Share

Kabanata 1

Where are you going?”

Naistatwa ako sa aking kinatatayuan nang umalingawngaw ang baritonong boses na iyon sa loob ng mansyon.

Mabibigat ang yabag ng lalaki papunta sa akin, nakabihis na ito at handa nang pumasok sa kaniyang kompanya. Malamig pa rin ang mga tingin nitong ipinupukol sa akin nang tumigil ito sa harap ko, kasabay nang paglunok ko.

“Pupunta muna ako sa simbahan.” Ang mahina kong tugon dito ngunit sapat na iyon para marinig niya.

Siya si Yuri Ivanov, isang Russian at ang aking asawa. Matikas ang kanyang tindig at pati ang pisikal na kaanyuan ay mababakas ang dayuhang katangian na nananalaytay sa kaniyang dugo. Sa pagkakaalam ko’y kalahating pinoy ito ngunit hindi marunong magtagalog dahil lumaki sa Russia, nito na lamang siya nanatili sa bansa para sa kanilang mga negosyo at kompanya. Ang matapang niyang pabango ay nanuot sa aking ilong at bago ko pa siya matitigan nang matagal ay iniiwas ko na ang aking tingin.

“I know you’re still seeing that man, but I don’t give a damn about it woman. Just make sure you’ll go home before 9 pm, we’ll have a dinner with our parents.” Iyon lamang ang malalamig na salitang binitawan niya bago tuluyang umalis sa harapan ko.

Hanggang sa marinig ko ang tunog nang papaalis na makina ay nakatayo pa rin ako sa kinaroroonan ko at napapikit nang mariin.

Anim na linggo na ang nakararaan buhat ng kami’y ikasal at hangga’t maaari ay ayaw kong maalala ang araw na iyon.  Pero nagkikita pa rin kami ni Kier sa private beach resort nila. Hindi ko maituturing na pagtataksil ito sapagkat noong una pa lamang ay siya na ang nauna, mas naging komplikado lamang ang lahat ng kami’y ikasal. Ngunit paano ito nalaman ni Yuri? Alam kong hindi ito imposible sa koneksyon at kapangyarihang mayroon siya pero sigurado akong nag-iingat kami ni Kier.

Binalot ng malaking pangamba ang aking puso para kay Kier ngunit naibsan din naman iyon nang maalala ko ang sinabi ni Yuri na walang kaso iyon sa kanya. Sabagay, hindi ko naman nakakitaan ng amor ang lalaki sa akin, isang bagay na ipinagpapasalamat ko, parehas lamang kaming natali sa kasal na tanging mga magulang lamang namin ang may gusto.

Si Ate Bea? Hindi ko alam kung dapat ba akong magtanim ng galit sa kanya, hindi ko na siya muling nakita simula ng araw ng kasal niya, at hindi man lang niya ako nagawang tawagan upang kamustahin. Ako ang umako ng responsibilidad na dapat sa kaniya ngunit sa kabilang banda’y alam kong nagawa iyon ni ate para sa pangarap niya at umaasa akong balang araw ay kukunin niya ako sa pamilyang ito.Sa ngayon, pangarap ko ang nasa alanganin, hindi na ako pinayagan ng aking mga magulang na mag-aral, sapagkat dapat ko raw pagsilbihan ang aking asawa. At hindi ko rin naman daw kakailanganin pa ng diploma dahil mayaman naman daw ang mga Ivanov, at hindi ko na kailangan pang magtrabaho.

Noong una’y hindi ako makapaniwalang magagawang sabihin iyon ng aking mga magulang, minsan pa’y napapatanong na lamang ako kung sila ba talaga ang mga magulang namin ni Ate Bea. Ngunit di naglaon ay unti-unti ko ng tinatanggap ang kapalaran ko.  

Dali-dali akong umalis ng mansyon at pasimpleng nagmamasid sa paligid kung may sumusunod ba sa akin. Napahinga ako nang malalim nang mapagtanto kong napakahirap talaga ng sitwasyon namin ni Kier.

Matapos kong makasakay ng aking sasakyan ay binilisan ko ang pagmamaneho patungo sa private beach resort, imbes na sa simbahan dumiretso, alam kong mali na iyon ang idinahilan ko ngunit pakiramdam ko’y wala na rin naman itong saysay sapagkat alam ni Yury ang mga ginagawa ko.

