Share

Chapter 2

Alexa's POV

Hindi ko malaman kung ano ang magiging reaksiyon ko nang marinig ko ang sinabi ng lalaking estranghero. Mapangahas ang mga kamay na hinaplos nito ang aking mga pisngi at bahagya pa itong nakangiti na tila ba ito nananaginip. Biglang nanigas ang katawan ko nang dahan-dahang hinila ng lalaki ang mukha ko palapit sa mukha nito. Alam ko kung ano ang binabalak nitong gawin ngunit hindi ako gumawa ng paraan para pigilan ito. Kusa ko pang ipinikit ang aking mga mata at hinintay na tuluyang maglapat ang aming mga labi. Ngunit bago pa tuluyang maglapat ang mga labi namin ay naramdaman ko ang pagkalaglag ng mga kamay nito sa tagiliran ko. 

Iminulat ko ang aking mga mata at nakita kong nakapikit na ang mga mata ng estranghero. Saka pa lamang ako tila natauhan sa muntik ng mangyari. Agad akong napalayo sa lalaki habang sapo ng aking kamay ang aking dibdib. Sobrang bilis ng tibok ng aking puso na para bang nais kumawala sa loob ng aking dibdib. Ano ba ang nangyari sa akin? Muntik na akong makipaghalikan sa isang lalaking ni hindi ko nga alam ang pangalan. Hindi kaya na-love at first sight ako sa lalaking ito? Kahit naman kasi namumutla ito at may mga pasa sa mukha ay hindi pa rin maikakaila ang taglay nitong kakisigan. 

"Gumising ka, Alexa. Hindi ka cheap na babae, okay? Umalis ka na at bumili ng gamot dahil baka mamatay pa ang lalaking iyan dito ay pananagutan mo pa," kausap ko sa aking sarili. Ipinilig-pilig ko ang aking ulo para bumalik sa tamang pag-iisip ang utak ko pagkatapos ay nagmamadaling lumabas ako sa bahay ko at sumakay sa aking kotse para magtungo sa pinakamalapit na pharmacy. 

Matapos makabili ng gamot na nakalagay sa reseta na isinulat ng kapitbahay kong doktor ay nagmamadali na akong umuwi. Dahil hindi pa makalunok ng gamot ang lalaki ay dinurog ko na lamang ang gamot at tinunaw sa tubig. Ibinuka ko ang bibig nito at inilagay ang isang kutsara ng tinunaw na gamot. Mataas ang lagnat nito kaya pinunasan ko ng towel na binasa ko sa maligamgam na tubig ang mukha nito, leeg, braso at talampakan. Hindi ako tumigil sa pagpupunas ng basang towel sa katawan niya hangga't hindi bumababa ang lagnat niya.

Nang masiguro ko na mababa na ang lagnat ng lalaki ay saka pa lamang ako natulog. At dahil antok na antok na ako ay sa gilid ng kama na lamang akl natulog habang nakayukyok ang aking ulo sa kama. Naalimpungatan ako nang maramdaman ko ang mahinang paghaplos ng isang mapangahas na kamay sa aking pisngi. Biglang naimulat ko ang aking mga mata nang pumasok sa aking isip ang lalaking pasyente ko. At nais kong mapangiti nang makita kong bahagyang namumula ang mukha nito sa pagkapahiya dahil nahuli ko siyang hinahaplos ng aking pisngi. Lalo tuloy siyang naging cute sa aking paningin. Kung cute siya habang nakapikit at walang malay ay mas cute siya ngayong gising na siya. Akala ko hindi bagay sa lalaki ang salitang cute ngunit hindi pala. Dahil ang salitang ito ay akmang-akma lamang sa lalaking kaharap ko na ngayon ay nanunumbalik na nag normal na kulay ng mga labi na kulay pula.

"Hi. I'm sorry at ako ang umukupa sa higaan mo. Diyan ka tuloy natulog," nahihiyang kausap sa akin ng lalaki. Bigla itong bumangon sa kinahihigaan kaya napatayo rin ako para pigilan siya.

"Huwag ka munang bumangon at hindi ka pa gaanong magaling. Baka mabinat ka at bumalik ang lagnat mo," nag-aalala kong pigil sa kanya sabay hawak sa magkabilang balikat niya para ibalik sa pagkakahiga.

