Share

The CEO's Unwanted Bride
The CEO's Unwanted Bride
Author: Leona D.

Prologo

Habang pinagmamasdan ko ang kabuuhan ng isla at kalmadong asul na dagat,isang malamig na hangin ang yumakap sa’kin kasabay nang mainit na haplos ng isang presensya sa aking likuran.

“Kier.”

Naramdaman kong ipinalibot niya ang kanyang mahahabang braso sa aking bewang at ipinatong ang baba sa aking balikat, ang mabango at mainit niyang hininga ay tumatama sa aking leeg.

“Second-year college na tayo Bree, hindi pa rin tayo legal sa mga magulang natin,” bulong nito.

“Maghintay lang tayo nang tamang panahon Kier. Siguro’y pag nakapagtapos na tayo ng pag-aaral ay may mukha na tayong maihaharap sa kanila.” Sagot ko rito.

Ngunit hindi ko pa rin inaalis ang aking mga mata sa nakakakalmang tanawin, tila nawawala ang aking mga suliranin kapag napagmamasdan ko ito. Tuwing linggo matapos akong magsimba ay dito ako dumidiretso sa private beach resort nila Kier, dito kami palihim na nagkikita at nag-uusap. Sapagkat walang dapat makakita sa aming magkasama, lalo na ang aking mga magulang, tiyak na magkakagulo pag nagkataon.

Naramdaman kong huminga siya nang malalim habang iginiya ang aking katawan paharap sa kanya. Bakas ang lungkot sa kaniyang mga nangungusap na mga mata.

“Hindi ko na alam kung kaya ko pang maghintay ng ganoon katagal Bree.Kung pwede lang kitang pakasalan ngayon ay gagawin ko, kaya naman kitang buhayin, may maipagmamalaki din naman kami sa buhay kahit papaano.”Malumanay nitong sambit.

Ngumiti ako ng pilit saka niyakap siya ng mahigpit.

Hindi mo kilala ang mga magulang ko Kier, alam kong marami kayong mga negosyo pero sigurado akong mamatahin ka lang ng mga iyon,hindi iyon magiging sapat.

“Hindi maaari Kier, gusto ko rin munang makapagtapos ng pag-aaral,” ang tanging naitugon ko na lamang rito.

Nanatili kami sa ganoong sitwasyon, magkayakap habang pinagmamasdan ang asul na dagat. Dalawang-taon na rin kami ni Kier at alam kong mahal na mahal namin ang isa’t isa. Ngunit hindi magiging sapat iyon kung pilit kong ipapaintindi sa aking mga magulang, dahil sarado ang kanilang isip sa ganoong mga bagay, maging sila ay hindi naniniwala sa salitang pagmamahal. Napangiti ako nang mapait sa tagpong iyon, ayokong maging komplikado ang lahat, hangga’t maaari, kung kayang iwasan ay iyon ang gagawin ko.

                                                                ***

“Ayoko nga! Bakit ba hindi ninyo maintindihan iyon! Wala na nga kayong ginawa kun’di kontrolin ang buhay naming magkapatid ngayon pati buhay pag-aasawa ko ay gusto ninyong pakialaman? May pangarap pa’ko sa buhay Pa,Ma!” Sigaw ni ate Bea, nangingilid ang luha sa kanyang mga mata habang binibitawan ang mga salitang iyon.

Naistatwa ako sa aking kinatatayuan ,ito ang tagpong naabutan ko sa mansyon matapos kong makipagkita kay Kier. Hindi na ito bago sa akin ngunit tila malalim ang pinag-uugatan ng kanilang away ngayon.

“Aba’t sumasagot ka na Beatrice!”

Napasinghap ako ng malakas at dali-daling lumapit kay Ate Bea nang sampalin siya nang malakas ni Papa.Habang si Mama naman ay nakatayo lamang sa gilid at tila nanunuod ng isang palabas sa telebisyon.

