Share

CONFUSIONS

SERENITY’S POV

Katulad ng sinabi sa akin ni Papa Julio ay hindi na niya ako hinayaang pumasok pa sa school. Paniguradong tinatawagan na ako ni Cindy ngayon ngunit hindi pa rin nila ibinabalik sa akin ang cellphone ko. Sa ngayon ay nakasakay na kami sa Black Limousine na katulad no’ng sumundo sa kanila kahapon. Nakasimpleng dress lamang ako ngunit pinaayusan pa ako ni Mama Mercedes, bagay na unang beses nilang ginawa sa akin.

“Ayusin mo ang mukha mo mamaya, Serenity. Huwag na huwag mo kaming ipapahiya kay Don Armando,” nagbabantang sabi pa sa akin ni Mama.

Hindi ako nagsalita. Wala rin namang saysay ang boses ko sa kanila dahil buo na nag desisyon nilang ako ang ipambayad nila sa utang nila sa Don Armando na iyon. Makalipas ang halos kalahating oras ay nakarating na kami sa isang mamahaling restaurant. Habang naglalakad kami papasok ay napakabilis ng tibok ng puso ko. Hanggang sa makita ko ang isang matandang nakangiti sa amin. Naka-wheelchair siya at halatang mas maedad nga siya kay Papa.

“Don Armando,” nakangiting bati ni Papa Julio.

Tumango naman ang don at saka inilipat ang tingin sa akin. Agad naman akong umiwas dahil hindi ko kayang salubungin ang tingin niya.

“Siya na ba ang sinasabi mong ipapakasal mo? Buong akala ko ay si Samantha iyon,” sambit pa ng don.

“Medyo nagkaroon lang po ng misunderstanding. Pero opo, siya po si Serenity, ang isa sa mga anak ko at siya ang magpapakasal.”

Hindi nakatakas sa paningin ko ang pagtingin sa akin ng don mula ulo hanggang paa. Bigla akong nakaramdam ng panliliit sa sarili ko. Gusto ko nang umiyak ngunit hindi iyon ang makakatulong sa akin ngayon.

“Kung ganoon, nais ko siyang makilala ng lubos. Maiwan niyo muna kami. Ako na rin ang bahalang maghatid sa kaniya sa bahay niyo,” walang emosyong sabi pa ni Don Armando.

“Masusunod po.”

Akmang aalis na sana sina Papa Julio ngunit mabilis kong hinawakan sa braso si Mama Mercedes. Hindi ako makapagsalita ngunit alam kong alam na niya ang ibig kong sabihin.

“Umayos ka, Serenity. Pare-pareho tayong pupulutin sa kanal kapag hindi ka umayos. Alam ko namang hindi mo na gugustuhin ang bumalik sa putikan,” mariin at mahinang sabi niya sa akin.

Umalis ang mag-asawa kaya kami na lang ng don ang naiwan. Kahit na kabadong kabado ako ay tahimik akong umupo sa harap niya habang siya ay nakatingin lamang sa akin. Ilang saglit pa ay tumikhim siya.

“Alam mo ba kung anong pinapasok mo, Hija? Tatapatin na kita. Bago ka pa mapunta dito ay inimbestigahan ko na ang pagkatao mo. Ikaw ang ampon ng mag-asawang Silva kaya nagulat ako na ikaw ang pinili nilang ipambayad sa utang nila sa akin.”

“Tatapatin na rin po kita, kagabi lang nila napagdesisyunan ang lahat dahil ayaw pong magpakasal sa inyo ni Samantha,” deretsong sagot ko.

“Sa akin?” hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Don Armando.

Marahan naman akong tumango. “Hindi ko po alam ang totoong intensyon niyo ngunit katulad ng sinabi niyo, ampon lang ako. Walang dugong Silva ang nananalaytay sa katawan ko. Hindi ko alam kung sino ang mga magulang ko kaya hindi ko alam ang pinagmulan ko. Isang malaking sampal sa katulad niyo kung ako ang papakasalan niyo.”

Napangisi naman sa akin ang don. “Tutal naman ay nagiging honest tayo sa isa’t isa, sabihin mo nga sa akin kung anong plano mo sa buhay mo?”

Tiningnan ko ng deretso ang don. “Gusto ko pong makatapos sa pag-aaral upang makahanap ako ng matinong trabaho. Nang sa gayon ay makawala na ako sa pamilyang iyon na ang tingin lang sa akin ay isang katulong. Ngunit hindi na mangyayari iyon sa oras na maikasal ako sa inyo bilang pambayad nila sa utang nila.”

Tumango tango ang don na tila nagustuhan ang sasabihin ko. “Alam mo bang nalulong sa casino ang iyong ama-amahan kaya lumaki ng lumaki ang utang niya sa akin. Limampung milyon ang halaga mo, Serenity. Kapag nagpakasal ka ay bayad na ang utang nila.”

Inilapag ng don ang isang papel at nang tingnan ko ay isang Marriage Contract iyon. Walang mga pangalan ang nakalagay dito kaya bahagyang kumunot ang noo ko.

“Masyadong matagal pa ang gugugulin mo para makaalis sa pamilya Silva. Ngunit kapag pinirmahan mo ang papel na ‘yan, makakalaya ka na sa kanila at sisiguraduhin kong hindi ka na nila guguluhin pa,” seryosong sabi sa akin ng don.

“Pero bakit po ako?” wala sa sariling tanong ko.

