Home / Fantasy / Rose Red (Tagalog/Filipino) / The Crowned Princess

Share

The Crowned Princess

Author: Pyongieshii
last update Huling Na-update: 2024-10-29 19:42:56

                                                                     

01

Asul na asul ang dagat at kumikinang kinang pa ito dahil sa sinag ng araw.

Kalmado ito kaya payapa ang biyahe namin. Pero maya't maya lang ay nakasisiguro ako magkakagulo ngayon dito sa barko dahil nandito ako ngayon.

Nakarinig ako ng isang weirdong huni ng ibon dahilan para mapaangat ang tingin ko. Napakunot noo ako ng makita ko ang isang kuwago na dapat tulog sana ngayon.

"Napakabobong nilalang," bulong ko habang masamang nakatitig sa ibon na iyon.

Lumipad lipad lang ito sa himpapawid at sinundan ko naman ito ng tingin. Alam kong alam niyang nakatingin ako sa kaniya pero hindi niya binaling ang tingin niya sa akin.

Sinundan ko ito ng tingin at napansin kong papunta ito sa likurang bahagi ng barko. Napakunot naman ang noo ko. Malakas ang kutob ko na nay mangyayareng hindi maganda. May kuwago gising sa umaga? At naglalaroy laroy ngayon sa barkong ito?

Mabilis akong naglakad papunta sa lugar na walang tao. Napalinga-linga muna ako sa paligid atsaka ko kinuha ang maliit na pulang bato mula sa bulsa ko at walang pag-aatubiling nilunok ito.

Pagkakurap ko ay kaagad akong napunta sa isang masikip na lugar. Napadako kaagad ang paningin ko sa kwago na kasalukuyang nakadapo sa isang malaking kahon.

Naglakad ako palapit roon at kaagad naman lumipad palayo ang kwago. Atsaka ito dumapo sa balikat ko. Binuksan ko naman ang kahon at gaya ng inaasahan ay hindi ito kaagad kadaling mabubuksan.

Nagpakawala naman ako ng isang malalim na buntong hininga. Atsaka inangat ang kanang kamay ko. Unti-unti namang may lumabas na halaman mula sa kanang palad ko. Nang maging sapat na ang haba nito at mahigpit ko itong hinawakan gamit ang dalawang kamay atsaka ako dahan dahang naglakad paatras at malakas kong hinampas ang lock ng kahon.

Lumipad naman palapit sa kahon ang kwago at naglakad naman ako palapit doon at mabilis ko itong binuksan. Nagningning kaagad ang mga mata ko ng makakita ako ng madaming mga alahas. Kaagad kong nilabas ang bag ko at nilagay roon ang bawat alahas na kinukuha ko sa kahon.

Maya't maya napatigil ako at napatingin sa kwago.

Tinaasan ko naman ito ng kilay. "Wala ka bang balak tumulong?"

Kaagad na nagpalit ang anyo ng kwago at unti unti itong naging isang tao.

"Oo na, kawawa ka naman." mapangasar na sabi ni Vayne at tinulungan ako sa pagkukuha ng mga alahas. Nang mapuno na ang bag ay siya na ang nagbuhat nito. Hinayaan ko na lang siya dahil siya naman ang lalaki.

Siya na ang nagbukas ng pinto at wala namang tao ang bumungad sa amin. Mabilis na tumakbo na kaagad kami. Dahil paniguradong may makakarinig ng pagkalansing ng mga alahas sa loob ng bag na hawak hawak ni Vayne.

Nakailang liko pa kami, hanggang sa makarating kami sa labas nang walang dumidistorbo sa pagtakas namin.

Pero akala ko lang pala iyon.

"MGA MAGNANAKAW!" Sigaw ng isang babae.

Inabot naman sa akin ni Vayne ang bag at kaagad nagpalit ng anyo bilang isa namang 'Pegasus' at kaagad akong sumakay sa kanya. Bago pa man makarating ang mga taong nakarinig sa sigaw ng babae ay nakalipad na kami palayo sa barko.

Malawak akong napangiti habang mabilis na lumilipad si Vayne. Sa sobrang tuwa ko ay hindi ko na rin naiwasang mapatawa ng malakas.

Lumipas ang isang oras ay nakabalik na kami muli sa pampang. Kaagad namang nagpalit ng anyo si Vayne sa tunay na anyo nito nang makababa na ako mula sa pagsakay ko sa kaniya.

Nagkatinginan naman kaming dalawa at sabay na napangisi.