Nang makarating ako ay isinantabi ko muna ang aking mga iniisip, dahil sa pagkakataong ito ay nagagalak ang aking puso sa muli naming pagkikita.

Nasa malayo pa lamang ako’y tanaw ko na ang lalaking nagiging sandalan ko sa lahat ng oras. Kung wala siya’y hindi ko alam kung saan pa ako kukuha ng lakas upang ipagpatuloy ang buhay kong ito.

“Kier.”

Mabilis itong lumingon sa akin at sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi, ngunit mababakas ang lungkot sa kaniyang mga mata.Alam kong ako ang dahilan sa likod ng lungkot na iyon.

Patakbo akong naglakad palapit sa kaniya at mahigpit siyang niyakap mula sa likuran.

“Namiss kita,” bulong ko rito.

Imbes na sumagot ay ihinarap niya ang katawan niya sa akin, kaya’t isinubsob ko na lamang ang aking mukha sa kaniyang dibdib, habang ang matitikas niyang mga bisig ay awtomatikong bumalot sa akin. Naramdaman ko ang kaniyang labi na hinalikan ang aking noo na palagi niyang ginagawa, at nanatili kami sa ganoong posisyon ng hindi ko mabilang kung gaano katagal, habang tahimik ang paligid, at walang gumugulo sa amin. Sa puntong iyon, naisip kong sana’y noong una pa lamang ay ipinagtapat ko na sa aking mga magulang ang tungkol sa amin ni Kier at nagbakasakali, baka hindi na sana umabot sa puntong ito.

Ngunit wala na akong magagawa, hindi ko na maibabalik ang nakaraan at kailangan naming lumaban. Alam kong hangga’t hindi namin binibitawan ang isa’t isa ay mananatili kaming matatag.

“Bree.”

Lumingon ako sa kaniya at umayos ng upo sa pagkakataong iyon. Habang hinihintay siyang muling magsalita.

“May gusto akong ipagtapat sa iyo.”

Hindi ko alam kung dapat ko bang maramdaman ito ngunit ang kaninang puno ng saya kong puso ay nabalutan nang di maipaliwanag na kaba.

“A-ano ‘yon?”

Huminga muna siya ng malalim tsaka ibinaling ang tingin sa akin.

“S-Simula noong ikasal ka Bree…” panimula nito. Parang gusto ko na lamang takpan ang bibig niya at huwag na ituloy ang mga susunod niyang sasabihin dahil baka hindi ako handa para rito ngunit alam kong kailangan ko itong pakinggan at harapin kung ano man ito.

“Nagkikita na kami ni Amber.”

“A-ano?”

“S-sandali Kier, h-hindi ko maintindihan.”

Naging doble ang bilis nang tibok ng puso ko, at ayaw iproseso ng utak ko ang sinasabi ni Kier. Si Amber ang matalik niyang kaibigan ngunit kahit minsan ay hindi ko sila nagawang pag-isipan nang masama.

“H-hindi ko na kayang ituloy pa itong relasyon na’tin Bree, may asawa ka na. Dapat na na’tin itong itigil, kaysa maging komplikado pa lalo ang lahat. Maimpluwensya ang pamilya mo at lalo na ang mga Ivanov, ayokong madamay sa gulo ninyo. At isa pa…”

Tila pinagbagsakan ako ng langit at lupa sa aking mga naririnig. Parang kanina lamang ay napakagaan ng aking pakiramdam at pinipilit kong tingnan ang positibong anggulo ng aking mapait na kapalaran kasama siya ngunit sa isang iglap ay tila naglaho ito, unti-unting nilukob ng sakit at poot ang aking puso. Ngunit sa kabila ng nararamdaman kong ito’y may mumunting pag-asa pa ring sumisibol na sana’y bawiin niya ang lahat ng kanyang sinasabi sapagkat ito’y biro lamang.

“Isa pa’y nabuntis ko si A-Amber, Bree. Kailangan ko iyong panagutan.”

Doon na naglahong tuluyan ang mumunting pag-asa sa puso ko. Tila nabingi na ako sa kapaligiran at iisang emosyon lamang ang namamayani. Ang sakit na unti-unting lumalatay sa kaibuturan ng aking puso, at alam kong hindi ito basta-basta maghihilom sa mabilisang panahon lamang. Tuluyan nang bumagsak ang luhang kanina ko pa pinipigilan.

