Share

BLACK LIMOUSINE

SERENITY'S POV

"Seryoso na talaga 'yan ha? Dalawang ticket ang binili ko," tuwang tuwa na sabi sa akin ni Cindy nang sabihin ko sa kaniya na sasamahan ko na siyang manood ng concert ni Ethan.

"Oo nga, nakabili ka na kaya wala na talagang atrasan. Basta ibibigay ko sa 'yo bukas ang kalahati ng price, tapos after ng concert na 'yong kabuuan ng bayad," nakangiting sagot ko naman.

Matapos ang ilang araw na malalim na pag-iisip ay napagdesisyunan ko nang manood ng concert ni Ethan. Ilang araw ko ring kinumbinsi ang sarili ko na deserved kong gumastos para sa ticket. Malaki kasi ang naging epekto sa akin ng hindi sinasadyang pagkikita namin ng idolo ko. Pero dahil hindi ko kayang maglabas ng ganoon kalaking pera ay kinapalan ko na ang mukha ko para manghiram sa kaibigan kong si Cindy.

"Ano ka ba? Masyado akong natuwa sa 'yo dahil sa wakas ay nag-decide kang magliwaliw kaya hindi mo na ako kailangang bayaran," nakangiting sabi naman ni Cindy.

Mabilis naman akong umiling. "Iyan ang hindi ko naman papayagan, Cindy. Kilala mo ako," seryosong sabi ko naman.

Ikinawit niya ang kamay niya sa braso ko at bahagya pang idinikit ang ulo niya sa may balikat ko. "Ikaw naman, nagbibiro lang ako. Baka magbago pa ang isip mo kapag tinotoo ko ang sinabi ko," naglalambing na sabi pa niya.

"Talagang magbabago ang isip ko kapag hindi mo ako pinagbayad," kunwaring naiinis na sabi ko pa.

"Kaya nga nagbibiro lang ako. Basta, sunduin kita sa inyo sa isang araw ha," sabi pa niya.

"Hindi na. Magkita na lamang tayo sa venue," pagtanggi ko naman.

"Hay naku, ano ka ba? Hindi advisable ang mag-commute papunta sa venue dahil paniguradong mahihirapan kang makahanap ng masasakyan. O sige, ganito na lang, magkita tayo sa labas ng subdivision niyo, tapos sabay ka na sa akin papunta sa venue, okay?"

Marahan akong tumango. May punto naman si Cindy dahil paniguradong maraming tao ang pupunta sa concert at mahihirapan akong mag-commute. Baka sa halip na makarating ako ng maaga sa venue ay ma-late pa ako.

"Okay sige. Okay na sa akin iyon."

"E teka, nagpaalam ka na ba sa mga magulang mo?" pag-iiba niya ng usapan.

Alanganin akong ngumiti. "Hindi nila pwedeng malaman na concert ang pupuntahan ko. Ang balak ko sanang idahilan ay sa inyo ako makikitulog dahil gagawa tayo ng project, iyon ay kung ayos lang sa 'yo," sabi ko pa.

"Walang problema sa akin iyon. Don't worry, kapag hindi ka pa rin pinayagan sa alibi mo, ipagpapaalam kita," nakangiting sabi naman niya.

"Salamat talaga, Cindy. Ang bait-bait mo talaga sa akin," sabi ko naman.

"Pero ano nga bang nakapagpabago sa isip mo?" 

Napaiwas ako ng tingin kay Cindy dahil hindi ko pa nasasabi sa kaniya na nagkausap kami ni Ethan. Wala naman na akong balak na ikwento sa kaniya iyon dahil baka hindi rin naman niya ako paniwalaan. At isa pa, nangako ako kay Ethan na wala akong pagsasabihan at tutuparin ko iyon.

"Alam mo naman kung gaano ko ka-idolo si Ethan kaya naisip ko, minsan lang mangyari sa buhay ko ito," pagsisinungaling ko.

Napatango naman si Cindy na mukhang nakumbinsi sa isinagot ko. "Alam mo bang proud na proud ako sa 'yo dahil sa wakas, nagawa mo ring piliin ang sarili mo this time."

Napatawa naman ako. "Ang OA no'n, Cindy."

"Serenity, napakayaman niyo pala talaga, ano?" 

Sabay kaming napalingon kay Joseph na kaklase namin. Kumunot ang noo ko dahil napaka-random ng sinabi niya. Alam naman sa school na mayaman ang mga SIlva ngunit nakakapagtaka lang na bigla iyong binanggit ni Joseph na hindi ko naman ka-close.

"Ano na naman bang nasagap mong chismis?" naiinis na tanong naman ni Cindy kay Joseph.

"Hindi niyo pa ba alam? Usap usapan sa buong campus na sinundo si Samantha ng isang black na limo. Pero bakit hindi ka kasama sa sinundo, Serenity?"

"Hay naku, Joseph, umalis ka nga sa harapan namin dahil naiinis ako sa 'yo," sabi naman ni Cindy.