                                 ~*~

Pareho kaming dalawa, mga walang trabaho pero nakakaya naming mabuhay sa pamamagitan ng pagnanakaw. Kaya kahit wala kaming trabaho ay marami pa din kaming mga baong pera at nagagawa pa rin naming bilhin kung ano ang gusto namin.

Ang tanging wala lang sa amin ay sariling tirahan. Palipat lipat kami ng tinutuluyan dahil sa gawain namin.

"Oh ano? Bakit natahimik ka bigla?" Nakataas kilay na tanong ni Vayne sa akin habang kumakain kaming dalawa sa isang kainan sa labas. "Kanina lang ang lakas lakas ng tawa mo. Huwag mong sabihing nakokonsensiya ka?"

"Ang tagal tagal na nating ginagawa ito. Ngayon pa ba ako makokonsensya?" natatawang sabi ko sa kanya. "Kasalanan din nila iyon, kulang ng seguridad iyong barko eh," Sabay tungga ko ng beer na parang uminom lang ako ng tubig.

"Gusto mo bang sa barko ulit ang susunod na misyon natin?" nakangising tanong ko sa kaniya. Kaagad naman siyang napakunot noo at umiling. Nagtaka naman ako.

"Ang hirap kaya lumipad ng isang oras, Red." reklamo niya sa akin.

Napairap na lang ako sa kawalan, "Masyado ka namang panira."

Tawa lang ang isinagot niya sa akin atsaka rin siya tumungga ng beer.

"Huwag mo muna isipin kung ano ang susunod. Marami rami rin ang nakuha natin kaya mamuhay muna tayo nang normal sa mga susunod na araw,"  atsaka niya ako siniko habang malawak ang ngiti niya. "Magandang ideya diba?"

"Anong ibig sabihin mo sa normal?" nang-aasar na tanong ko sa kanya atsaka ako sumubo ng pulutan namin.

"Normal na ginagawa ng isang tao. Mamasyal, magsaya at..." bigla naman siyang napatigil at napatingin ng diretso sa akin na para bang hinihintay niya na ako ang magsabi ng huling salita.

Pero hindi ko alam ang huling salita kaya iniba ko na lang ang paksa ng pinaguusapan namin, "Ibig mo bang sabihin mamuhay na parang hindi tayo naging isang mga 'magnanakaw'?" Binulong ko naman ang huling salita.

Nangalumbaba naman siya dahilan para lumikha nang tunog ang pagpatong ng siko niya sa lamesa at ngumiti siya sa akin.

"Mag-date tayo."

Napakurap kurap naman ako dahil sa sinabi niya. Pinanliitan ko naman siya ng mata at sinubukan kong basahin ang ekspresyon niya pero wala akong mahula kung ano ang posibleng tumatakbo sa utak niya ngayon.

Kung bakit ba naman ay hindi patas ang mundo? Bakit mas madaling basahin ang pag-iisip ng babae kaysa sa lalaki?

Nagtaka naman ako nang bigla na lang siyang tumawa.

"Ahahahaha! Sabi na nga ba at may gusto ka sa akin."

Napakunot noo ako, "Ano? Ang kapal ng mukha mo!" Singhal ko sa kanya atsaka ko siya binatukan.

Napahawak naman siya sa ulo niya, "Aray! Bakit kailangan manakit?"

Hindi ako sumagot at inirapan ko siyang muli atsaka ako muling uminom ng beer.

"Red," tawag niya sa akin, "Tara, mamasyal naman tayo sa labas. Magpakabait naman tayo kahit isang linggo lang."

Napangiwi naman ako, "Magpakabait? Pasensya pero wala sa bokubolaryo ko yan."

"Mag-date?" Sinamaan ko naman siya ng tingin pero mas lalo niya lang nilawakan ang ngiti dahilan para mawalan siya ng mata.

"Hindi ba't date na rin naman 'tong ginagawa natin?" nakasimangot na sabi ko.

"Ang ibig kong sabihin, mamasyal hindi yung kumain lang sa labas," sabi ni Vayne.

"Magliwa-liwaliw na muna tayo. Magpakasaya-saya, ganun ang ibig kong sabihin."

Tumungga pa ako ng beer at inubos ko na ang laman nito, "Sige, tara. Mag-date tayo," atsaka ako tumingin ng diretso sa kanya at ngumisi. "Pero lagyan natin ng challenge."

"Challenge?"

"Kasasabi mo lang hindi ba? Magpakabait tayo ng isang linggo."

"Pero sinabi mo na wala sa bokubolaryo mo ang pagiging mabait."