Hindi ko na nagawa pang kumilos, tumayo, at magtanong pabalik dahil nakatuon lamang ang aking mga mata sa kaniya.

“P-patawad Bree, masaya akong nakilala kita.”

Iyon na lamang ang huling salitang namutawi sa kaniya bago tuluyang binitawan ang aking mga kamay , at umalis sa aking harapan.

Gusto kong sumigaw, gusto kong magmura at ilabas lahat ang galit at hinanakit ko pero mas pinili ko na lamang umiyak ng tahimik. Habang walang nakakakita sa’kin at tanging tunog ng alon na lamang ang aking naririnig. Unti-unting pumatak ang malamig na tubig sa aking mga balat, napatingin ako sa madilim na kalangitan at ngumiti ng mapait, tila nakikiayon ito sa aking nararamdaman.

***

Walang buhay akong naglakad palabas ng aking sasakyan. Hindi ko alam kung paano ako nakauwi ng buhay, at nagawa pang magmaneho. Basang-basa rin ang aking mga damit dahil sa malakas na ulan, ngunit kahit ginaw na ginaw na ako’y tila namanhid ang aking katawan at tamad na kumilos pa. Sa pagkakataong ito’y gusto ko na lamang magkulong sa aking kwarto, humiga sa kama at damhin ang sakit.

“What do you want to expect from me huh?! I can’t love that woman Dad! And I will never love that woman!”

Nakakabinging sigaw ng lalaki sa kausap nitong nakilala kong si Don Carlito Ivanov.

“Well you don’t have a choice son. This is our deal,” kalmadong sagot ni Don Carlito.

Pakiwari ko’y hindi pa rin nila nararamdaman ang aking presensya.

“No this is not our deal Dad! The woman I wanted to marry is Beatrice Salcedo, that’s why I agreed to this freaking deal and not her sister for Pete’s sake!”

Gusto niya si Ate? Pero bakit siya pumayag na ipakasal sa’kin ng araw na iyon, gayong alam naman niyang umatras si Ate sa kasal. Bakit niya hinayaan humantong kami sa ganito.

Hindi nakasagot si Don Carlito sa sinabi ng anak.

“No matter what you say, you’ll regret what you did to me. I’ll make that woman pay for ruining everything and making my life miserable as hell. I’ll make sure she’ll deeply hurt until she begs me to stop, until she regrets that she agreed to this f*cking marriage.Mark my word.” Matapos sabihin iyon ay mabilis ako nitong tinapunan ng tingin at ngumisi, tila sinadya niya talagang iparinig sa akin ang lahat ng iyon at alam niyang naririto ako.

Nanlaki ang mga mata ni Don Carlito nang makita ako.

“O Hija! Nandiyan ka na pala, ngunit bakit basang-basa ka?” Patay malisya nitong tanong.

Ngunit hindi ko ito pinansin at minasdan lamang si Yuri na kasalukuyang paakyat sa kaniyang silid.Hindi ako apektado sa sinabi niya ngunit bakit tila salungat dito ang nararamdaman ko ngayon. Sa ikalawang pagkakataon ngayong araw ay pakiramdam ko’y walang may gusto sa akin, at wala ako sa gusto nilang pagpilian.

Muli kong ibinaling ang tingin sa Don.

“M-magandang gabi po Don Carlito.” Walang buhay kong bati rito at bahagya pa akong yumuko bilang pagbibigay galang.

“Hija anong nangyari sa iyo? Marapat kang magbihis at saluhan mo kami sa habag, nag-iintay na roon ang iyong mga magulang,” sagot nito at umalis sa aking harapan.

Napahinga na lamang ako ng malalim at mabibigat ang hakbang na umakyat sa aking kwarto. Pinalis ko ang luhang kanina pa nag-uunahan sa pagtulo at humarap sa salamin.

Matatapos rin ang gabing ito Britanny, kailangan mo lamang humarap sa kanila at kausapin sila ng maayos. Pagkumbinse ko sa sarili. Nagsuot na lamang ako ng lampas-tuhod na bestida at hinayaang nakalugay ang aking mga buhok. Hindi na ako nag-abala pang maglagay man lamang ng pulbos o lipstick sa aking labi bago tuluyang lumabas sa aking kwarto.

