Share

ENCOUNTER WITH THE IDOL

SERENITY'S POV

Katulad ng sinabi ni Cindy ay idinaan niya ako sa mall upang hindi na ako mahirapan mag-commute. Pagkababa ko ay mabilis akong pumasok sa mall. May kalakihan ang mall at sa kasamaang palad ay sa bandang likod pa ang bookstore. Kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at mabilis na naglakad.

Walang masyadong tao ngayon sa mall dahil siguro weekdays. Ngunit may mangilan ngilan akong nakikitang estudyante na nag-aaral din sa Black Ton University. Dahil nga sa mayayaman ang halos pumapasok doon, karamihan sa kanila ay ginagawang stress reliever ang mall.

Halos limang minuto rin yata ang ginugol ko sa paglalakad bago makarating sa bookstore. Kinuha ko agad ang listahan at isa-isang inilagay sa basket ang mga nakalista doon. Lahat naman ng nakalista doon ay available kaya mabilis ko lang itong nakumpleto. Hindi nga ako nagkamali na umabot ng tatlong libo ang nasa listahan. Nang makapagbayad ako ay tiningnan ko ang orasan. Alas syete pa lang kaya may isang oras pa ako.

Habang palabas ako ng bookstore ay biglang kumalam ang sikmura ko. Napatingin ako sa mga fast food chain na naghilera sa dinadaanan ko. Mas lalo akong nakakaramdam ng gutom kapag nakikita ko ang mga picture ng pagkain sa bawat restaurant na makita ko.

Ni minsan kasi ay hindi ako nakakain sa mga ganito. Kapag kasi kumakain sa labas sina Papa, hindi nila ako isinasama dahil marami raw akong trabaho sa bahay. Ni hindi rin nila ako pinapasalubungan. Nakatikim lang ako ng iba't ibang pagkain kapag dinadalhan ako ni Cindy. Ngunit kalaunan ay pinigilan ko na siya dahil ayokong isipin niya na umaabuso ako.

Ang totoo ay kaya ko namang kumain kahit sa fast food chain lang ngunit pinipigilan ko ang sarili ko. Mas pinipili kong itabi ang mga binibigay sa akin ng mga umampon sa akin. Gagamitin ko kasi iyon sa paghahanap ko ng trabaho pagka-graduate ko.

Kaya nakuntento na lamang ako na tumingin sa mga kumakain sa loob. Ipinapangako ko sa sarili ko na makakakain din ako sa mga ganyang lugar, sa oras na makahanap na ako ng magandang trabaho at kaya ko nang suportahan ang sarili ko.

Dahil sa pagtingin tingin ko sa mga nadadaanan ko ay hindi ko na namalayan na may kasalubong pala ako. Mukhang nagmamadali rin ang taong iyon dahil nang magbanggaan kami ay pareho kaming napaupo sa lakas ng impact.

"Sh*t!" narinig ko pang sabi ng nakabungguan ko.

Napatingin naman ako sa kaniya. Nakasimpleng t-shirt at pants siya. Nakasuot siya ng mask at ng sumbrero kaya hindi ko makita ang kabuuan ng mukha niya. Ngunit nang tumingin siya sa akin at makita ko ang mga mata niya ay nanigas ako sa pagkakaupo ko.

Mabilis na tumayo ang lalaki at nagpapagpag pa ng pantalon niya. Dinampot din niya ang mga bitbit ko kanina na nasa sahig na rin habang ako ay nakasunod lang ang tingin sa bawat kilos niya.

Nang makita niya akong hindi pa rin tumatayo ay napamura ulit siya. Hinawakan niya ang braso ko para itayo ako. Nang magdait ang mga balat namin ay tila may kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko. Naging sunud-sunuran ako sa kaniya kaya napatayo ako. Iniabot niya sa akin ang mga dala ko at akmang aalis na nang magawa kong makapagsalita.

"E-ethan," nauutal at mahina kong sabi pero sapat na para marinig niya.

"D*mn!"

Mabilis siyang humarap sa akin. Muli niyang hinawakan ang braso ko at hinila palayo sa pwesto namin. Bahagya na rin kasi kaming nakakakuha ng atensyon dahil nga sa pareho kaming napaupo sa sahig kanina.

"Huwag na huwag mong tatangkain na sumigaw," nagbabantang sabi niya sa akin habang naglalakad kami.