“Pa, tama na,” kalmado kong sambit habang pinoprotektahan si ate Bea sa kung sakaling saktan siyang muli ni Papa. Ngunit sa loob ko ay binabalot na rin ako ng takot nang makita ko ang galit na galit an itsura nito nang mabaling sa akin.

“At ikaw Britanny! Saan ka na naman galing? Huwag mong sabihin sa aking natututo ka nang magsayang ng pera sa mga walang kabuluhang bagay at ginagabi ka na ata?Baka nakikipaglandian ka na kung kani-kanino! Tandaan mong isa kang Salcedo!” Bulyaw na bintang nito sa akin.

Huminga muna ako ng malalim bago sumagot.

“Hindi po Pa, gumawa lamang ako ng mga proyekto kasama ang mga kaklase ko.” Kalmado ko pa ring tugon rito, gusto kong palakpakan ang sarili ko sa galing ko sa pagsisinungaling at sa kabuuhan ng boses ko. Siguro’y hindi lang sampung beses kong ihinanda ang sarili ko sa mga ganitong pagkakataon, nag-eensayo sa salamin upang maging kalmado kahit magulo ang sitwasyon.

Hindi na ito sumagot pa at ibinaling muli ang tingin sa aking kapatid.

“Sa ayaw at sa gusto mo Beatrice ay magpapakasal ka sa anak ng mga Ivanov upang maisalba ang nalulugi nating kompanya! Ikaw ang panganay kaya’t responsibilidad mo ito! Naiintindihan mo?” Mariin at malamang sigaw ni Papa na umalingawngaw sa kabuuhan ng mansyon. Wala kahit isang nagtatangkang makisawsaw sa mga katulong namin sa bahay, lahat sila’y nasa isang tabi at nakayuko lamang na tila walang naririnig.

Nanlamig ako sa aking kinatatayuan nang unti-unting maproseso ng aking utak ang mga sinabi ni Papa, ipapakasal nila si Ate Bea? Kahit ako’y hindi makakapayag sa gusto nilang mangyari.

Matapos ng tagpong iyon ay umalis na sa harapan namin si Papa kaya’t napayakap na lamang ako kay Ate na ngayon ay humahagulgol na.

“Ate, halika gamutin na’tin ang sugat mo.” Bulong ko rito.

Tumango na lamang ito at tila wala sa sarili. Alam kong hindi magiging madali ito para sa kaniya. Dinala ko siya sa ikalimang-palapag ng mansyon kung saan naroon ang rooftop at ang kulay asul na pool sa gilid, hindi naman kami nahirapang maglakad sapagkat may elevator naman sa loob ng mansyon.

Dala-dala ko ang first aid kit sa kaliwa kong kamay habang nakaakay naman ang kanan kong braso kay Ate Bea.

Naupo kami sa mahabang sofa malapit sa gilid ng pool.

“Kamusta kayo ni Kier, Bree?” Nagulat ako nang magsalita si Ate Bea habang ginagamot ko ang sugat niya sa kaliwang pisnge habang patuloy na umaagos ang kanyang luha.

“Ayos lang kami ate.”Tugon ko rito.

Si Ate Bea lamang ang nakakaalam ng relasyon namin ni Kier, sapagkat sa loob ng mansyon na ito, kami lamang ang magkakampi.

Ngumiti siya nang mapait at tuluyan na ngang naglandas muli ang kaniyang mga luha.

“Nakakainis sila Bree, daig pa natin ang preso sa mansyong ito. Wala tayong sariling desisyon, laging kontrolado ang bawat galaw natin.”Bulong ni Ate ngunit sapat lamang ang hina nito para maintindihan ko.