Habang palapit ako sa hapag ay tila lalong bumibigat ang aking pakiramdam, ayokong harapin ang aking mga magulang gayundin ang pamilya Ivanov ng ganito ang nararamdaman ko. Pakiwari ko’y hindi ako magiging kalmado sa pagkakataong ito, ngunit nilakasan ko ang loob ko at nagpatianod na lamang sa maaaring mangyari.

Pilit akong ngumiti bago sila batiin, at umupo sa dulong bahagi kung saan katapat ko naman si Yuri na walang imik na kumakain, at tila may sariling mundo.

“Kamusta ka Bree?” Tanong ni Papa. Gusto kong tumawa ng payak sa tanong niya.

“M-mabuti po,” naisagot ko na lamang rito bago tumitig sa pagkaing nasa harap. Wala akong ganang kumain. Gusto ko nang matapos ang gabing ito at magpahinga na lamang.

“Kamusta kayo ng iyong asawa na si Yuri hija? Nakapag honeymoon na ba kayo?” Sunod-sunod na tanong naman ni mama sa pagkakataong ito.

Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kakaibang inis sa aking mga magulang sa puntong ito. Alam kong alam nila na hindi dapat ako ang naririto pero pareho lamang silang nagpapatay malisya.

“We are not having a plan about that yet, I’m busy with the company as of the moment.” Si Yuri ang sumagot sa tanong ni mama at sa unang pagkakataon, gusto ko siyang pasalamatan.

“Ganoon ba? Ngunit gusto na naming magkaapo.”Tugon naman ni papa na siyang pumutol sa pasensya ko kaya’t napatayo ako. Naramdaman ko ang titig nilang lahat na puno ng pagtataka maliban kay Yuri na patuloy lang sa pagkain.

“Britanny.” Puno ng babalang boses ni Papa pero hindi ko ito pinansin at tinitigan silang maigi.

“Tama na pa, ma. Hindi pa ba ka’yo nakokontento?” Kalmado ngunit malaman kong tanong. Ngunit sa totoo lang ay gusto ko silang sigawan at itanong kung naririnig pa ba nila ang mga sarili nila.

“Britanny kailan ka pa natutong sumagot nang pabalang?” Suway naman ni mama na nanlalaki na ang mata sa akin. Bakas sa kanilang mga mukha ang dismaya sa inaasal ko lalo na’t naririto ang pamilya Ivanov pero hindi ko na kayang kimkimin pa ito.

“Napakamakasarili ninyo! Sarili lamang ang iniisip ninyo at ang kompanya! Hindi niyo man lang ako nagawang tanungin kung gusto ko ba ito? Ma, Pa, gusto ko pang magtapos ng pag-aaral pero anong ginawa niyo? Kayo ang unti-unting pumigil at sumisira sa pangarap ko! Wala kayong kwentang mga magulang!”

Sa isang iglap ay naramdaman ko ang mabibigat na palad na dumapo sa aking pisngi! Napangiti ako nang mapait ng malasahan ko ang sariling dugo mula sa aking mga labi.

“Hindi mo na kami binigyan nang kahihiyan Britanny!” Ang baritonong boses ni papa ang nanaig sa hapag, wala ni isa sa mga Ivanov ang nangahas na magsalita.

Tuluyan nang naglandas ang luha sa aking mga mata at tumalikod sa kanila.

Mabilis akong naglakad palabas ng dining area at lumabas ng mansyon, hindi ko na kakayanin pang makipagplastikan sa mga taong naroon.Dumiretso ako sa aking sasakyan at hindi na nagdalawang isip pang lumisan sa lugar na iyon.

Habang nagmamaneho ay hindi pa rin tumitigil ang luha sa aking mga mata,nararamdaman ko pa rin ang malakas na sampal ni Papa sa aking pisngi. Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinagbuhatan niya ako ng kamay. Kahit gaano sila kahigpit at istrikto noon sa amin ni Ate ay kailanman, hindi nila kami sinaktan ng pisikal.

Hindi ko na alam kung nasaan ako, natagpuan ko na lamang ang sarili kong naglalakad papasok sa isang maingay na lugar. Puno nang nakakasilaw na iba’t ibang kulay at uri ng ilaw, at napakalakas na musika na sinasabayan ng mga sumasayaw sa gitna ng entablado.

