Share

The Secret Wife
The Secret Wife
Author: Binibining Hiraya

SERENITY ARIA SILVA

SERENITY'S POV

"Hoy, girl. Ano na? Manonood na ba tayo ng concern ni Ethan?"

Mabilis akong lumingon sa kaibigan kong si Cindy. Katatapos lang ng last subject namin at kasalukuyan akong nag-aayos ng gamit ko. Umupo pa siya sa harapan ko para mas lalo ko siyang mapansin. Ilang araw na rin kasi niya akong kinukulit tungkol sa paparating na concert ni Ethan James Claxton, ang isa sa pinakasikat na singer ng bansa. Magaling kasi talagang kumanta si Ethan at napakagwapo pa kaya naman marami talaga ang humahanga sa kaniya, at isa na ako doon.

"Alam mo namang wala akong budget, hindi ba?" ang nasabi ko na lamang.

"Serenity Aria Silva. Ano pa't naging Silva ka kung wala ka namang pambili ng ticket," naiinis na sabi naman sa akin ni Cindy.

Huminga ako ng malalim. "Alam mo rin namang isa lamang akong sampid sa pamilyang iyon. At lahat ng binibigay sa akin ng pamilyang iyon ay pinaghihirapan ko."

Literal na pinaghihirapan ko talaga. Malaki ang utang na loob ko kina Mama at Papa na umampon sa akin at nag-alis sa bahay-ampunan. Ngunit kapalit ng lahat ng iyon ay ang pagiging katulong nila sa bahay. Bawat sentimong ibinibigay nila sa akin ay laging may kapalit. Hindi naman ako nagrereklamo dahil malaki ang pasasalamat ko sa kanila na kahit papaano ay may kumupkop at nagpalaki sa akin. Malaking bagay na sa akin ang nakaalis ako sa bahay-ampunan. At ilang buwan na lang din ay ga-graduate na ako ng college. Matutupad ko na ang mga pangarap ko.

"Ewan ko ba sa 'yo, Serenity. Masyado kang mabait," iiling iling sa sabi naman ni Cindy.

Napangiti na lamang ako. "Tumatanaw lang ako ng utang na loob, Cindy. Kung hindi dahil sa kanila, baka hindi man lang ako nakatapos ng high school," seryosong sabi ko pa.

"Sabagay. Pero hindi ka talaga manonood ng concert? Sayang naman, hindi mo makikita sa personal ang ultimate crush mo."

Napahinga ako ng malalim. Fan na fan kasi talaga ako ni Ethan ngunit ni minsan ay hindi ako nabigyan ng pagkakataon na makita siya sa personal. Imbes kasi na ibili ko ng ticket ay itinatago ko na lamang ang pera ko upang may gagastusin ako kapag kinapos ako sa budget. At isa pa, paniguradong papagalitan ako ni Mama Mercedes kapag nalaman niya na naglalakwatsa lamang ako. Ayaw na ayaw kasi niyang ginagastos ko ang pera ko sa kung saan-saan. Kahit na pinaghirapan ko ang perang ibinibigay nila ay monitored pa rin nila ito. Kaya nga never pa rin akong nayaya ni Cindy na kumain sa labas. Palagi ko siyang tinatanggihan dahil paniguradong makakarating iyon kay Mama Mercedes. At tiyak na papagalitan niya ako, at isusumbong pa kay Papa Julio.

"Sapat na sa akin ang mga litrato at videos niya na nakikita ko sa internet," masayang sabi ko na lang.

Dahil sa sobrang pagka-idolo ko kay Ethan ay puro pictures niya ang nakapaskil sa pader ng kwarto ko. Mabuti na nga lamang na hindi ako pinipigilan nina Mama at Papa sa paghanga ko kay Ethan. Huwag na huwag lang daw akong gagastos ng malaki para lamang sa iniidolo ko. Kaya nakuntento na lamang ako sa pagbili ng mga poster ni Ethan na tigbebente sa bangketa. Kahit papaano ay mas inspirasyon ako upang ipagpatuloy ko ang buhay kong minsang naging patapon.

"Sabi ko naman sa 'yo, ililibre na kita ng ticket e. Ayaw mo naman," kunwaring naiinis na sambit pa ni Cindy.

Napangiti na lamang ako. Anak mayaman din kasi si Cindy kaya barya lang sa kaniya ang presyo ng ticket. Ngunit kahit ganoon, ni minsan ay hindi ako nagpalibre ng kahit na ano sa kaniya. Ayoko kasing isipin niya o ng iba na kinakaibigan ko lang siya dahil sa pera niya. Tipikal na issue kapag naging magkaibigan ang isang mayaman at isang katulad kong mahirap pa sa daga.

Sa isang sikat na university kami pumapasok. Pinayagan kasi ako ng mga umampon sa akin na dito mag-aral upang maging alalay o personal yaya ni Samantha. Paminsan minsan ay ako rin ang gumagawa ng mga assignment o projects niya. Pareho kasi kami ng edad ni Samantha, magkaiba lang kami ng course kaya hindi kami magkaklase. Kaya nga minsan ay hirap na hirap ako sa mga assignment or project niya. Business Administration kasi ang kurso ko habang si Samantha ay Civil Engineering.

"Pwede mo namang hulug-hulugan sa akin iyon kung ayaw mong ilibre kita," dugtong na sabi pa ni Cindy.

