Share

Seducing The Billionaire’s Son
Seducing The Billionaire’s Son
Author: Ms_rainism

CHAPTER 1: MYSTERY

ALAS SINGKO ng hapon ay pauwi na si Bellatrix sa kanilang bahay. Pagod na naglalakad ang dalaga dahil marami itong ginawa sa eskuwelahan. Nagsimula na kasi silang mag-OJT.

Pinihit ni Bellatrix ang pinto pabukas sa kanilang bahay. Simple lang ito at gawa sa semento. Ngunit sa halip na magpatuloy sa pagpasok, natigilan siya nang makita ang dalawang lalaki kasama ang kaniyang ina.

Napabuga si Bellatrix ng hangin. Agad siyang nag-iwas ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad na parang wala siyang nakita.

“Anak, mag-meryenda ka oh,” aya ng kaniyang ina na si Annabelle. Tinutukoy nito ang isang gallon ng ice cream at dalawang litro ng soft drinks sa lamesa.

“Hindi na,” tipid na sagot ni Bellatrix. Pumasok na siya sa kaniyang silid at padarag na humiga sa kama.

Hindi na bago para kay Bellatrix ang ganoong eksena sa tuwing uuwi ang kaniyang ina. Gayunpaman ay naiinis pa rin siya. Lagi kasi silang laman ng tsismis dahil paiba-iba ang lalaking nakakasama ng kaniyang ina sa tuwing uuwi ito.

Pumikit si Bellatrix at hindi niya namalayang nakatulog na pala siya. Halos alas-otso na ng gabi nang siya ay nagising.

Bumangon si Bellatrix at nagbihis. Pagkatapos ay lumabas na rin siya sa kaniyang kuwarto. Ngunit hindi pa man siya nakakapunta sa kusina ay bumungad na naman ang dalawang estrangherong lalaki na kasama kanina ng kaniyang ina.

“Oh sakto! Katatapos ko lang din magluto. Tara, kumain na tayo!” nakangiting bulalas ng kaniyang ina na si Annabelle. Hawak nito ang isang kaldero ng kanin, habang ang ulam nilang pritong manok ay nasa lamesa na.

Walang imik na kumuha ng plato at kutsara si Bellatrix sa kusina. Pagkatapos ay lumapit siya sa lamesa at nagsandok ng kanin at saka kumuha ng ulam.

“Saan ka pupunta, Bella? Dito ka na kumain, sabayan mo kami,” kunot-noo nitong tawag sa kaniya.

“Sa kwarto ako kakain,” mariing tugon ng dalaga at saka tumalikod.

Pagkalapag ni Bellatrix ng kaniyang plato sa maliit na lamesa nito sa kwarto, ay siya ring pagpasok ng kaniyang ina sa loob. Nakapamaywang habang nakataas ang plakado nitong kilay sa harapan niya.

“Kailan ka pa naging bastos? Hindi ka naman siguro bulag para makitang mayro’n tayong bisita, ‘no? Tapos ganiyan ka kung makakilos!” sermon nito.

Kung paglalapitin silang dalawang mag-ina ay mapagkakamalan silang magkapatid. Parehong kulot ang mala-kapeng buhok, makinis at maputing balat, matangkad, at saka may kurba ang mga katawan. Ang kaibahan lang nila ay may maliit na nunal si Bellatrix malapit sa kaniyang labi.

Walang emosyong tumingin si Bellatrix sa kaniyang ina. “Ma, kailan ka ba titigil? Nakakahiya na’t paiba-iba na lang ang mga lalaking dinadala mo rito. Kaya tayo pinagpipiyestahan ng mga tsismis dahil hindi ka mapaawat sa kalandian mo—”

Ni-hindi pa natatapos ni Bellatrix ang sasabihin nang malakas na lumagapak ang palad ng ina sa kaniyang kaliwang pisngi. Napahawak siya sa namumulang pisngi. Mabilis na namuo ang luha mula sa kaniyang mga mata habang nanlilisik ang mga matang nakatingin dito. “Oh, bakit? Totoo naman ang sinasabi ko, ah?! Ang kalandian mo ang nagbibigay ng kahihiyan sa akin! Respetuhin mo naman ang sarili mo at kahit mamuhay na lang tayong dalawa ng tahimik!”

Pinandilatan siya ng mga mata nito habang dinuduro. “Wala kang karapatan para husgahan ako dahil wala kang alam! Anak lang kita at ina mo ako! Kung ayaw mong sumunod sa akin ay mas mabuti pang lumayas ka na lang!”

Napakagat sa ibabang labi si Bellatrix. Marami pa siyang nais sabihin pero naumid ang kaniyang dila nang sumilip ang isang lalaki mula sa pinto ng kuwarto niya.

