Share

THE TRUTH BEHIND LIMO

SERENITY'S POV

Alas siyete ng gabi ay naglilinis ako sa kusina dahil maagang umuwi si Aling Myrna. Ako na ang nagprisintang magtapos ng trabaho niya na ikinatuwa naman niya. Birthday daw kasi ng anak niya kaya gusto niyang makauwi ng maaga.

Habang naglilinis ay narinig ko ang pagbukas ng main door ng bahay kaya alam kong sina Samantha na iyon. Gayunpaman ay hindi ako lumabas ng kusina para salubungin sila. Sabi naman ni Aling Myrna ay sa labas na maghahapunan ang pamilya Silva kaya paniguradong deretso na sila sa mga kwarto nila.

"Daddy, ayokong magpakasal do'n," narinig ko pang sabi ni Sam.

Natigil ako sa ginagawa ko. Usually ay hindi naman ako nakikinig sa usapan nila ngunit bigla akong na-curious dahil sa word na kasal. At isa pa, mababakas ang inis sa boses ni Sam.

"Anak, iyon lang ang paraan para mabayaran ko ang malaking utang ko sa kaniya," sambit naman ni Papa Julio na halata sa boses nito ang pagka-stress.

"Pero, Daddy, ayokong magkaroon ng asawang lumpo at matanda pa sa 'yo," sabi pa ni Sam.

"Tama ang anak mo, Julio. Masyadong maganda ang anak natin para sa huklubang matanda na iyon," sabi naman ni Mama Mercedes.

Bahagyang kumunot ang noo ko. Hindi ko man lubos na alam ang buong kwento ngunit tila gustong ipakasal ni Papa si Sam sa isang lalaki bilang pambayad utang.

"Hindi niyo ba alam kung gaano kayaman ang matandang iyon? Pagkakataon na rin natin ito upang mas lalo pang umangat. Kapag naging asawa na niya si Samantha, magkakaroon tayo ng kaparte sa yaman ng matandang iyon," paliwanag naman ni Papa Julio na ikinailing ko na lamang. Pera pa rin ang pinakamahalaga sa pamilyang ito.

"Pero, Daddy, ayoko! Iniisip ko pa lang na makakatabi ko 'yon sa pagtulog, O my god! It's a big no!" maarteng sabi ni Sam.

"Maraming mayayaman na kasing edad lang si Samantha. Dapat sa mga ganoon siya ikasal, at hindi sa matandang iyon," sabi pa ni Mama Mercedes.

"Anong gagawin ko? Kapag binayaran ko ng buo ang utang ko, maba-bankrupt tayo."

"Bakit hindi si Serenity na lang ang ipakasal niyo?"

Halos manlamig at manigas ako sa sinabing iyon ni Samantha. Ni minsan ay hindi ko naisip na maikasal dahil iba ang mga plano ko sa buhay ko. At hindi dapat ako nadadamay sa problemang ito.

"Exactly. Ang anak-anakan mo na lang ang ipakasal mo doon. Mukhang wala rin namang tayong mapapala sa matandang iyon. Hindi niya ipapamana kay Samantha ang mga yaman niya kahit magpakasal sila. Ang gusto lang ng matandang iyon ay par*usan. At hindi ako papayag na si Sam ang ibigay mo," pagsang-ayon naman ni Mama Mercedes.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko kaya lumabas na ako ng kusina. Tila nagulat naman sila nang makita nila ako. Lumuhod ako sa harapan nila habang umiiyak.

"Nagmamakaawa po ako, Papa Julio. Huwag niyo po akong ipakasal sa kung sino man po iyon," mahinang sabi ko.

Masisira ang lahat ng plano ko sa oras na maikasal ako. Hindi ko matatapos ang pag-aaral ko. Hindi ako makakahanap ng matinong trabaho at higit sa lahat, hindi ko magagawang makatakas sa malupit na mundo ng mga mayayaman.

"How dare you, Serenity? Mas lalo naman akong hindi papayag kung ang tunay kong anak ang ikasal," galit na sabi sa akin ni Mama Mercedes.

"Daddy," naiiyak na tawag naman ni Sam kay Papa Julio.