"Cindy, alam mo namang mahalaga ang bawat sentimo sa akin. Kaunting panahon na lang at makaka-graduate na ako. Makakaalis na ako sa puder ng mga umampon sa akin," nakangiting sabi ko.

Iyon kasi ang plano ko. Sa oras na maka-graduate ako ay aalis na ako sa pangangalaga ng mga umampon sa akin. Pinagbabayaran ko naman ang bawat perang ginagastos nila sa akin kaya maluwag sa loob ko ang iwan sila sa oras na makatapos ako. Hindi ko kasi gugustuhing habambuhay na manilbihan sa kanila lalo na kung hindi naman nila ako itinuturing na pamilya nila. Pakiramdam ko nga ay inampon lamang nila ako noon para magkaroon sila ng katulong na alam nilang hindi sila basta basta iiwan.

"Basta, Serenity, sa oras na maka-graduate ka, pumunta ka lang sa akin. Ipapasok kita sa company namin."

"Cindy, hayaan mo akong dumiskarte sa paghahanap ng trabaho. Pero huwag kang mag-alala dahil isa ang kumpanya niyo ang a-apply-an ko."

"Hay naku, ano pa't naging magkaibigan tayo kung ayaw mo namang tanggapin ang mga tulong na inaalok ko," sabi pa ni Cindy.

Marahan akong umiling. "Kaya nga mas lalo kong tinatanggihan ang mga alok mo. Ayokong gamitin ang pagkakaibigan natin para mabilis akong makaahon sa hirap. Ikaw lang, Cindy, ang nagtiyaga sa akin at hindi ko kakayanin kung masira ang pagkakaibigan natin," mahaba kong paliwanag sa kaniya.

Huminga ng malalim ang kaibigan ko. "O sige na. Naiintindihan ko. Tara na nga dahil baka pagalitan ka pa ng mama mo kapag late ka nakauwi," ang nasabi na lamang niya.

Napatawa na lamang ako habang iiling iling na tumayo. Sabay na kaming naglakad palabas ng classroom. Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Cindy nang paglabas namin ay nandoon na si Samantha. Nakapamewang pa ito at masamang nakatingin sa akin.

"Ang tagal mong lumabas ng classroom mo," iritableng sabi niya nang makalapit ako sa kaniya. Si Cindy ay bahagyang lumayo sa amin dahil ayaw niyang naririnig ang mga sinasabi sa akin ni Sam. Baka raw hindi siya makapagpigil at patulan ito.

"Hindi mo sinabi na pupunta ka dito," kalmadong sabi ko naman.

Padabog na iniabot niya sa akin ang isang papel. "Bago ka umuwi, bilhin mo ang mga nakalista dyan," utos niya sa akin.

Tiningnan ko ang mga nakalista at puro ito school supplies. "Baka abutin ito ng tatlong libo," sabi ko naman at saka inilahad ang kamay ko sa kaniya.

Tinabig naman niya ang kamay ko at muling masamang tumingin sa akin. "Babayaran kita pagdating sa bahay mamaya. Panigurado namang may pera ka dahil binibigyan ka ng mga MAGULANG ko. Siguraduhin mong bago mag-alas otso ay nasa bahay ka na dala ang mga 'yan."

Pagkasabi no'n ni Samantha ay tinalikuran na niya ako at naglakad palayo. Napailing na lamang ako at saka inilipat ang tingin kay Cindy na masama na ang timpla ng mukha. Lumapit siya sa akin.

"Ano na naman ang iniuutos ng impaktang 'yon?" tanong niya sa akin.

Ipinakita ko ang listahan ng mga kailangan kong bilhin. Napailing naman si Cindy. "Gustuhin ko mang samahan at tulungan ka kaso may family dinner kami at hindi ako pwedeng ma-late. Alam mo naman si Daddy," alanganing sabi pa niya.

Tipid naman akong napangiti. "Ano ka ba? Ayos lang sa akin iyon. Kayang kaya ko na ito."

"Sumabay ka na lang sa akin. Ibababa kita sa mall," sabi pa niya.

"Iyan ang hindi ko tatanggihan sa 'yo, Cindy."

Kapag mga pagsabay kay Cindy, hindi ko iyon tinatanggihan dahil nakakatipid ako sa pamasahe, at less hassle din sa pag-commute. May sarili kasing sasakyan si Cindy na regalo sa kaniya ng daddy niya noong 18th birthday niya.

Tamang tama rin dahil kailangang bago mag-alas otso ay makatapos ako sa pamimili. Alas sais pa lang naman kaya may halos dalawang oras pa ako para bilhin ang mga nasa listahan. Dala ko rin ang ipon ko para sa mga ganitong pagkakataon na may ipapabili sa akin si Samantha. Binabayaran naman niya sa akin ang mga pinapamili ko kaya walang problema iyon. Iyon nga lang ay kailangang may resibo muna bago niya ako bayaran. Kaya kailangan ko munang uyanan ang pagbabayad sa cashier.

Habang nasa sasakyan ni Cindy ay binasa ko ulit ang mga kailangan kong bilhin. Lihim akong napabuntong hininga dahil medyo marami-rami ang mga ito. Sana lamang ay walang pila sa bookstore para hindi ako matagalan mamaya. Panigurado kasing bubugahan ako ng apoy ng dragon sa oras na ma-late ako sa oras na sinabi niyang dapat ay nakauwi na ako.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status