Share

KABANATA 2: DISOWNED AND HURT

Isang linggo pagkatapos ng gabing iyon...

"Hindi kita pinaaral sa mamahaling paaralan para lang tumanggap ng mga ganitong proposals at babuyin ang sarili mo! Kaya pala hindi ka humihingi ng tulong sa akin dahil sa iba ka humihingi ng pera! Gusto mong palabasin na kaya mong buhayin ang sarili mo nang hindi umaasa sa yaman natin kundi umaasa sa mga lalaking hayok sa laman!"

Dumadagundong ang malakas na boses ng ama sa loob ng malaking bahay ng mga Alegria. Kaya pala pinag-day off ng ama ang mga maids nila at wala ni isa mang natira nang araw na iyon.

"D-dad... let me explain," kahit natatakot sa galit nito ay gusto niyang itama ang paratang ng ama.

"I don't need an explanation for these!" Bigla nitong itinapon sa mukha niya ang mga larawang hawak nito. Kumalat sa sahig ang hindi bababa sa sampung larawan na ayaw niya sanang tingnan.

Nanginginig ang mga kamay na pinulot niya ang isang larawan. Isa iyong picture niya na wala siya ni isang saplot habang nakatalikod na nakahiga.

"Ni hindi ko matingnan ang mga larawang iyan, Jenna!"

Napaluhod na pinulot niya isa-isa ang mga iyon. Ipinipikit pa niya ang mga mata kapag may nakikita siyang kahubdan niya na pinapakita rin ang mukha niya. Kahit hindi malinaw ang mga larawan dahil sa madilim na paligid ay alam niyang siya ang babaeng iyon.

May hinala siyang may naka-ready na camera sa loob ng kwarto kaya't nakunan ang mga litratong iyon. Hindi ipinapakita sa larawan ang mukha ng lalaking lumapastangan sa kanya. Tanging likod lang nito ang ando'n.

"Answer me, Jenna, may explanation ba ang mga iyan? Get out of this family! Isa kang kahihiyan sa mga Alegria! Pasalamat ka sa kapatid mo at napigilan niyang kumalat ang mga larawang iyan. Agad na gumawa ng hakbang si Amanda para hindi malagay sa tuluyang pagkapahiya ang pamilya natin. Milyon ba ang natatanggap mo sa tuwing pumapatol ka sa mga lalaking iyan? Pera ba talaga ang habol mo o katulad ka rin ng ina mong hindi mapigilan ang kati sa katawan?"

Natigil sa ere ang pagpulot niya ng panghuling larawan sa sahig. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang kinumpirma ng ama ang mga naririnig niya tungkol sa ina. Mula pagkabata ay hindi nito binabanggit ang Mama niya. Sa tuwing tinatanong niya ang ama ay nagagalit ito kaya't hindi na siya nagtanong pa.

Minsan ay narinig niya sa mga kamag-anak na nilayasan ng ina niya ang ama no'ng tatlong taon pa lamang siya dahil sa ibang lalaki. Marami siyang pinagtanungang kamag-anak kung totoo iyon pero lagi ay tikom ang bibig ng mga ito. Marahil ay takot din sa ama niya.

"You heard it right, your mother is a whore! You are your daughter's mother, after all. Kahit saang exclusive school pa kita paaralin kung nananalaytay ang dugo ng kalandian sa'yo, lalabas at lalabas talaga iyon!"

Hindi niya napigilan ang hikbi. Kahit hindi niya nakasama nang matagal ang ina ay nasasaktan siya sa mga salitang lumabas sa bibig ng ama. Hindi sumagi sa isip niya na mapagsasabihan siya nito ng mga bulgar na salitang iyon. Nasanay siya prinsesang trato ng ama kaya lagi niyang kinukumbinsi ang sarili na kumpleto ang pagmamahal na nakukuha niya rito kahit wala siyang ina.

Mahabang katahimikan ang namagitan. Ang tanging naririnig niya ay ang paghingal ng ama. Nag-aalalang napaangat ang tingin niya rito sa takot na baka atakehin ito.

"Diego, umupo ka muna." Mabilis na lumapit si Zenaida sa lalaki na may dalang tubig. Inaalalayan nito ang ama niyang umupo sa sofa. Si Zenaida ang ina ni Amanda.

Gusto niyang lapitan ang ama pero pinigilan siya ng nagbabantang tingin ni Zenaida.

"Get out of this house. Mula ngayon ay isa na lang ang anak ko at iyon ay si Amanda. She's more deserving of my last name. Umalis ka na ng bahay ko, Jenna." Huminahon man ang boses ng ama ay ando'n pa rin ang galit.