Tila nadudurog ako sa sitwasyon niya ngayon, alam ko, naiintindihan ko si ate.Bilang bunga ng isang pilit na kasal, hindi naging malapit ang loob ng aming mga magulang sa amin, madalas silang mag-away at kung minsan pa ay sa amin ibinabaling ang galit nila sa isa’t isa. Kung wala naman sila sa mansyon ay paniguradong nasa kompanya silang pareho at nilulugmok ang sarili sa trabaho, tila hindi naaalalang may mga anak silang naghihintay sa kanilang pag-uwi, at nangangailangan ng kanilang kalinga at pagmamahal. Ngunit matagal na naming natanggap iyon ni Ate Bea, mayaman nga kami sa pera at kapangyarihan,hindi nga kami nagugutom at napakaraming pagkain lagi sa hapag, ngunit uhaw na uhaw kami sa pagmamahal at atensyon ng aming mga magulang.

“Ate.”

Hindi ko alam kung paano ko siya patitigilin sa pag-iyak kaya’t ako na mismo ang nagpahid ng luha sa kanyang mga mata.

“Gusto kong maging ganap na abogado Bree, pero hinding-hindi mangyayari iyon kung matatali ako sa isang kasal, lalo na’t hindi ko naman kilala ng lubusan ang lalaking iyon.” Nang magtagpo ang aming mga mata ay nababakas ang poot at lungkot sa mga mata ni ate.

“Pasensya ka na ate, wala pa akong maitulong sa’yo ngayon.Hindi ko rin alam kung sa paanong paraan ba kita matutulungan, sino ba ako para sumalungat sa mga magulang natin.Kagaya mo ay wala pa rin naman akong boses.”

Tumango na lamang ito bilang pagsang-ayon, at tila pareho kaming di malaman kung ano ang dapat gawin. Pinapanuod lamang namin ang maliwanag na mga ilaw na nanggagaling sa nagtataasang establisyemento ng Maynila. Napakagandang pagmasdan, ngunit hindi naaayon sa aming nararamdaman.

Dalawang taon lamang ang agwat namin ni Ate Bea, hindi rin nagkakalayo ang aming itsura at pisikal na pangangatawan, kung minsan pa nga’y napagkakamalan kaming kambal. Ngunit kung pagmamasdan kaming mabuti ay tiyak na mas maganda ang tindig ni Ate Bea, ilang beses na rin siyang nilalapitan ng malalaking commercial company na nais siyang gawing endorsement ng kanilang mga sikat na produkto.

Matalino rin si ate Bea kumpara sa akin, ilang beses niyang napatutunayan ito sapagkat kahit gaano kahirap ang kursong law, ay siya pa rin ang nangunguna.

Samantalang ako, nasa ikalawang taon pa lamang ako sa medisina ngunit iginagapang ko na ito.

Bagamat ganoon ang sitwasyon naming magkapatid ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob o nakaramdam ng inggit kay ate. Tanggap kong may mga bagay na meron sa kaniya, na wala sa akin at mayroon naman akong mga katangian na wala sa kanya tulad ng pagpipinta at pagkanta, patas lamang ang Panginoon sa pagbibigay ng katangian sa lahat.

“Kung ikaw ang nasa sitwasyon ko Bree, anong gagawin mo?”

Napatingin ako kay ate sa sandaling iyon, ngunit nakatulala lang siya sa kawalan.

“Hindi ko alam ate. Siguro’y kailangang kong timbangin kung kaya ko bang suwayin ang ating mga magulang o ipaglaban ang pangarap ko.” Tugon ko rito.

Ngunit sa totoo lang ay ang nauna ang magiging desisyon ko, hindi ko kayang suwayin sila Papa at Mama, kung mangyayari man iyon ay paniguradong pagsisisihan ko rin dahil gagawin nila ang lahat para lang sila ang masunod. Kaya nilang putulin ang sustento sa pag-aaral namin at hindi imposible iyong mangyari kay ate kapag sumuway siya.

“Tama ka, siguro nga’y dapat akong manimbang sa pagkakataong ito.”

                                                                ***

Napakabilis lamang lumipas ng mga araw at ngayon na ang kasal na ni Ate Bea sa lalaking hindi pa man lang namin nakikita, walang pamanhikang naganap ngunit ilang beses na ring bumisita ang mag-asawang Ivanov dito sa mansyon.