Agad lumabas ng silid ni Bellatrix ang kaniyang ina para kausapin ang lalaki. Hindi niya napigilang suminghal sa inis. Iba talaga ang epekto ng lalaki sa kaniyang ina. Parang mahika kung mawala ang pagiging dragon nito sa kaniya.

Kahit walang gana si Bellatrix ay sumubo pa rin siya ng pagkain. Kailangan niya ng enerhiya para sa mga gagawing school works mamaya. Hindi dapat siya magpaapekto at kailangan niyang tatagan ang loob para makaalis na sa puder ng ina lalo na’t kotang-kota na siya sa kahihiyan.

***

ILANG SANDALI, napairap si Bellatrix pagkakita sa suot ng kaniyang ina. Suot nito ang isang hapit na pulang dress na ikinahulma ng kurba ng katawan nito.

“Aalis kami. ’Wag mong kalilimutang i-lock ang mga bintana at pintuan. Marami pang ulam doon sa lamesa, kumain ka lang,” bilin nito.

Nagkibit-balikat na lang si Bellatrix. Pamilyar na ang linyang iyon ng kaniyang ina. Sanay na sanay na siya. Alam niyang uuwi na ito kinabukasan. Dahil walang nakuhang sagot ito sa kaniya ay narinig niya ang pagbuntonghininga nito bago isinara ang pinto ng kaniyang silid.

Dahan-dahang tumayo si Bellatrix para sumilip sa bintana. Nakita niyang pumasok ang ina kasama ang dalawang estrangherong lalaki sa loob ng itim na van pagkatapos ay humarurot ito paalis.

Ang buong akala ni Bellatrix ay pangkaraniwan lamang ang mangyayari sa susunod na araw. Na pagkagising niya ay ipagluluto siya ng ina ng agahan kagaya ng madalas nitong gawin ngunit hindi.

Napakunot ang noo ni Bellatrix dahil nakasara pa rin ang mga pinto at bintana. Imposible namang hindi pa umuuwi ang kaniyang ina lalo na’t mayro’n itong duplicate key. Tinignan niya ang kaniyang cellphone ngunit walang missed call mula rito.

Sa una ay ipinagsawalang bahala lang ni Bellatrix iyon. Baka nasarapan lang sila kaya tumagal sila ng madaling araw. Kaya naman ay nagluto siya ng pagkain at naligo para pumasok na.

Habang nagbibihis siya sa kaniyang silid ay aksidente niyang nasagi ang picture frame nilang dalawa ng kaniyang ina. Nakaramdam siya ng kakaiba nang dahil do’n. Agad siyang kumuha ng dustpan at walis para itapon ang bubog sa likod ng bahay.

Napatalon sa gulat si Bellatrix nang nakarinig siya ng mga malalakas na katok galing sa kanilang pinto. Mabilis siyang naglakad patungo sa harap. Nagtataka siya nang naabutan niya ang isang matandang lalaki na akmang kakatok ulit.

“Oh, Ka Narsing! Ang aga mo namang mambulabog!” nakangiwi niyang turan.

Natigilan at nanginginig na lumapit si Ka Narsing kay Bellatrix. Nanlalaki ang mata nito at nanginginig ang buong katawan na ikinapagtaka niya lalo na’t medyo naninibago siya sa reaksyon nito.

“Ahm. . . Ayos ka lang po ba, Ka Narsing? Ano po pala ang sadya mo po?” muli niyang tanong.

“’A-Ang nanay mo, Bella! S-Si Anna!” nauutal na bulalas nito habang niyugyog ang kaniyang balikat.

Inis namang nilayo ni Bellatrix ang kaniyang sarili mula kay Ka Narsing. Humalukipkip siya. Nakakaagaw na sila ng kapitbahay niyang mga tsimosa. Hindi niya malaman kung ano ba ang trip nito ngayong umaga. Naglalaro sa kaniyang isipan na paniguradong mayro’ng ginagawang kalokohan ang ina kaya’t mayro’ng nagsampa ng reklamo rito.

“Bakit po? Mayro’n po bang ginagawa ang aking ina, Ka Narsing?” walang gana niyang tanong.

Dahil kasi sa ganda at alindog ng ina ni Bellatrix na si Annabelle ay marami itong nakakaaway na mga kapwa babae, kaya para sa kaniya ay normal na lang iyon.

Pinandilatan siya ng mga mata ni Ka Narsing at muling humawak sa kaniyang balikat. “Hija, patay na ang Mama mo! Tinawagan ako ng kaibigan namin at sinabing patay na siya!”

Nanlaki ang mga mata ni Bellatrix at hindi siya makagalaw. Ang mga kapitbahay naman niya ay malakas na suminghap sa kanilang nalaman. Tila umugong ang kaniyang mga tainga at nanlamig ang buo niyang katawan. Nablangko ang kaniyang utak at nanlamig ang buo niyang katawan.