"Maraming salamat sa pagliligtas mo sa buhay ko at sorry sa malaking abala na nagawa ko sa'yo," nahihiya pa ring sabi ng lalaki na may bahagyang ngiti sa mga labi. " Ahm...ako pala si Travis. Puwede ko bang malaman ang pangalan ng aking tagapagligtas?

"Alexa. Alexa Montemayor ang pangalan ko," nakangiting pakilala ko sa aking sarili. "Saka huwag mong alalahanin ang abalang ginawa mo. Mabuti nga at nakita kita kundi baka sa kalsada ka na namatay. Ano ba ang nangyari sa'yo? Bakit nasa gilid ka ng kalsada't duguan? Tapos marami ka pang pasa sa mukha't katawan at walang malay?" hindi napigilang tanong ko kay Travis.

Biglang dumilim ang anyo ni Travis at nagtiim ang mga bagang habang nakakuyom ang mga kamao. Siguro ay naalala niya ang nangyari sa kanya. Ngunit saglit lamang iyon dahil muling naging maamo na ulit ang mukha niya at bumalik din ang ngiti sa kanyang mga labi.

"Napagtripan lamang ako sa kanto habang naglalakad ako. Binugbog nila ako at siguro ay iniisip nilang patay na ako kaya basta na lamang nila akong itinapon sa tabi ng kalsada. Kaya laking pasasalamat ko na nakita mo ako at iniligtas," sabi nito pagkatapos ay ginagap ang aking kamay.

Nakaramdam ako ng magkahalong pagkapahiya at pagkailang ngunit hindi ko sinubukang bawiin ang aking kamay na hawak nito. Gusto ko kasi ang init at kakaibang kiliti na hatid ng simpleng pagkakadikit ng aming mga balat. Sa tanang buhay ko ay ngayon pa lamang ako nakaramdaman ng ganito sa isang lalaki. Iyon bang pakiramdam na parang nais kong palaging nakadikit ang balat namin sa isa't isa dahil naghahatid iyon sa akin ng kakaibang kiliti na hindi ko maipaliwanag kung ano.

Mabilis na lumipas ang mga araw hanggang sa tuluyan ng gumaling si Travis. Ngunit kahit na magaling na ito ay hindi pa rin ito nagsasabi sa akin na balak na nitong umalis sa bahay ko kaya naman lihim akong natutuwa. Ayaw ko kasing malayo sa akin ang binata at kung maaari lamang ay habambuhay na silang magkasama.

Para kaming bagong mag-asawa na nagtutulungan sa mga gawaing-bahay. Natuklasan ko na marunong din palang magluto si Travis kaya madalas ay ito ang nagluluto ng aming pagkain. Mabuti na lang at sem-break pa namin kaya nasa bahay lamang ako at kasama si Travis na bumalik na sa normal ang hitsura. Mas lalo itong naging guwapo at cute nang mawala na ang mga pasa-pasa sa mukha nito. At higit sa lahat ay mas lalong nahulog ang loob ko sa kanya. Hindi nga ako makapaniwala na ilang Linggo pa nga lang kaming magkasama ni Travis bgunit tuluyang nahulog na ang loob ko sa kanya. Nahihiya akong aminin sa kanya ang nararamdaman ko dahil baka isipin niya na sinasamantala ko ang pagkakaroon niya ng utang-na-loob sa akin. Baka dahil sa utang-na-loob niya sa akin ay tugunin niya ang damdamin ko kahit na wala naman siyang pagtingin sa akin. Ayokong mangyari iyon. Gusto ko na mahlin niya ako bilang ako at hindi dahil ako ang kanyang tagapagligtas. Wala naman kasi siyang sinasabi o ipinahihiwatig na pareho kami ng nararamdaman. Basta mabait lamang siya sa akin at para akong prinsesa kung pinagsisilbihan niya. Ngunit naisip ko kung hanggang kailan kaya niya ako pagsisilbihan? Ano ang gagawin ko sakaling bigla siyang magpaalam sa akin na aalis na sa bahay ko para bumalik sa kanyang sariling buhay? 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status