"Fine. Ikaw, Serenity, ang ipapakasal ko kay Don Armando. Huwag ka nang pumasok bukas dahil ipapakilala kita sa kaniya bukas na bukas din," maawtoridad na sabi ni Papa Julio.

"Pero.."

"Huwag ka nang tumutol pa. Kung gusto mong lubusang makabayad sa pagpapalaki namin sa 'yo, sumunod ka na lang sa gusto ko," pagputol pa niya sa sasabihin ko.

Umalis ang pamilya Silva sa harapan ko. Mas lalo akong napaiyak dahil doon. Silva nga ako ngunit isa lamang akong pambayad utang. At hindi ko alam kung magagawa ko pang pigilan iyon.

Mabilis akong pumunta sa kwarto ko. Kung tutuusin ay pwedeng pwede ko na silang layasan dahil may ipon naman na ako. Ngunit kapag ginawa ko iyon ay hindi ko na maitutuloy pa ang pag-aaral ko. Ipinangako ko pa naman sa sarili ko na makakatapos ako ng college kahit na ano pang mangyari.

Pero hindi ko na talaga makakayanan kung maikasal ako sa hindi ko kilalang lalaki. Kaya kahit ayokong gawin ito ay napagdesisyunan ko nang layasan ang pamilyang kumupkop sa akin. Mabilis akong nag-empake ng gamit ko. Hindi ko pa alam kung saan ako pupunta ngunit ang mahalaga ay makalayo muna ako. Hindi ako papayag na masira ang buhay ko dahil lamang sa obligasyong hindi kayang bayaran ni Papa Julio.

Alas dyes ng gabi ay naayos ko na ang lahat ng gamit ko. Paniguradong tulog na rin sina Papa Julio dahil tahimik na ang buong bahay. Dahan dahan kong binuksan ang seradura ng pinto ng kwarto ko.

"Sinasabi ko na nga ba e."

Natigilan ako nang makita ang tatlo na nakatayo sa harap ng kwarto ko. Masama ang tingin sa akin nina Papa at Mama habang si Samantha ay nakangisi sa akin na tila sinasabi niyang wala na akong kawala pa.

"At saan ka pupunta?" galit na tanong sa akin ni Mama Mercedes.

"Wala ka talagang utang na loob. Tatakasan mo pa ang mga magulang ko?" saad naman ni Samantha.

Napaiyak na lamang ako habang mahigpit na hawak ang strap ng bag ko. "Pasensya na po. Pero hindi ko po talaga kayang magpakasal," mahinang usal ko.

Malakas akong tinulak ni Papa Julio pabalik sa loob ng kwarto. Si Samantha naman ay lumapit sa akin at kinuha ang cellphone sa bulsa ng pantalon ko.

"Wala ka nang magagawa, Hija. Susundin mo ang gusto ko," walang emosyong sabi ni Papa Julio bago pabagsak na isinara ang pinto ng kwarto.

Agad naman akong lumapit doon para buksan ito ngunit naka-lock na ito sa labas. Malakas kong kinatok ang pintuan.

"Papa, pakawalan niyo po ako dito. Nagmamakaawa po ako," umiiyak kong sambit.

"Hindi mangyayari ito kung sumusunod ka na lamang. Maghanda ka bukas dahil ipapakilala kita kay Don Armando."

Iyon lang ang sinabi niya bago ako makarinig ng mga yabag na papalayo sa kwarto ko. Napaupo na lamang ako at hindi na nag-aksaya pang kalampagin ang pinto. Dahil alam kong kahit anong gawin ko ay hindi ko sila matatakasan.

Napatitig na lamang ako sa mga litratong nakapaskil sa dingding ng kwarto habang tahimik na umiiyak.

"Mukhang hindi tayo magkikita sa concert mo, Ethan."

Kinuha ko ang note na iniwan sa akin ng idolo ko noong aksidenteng magkita kami. Mapait akong napangiti habang paulit ulit na binabasa ang message niya. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko.

"Kung kaya ko lang sanang baguhin ang buhay ko sa isang pitik lang ng daliri ko, kung kaya ko lang sana."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status