Mabuti na lamang na sinunod siya ni Joseph at nilubayan niya kami. Naramdaman ko naman ang kamay ni Cindy sa balikat ko at bahagya pa akong tinapik.

"Hayaan mo na iyon. May mga tao talaga na insensitive," pagpapalubag loob pa niyang sabi sa akin.

Alam ko naman kasi ang ibig sabihin ni Joseph sa sinabi niya kanina. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na ampon lang ako ng mga Silva kaya ganoon na lamang ako itrato ni Sam sa school. At sa tuwing gusto akong asarin ng mga kapwa namin estudyante ay laging si Cindy ang tagapagtanggol ko. Ngunit hindi naman iyon ang concern ko ngayon.

"Cindy, wala kaming limo," ang nasabi ko na lamang sa kaibigan ko.

Napatigil naman sa pagtapik niya sa balikat ko. "So? Baka naman bagong bili iyon ng papa mo?"

Mabilis akong umiling. "Kilala ko si Papa Julio, hindi siya bibili ng ganoong klase ng sasakyan."

"Kung ganoon, sino ang sumundo sa peke mong kapatid?" nagtatakang tanong pa ni Cindy.

Bigla na lamang akong kinabahan dahil hindi maganda ang naiisip ko. Ayokong mag-isip ng masama ngunit hindi ko maiwasan ang hindi mag-alala. Kahit naman kasi masama ang pakikitungo sa akin ni Sam ay kahit papaano ay nag-aalala pa rin ako sa kaniya. At isa pa, kapag may nangyaring masama sa kaniya ay paniguradong ako ang sisisihin nina Mama Mercedes at Papa Julio.

"Teka, uuwi muna ako, Cindy. Kailangan kong masiguro na ayos lang si Samantha."

Akmang lalakad na sana ako ngunit agad na hinawakan ni Cindy ang braso ko. "Sandali, may klase pa tayo at malapit na 'yon magsimula," nag-aalalang sambit pa niya.

Napahinga ako ng malalim. "Mas mahalaga na masiguro kong okay lang si Samantha. Ikaw na muna sana ang bahalang magsabi sa prof natin," nakikiusap na sabi ko.

"Okay sige. Mag-iingat ka, Serenity."

Tumango ako at tumakbo na palabas ng campus. Mabuti na lamang na may dumaan agad na tricycle sa may labas ng campus kaya agad ko iyong pinara. Kahit medyo mahal ang pamasahe ay nagpaderetso na ako sa bahay. Hindi talaga maganda ang kutob ko pero sana ay nagkakamali lamang ako.

Pagdating ko sa bahay ay tanging si Aling Myrna lang ang naabutan ko. Nang makita niya ako ay agad siyang lumapit sa akin.

"Ang aga mo yatang nakauwi, Hija."

"Nakauwi na po ba si Samantha?" imbes ay tanong ko.

"Hindi pa. Pero narinig ko sa mga magulang mo na may pupuntahan silang tatlo."

Bahagya akong nakahinga ng maluwag dahil sa narinig. Ngunit gayunpaman, hindi pa rin maalis sa isipan ko na isang limo ang sumundo kay Samantha.

"Manang, bumili po ba ng limo si Papa Julio?" hindi ko napigilang itanong.

"Naku, Hija, iyan ang hindi ko alam. Pero may dumating na limo dito kanina. Doon sumakay ang mga magulang mo, at susunduin din daw nila si Samantha sa school. Teka nga, may problema ba?"

Napahinga ako ng maluwag. Kung ganoon ay ang mag-asawa ang sumundo kay Samantha. Magiging panatag na ako na wala sa kapahamakan si Sam.

"Wala naman po, Manang. Nag-alala lang po ako dahil usapan sa campus na sinundo si Sam. E sa pagkakaalam ko po, walang limo sina Papa Julio," nakangiting sabi ko naman.

"Naku, ikaw talagang bata ka. Masyado kang nag-iisip sa pamilyang kumupkop sa 'yo kahit na hindi naman maayos ang pakikitungo nila sa 'yo."

Hindi kasi lingid sa kaalaman ni Aling Myrna na hindi maayos ang pakikitungo sa akin ng pamilya Silva. Saksi rin kasi siya sa kung paano ako utus-utusan ng mga ito.

"Sige po, Manang. Sa kwarto po muna ako."

At dahil hindi na rin naman ako makakahabol sa klase ko ay nagpasya na lamang akong pumunta sa kwarto ko. Pabagsak akong umupo sa kama ko at saka kinuha sa ilalim ng unan ko ang kapirasong papel na nagsisilbing inspirasyon ko. Muli ko itong inamoy dahil nananatili pa rin ang amoy ng pabango ni Ethan dito.

"Nag-alala lang pala ako sa wala, Ethan. Pero at least, alam kong safe si Samantha. Hindi ako mapapagalitan. Ano na kayang ginagawa mo ngayon, Ethan? Alam mo bang pupunta ako sa concert mo? Makikita na ulit kita."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status