“A-Ano ho? M-Masamang biro ’yan, Ka Narsing!” garalgal na sambit ni Bellatrix.

Hindi alam ni Bellatrix kung ano ang kaniyang mararamdaman. Gulantang pa siya at hindi makapaniwala sa nalaman.

Marahan namang umiling si Ka Narsing. Napahawak ito sa tuhod habang umiiyak. Matagal na rin niyang pinapahiwatig ang kaniyang nararamdaman para kay Annabelle, pero wala siyang tsansa. At ang malamang patay na ito ay masakit iyon para sa kaniya.

“Sana nga ay nagbibiro na lang ako, Bella,” puno ng paghihinagpis nitong turan.

Tumulo naman ang ilang munting luha mula sa pisngi ni Bellatrix. Pinahid niya ito at saka umiling. “H-Hindi ako naniniwala. . . Baka nasa hotel pa si Mama o sa mga inn sa bayan. Baka naman ibang Annabelle ang iyan, Ka Narsing.”

Akmang magsasalita muli si Ka Narsing nang magsigawan ang mag-anak sa kalapit na bahay.

“Hala totoo nga! Bella, ang nanay mo ay nasa balita!” sigaw ng isang Ale.

Napalunok si Bellatrix at sumunod kay Ka Narsing papunta sa bahay na iyon. Halos magkumpulan na rin ang mga taong nakikiusisa sa nangyayari. Mula sa maliit na telebisyon ay sabay nilang pinapanood ang breaking news kung saan ay ipinapakita ang isang taong nakahiga sa sahig na kinukumutan ng isang itim na tela. Kahit na nakatakip ito ay nakilala pa rin niya ang katawan at buhok na kapareho ng sa kaniya.

Halos matumba si Bellatrix. “H-Hindi. . .”

‘Hindi! Hindi maaari! Buhay pa si Mama. Babalik siya sa aming bahay at mag-uuwi ng mga masasarap na pagkain!’

Mabilis na dumagsa sa isipan ni Bellatrix ang mga sandaling kasama niya ang ina na si Annabelle. Kahit naman malamig ang pakikitungo niya rito ay mayro’n pa rin siyang pakialam dahil ina niya ito.

“Teka! Mukhang sa Lucky Hotel ’yan, ah?” banggit ni Ka Narsing nang mabasa ang lugar kung saan inilalabas ang katawan ni Annabelle at pinapasok na sa ambulansya.

Tila nagpantig ang mga tainga ni Bellatrix. Dali-dali siyang tumakbo paalis kahit pa siksikan sila sa bahay ng Aleng tumawag sa kaniya kanina. Hindi na rin siya nag-abala pang ayusin ang sarili o pumasok sa eskuwelahan. Isa lang ang tanging nasa kaniyang isipan at iyon ang puntahan ang hotel na tinutukoy sa balita na malapit sa kanila.

“Sandali lang, Bella! Kung pupunta ka sa hotel ay sasama ako! Kukunin ko lang ang aking motor sa bahay!” pasigaw na pagtawag sa kaniya ni Ka Narsing. “Magbihis ka muna. Naka-uniporme ka pa. Oh, ’di kaya ay pumasok ka na lang. Ako na ang bahala at mag-aasikaso sa labi ni Anna.”

Umiling si Bellatrix habang nanginginig ang kaniyang mga kamay. “Magbibihis lang ako sandali, Ka Narsing. Hintayin mo ako.”

Habang ang mga nanonood na mga tao ay nagbubulungan at nagkukuwentuhan sa nangyari. Naaawa sila sa naulila na ngayong si Bellatrix.

Nagpalit na ng damit na pangkaswal si Bellatrix. Hindi niya maatim na tignan ang larawan nilang dalawa ng kaniyang ina na nabasag kanina. Mukhang nagbigay na pala ng senyales ito na namamaalam na. Nakaupo lang siya sa kaniyang kama habang tulala sa kawalan. Kahit pa hindi maganda ang samahan nila ng kaniyang ina ay mahal pa rin niya ito. Naiinis lang siya sa mga tsismis ng mga tao tungkol sa kanila kaya ganoon siya.

Tatlong magkakasunod naman na busina ang nagpabalik sa reyalidad ni Bellatrix. Narinig niya ang tunog ng motor at boses ni Ka Narsing sa labas. Agad siyang tumayo at lumabas.

Nakita ni Bellatrix ang naka-jacket na ngayong si Ka Narsing. Inabutan siya nito ng helmet na agad niya ring sinuot. Umalis na sila at nagpunta sa kalapit na siyudad kung nasaan ang partikular na hotel.