Abala ang lahat sa loob ng mansiyon. Ang espasyo sa labas ay ang ginawang reception area sapagkat sapat naman ang lawak nito sa dami ng mga bisitang dadalo, puno ng dekorasyon at nakapaka eleganteng tingnan, milyon ang ginastos ng mga Ivanov para lamang sa napakagandang transpormasyong ito.At hindi naman iyon imposible para sa isang pamilyang isa sa pinakamakapangyarihan at may pinakamalaking kompanya sa bansa.  

Naiiling na lamang akong pinagmamasdan sila Mama at Papa habang nagtatalo kung saan ilalagay ang higanteng cake, na kung hindi ako nagkakamali ay milyon rin ang halaga.

Naglakad na lamang ako patungo sa silid ni Ate Bea, upang kamustahin siya. Alam kong masama pa rin ang kanyang loob at hindi rin naman ako naging masaya sa naging desisyon niya na pumayag sa kagustuhan ng mga magulang namin, ngunit kagaya nga ng sinabi ko, wala kaming karapatang sumalungat sa mga gusto ng mga ito, wala kaming pagpipilian.

Pagbukas ko ng malaking kwarto ay bumungad sa akin ang mahalimuyak na bango. Nakatalikod si ate habang suot ang pinakamagandang wedding gown na idinisenyo pa ng isang respetadong designer mula sa France.

Napalilibutan din siya ng limang taong abala sa pag-aayos ng kanyang mukha, buhok at damit.

Lumapit ako kay ate at nang mapagmasdan ko ang kanyang repleksyon sa salamin ay hindi ko maiwasang hindi humanga sa kanyang ganda. Ngumiti ako sa kanya ng magtagpo ang aming mga mata.

“Napakaganda mo ate,” ang tanging naisambit ko rito.

“Salamat Bree,” ang tugon ni ate ngunit nababakas pa rin ang lungkot sa kaniyang boses maging sa kaniyang mga mata.

Isang oras na lamang ang aming hinihintay at nang tumayo na ang mga nag-aayos ay hudyat iyon na tapos na si ate ayusan.

Ang puting wedding gown ay sumunod sa hubog ng kanyang katawan, gusto kong purihin ang sikat na designer na iyon na gumawa ng isang napakaganda at napakaeleganteng likhang ito. Kung sino mang ipapakasal sa kaniya ay tiyak na napakaswerte sa ganda at bait ng ate Bea ko.

Niyakap ko si Ate Bea nang mahigpit bago ako umalis sa kanyang silid,ayaw kong maluha pa siya sa eksenang iyon. Sakay kami ng isang mamahaling sasakyan patungo sa simbahan, ako ang nasa unahan katabi ng nagmamaneho habang sila mama at papa naman ay nag-uusap sa likod tungkol sa kompanya.

Kasal ni ate pero nasa kompanya pa rin ang kanilang utak.Ibinaling ko na lamang ang tingin ko sa labas habang umaandar ang sasakyan. At naalala ko si Kier, dadalo siya sa pagtitipon ngayon dahil imbitado ang kanilang pamilya. Mayaman rin sila ngunit hindi sapat para mapansin nila mama at papa, kumbaga ay nasa gitna ang estado nila sa buhay. Samantalang kami ay nasa itaas, kapantay ng mga naglalakihang kompanya sa bansa, at dahil iyon sa mga workaholic naming mga magulang.

Kahit papaano ay nakaramdam ako ng excitement sa isiping magkikita kami ni Kier sa simbahan, ngunit batid kong hanggang sulyap at ligaw na tingin lamang iyon sapagkat walang dapat makapansin at makahalata ng aming relasyon.