“Dahil mas gusto kita kaysa kay Samantha. Hindi ka pa man nagsasalita kanina ay alam kong malaki na ang pagkakaiba mo sa kaniya. Sa oras na pirmahan mo ‘yan, ngayong gabi rin ay lilipat ka na sa mansion ko at tuluyan ka nang makakaalis sa bahay na iyon,” nakangiting sabi pa ng don.

Napalunok ako dahil sa sinabi niyang iyon. Napakatagal ko nang gustong makalaya sa pamilya Silva lalong lalo na kay Samantha. Mukha namang hindi masamang tao si Don Armando at hindi siya mahirap pakisamahan. Kaya kahit alanganin ay dinampot ko ang ballpen sa table at wala sa sariling pinirmahan ang papel.

“You made a good decision, Hija. Tara na sa mga Silva upang kunin ang mga gamit mo.”

Masyadong napakabilis ng mga pangyayari. Katulad ng sinabi ng don ay nagderetso na kami sa bahay. Pagpasok namin ay nakaabang na ang mag-asawa pati na rin si Sam. Alam kong naghihintay sila ng balita tungkol sa naging pag-uusap namin ng don.

“Julio, nagkasundo na kami ni Serenity. Pinirmahan na niya ang Marriage Contract, which means your debt is paid. Pinuputol ko na rin ang koneksyon nating dalawa at hindi ka na pwedeng pumunta at maglaro sa casino ko. At wala na rin kayong kahit na anong koneksyon kay Serenity. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Tumingin sa akin si Samantha na tila hindi nagustuhan ang sinabi ng don na mawawalan na ako ng koneksyon sa kanila. Ibig sabihin kasi no’n ay hindi na ako mauutusan pa ni Sam na gumawa ng mga projects at assignments niya. Ibig sabihin ay mawawalan siya ng personal na yaya.

“What?” hindi napigilang itanong pa niya.

“Sam, we don’t have the right to disagree,” saway sa kaniya ni Papa Julio. “Kung iyan ang gusto mo, Don Armando.”

Lumingon sa akin si Don Armando. “Kunin mo na ang mga gamit mo,” utos niya sa akin.

Agad akong naglakad papunta sa kwarto ko upang kunin ang mga gamit ko. Hindi ko naman na kailangang mag-ayos pa dahil naka-empake na naman ang mga gamit ko dahil sa pagbabalak na tumakas kagabi. Sa sobrang lutang ng isip ko ay hindi ko na napansin na nakasunod pala sa akin ang don at ang tagapag-alaga niyang nurse.

“Buong akala ko ay sa taas ang kwarto mo. Dito ka pala sa maid’s quarter,” sabi pa niya.

Mapakla akong ngumiti. Kinuha ko ang malaking bag ko na nasa cabinet ko. At natigilan ako nang biglang tumawa ng malakas si Don Armando. Napatingin ako sa kaniya at kumunot ang noo ko nang pati ang nurse na nasa likod niya ay tumatawa rin.

“May problema po ba?” hindi ko napigilang itanong.

“Hindi ko akalain na mahilig ka pala sa isang Filipino singer.”

Nakaramdam ako ng hiya dahil napansin pa pala ng don ang mga litratong nakapaskil sa pader ng kwarto ko. Maski ang nurse ay namamanghang tiningnan ang mga litrato kaya mabilis kong inalis ang mga ito.

“Pasensya na po,” mahinang sabi ko.

“Huwag mong sabihin na dadalhin mo pa ‘yan sa bahay?” hindi makapaniwalang tanong pa ni Don Armando.

Mabilis naman akong umiling. “Hindi po.”

“Teka, iyan na ba ang mga gamit mo? Isang bag lang?” baling ng don sa gamit ko.

“Opo,” tipid kong sagot.

Kakaunti lang naman kasi ang mga damit ko dahil hindi ako bumibili. Karamihan din sa mga damit ko ay mga pinagsawaan at pinaglumaan ni Samantha.

“O sige. Tara na.”

NAPAKALAKI ng bahay ni Don Armando. Walang wala ito sa bahay ng mga Silva at pakiramdam ko ay maliligaw ako sa sobrang laki nito. Kakababa lang namin sa sasakyan niya at nasa labas pa lang kami ng bahay niya. Sa labas pa lang ay busog na busog na ang mga mata ko sa mga nakikita ko. Kahit kasi gabi na ay napapalibutan naman ng mga ilaw ang labas ng bahay.

“Mabuti naman at dumating na kayo. Teka, siya na ba ang sinasabi mo?” salubong sa amin ng isang matandang babae na sa tingin ko ay kasing edad lang ni Don Armando.

“Oo, Irog, siya na nga,” nakangiting sabi naman ng don.

“Irog?” hindi ko napigilang itanong.

“Oo, Hija. Siya si Amanda, ang asawa ko.”

“Asawa?” nalilitong tanong ko.

“At ikaw, Hija, anong pangalan mo?” magiliw na sabi sa akin ng babae na hinawakan pa ang dalawa kong kamay.

“Serenity po,” alanganing sagot ko naman.

“Napakagandang pangalan, at napakagandang bata,” giliw na giliw na sabi sa akin ng donya.

Nalilito ako sa mga nangyayari. Ang alam ko ay si Don Armando ang pakakasalan ko ngunit may asawa pala siya?

“Bakit gan’yan ang itsura mo, Hija? May problema ba?” tanong pa sa akin ni Donya Amanda.

“Nalilito ang bata, Irog. Hala, sa loob na tayo at ipapaliwanag ko ang lahat.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status