"Oo pero iba ang gusto ko ipahiwatig." sabi ko sa kanya, "Pareho lang tayong dalawa na makati ang mga kamay. Isang linggo natin pananatilihin na malinis ang mga kamay natin."

Napataas ang kilay niya pero kalaunan ay napangiti din siya.

"Gusto ko 'yan ah. Pero paano kung may sumuway sa ating dalawa?"

"Basta ako nang bahala sa parusa mo at ikaw nang bahala sa parusa ko." sabi ko sa kanya atsaka na ako tumayo at naglapag ng pera sa lamesa. "Tara na."

                                 ~*~

Una naming pinuntahan kaagad ay  ang bilihan ng mga damit o kung ano anong mga kailangan isuot na siya namang pinagtataka ko. Paano naman kami makakapagsaya kung maglilibot lang kami sa mga damitan?

Nagkahiwalay kami ni Vayne sa isang bilihan dahil magkahiwalay ang seksyon ng mga kasuotan ng mga lalaki at ng mga babae.

Nabaling ang tingin ko sa isang kumikinang na alahas at parang mistulang napako ang paningin ko rito. Hindi ko maiwasang titigan ito ng matagal.

Isang kwintas na gawa sa pilak at may mga nakapaligid na sapphire bilang disenyo nito.

Parang mistulang nahipnotismo ako. Dahan dahan akong naglakad palapit dito habang hindi ako kumakawala ng tingin sa kwintas.

Nang makalapit na ako ay dahan dahan kong inangat ang kamay ko papalapit sa kwintas pero napalayo bigla ang kamay ko nang makaramdam ako ng paso at doon naging visible sa paningin ko ang transparent at pabilog na proteksyon nito.

"Interesado po ba kayo sa kwintas?" napaigtad ako nang bigla na lang may nagsalitang babae sa gilid ko. Kulay abo ang buhok nito na abot hanggang bewang at kulay violet naman ang mata nito.

Nang hindi ako sumagot ay nagpatuloy pa ito sa pagsasalita., "50,000 ang presyo nito."

Nanlaki naman ang mata ko. "Grabe! Ang mahal naman!" Reklamo ko atsaka ako tumalikod sa kanya at pinagpatuloy ang paglalakad. Napadako naman ang tingin ko kay Vayne na natatawang umiiling sa akin. Mukhang alam niya na siguro kung ano talaga ang tunay kong balak kanina.

Sunod naman akong napatingin ay sa puting mahabang bestida. Pero wala naman akong balak nakawin ito di tulad sa alahas na nakita ko kanina. Sadyang nabighani lang talaga ako sa taglay na ganda ng damit.

Naramdaman ko naman ang presensya ni Vayne sa likod ko kaya nilingon ko siya.

"Gusto mo ba yan?" Nakangiting tanong niya sa akin.

Mahinang natawa ako at pinagmasdan ulit ang damit. "Ang mga ganyang kasuotan ay para lang sa mga babaeng magaganda, mahihinhin at higit sa lahat ay may mabubuting puso. Hindi yan nababagay sa isang katulad ko." Sabi ko habang nakangiti ng mapait.

"Pero maganda ka naman, Red."

"At isa pa, alam mo rin naman na ayaw ko sa mga puting bestida." Dagdag ko pa. Hindi ko na pinagtuunan ng pansin ang pagpupuri niya sa akin.

Bigla naman nanumbalik sa isipan ko ang isang memorya ng isang batang babae na mayroong mahabang puting buhok na nakasuot ng magandang puting bestida. Ang mga asul na mga mata naman nito ay sadyang nakakabighani dahil sa inosenteng paraan nito ng pagtingin sayo.

Muli akong napangiti ng mapait.

Nakapili naman kaming dalawa ng magandang damit na gusto namin at kaagad sinuot ang damit na pinili namin. Sunod naman naming pinuntahan ay sa isang lugar kung saan may mga gumaganap sa entablado. Pero hindi ako ganun masyadong namangha sa mga nagpapakita ng mga talento nila sa harapan. Pero mukhang si Vayne ay tuwang tuwa sa mga napapanood niya.

Nang matapos ang panonood namin ay napadaan kami sa palaruan ng chess. Biglang lumawak ang ngiti ni Vayne at base sa ekspresyon niya ay mukhang may binabalak ito.

"Tara." Nakangiting yaya nito sa akin atsaka ako hinawakan sa kamay at hinila ako palapit sa palaruan.

"Sali kami!" Nakangiting sabi ni Vayne sa mga naglalaro na sa tingin namin ay malapit nang matapos ang laro nila.

Napatingin sa amin ang dalawang naglalaro at ang mga manonood.

