Share

Chapter 2 - Bestfriends Forever

“Grabe, tumutulo ang laway mo!” ginising sya ni Joaquin ng tapik sa pwetan nya, pagkuway naupo ito ulit sa harap ng kanyang Macbook Pro.

Hindi nya maidilat ang mga mata nya sa puyat. Sinipat nya ng isang mata ang suot na relo, mag-a-alas-sais pa lang. Dalawang oras palang yata ang naitutulog nya.

“Ang aga naman ng ka-meeting mo,” pupungas-pungas nyang sabi.

“EST ang timezone ni Chairman eh.”

Ang Chairman na tinutukoy nito ay ang Lolo nito na nakabase na sa Amerika. “Buti nagkasya ang mahahabang mong binti sa sofa? Bakit hindi ka sa sofa bed mo sa kwarto natulog?”

“Ano’ng gusto mo, threesome tayo ng babae mo?” sabay irap nya sa kaibigan.

Napahalakhak si Joaquin, “kung gusto mo lang! Sino ba naman ako para tumanggi?”

“E kung kutusan kita d’yan?”

Lalong itong napabunghalit ng tawa naging sa reaksyon nya.

“Teka, nasa’n na pala ‘yung babae?” nilinga-linga nya ang paligid. Wala na rin ang mga kalat na nadatnan nya noong dumating sya kanina.

“Hmm, ‘nga pala,” nagbago ang tono ni Joaquin, “I’ll move out on Wednesday, tulungan mo ‘ko. Wala ka namang pasok no’n di ba? Wala akong ibang araw na free, tambak na ang gagawin ko sa opisina. Andami kong gamit na ididispatsa, iuwi mo ‘yung iba kung gusto mo. ‘Yung mga gamit mo pa naipon na rito, ililipat lahat ‘yan sa penthouse.” tuloy-tuloy na saad nito, hindi inaalis ang mga mata sa pagkakatuon sa kanyang laptop.

“Nabenta mo na ‘tong unit agad??? Kagabi mo lang ‘yun sinabi ah!” ang gulat nya sa binalita ni Joaquin.

“Akala ko nakita mo ‘yung babae kagabi? ‘Yung agent ‘yon. Sya na raw ang bahala,” pailing-iling pa ito habang nakangisi na tila may naalala sa nangyari sa kanila ng ahente kagabi, “sabi na nga ba, deads na deads sa ‘kin ‘yung isa na ‘yon eh.”

Napaismid na naman sya sa kahambugan ng kaibigan, “may bagyo ba ngayon? Ba’t anlakas ‘ata ng hangin?” umikot ang kanyang mga mata.

“Magkape ka nga muna! Napakasungit mo.” Laughing trip si Joaquin ngayong umaga na ito.

Hinila nya ang mabigat na katawan patayo sa sofang hinigaan nya. “Maliligo na muna ako. May pasok pa ‘ko eh. Pahiram ng tuwalya.”

“May nakasabit d’yan sa loob.”

“Ayoko no’n, gusto ko ‘yung bago. Baka mamaya kung sa’n mo pa ‘yon pinunas eh.”

“Ang arte mo naman,” bumungisngis si Joaquin, “ano ba’ng meron ngayon at dumoble ‘ata ang katarayan mo? ‘Lika dito, magkape ka nga muna kase.”

Nagsalin sya ng brewed coffee na nasa coffee maker sa sarili nyang pink na coffee mug saka naupo sa harap ng kaibigan na busy sa kakatipa sa kanyang laptop. Puyat at puno ang utak nya sa dami ng iniisip.

+++++

Binasa nya ang text ni Joaquin pagbaba nya ng tricycle pauwi sa bahay nila.

'Nasa’n ka? Call me pag-uwi mo.'

Napanguso sya. ‘Ano naman kayang problema no'n?’

Pagpasok nya sa bahay nila ay nakita nya ang kanyang Nanay na nananahi ng kurtina sa kanyang lumang makinang panahi.

“‘Kala ko masakit ang kamay nyo, bakit nananahi pa kayo?” nagmano sya kay Nanay Elsa.

“Eh no’ng nakaraang linggo pa ‘to binabalik-balikan ni Mareng Amy, baka mamaya magalit na ‘yon. Madali lang naman ito,” sagot ng Nanay nya habang naggugupit ng tela. “Kumusta naman ang lakad mo kagabi?”

“Ayos naman po, ‘Nay. Eto nga po, nakabili rin ako ng gamot nyo, may pambayad na rin tayo ng tubig,” inilapag nya ang pinamili at pera sa lamesa. “Nasa’n po si Jim?”

“Andyan lang ‘yon sa labas, kasama ng barkada nya. Kumain ka na para makapagpahinga, mukhang marami yatang pina-compute ang Professor mo ngayon, puyat na puyat ka,” hinaplos ng pasmadong kamay ng Nanay nya ang kanyang mukha.

“Oo nga po eh, madaling-araw na po kami natapos,” pagsisinungaling nya.

Sa edad na kwarenta y nuebe ay ginupo na ng karamdaman ang katawan ni Nanay Elsa. Mula nang mamatay ang kanilang ama sa aksidente ay mag-isa lang itong tumataguyod sa kanilang magkapatid, kaya naman ginagawa nya ang lahat para makatulong sya sa mga gastusin sa bahay, lalo na ngayong naggagamot na ito sa sakit na diabetes at hypertension.

“Kumain na po ako sa school bago ako umuwi. Gagawa lang po muna ako ng assignment, kumain na lang din po kayo pagkatapos nyo d’yan,” paalam nya sa kanyang Nanay saka umakyat na ng kwarto.

+++++

Kasalukuyan syang nalulunod sa dami ng kanyang sinusulat nang mag-ring ang cellphone nya.

Si Joaquin.

“Wala akong load,” aniya pagkasagot nya ng tawag nito.

“Pren, ‘yung cheke nga pala pinagawa ko na lang as pay to cash, ikaw na mag-encash.”

“Bakit ako??!” kumunot ang noo nya.

“Eh sino pa ba? Alangang sa sekretarya ko eh ikaw lang ang inaasahan ko sa mga personal affairs ko. Kuhanin mo na ‘yung butal para hindi ka laging walang load tska allowance mo na ‘yung iba para sa abala ko sa ‘yo,” sagot ng lalake na wari ay hingal na hingal.

“‘Wag na no! May pera naman ako. Marami lang akong ginagawa ngayon kaya hindi ako nakalabas para magpa-load,” pagsisinungaling nya. Pero sakto na lang talaga ang pera para sa pamasahe nya bukas pagpasok sa school. Naibili na nya lahat ang perang kinita nya noong nakaraang gabi at wala pa ring tawag si Jane kung mayroon ba silang mapagkakakitaan ngayon.

“‘Sus, sige na busy ako.” Pinatayan na sya ni Joaquin ng cellphone.

“Hay nako, may kasama na naman sigurong babae kaya hinihingal,” napasimangot sya.

+++++

Wala pang isang oras ang nakakalipas nang mag-ring na naman ang cellphone nya. Padabog nyang inabot ito sa pinaghagisan nya sa kama.

“Paano ba naman ako matatapos sa ginagawa ko kung tawag ka nang tawag??!” singhal nya.

“Hello siiiis! Good news!” excited nitong sabi, tila hindi napansin ni Jane ang bungad nya nang sagutin nya ang cellphone.

“Ay sorry, ‘kala ko si ano,” inasahan nyang si Joaquin na naman ang makulit na nagpa-ring ng cellphone nya, “buti napatawag ka na, tatawag na ‘ko sana sa ‘yo eh.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status