Share

THE TRUTH

SERENITY’S POV

Dahil sa mga rebelasyon kagabi ay wala akong sapat na tulog. Hindi ako masyadong nakatulog dahil sa napakalaking twist sa buhay ko.

FLASHBACK

“Hija, alam kong nalilito ka sa mga kaganapan. Ngunit kasal ako at buhay pa ang asawa kong si Amanda kaya imposibleng sa akin ka ikakasal. At isa pa, mahal na mahal ko itong si Amanda at wala na akong balak na maghanap pa ng iba.”

“Ano na namang kapilyuhan ang sinabi mo at bakit iniisip ng bata na ikaw ang papakasalan niya?” singit ni Donya Amanda.

“Hindi ko kasi sinabi sa mag-asawa na sa apo natin ipapakasal ang anak nila.”

“Ibig sabihin ay sinadya niyo pong hindi sabihin kina Papa Julio na sa inyong apo dapat magpapakasal si Samantha?” gulat kong tanong.

Ngingiti-ngiting tumango si Don Armando. “Hindi naman kasi sila nagtanong, at isa pa, sila na mismo ang nag-isip na sa akin magpapakasal ang anak nila.”

May punto naman si Don Armando doon dahil kaya ko lang din naman inakala na sa kaniya ako ikakasal ay dahil iyon ang sabi nina Papa Julio. At hindi ko tuloy alam kung dapat na naman akong kabahan dahil ibang lalaki pala ang magiging asawa ko. Hindi naman sa naghahangad ako na si Don Armando ang maging asawa ko ngunit ewan, hindi ko maipaliwanag kung ano bang dapat kong maramdaman ngayon.

“O sige na, Hija. Magpahinga ka na muna at saka na kita ipapakilala sa apo ko kapag pinirmahan na rin niya ang Marriage Contract niyo.”

END OF FLASHBACK

Hanggang ngayon ay hindi nawawala ang malakas na kabog ng dibdib ko. Hindi yata ito mawawala hanggang sa hindi ko nakikilala ang apo nina Don Armando. Wala naman akong nakitang mga litrato sa salas nila kundi mga pictures nilang mag-asawa kaya wala akong ideya kung anong itsura ng “asawa” ko.

Pinagmasdan ko na lamang ang kwarto ko. Di hamak na mas malaki ang kwartong ito kaysa sa naging kwarto ko sa mansion ng mga Silva. Wala rin ako sa maid’s quarter at ang kwartong ito ay sa second floor ng bahay nakalagay. Sa left side ito ng mansion habang ang kwarto nina Don Armando ay sa kanan naman. Malayo ito dito sa kwarto ko.

Naputol ang pag-iisip ko nang makarinig ako ng katok mula sa labas ng kwarto ko. Mabilis akong bumangon at binuksan ang pinto.

“Ma’am Serenity, pinapababa na po kayo ni Don Armando dahil handa na po ang almusal,” magalang na sabi sa akin ng kasambahay nila.

Tumango naman ako. Nakaligo naman na kasi ako kanina at nakamaayos na damit. Kung may ipapagawa man sa akin ang don at donya ay handa na ako. Pagbaba ko sa may dining area nila ay nandoon na nga ang mag-asawa.

“Good morning, Serenity,” nakangiting bati sa akin ni Donya Amanda.

“Good morning po. M-may ipag-uutos po kayo?” alanganing tanong ko pa.

“Hija, maupo ka dahil mag-aalmusal na tayo. May pasok ka pa, hindi ba? Baka ma-late ka,” sabi naman ni Don Armando.

Kumunot naman ang noo ko. “Sasabay po ako sa inyo sa almusal at papasok pa rin po ako sa school?” nagtatakang tanong ko pa.

“Oo naman, Hija. Magiging asawa ka na ng apo namin kaya magiging apo ka na rin namin. Makikipagpakita kami mamaya sa apo namin upang papirmahan sa kaniya ang Marriage Contract. At kapag maayos na ang lahat at kapag naka-graduate ka na, saka natin aayusin ang pinaka kasal niyo sa simbahan,” sagot naman sa akin ni Donya Amanda.

Kahit na litong lito pa ako sa mga panibagong rebelasyon ay naupo na ako upang sumabay sa kanila na mag-almusal. “Pwede po bang magtanong?”

“Go on.”