"Hindi pwedeng basta maglaro dito. Kailangan willing kang may maibigay sa katunggali mo ng kahit na anong bagay na hihilingin niya." sabi ng lalaking nag-aasikaso sa mga manlalaro na bigla na lang naglakad sa harapan namin.

"Yun lang ba ang kondisyon? Libre lang ba ang maglaro dito?" tanong ni Vayne sa kanya. Nginitian naman siya ng lalaki.

"Kahit ilang oras mo pa gusto maglaro." Yun lang ang sinabi niya atsaka na siya umalis sa harapan namin.

Binitawan naman ni Vayne ang kamay ko at napasinghap naman ang lahat nang galawin niya ang itim na reyna sa chessboard dahilan para matalo ang isang manlalaro.

Ngumisi naman si Vayne sa lalaki. "Ang galing ko diba? Nahulaan ko ang tira mo." Turan ni Vayne. "Umalis ka na dyan at ako na ang papalit sa pwesto mo." At walang pakundangan niyang inayos ang mga chess pieces nang hindi man lang nagpapaalam sa lalaki. Napailing na lang ako.

Wala nang nagawa ang lalaki at umalis na sa pwesto niya at kaagad naman naupo doon si Vayne.

"Sinong gustong makatunggali ako?" mayabang na sabi niya. Napairap na lang ako sa kawalan. Mabuti na lang at nagagawa ko pang pigilan ang kamay ko na batukan siya.

Walang sumagot sa tanong niya kaya napangiti na lang siya sa taong nasa harapan niya. "Kung ganun wala naman pala akong ibang choice."

"Sampung libo," ani ng lalaking nasa harapan niya.

Napatawa naman ng mahina si Vayne. "Yun lang? Ang bababa niyo naman magbigay," natatawang sabi nito kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na sikohin siya. Napatingin naman siya bigla sa akin at napansin ang nakakunot noong ekspresyon ko pero nginisihan niya lang ako at binaling ang tingin sa lalaking nasa harapan niya.

"Isang daang libo," ani Vayne sabay ngisi. Ang dami namang nagsinghapan na mga nanonood sa eksena namin dito.

"Vayne!" saway ko sa kanya. Natatawang lumingon lang siya sa akin.

"Bakit?" natatawang sabi niya ulit. "Ilang beses mo na akong nakitang maglaro ng chess ngayon ka pa ba mawawalan ng tiwala sa akin, Red?"

Napahalukipkip na lang ako atsaka ko mas lalo siyang sinamaan ng tingin.

"Bahala ka!"  singhal ko sa kaniya, "Basta kapag natalo ka at nawala ang pera natin. Papatayin talaga kita." nanggigigil na pagbabanta ko sa kaniya.

Mas lalong  napahagikgik pa si Vayne dahil sa inasta ko at binalik na naman ang tingin sa magiging katunggali niya. "Pano ba 'yan? Sobrang malas ko pala kapag natalo mo ko." Atsaka umangat ang sulok ng labi niya. "Umpisahan na natin."

Kay Vayne napunta ang mga itim na chess pieces samantalang sa kalaban naman niya ang mga puting chess pieces kaya siya ang nag-umpisang gumalaw. Tutok na tutok ang mga nakikinood sa kanila at pati rin ako. Seryoso naman sa paglalaro ang kalaban ni Vayne samantalang ang siraulong lalaki patawa tawa lang at napakadaldal habang naglalaro silang dalawa.

Lumipas ang ilang mga minuto. Kakaunti na lang ang natitirang piraso sa kanilang dalawa. Napasinghap naman kaming lahat nang makain ng itim na bishop ni Vayne ang puting reyna ng kalaban.

Ngumisi si Vayne sa kalaban at itinaas ang kaliwang kilay niya.

"Nasaan na ang sampung libo mo?"

"Ano?" kunot noong turan ng lalaki at pinagmasdan ang chessboard doon niya lang napagtanto na wala nang maikilos ang puting hari niya.

"Papaanong---"

Inip na pinakita ni Vayne ang palad niya sa lalaki, "Nasaan na?"

Napabuntong hininga na lang ang lalaki at inabot ang sampung libong pera sa palad ni Vayne dahilan para lumawak ang ngisi nito.

Madaming tao naman ang naghiyawan at nagpalakpakan. Parang bula na nawala ang pagkairita nila sa pagiging mayabang ni Vayne. Kunsabagay nga naman, may ibubuga naman talaga ang lalaking ito. Kaya lang kinakabahan ako sa pagiging mayabang nito. Sa oras na may makalaban siya na makakatapat niya, tiyak na mapapahiya ito.