Siguro’y ito ang kailangan ko ngayon, gusto kong makalimot panandalian lamang, sa ginawa ni Kier, at sa suliranin ko sa aking mga magulang, si Yuri? Wala naman akong pakealam sa taong iyon, pero natatakot ako sa maaari niyang gawin lalo na sa narinig ko kanina.

Umupo ako sa isang sulok na medyo madilim, at awtomatikong may lumapit sa aking waiter.

“Bigyan mo ako ng maraming beer.”

Iyon lamang ang sinabi ko at umalis na ito. Nang lumingon ako’y saka ko lamang napansin na napaliligiran ako ng mga lasing. Bagamat wala sa akin ang atensyon nila’y binalot ako ng kaba. Isinantabi ko ang takot ko sapagkat hindi iyon ang gusto kong maramdaman ngayon, gusto kong makalimot kahit panandalian lang. Hindi ako marunong uminom, pero wala na akong pakealam.

Nang dumating na ang aking order ay hindi na ako nagdalawang isip pa at tinungga ko ito na para akong mauubusan ng alak.

Naiisip ko si Ate Bea, kamusta kaya siya ngayon? Minsan ay gusto ko na lang sa kaniya isisi lahat, pero kung siya ang magdurusa ng ganito, mas mabuti pa ngang ako na lang, ayaw ko ring maranasan niya ito. Mas may saysay naman ang kaniyang mga pangarap kaysa sa akin. Pero sana naman ay magparamdam siya at sabihing tutulungan niya akong makaalis sa pagkakatali ko sa mga Ivanov na iyon.

Nang maalala ko si Kier ay nagbukas ako ng panibagong bote ng beer. Ang gagong iyon, hindi ko man lang namalayan na niloloko na pala ako at nakabuntis pa. Ang mabigat pa doon ay ang kaniyang matalik na kaibigan na si Amber, wala man lang akong kamalay-malay sa mga kababuyang ginagawa nila.

Tuloy-tuloy lang ang tungga ko sa sobrang bigat ng aking nararamdaman. Hanggang unti-unti na akong nahihilo at tinatablan ng alak. Tila sinisilaban ang aking katawan sa sobrang init na aking nararamdaman, at nabaling ang aking tingin sa mga sumasayaw sa entablado at maging sa gitna ng bar ay mayroon rin. Ngumiti ako, ang saya nilang panuorin, para silang walang problema sa buhay. Sa kagustuhan kong maramdaman din ang sayang iyon ay lumakad ako kahit medyo nahihilo na papunta sa gitna ng dancefloor, hawak ko pa rin sa kaliwa kong kamay ang beer at patuloy na tinutungga ito. Sa isang magandang musika na binitawan ng DJ ay nahanap ko na lamang ang sariling umiindak sa tunog nito at nakihalubilo sa mga sumasayaw roon na kahit isa’y wala naman akong kilala.

Hanggang sa may naramdaman akong katawan na pilit dumidikit at kumikiskis sa akin, napakunot ang aking noo at tinalikuran ito. Muli akong sumayaw at hindi na ito pinansin pa.Ilang segundo lang ang naglaon ay nakarinig ako ng ingay at wala naman akong balak makiusyuso sa hindi ko naman buhay.

Malapit ko nang maubos ang laman ng boteng hawak ko kaya’t nararamdaman kong hindi na normal ang lakad ko ng magtangka akong bumalik sa aking lamesa hanggang sa natumba ako.Pero napakunot ang aking noo nang hindi ako bumagsak sa sahig at bagkus ay sa matitikas na mga bisig.

“S-sino ka?” tanong ko rito.

Hindi ko na maaninag ang kanyang mukha dahil sa nakakasilaw na ilaw at umiikot na rin ang aking paligid hanggang unti-unting sumasara sa bigat ang talukap ng aking mga mata.

“You’re not just a pain in my ass but a trouble maker too.” Isang pamilyar at malamig na boses na tila ang aking asawa na si Yuri Ivanov ang aking naulinigan bago ako tuluyang nakatulog sa kalasingan. 

Nananaginip ba ako? Kung hindi ay anong ginagawa niya rito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status