila tuluyang pumasok sa magarang kotse patungo sa isang okasyon na kung saan magaganap ang ika-dalawampung anibersaryo ng Hassan Corporation na pinamumunuan ngayon ng ama. 

Halos kalahating oras ang naging byahe nila patungo sa lugar na paggaganapan ng selebrasyon at nang sila'y makarating, gaya ng inaasahan ay marami ng tao at mga medya sa labas na imbitado rin. Sinalubong agad sila ng kislap ng mga kamera at ng mga pagbati mula sa iba't-ibang mga tao at organisasyon. Ang kaniyang ama at madrasta ay ang nangunguna sa paglalakad sa pulang karpet patungo sa loob ng hotel kasunod si Venice na todo ngiti rin sa mga sumasalubong at bumabati sa ama, samantalang si Lucine ay dire-diretso lang sa paglalakad at walang pakialam sa mga tao sa paligid niya. 

" Señorita Lucine, isang ngiti naman sa camera, " wika ng isa sa mga kumukuha ng litrato dahilan para mapatingin din sa kaniya ang iba. Wala siyang nagawa kung hindi ang pilitin ang sariling ngumiti at doon sunod-sunod na itinutok sa kaniya ang kamera kasabay ng hindi mabilang na kislap at tunog ng mga ito. Kita niya ang masamang tingin ng madrasta at kapatid na animo'y inagawan niya ng enatblado para mapansin ng mga tao.

Malaki, maluwang at napakaraming bigating mga tao sa loob nang sila'y makapasok. Magagara din ang mga kasuotan nito at isama na rin ang mga mamahaling alahas na nakabandera mula sa tainga, leeg, at galanggalangan ng mga kababaihan. 

" Happy twentieth anniversary, Don Banville..." paulit-ulit ang mga naririnig ni Lucine mula sa mga tao na bumabati sa ama. Hindi siya sanay sa ingay at napakaraming tao subalit kinailangan niyang sumama dahil sa kahiligan ng ama. Madalas ang tatlo lamang ang kinakausap ng mga tao sa paligid nila, siya ay tila isang anino na nakatayo sa likuran, pinagmamasdan ang paligid at nagbabakasakaling may makitang pamilyar na mukha pero wala. 

Ilang minuto bago tuluyang magsimula ang mga kaganapan at ang tagapagsalita ay tila inaaliw muna ang lahat bago tawagin ang  kaniyang ama sa entablado upang magsalita.

"...at ngayon ay salubungin natin ng masigabong palakpakan ang ating Chief executive officer, Don Logan Banville! "

Nagpalakpakan ang lahat nang tumayo at maglakad sa entablado si Logan. Lahat ay nakangiti nang magsimula itong magsalita sa mikropono. Ang buong atensyon ng lahat ay nasa kaniya, subalit natigil ang lahat nang mula sa pintuang papasok kung saan nagaganap ang selebrasyon, may isang taong taas-noong pumasok at naglakad sa gitna patungong entablado kung saan naroroon rin si Logan. 

Walang nagtatangkang pumigil dahil ang lahat ay natulala at hindi makapagsalita. Naging tahimik bigla ang paligid sa pagdating ng taong ito, subalit kabaliktaran naman ang nangyari kay Lucine dahil ang tibok ng puso niya ay tila naririnig na mismo ng magkabila niyang tainga. Kay tagal niyang hinintay ang araw na makita ito at hindi niya lubos akalain na maraming magbabago rito. Ang hitsura, ang pangangatawan at lalong-lalo na ang tindig nito.

" Nakakadismaya naman at wala akong natanggap na imbitasyon tungkol dito, " dismayadong sambit ng lalaki na siyang bumasag ng nakakabinging katahimikan sa paligid. Nilibot nito ang tingin at nang magtama ang mata nila ni Lucine, sumilay ang isang tipid na ngiti sa kaniyang labi bago ibinalik ang tingin kay Logan na napako na sa entabladong kinatatayuan nito. " Don Banville, maaari ko bang malaman kung  bakit hindi ako imbitado sa selebrasyon ng sarili kong kompanya? "

Doon unti-unting umingay ang paligid, hindi dahil sa sinabi nito kung hindi dahil sa taong inakala ng lahat ay matagal ng patay, ngayon ay narito sa kanilang harapan at buhay na buhay.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status