"Napakagaling!"

"Kahanga-hanga!"

Patay tayo dyan. Nakakuha pa ng mga papuri si Vayne. Mas lalong lalaki ang ulo n'yan.

"Sino pa ang gusto kong makatunggali?" tanong ni Vayne nang hindi nawawala ang ngisi sa kanyang labi.

Marami na ang naging interesado na makalaban siya.

"Limampung libo."

"Pitumpung libo."

"Siyamnapu't libo."

"Isang daang libo."

"Isang baso ng pawis."

Natawa naman si Vayne sa sinabi ng kasalukuyang katunggali. "Aanhin ko pawis mo?

"Kapag natalo mo ako, willing ako mag ehersisyo dito sa harap mo at punuin ng pawis ko ang isang baso." seryosong sabi nito.

Napatango tango naman si Vayne. "Sige, kung ganun. Isang timba ng pawis ang sa akin."

Madami naman nagsihiyawan dahil sa tinuran ni Vayne. Mukhang nagkaroon bigla ng madaming taga supporta ang siraulong ito. Malamang ay magyayabang na naman ito. Wala pa kasing nakukuhang talo ito kaya padami rin ng padami ang nanonood sa amin.

Pero pagkatapos ng laro nila ay si Vayne pa din ang kinampihan ng sunod sunod na swerte.

"Madaya ka! Ginamitan mo siguro ng mahika yung laro?" singhal nito sa kanya.

Binigyan naman ito ni Vayne ng isang nakakaasar na tawa, "Pasensya Ginoo, Pero hindi ako isang wizard. Isa akong shapeshifter kaya hindi ko magagawang gamitan ng mahika ang laro."

"Oh baka naman ikaw binibin---"

Inunahan ko naman siya bago niya ako akusahan, "Hindi rin ako isang witch, Ginoo."

"Kung ako sayo, umpisahan munang punuin ng pawis mo ang isang baso. Isang baso lang naman yan kumpara sa isang timba," sabat ng isang manunumporta ni Vayne.

"Oo nga!" pagsasang-ayon ng ibang manonood.

Wala nang nagawa ang kawawang lalaki nang inabutan na siya ng isang baso. Padabog niyang kinuha iyon at naghiyawan naman ang mga tao nang mag-umpisa na itong mag-ehersisyo upang punuin ng pawis niya ang isang baso. Nagsitawanan naman ang mga tao na may kasamang hiyawan.

Nilingon naman ako ni Vayne atsaka niya ako nginitian pero sinimangutan ko lang siya dahilan para mapatawa siya ng mahina.

"Mukhang naiinip ka na. Tara na umuwi na tayo at magpahinga," sabi niya sa akin atsaka siya umakmang tumayo.

"Teka teka! Uuwi ka na?" tanong ng isang lalaki kay Vayne.

"Oo nga, aalis ka na? Hindi ka na ba mag-hahanap pa uli ng makakalaban mo?" tanong pa ng isa.

"Pasensya na kayo pero kailangan na naming umalis," sabi nito sa mga sumusuporta sa kanya kanina. "Hanggang sa muli."

"Sandali!"

Napalingon naman ang mga tao sa pinanggagalingan ng isang malalim na boses.

Isang lalaking may magandang kasuotan ang naglakad palapit sa amin. Hanggang balikat ang medyo kulot na itim na buhok nito. Matangos ang ilong nito at makisig ang pangangatawan pati ang kanyang itsura.

"Bago ka umalis, maari ba kitang makalaro saglit?"

"Base sa pananamit niya mukhang mayaman siguro ito," mahinang komento ko na siyang narinig naman ni Vayne.

Napataas naman ang sulok ng labi ni Vayne. "Oo naman!" masiglang sagot niya at kaagad agad umupo. Iminuwestra pa niya ang kamay niya upang yayain ang naghamon sa kanya na umupo sa harap niya.

Kaagad namang umupo ang misteryosong lalaki at ngumiti kay Vayne.

"Ikaw ang bahala kung anong gusto mong hingin sa akin," nakangiting sabi nito. Lumawak naman ang ngiti ni Vayne dahil sa sinabi niya.

"Gusto ko 'yan!" masiglang sagot ni Vayne kaya tipid na napangiti lang ang lalaki.

"Pero ang hinihingi kong kapalit kapag natalo kita ay ang asawa mo," seryosong sabi nito sabay tingin sa akin dahilan para mapabuka ang bibig ko.

"Ano? Teka bakit ako?" kunot noong reaksyon ko.