Pagpasok pa lamang namin sa simbahan ay bumungad na ang napaka enggrandeng ayos nito, ano pa nga bang aasahan ko mula sa pamilyang Ivanov, paniguradong kontrolado nila ang lahat, hangga’t kayang mabili ng pera. Namumukhaan ko rin ang ilang mga bisita,ilan sa kanila ay mga kilalang personalidad.

Nakapuwesto kami sa unahan at hinihintay naming dumating ang sasakyan ni Ate, ang lalaki namang kanyang pakakasalan ay nakatalikod sa amin at kinakausap ng kanyang mga best man, tila seryoso ang kanilang pinag-uusapan kaya’t hindi ko maaninag ang kanyang mukha. Naagaw ang pansin ko ng isang lalaking naka tuxedo mula sa gitnang bahagi ng simbahan, at sa pagkakataong iyon ay sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Napakagwapo niyang pagmasdan sa suot niyang iyon, saglit lamang ang tagpong iyon nang maagaw ang atensyon naming lahat nang dumating ang puting sasakyan kung saan alam naming lulan si ate.

Isinarado na ang pintuan ng simbahan para sa eleganteng pagpasok ng bride. Hindi ko alam kung bakit sa tagpong iyon ay nakaramdam ako nang kakaibang kaba.

Ngunit isinantabi ko na lamang iyon nang muling bumukas ang pintuan ng simbahan , ngunit laking pagtataka namin ng si Manang Simang ang sumalubong sa amin, ang aming katiwala sa bahay,puno nang bahid ng pag-aalala ang kanyang mukha habang hawak-hawak ang pamilyar na puting damit, ang wedding gown ni ate.

Sa sandaling iyon, nakaramdam na naman muli ako ng kaba at tila nagkakakutob na ako sa mga susunod na mangyayari.

Nagsimula na ring magkatinginan ang mga bisita sa loob ng simbahan at muling nagtagpo ang mga mata namin ni Kier.

“Bernardo nasaan ang anak mong si Beatrice?” isang malamig na boses ang bumasag sa katahimikan at tensyon na nararamdaman namin , nabaling ang tingin namin sa maskuladong lalaki na ngayon ay nasa harapan na namin.

Ang mga ngiti sa labi ng aking mga magulang kanina ay tuluyang naglaho at napalitan nang pagkabalisa at takot. Kung hindi ako nagkakamali ay siya si Carlito Ivanov, ang pinakamaimpluwensyang tao sa bansa at ang ama ng nasabing magiging asawa ni ate.

“Hindi kayo tumupad sa usapan.”Malamig na dagdag ng lalaki. Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon ay nakaramdam na naman muli ako ng kaba, at ilang santo na rin ang aking natawag. Sana’y huwag magkagulo.  

“K-Kumpare saglit lamang at baka maaari natin itong pag-usapan.” Nababakas ang kaba sa bawat binibitawang salita ni Papa.

Tila tinitimbang nila ang bawat salitang lalabas sa kanilang bibig at natatakot magkamali sa bibitawang salita.

“Kung hindi matutuloy ang kasal na ito’y panigurado na ang pagbagsak ng kumpanya ninyo Bernardo.” Mariing tugon ni Carlito Ivanov. Tunay ngang pabagsak na ang kumpanya namin at ang kasal na ito na lamang ang magsasalba ngunit sa kabilang banda ay alam kong pangarap ni ate ang ipinaglalaban niya kaya naiintindihan ko siya kung hindi siya sumipot bagamat kalakip nito ang napakabigat na suliraning para sa aming pamilya.

Akmang tatalikod na si Carlito ng pinigilan naman siya ng aking ina.

“S-sandali kumpare, may isa pa kaming anak! Ito si Britanny! Siya ang ipakakasal namin sa iyong anak!”

Naistatwa ako sa kinatatayuan ko at hindi makapaniwalang tumingin sa nanay ko.

“M-ma, h-hindi maaari.”

Ngunit sa paraan ng tingin na ipinukol nito sa akin ay tuluyan nang gumuho ang mundo ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status