"Huwag mo nang hintaying may mangyari sa ama mo bago ka sumunod, Jenna," matigas din ang boses ng stepmom niya na matalim ang tinging ibinigay sa kanya.

Napaangat ang tingin niya sa itaas sa may hagdanan nang makarinig ng mahinang tawa na siya lang ang nakarinig. Nakita niya si Amanda na ngumunguya pa ng bubble gum. Sa tantiya niya ay kanina pa ito sa pwestong iyon at nasisiyahang nanonood ng dramang nasaksihan nito.

Sigurado rin siya na sa babae galing ang mga larawang itinapon ng ama sa kanya.

Agad na tumayo siya nang mapulot ang panghuling picture niya sa sahig. Mabilis ang mga hakbang na nilapitan si Amanda. Isang dipa na lang ang layo niya sa babae nang tumigil siya. Nagbabaga ang galit sa mga mata niya.

"Oh, you wanna hit me? Go ahead!" Inilapit pa nito ang pisngi sa kanya.

Wala pa ngang isang segundo ay lumagapak na sa mukha ng babae ang palad niya. Halos tumabingi ang mukha nito sa lakas ng pagkakasampal niya.

Nanlaki ang mga matang napahawak si Amanda sa pisnging nasaktan habang napatitig sa kanya. Hindi yata nito inexpect na gagawin nga niya iyon habang nasa malapit lang ang ama niya at ang ina nito.

"Mom, Dad! Sinampal ako ni Jenna!" Namumula ang mukha ng babae at umiiyak na tumakbo pababa ng hagdanan para puntahan ang ama niya at ina nito sa sala.

Agad na sinalubong ni Zenaida ang anak. Nakita nga nito ang namumulang pisngi ni Amanda kaya't mabilis nitong niyakap ang anak.

"Tingnan mo nga iyang walanghiyang anak mo, Diego! Kung hindi ko mapigilan ang sarili ko ay baka masaktan ko rin siya."

"Dad, it hurts a lot," OA na sabi ni Amanda at lumapit pa sa matandang lalaki.

Napatayo na uli ang ama niya at mabilis na lumapit sa kinatatayuan niya.

Pumikit siya sa pag-aakalang masasampal siya nito sa unang pagkakataon.

"How ungrateful! Anak nga ba kita o nasalisihan ako ng ibang lalaki sa Mama mo?"

Mabilis na iminulat niyang muli ang mga mata at hindi makapaniwalang napatitig sa matandang lalaking nakatayo sa harap niya. Mas matatanggap pa niya siguro kung sinampal din siya ng ama kaysa sa marinig ang mga katagang iyon.

Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya naisip pang ipagtanggol ang sarili at ipaliwanag kung ano talaga ang nangyari.

Walang imik na tumalikod siya sa ama. Hindi na niya hinintay na muling marinig na pinapalayas siya nito sa pamamahay nila.

Pagkatapos na mailagay sa malaking maleta ang mga napiling damit ay nagmamadaling lumabas siya ng kwarto kahit nahihirapan sa bigat na dala. Akala niya ay hindi na niya maaabutan ang ama sa sala pero ando'n ito na para bang hinihintay siyang talaga.

Gusto ba nitong masigurong lumayas na nga siya?

Kumikirot man ang puso ay nanatiling blangko ang ekspresyon ng mukha niya nang dumaan sa harap nito. Nagulat pa siya nang may ihagis itong muli sa sahig bago pa siya makalabas.

"Umalis ka ng Pilipinas. Pumunta ka kung saan walang nakakakilala sa pangalan mo. Huwag na huwag ka nang bumalik dito kailan man." Kasing lamig din ng ekspresyon ng mukha niya ang boses ng ama.

Walang imik na pinulot niya ang passport na hinagis nito. Natigilan pa siya nang makita ang bank book na nakapangalan sa kanya na kasali sa hinagis ng ama. Hindi na niya tiningnan kung magkano ang laman no'n dahil wala naman siyang planong pulutin din iyon. Tanging ang passport lang ang kinuha niya.

Kahit siya ay ayaw na ring bumalik sa bahay na iyon.

Tahimik na nakamasid si Amanda nang makita siyang hila-hila ang malaking maleta palabas ng gate. Unti-unting gumuhit ang malisyosong ngiti sa mga labi ng babae. Madali na niyang makukumbinsi ang amain na palitan ang last name niya para maging Alegria. Kung kinakailangang ipa-proseso nito ang pag-ampon sa kanya para maging legal na Alegria na siya ay ipapagawa niya rito. Alam niyang madali na itong paikutin sa mga palad nilang mag-iina ngayong wala na sa eksena si Jenna.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status