Kunot noong napatingin naman din sa akin si Vayne. "Teka? Bakit apektado ka? Asawa ba kita?"

"Ah! Pasensya! Nagkamali pala ako," mahinang napatawa ang lalaki. "Apektado kasi ang kasama mo sa tuwing may nababanggit kang mataas na pera. Kaya sa tingin ko, magkahati kayong dalawa sa perang meron kayo na katulad nang ginagawa ng isang mag-asawa."

"Tch." napairap na lang ako sa kawalan at napahalukipkip.

"Bakit pala? Ano palang kailangan mo sa kasama ko? Natitipuhan mo ba siya?" sunod sunod na tanong ni Vayne.

Ngumiti sa akin ang lalaki dahilan para magsitaasan ang balahibo ko sa batok. Kaagad akong lumipat sa likod ni Vayne mula sa gilid niya.

"Oo," nakangiting tugon niya. "At hindi lang siya," may kinuha naman siya sa bulsa ng itim na polong suot niya at pinakita sa amin ang isang petal ng rosas na nakasilid sa maliit na plastik.

"Pati ang abilidad na meron siya."

Bigla akong namutla at bumilis ang tibok ng puso ko.

Bakit alam niya ang mahika na meron ako?

Anong kailangan niya sa akin?

"Teka," naging seryoso ang tono ng boses ni Vayne. "Sino ka?"

Binalik niya naman sa bulsa ng polo niya ang isang piraso ng petal na pinakita niya sa amin at may kung ano naman siyang kinuha sa bulsa niya at inilapag naman sa lamesa ang isang kumikintab kintab pa na pin.

Sabay sabay na napasinghap ang lahat nang masilayan naming lahat ang pin na inilapag niya.

"Isa kang knight?" kinakabahan na tanong ni Vayne habang nanlalaki ang mga mata niya.

Binalik niya naman sa bulsa niya ulit ang pin, "Huwag kayong mag-alala. Hindi naman oras ng trabaho ko ngayon. Pero oo, isa nga akong knight. Ako si Rolan."

Hindi naman kaagad kaming nakapagsalita ni Vayne.

"Pero kapag nanalo ka naman kaya ko naman magpanggap na wala akong nalaman tungkol sa inyong dalawa at gaya rin ng sabi ko kanina, pwede kang humingi ng kahit na ano sa akin."

"Paano kung tumanggi akong makipaglaro sayo?" tanong naman ni Vayne.

"Bakit? Akala ko ba malaki ang tiwala mo sa kakayahan mo sa ahedres?" nagtatakang tanong niya pero parang sa paraan na nang-aasar.

"Oo nga! Wala ka pala pagdating sa isang knight eh!" sabat ng isang lalaki.

"Kanina ang lakas mong makapagyabang ngayon umaatras ka na?" ani naman ng isa.

"Mahina ka naman pala eh! Malakas ka lang sa una!"

Hanggang sa sunod sunod na nangutya ang mga tao. Ito na nga ba ang sinasabi ko kaya gustong gusto kong batukan si Vayne sa kayabangan niya kanina eh.

"Makipaglaban ka na! Huli na rin naman yan eh!"

"Pagbigyan mo na ang isang knight."

Napuno ng ingay ang pwesto namin kaya mas lalong nahirapan si Vayne sa kung ano ang magiging desisyon niya. Habang si Rolan naman ay tipid lang na nakangiti sa aming dalawa pero ang mga mata niya ay parang nang-aasar sa amin.

Biglang natigil ang ingay ng mga tao sa amin nang makarinig ng isang malakas na tunog ng trumpet. Agad kaming napalingon sa pinanggagalingan ng tunog ng trumpet.

"MAGBIGAY GALANG KAYONG LAHAT SA BAGONG CROWNED PRINCESS!"

Madaming nacurious kung sino ang bagong crowned princess. Maging kaming dalawa din ni Vayne kaya kaagad kaming nakisabay sa mga tao na nagsipuntahan sa unahan kung saan dadaan ang kalesa na sinasakyan ng prinsesa.

Nasilayan ko naman sa malayo ang dalawang puting kabayo na iba't ibang kulay ang buhok at may hinahila itong puting kalesa na sadyang napakaganda ng disenyo.

May mga ilang knights rin na nagmamartsa sa unahan at sa unahan naman ng mga knights ay ang mga babaeng naghahagis ng puting petals ng bulaklak sa paligid. Sa unahan naman ng mga babae ay ang mga grupo ng mga tao na nagpapatugtog at sa unahan naman nito ay ang isang lalaki na nakasakay sa kabayo at may hawak itong malaking trumpet. Mukhang ito siguro ang boses na narinig namin kanina na sumigaw.