Habang nasa byahe ay tahimik lang si Bellatrix. Blanko ang kaniyang isipan at tulala sa mga nadadaanan. May halong kaba at takot ang kaniyang dibdib sa maaari nilang maabutan mamaya. Nang naaninag na niya ang hotel at ang mga umpukan ng tao sa labas ay napaayos siya ng upo. Napalunok siya at nanginig ang kaniyang katawan.

Hininto ni Ka Narsing ang motorsiklo sa gilid at inalalayan si Bellatrix papunta sa mga tao. Wala na roon ang ambulansya pero naiwan ang ilang pulis. Lumapit sa kanila ang dalawa.

“Excuse po, Sir!” tawag ni Ka Narsing sa isang malapit na pulis.

Inis namang bumaling ang pulis sa kanila. “Anak ng! Sabing walang pupunta rito at nag-iimbestiga kami!”

“Ako po si Bellatrix, anak po ako ng namatay,” banggit ni Bellatrix. Tinikom agad niya ang nanginginig na labi. Hindi niya akalaing masasabi ang gano’ng kataga sa kaniyang ina.

Natigilan naman ang pulis at nagdududa itong nakatingin kay Bellatrix. Pero dahil magkamukha nga ang dalawa ay naniwala rin siya. “Nasa morgue na ng hospital ang bangkay ng iyong ina, Hija. Doon ninyo na lamang siya puntahan. Kukunin ko na rin pala ang numero mo para sa update.”

Tumango si Bellatrix at kinuha ang cellphone ng pulis upang ilagay ang kaniyang numero. Pagkatapos ay lumakad na silang dalawa ni Ka Narsing para sumakay sa motor nito para dumiretso sa hospital na sinabi ng pulis. Subalit bago pa man sila tuluyang makaalis ay nakarinig siya ng mga usapan galing sa kumpol ng mga tao.

“Si Don Geronimo raw ang huling kasama ng babaeng namatay.”

“Eh, ’di ba, dalawang lalaki ang nakitang kasama ng babae nang pumasok siya sa loob ng hotel?”

“Oo nga. Pero si Don Geronimo talaga ang huling nakasama niya bago siya pagbabarilin sa loob ng hotel.”

“Talaga? Kaya siguro namatay dahil sa kakatihan. Dapat din na mawala na siya mundong ito dahil salot ang mga malanding katulad niya.”

Dahil sa narinig ni Bellatrix ay bumulusok ang matinding galit sa kaniyang dibdib. Akma niyang susugurin ang mga ito ngunit napigilan siya ni Ka Narsing.

“Halika na, Bella. Huwag mo na silang pansinin at mas intindihin natin ang labi ni Anna,” pagpapakalma nito sa kaniya.

Marami rin kasing nakaaligid na mga camera kaya’t mas minamabuti ni Bellatrix na huwag gumawa ng gulo. Ikinalma niya ang kaniyang sarili at tinalikuran ang mga pakialamerang tsismosa na pakiramdam nila ay mayro’n silang ambag sa kanilang buhay.

‘Don Geronimo. . .’

Nang mayro’ng dumaang dalawang babae ay hinarangan ni Bellatrix ang mga ito. Nagulat ang magkaibigan at nagtataka sa ginawa niya.

“Excuse me po. Itatanong ko lang kung kilala ninyo ba si Don Geronimo?” tanong niya.

Nagtinginan naman ang dalawang babae. Ang nasa kaliwang banda naman ay itinuro ang hotel.

“Si Don Geronimo Marquis ang may ari ng hotel na ’yan. Mayaman at marami pang ari-arian sa buong siyudad,” tugon nito.

“Salamat po,” nakangiting turan ni Bellatrix. Gumilid siya at lumapit kay Ka Narsing habang nakatingin ito sa hotel.

Napakunot ang noo ni Ka Narsing. “Ano ba ‘yong tinanong mo?”

Umiling lamang si Bellatrix. “Wala lamang iyon, Ka Narsing. Puntahan na natin ang hospital kung nasaan si Mama.”

Sa huli ay sumakay na sila sa motor at umalis doon. Ngunit tatlong tao ang hindi maalis sa utak ni Bellatrix—ang dalawang estrangherong lalaki na kasama ng kaniyang ina na umalis sa bahay at si Don Geronimo Marquis na huling kasama ng kaniyang ina bago ito mamatay.

Hindi man lubusang kilala ni Bellatrix ang tatlo ay magagawan niya ng paraan para malaman ang sikretong pagkamatay ng kaniyang ina.

‘Buhay ang kapalit ng buhay. Kinuha nila ang nag-iisang kong pamilya, kaya naman kukunin ko rin ang buhay ng may sala sa pagkamatay ng aking ina. . .’

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status