Hindi nga ako nagkamali. Dahil sa ilang salita niyang binanggit ay nasisiguro kong siya na nga si Ethan, ang hinahangaan kong singer. Dahil sa sobrang pagkaidolo ko sa kaniya, mata pa lang niya ay kilala ko na agad siya. Ang mata kasi niya ang pinakagusto ko kaya kilalang kilala ko iyon.

Habang hila hila pa rin niya ako ay napapikit ako dahil nalalanghap ko ang pabango niya. Napakabango niya, nakakadagdag iyon sa kagwapuhan niya na natatakluban ng face mask at sumbrero.

Para akong nananaginip sa mga oras na ito. Hindi ko na nga alam kung totoo pa ba ito o nag-iimagine lamang ako. Hindi pa lubusang ma-process ng utak ko ang mga nangyayari hanggang sa makalabas kami sa may parking lot ng mall.

"Sh*t! Gusto ko lang namang mag-unwind!" narinig ko pang sabi ni Ethan habang kinakapa ang susi ng sasakyan niya sa kaniyang bulsa.

"Saan ka ba nakatira? Ihahatid na kita pero dapat walang makaalam na nakita mo ako dito," sabi niya sa akin nang mahanap niya ang susi niya.

Mabilis kong ipinilig ang ulo ko upang matauhan. Sinampal ko pa ng malakas ang pisngi ko upang masiguro na hindi nga ako nanaginip. Muli kong sinulyapan si Ethan.

OMG! Si Ethan nga talaga ang kasama ko ngayon! Hindi ako nananaginip. Siya nga talaga!

Sisigaw na sana ako ngunit mabilis niyang tinakpan ang bibig ko. Napasandal ako sa kotse niya habang siya ay napakalapit na ng mukha sa mukha ko. Natitigan ko ng malapitan ang mga mata niya.

"Sabi ko, huwag kang sisigaw!" baritonong sabi pa niya.

Ngunit kahit na may inis sa boses niya ay napapangiti ako. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko at hinihiling ko na tumigil sandali ang oras. Gusto ko lang namnamin ang oras na nasa harapan ko ang ultimate crush ko.

Binitawan ako ni Ethan. "So, taga-saan ka nga? At magkano ba ang kailangan mo para sa katahimikan mo?" sabi pa niya.

Napakunot ang noo ko. Hindi ko magawang makapagsalita dahil nauumid ang dila ko. Mas nangingibabaw pa rin ang tuwang nararamdaman ko.

"Hey, hindi ka ba marunong magsalita?"

"A-ano, kasi,"

Napakagat ako sa labi ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko dahil ang totoo ay hindi ko naintindihan ang tanong niya sa akin kanina.

"Get in," imbes ay utos na lang niya sa akin.

Sumakay sa sasakyan niya si Ethan habang ako ay naiwang nakatayo pa rin. Ni paggalaw ng mga binti ko ay tila nakalimutan ko na yata.

"Miss, hindi ko hawak ang buong oras ko kaya pwede bang maki-cooperate ka na lang?" sabi pa ni Ethan.

Tila natauhan naman ako at saka mabilis na sumakay sa sasakyan niya. Kabilin-bilinan sa akin ni Cindy na huwag akong sasama sa mga taong hindi ko naman kilala. Exempted naman siguro doon si Ethan dahil kilala ko naman siya?

"So, saan ka nga nakatira?" pag-uulit niyang tanong sa akin.

Mabilis akong napailing. "Sabi mo, gusto mong mag-unwind? May alam ako," sa wakas ay nakapagsalita ako.

"At bakit naman ako sasama sa 'yo?"

"Dahil gusto mong masiguro ang katahimikan ko?" patanong na sagot ko naman.

Hindi ko alam kung saan pa ako kumukuha ng lakas ng loob para magsalita ng ganito kay Ethan. Pero dahil alam kong hindi na mauulit ang napakaswerteng pagkikita namin, susulitin ko na.

"Saan?" tipid na tanong naman ni Ethan.

Itinuro ko sa kaniya ang lugar kung saan madalas akong magpunta kapag napapagalitan ako nina Mama at Papa. Medyo malapit lang ito sa bahay ngunit wala pa akong nakikitang nagpupunta doon, ako pa lang. Kaya sigurado ako na safe siya doon kahit magtanggal pa siya ng mask at sumbrero.

Ang lugar na sinasabi ko ay isang burol kung saan tanaw na tanaw ang city lights kapag gabi. Hindi rin gaanong madamo dito kaya maganda ring tumambay doon.