Bawat taong nadadaanan nang puting karwahe ay yumuyuko ang mga ito dahil dito nakasakay ang isang prinsesa.

Maya't maya malapit na sa amin ang lalaking may hawak ng malaking trumpet kaya naghanda na ang bawat isa para sa pagyuko sa pagdating ng puting karwahe.

Sunod sunod nang dumaan ang mga parte ng parada hanggang sa malapit nang makadaan sa amin ang puting karwahe.

Medyo naaaninag ko na ang prinsesa. Nakasuot ito ng puting bestida at nakatakip ang ulo nito nang hood ng puting cloak na suot rin nito kaya hindi pa ganun makikita ang mukha nito. Pero base sa pigura nito ay sadyang magkokonklusyon ka kaagad na maganda ito.

Nag-umpisa nang yumuko isa-isa ang mga tao na malapit sa amin at bigla na lang tinanggal ng prinsesa ang hood na nakatakip sa ulo niya at  una kong nakita ang mahabang puting buhok nito.

Nang maiangat niya ang mukha niya ay kaagad kong napansin ang asul na mata nito.

Napabuka ang bibig ko at biglang naging mabagal ang oras. Patuloy kong tinitigan ang mukha niya at bumalik kaagad ang mga alaala na nakasama ko ang batang may suot na puting bestida at mayroon ring puting buhok na katulad niya.

Hindi maari, ang namatay kong kakambal. Siya na ang bagong prinsesa ngayon.

"Snow White..." bulong ko. 

Kaugnay na kabanata

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Runaway

    02

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Worthy for punishment

    03

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Royal Guard

    04

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Prince of insects

    05

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Longma

    06Kasalukuyang nakadungaw kaming dalawa ni Ciela sa bintana. Habang ang mga kasama naman namin ay sinasanay sa paggamit ng mga sarili nilang mga mahika.Napabuntong hininga na lang ako. Ito ang parusang pinataw sa amin ni Lady Annora sa paglabag ng pangunahing tuntunin niya sa kanyang ampunan. Ang ikulong kaming tatlo sa isang silid. Dito na lang daw kami magpatayan gamit ang mga sariling mahika namin.Pero si Snow White ay tahimik lang na nakaupo sa isang sulok. Walang bakas ng pag-aalala sa mukha niya at nagbabasa lang ng libro habang tumatapik tapik sa sahig ang kanyang kanang paa."Kasalanan mo 'to!" inis na sabi ko kay Ciela. "Mahilig ka kasi mambintang ng ibang tao!"Napakunot noo

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Scars of yesterday

    07Kaagad namin ginamit ang mga perang napanalunan ni Vayne sa paglalaro ng ahedres sa pag-renta ng mga libro sa public library. Pagkarating namin sa kwartong nirenta namin sa isang inn ay kaagad nilapag naman ni Damien ang anim na libro."Bakit ang dami?" pasinghal na tanong ko habang karga karga ko si Vayne na kasalukuyang sanggol ngayon. Samantalang kami naman ni Damien ay kasalukuyang nakasalampak sa sahig. Ang kaibahan nga lang ay nakaupo sa unan si Damien. Maarte kasi ang loko, madumi daw ang sahig."Hindi sapat ang isang libro!" kaagad na sagot ni Damien atsaka siya kumuha ng isang manipis na libro at pinakita ito sa akin. "At kakailanganin rin natin ito, tungkol ito sa mga tao rito na bigla na lang nawala. Paniguradong nandito rin ang mga magulang mo."Napairap naman ako, "Alam ko, dahil bi

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Vampire's Beauty

    08"May alam ka ba na makakatulong sa amin para bumalik sa normal yung kaibigan namin?""Wala talaga?""Pasensya na kung naabala kita.""Ayos lang sa akin iyon, huwag kang mag-alala.""Nga pala, ito nga pala ang kaibigan kong si Celestia."Napangiwi na lang ako habang pinapanood ko si Damien na nakikipagusap sa isang tutubi.Kasalukuyang nasa labas kami ngayon nakatambay dahil umaga naman at hindi naman ganun nakakasilaw ang araw. Si Vayne naman ay syempre sanggol pa rin at karga karga ko ngayon.Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Snow White noon na si Damien ay walang nakikitaang isang katangian para mamuno ng isang k