“Ano po bang purpose ko sa inyo? I mean, paano po kung hindi pumayag ang apo niyo na ikasal sa akin? Sa totoo lang po kasi ay litong lito pa rin ako,” nahihiyang sabi ko.

“Masyado kasing focus ang apo namin sa kinahihiligan niya ngayon kaya wala na siyang panahon para maghanap pa ng mapapangasawa. Kaya kami na ang gumawa no’n sa kaniya. Tumatanda na kami, Hija, at ayaw naming lisanin ang mundong ito na hindi namin nasisiguro na may makakasama sa buhay niya ang apo namin. Ulilang lubos na siya kaya nais namin ay magkaroon siya ng pamilyang alam naming aalagaan siya sa oras na mawala na kami,” pagkukwento ni Donya Amanda.

“Kaya ang hiling namin ay sana pagka-graduate mo ay mabigyan niyo na kami ng apo,” dugtong na sabi pa ni Don Armando.

Muntik ko nang maibuga ang tubig na iniinom ko. Agad namang napatingin sa akin ang mag-asawa na may halong pag-aalala sa mukha nila.

"Hija, ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Donta Amanda.

"Opo, ano po kasi, busog na po ako at papasok na rin po ako sa school," alanganing sabi ko.

"Oo sige, Hija. Teka pala. Manang, pakidala naman ng wallet ko."

Pumasok sa may dining area ang isang katulong bitbit ang isang kulay pulang wallet. Iniabot niya ito kay Donya Amanda. Nagbuklat ang donya at kumuha ng ilang pirasong perang papel.

"Heto ang allowance mo, Hija," nakangiting sabi pa niya habang iniaabot ang mga lilibuhin.

"Teka po, seryoso po ba 'yan? I mean, may pera pa naman po akong naitabi," alanganing sabi ko.

"Hija, para sa 'yo 'yan. Sige na, tanggapin mo na," nakangiting sabi naman ni Don Armando.

Wala na akong nagawa kundi ang tanggapin iyon. "Salamat po. Pangako po, maglilinis po ako ng bahay mamaya pagkauwi ko."

"Itong batang ito talaga. Hindi mo na kailangang gawin iyon dahil may mga kasambahay tayo na gumagawa no'n. Mag-focus ka lang sa pag-aaral, Hija," malumanay na sabi ni Donya Amanda.

"Salamat po. Hindi ko po alam kung anong nagawa kong mabuti para pakitaan niyo ako ng kabutihan pero maraming salamat po," naiiyak kong sambit.

"Sige na, Hija. Baka mahuli ka pa sa klase mo."

Tumango ako at mabilis na bumalik sa kwarto ko upang magpalit ng damit. Limang libo ang ibinigay sa akin ng donya na agad ko namang itinago sa wallet ko. May panggastos pa naman ako kaya itatabi ko na muna ang ibinigay nila sa akin.

Nang masiguro kong maayos na ang itsura ko ay bumaba na ako. Sakto namang tapos na silang mag-almusal at may kausap silang isang lalaki na naka-blue na polo shirt.

"Nandyan ka na pala, Hija. Ito nga pala si Mang David, ang magiging personal driver mo," sabi sa akin ng donya.

"Personal driver?" hindi makapaniwalang tanong ko.

"Oo, Hija. Medyo malayo kasi dito ang eskwelahan na pinapasukan mo kaya mas mainam na may tagahatid at tagasundo ka."

"Sige po, salamat po."

Hindi na ako tumutol pa kahit medyo nakakailang na may sasakyan at driver pa ako. Nagpaalam na ako sa mag-asawa at pumasok na.

Pagdating ko sa school ay sa may gate na lamang ako nagpapababa. Sakto namang nandoon sa labas si Cindy na waring may hinihintay. Nang makita niya ako ay sinamaan niya ako ng tingin.

"Anong nangyari sa 'yo, bruha ka? Wala ka man lang paramdam. Hindi kita ma-contact simula pa kahapon," iritableng sabi niya.

"Mahabang kwento, Cindy. Mamaya na natin pag-usapan dahil baka ma-late na tayo," sabi ko naman.

"Marami ka talagang ipapaliwanag sa akin. Alam mo bang pinagkakalat ng magaling mong hilaw na kapatid na ikakasal ka sa isang DOM o Dirty Old Man. Kaya ikaw tuloy ang laman ng mga usapan sa school."

What the h*ck?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status