Makalipas ang halos bente minutos ay nakarating na kami sa sanctuary ko. Noong una ay alanganin pa si Ethan ngunit nang tumakbo ako paakyat sa burol ay wala na siyang nagawa kundi ang sumunod sa akin.

"Wow," ang tanging nasambit ni Ethan nang makita niya mula sa taas ng burol ang city lights.

"Pwede mong tanggalin ang mask at sumbrero mo. Walang makakakita sa 'yo dito," nakangiting sambit ko sa kaniya.

Sinunod naman niya ang sinabi ko. Habang inaalis niya ang taklob sa mukha niya ay parang nag-slow mo ang lahat. Napatitig ako sa kaniya lalo na nang makita ko ng buong buo ang mukha niya. Totoo nga pala talagang napakagwapo ni Ethan. At napakaswerte ko na napapagmasdan ko siya ng ganito kalapit. Para akong lumilipad sa alapaap dahil sa sobrang saya ko.

"Gusto mo pa ba ng autograph ko?" seryosong tanong niya sa akin habang nakatingin pa rin siya sa kabuuan ng syudad.

Napaiwas naman ako bigla ng tingin sa kaniya. "Yes, at picture na rin sana," deretsong sagot ko pa.

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa na tila naging musika sa pandinig ko. Pati pagtawa niya ay napakagwapo!

"Paano mo ako nakilala kanina? Sa tagal kong nag-iikot sa mall kanina, ikaw lang ang nakakilala sa akin," iiling iling na tanong niya sa akin.

Napangiti naman ako. Kung alam lang niya, saulado ko na ang bawat feature ng mukha niya dahil sa mga picture niyang ginawa ko na'ng wallpaper sa kwarto ko.

"Pero katulad ng sinabi ko, hindi pwedeng lumabas sa publiko na nakita mo ako. Ayokong magkaroon ng issue lalo na't malapit na ang concert ko," seryosong sabi pa niya.

"Don't worry, walang makakaalam. Ayoko ring ma-involved sa 'yo, 'no. Kuntento na ako sa tahimik kong buhay," seryosong sabi ko naman.

Muling napatawa si Ethan kaya napalingon ako sa kaniya. "Sana lahat ng babaeng nakikilala ko ay katulad mo. Takot sa exposure."

Hindi ako nakapagsalita dahil naubusan ako ng sasabihin. Nakakatameme pa rin kasi ang kagwapuhan ni Ethan. Idagdag pa ang bango niya na nalalanghap ko kapag umiihip ang malamig na hangin. Hindi na rin naman siya nagsalita pa at dinama namin pareho ang katahimikan ng gabi.

Hanggang sa binulabog ako ng malakas na tunog ng cellphone ko. Isang malaking istorbo naman ang tumatawag sa akin ng ganitong oras. Kinuha ko ang phone ko at literal na nanlaki ang mata ko nang makitang si Samantha ang tumatawag sa akin.

Sh*t! Alas otso na pala ng gabi at wala pa ako sa bahay.

"Why?" tanong sa akin ni Ethan nang mapansin niya ang pagkataranta ko.

"Kailangan ko nang umuwi," mabilis na sagot ko sa kaniya.

"What? Ihahatid na kita," pagprisinta naman niya.

"Hindi na. Malapit naman na ang bahay ko dito. Pwede kang mag-stay pa dito ng matagal. Pero hindi na kita masasamahan dahil kailangan ko na talagang umuwi," sabi ko habang bumababa sa burol. "Teka, ang gamit ko pala," sigaw ko sa kaniya na naiwan sa taas.

Napatawa naman siya bago bumaba ng burol. Binuksan niya ang sasakyan niya para makuha ang gamit ko at ang mga pinamili ko. Nang maiabot niya sa akin ito ay hindi ko na napigilan ang sarili kong yakapin siya.

"Napakasaya ko na nakita kita, Ethan. Hindi mo lang alam kung gaano kita iniidolo. Alam kong hindi na ulit kita makikita pa kaya hayaan mong yakapin pa kita," seryosong sabi ko saka ko mas lalong hinigpitan ang yakap sa kaniya. Hindi naman siya nagreklamo na ikinangiti ko. Tumagal kami ng halos dalawang minuto yata na magkayakap.

Ngunit nang maalala ko na naman si Samantha ay bumitaw na ako sa pagkakayakap.

"Salamat ulit. Ingat ka pag-uwi. Bye, Ethan!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status