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Witness

    09"Pwede po bang magtanong?"Naalala ko nung mga panahong nasa labing tatlong taong gulang pa lang ako. Wala na ako sa poder ng isang pamilya na nanakit at nag-abuso sa akin. Pero pabalik balik pa rin ako sa pampublikong librarya para paulit ulit kong hiramin ang librong may nilalaman na impormasyon tungkol sa magulang ko.Tinaasan lamang ako ng kilay ng babaeng tagapagbantay ng librarya. Kaya tumikhim naman ako bilang senyales na nag-aabang ako ng sagot niya."Nagtatanong ka na, hija," pamimilosopo niya sa akin. "Ano ba iyon?" medyo iritado pa ang tono ng boses niya habang nagtatanong."Saan po matatagpuan ang may akda ng libro na ito?" pinakita ko sa kanya ang manipis na librong hawak ko.Kinunotan naman niya ako ng noo at

Pinakabagong kabanata

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Epilogue

    Simoy na simoy ko ang preskong hangin habang kasalukuyang nasa itaas ako at nakasampa sa likod ni Vayne na ngayon ay nasa anyong Pegasus. Ang mahabang pulang buhok ko naman ay sumasayaw sa lakas ng hangin na humahampas sa akin dahil sa tulin ng paglipad ni Vayne.Ilang taon na nga ba ang lumipas? Pito o walong taon na yata bago ko muling napagpasyahan na bumalik sa lugar na iyon. Sapat na siguro ang mga taong lumipas para harapin ang aking nakaraan. Ang ikinababahala ko lang ay kung malugod ba nila akong tatanggapin. Ano kaya ang magiging reaksyon nila kapag nakita nila akong muli?Maya’t maya, lumipas ang ilang oras ay natanaw ko na ang bahay ampunan. Nakadama ako ng kaunting kaba sa aking dibdib pero isiniwalang bahala ko na lang muna iyon. Wala nang atrasan pa. Ako naman ang may gusto na gawin ang bagay na ito kaya kailangan kong panindigan ang naging pasiya ko.Nang makalapit na kami sa destinasyon namin ay napagpasyahan na ni Vayne na lu

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Goodbye, Butterfly

    34Marami na siyang taong napatay pero hindi pa pala niya ginagamit ang buong lakas niya kanina. Parang sinadya ng tadhana o siya mismo na ako ang huling makakalaban niya para sa akin niya mismo gamitin ang buo niyang lakas.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Snow White and Rose Red

    33Agresibong lumabas ang mga halaman ng rosas sa paligid ko habang masamang nakatitig sa isang impostor na nasa harapan ko ngayon. Samantalang siya naman ay walang emosyong nakatitig lang sa akin.Nanginginig ko

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Last Victim

    32"Nakakalungkot," malumanay na sabi ni Snow White habang nakaharap kami sa isang maliit na cupcake at may maliit itong kandila na nakapatong sa gitnang bahagi. "Tuwing kaarawan natin, palagi kong naalala sina Ama at Ina."

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   What the heart tells

    31Bahagyang napabuka ang bibig ko. Nagsinungaling sa akin si Damien. Buong akala ko ay ang markang nasa palad ko ay para bigyan ako ng sumpa sa oras na naglihim o nagtraydor ako sa kaniya pero ayun pala ay para protektahan ako sa alinmang sumpa.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Shape of Lies

    Shape of Lies30“Base sa nakikita ko sa sitwasyon mo ngayon, gan’yan rin ang kalagayan ng ibang nilalang na nakita ko bago sila mamatay para pakinabangan.”“Ikaw?!” gulat na ani ko.Hindi siya nagsalita. Namilog lang ang mga mata niya habang nakatitig rin ito sa mga mata ko. Kasalukuyan nahihirapan pa rin ito sa paghinga dahil sa halamang nakapulupot sa leeg niya. Ang mga kamay niya ay pinipilit naman luwagan ang pagkakapulupot

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Dear Huntsman

    29Bigla akong napahinto sa paglalakad. Sa 'di malamang dahilan ay biglang tumaas ang balahibo ko sa batok.Bakit?

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Magic Wielders

    28Walang tigil sa panginginig ang mga kamay ko. Pati rin ang mga labi ko. Nawala rin pansamantala ang natural na kulay ng balat ko dahil sa pagkakaputla ko. Ilang minuto na ang lumipas pagkatapos mahulog ng kapatid ko sa bangin.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   When Someone Dies

    27Wala na ang alaga niyang Pegasus na nakadagan sa likod ko kanina. Kasalukuyang nakatayo na ako ngayon habang pabalik balik ang tingin ko sa mukha niya at sa hawak niyang lalagyan."Sigurado ka?" taas kilay na

DMCA.com Protection Status