Home / Fantasy / Rose Red (Tagalog/Filipino) / Worthy for punishment

Share

Worthy for punishment

Author: Pyongieshii
last update Huling Na-update: 2024-10-29 19:42:56

                                        03


Paano nga ba kami naisahan ng isang knight?

Laban sa isang shapeshifter at sa akin?

Mabilis ang lipad ni Vayne habang kasalukuyang nasa anyo ito ng pegasus. Pasimpleng lumingon naman ako kay Rolan at natatanaw ko pa rin ito. Patuloy pa rin kaming hinahabol.

"Bilisan mo pa, Vayne," utos ko sa kanya.

"Maya't maya lang ay maaabutan na niya tayo."

Sinunod naman kaagad ni Vayne ang utos ko at binilisan nga niya ang paglipad niya pero mukhang hanggang dito na lang ang limit niya.

Pasimpleng lumingon ulit ako sa likod at ganoon pa rin. Hinahabol pa rin kami ni Rolan. Biglang bumalik sa isipan ko ang mga salitang sinambit niya.

"Ipapabigay kita sa mga nag-iimbestiga kung sino ang mga magnanakaw sa barko nung nakaraang araw."

"Pero kapag nanalo ka naman kaya ko naman magpanggap na wala akong nalaman tungkol sa inyong dalawa."

Hindi ko namalayan. Nagbibigay na pala siya ng clue na may ideya na siya kung anong klaseng tao kami. Pero ang siyang pinagtataka ko lang ay parang mas prayoridad niya na ako ang makuha kaysa kay Vayne. Dahil ba ay may naiwang ebidensya sa akin?

Kung tutuusin isang babae lang naman ang nakakita sa amin ni Vayne nung araw na iyon sa barko. Pero mabilis ang pagtakas namin bago pa may ilang makakita sa amin ay kaagad na kaming nakalayo.

Magulo rin at malabo ang motibo ni Rolan hindi ko alam kung ano ba talaga ang dahilan ng paghahabol niya sa amin ngayon. Ang pin ba niya o ang sa barko?

Pasimple ko ulit siyang sinilip mula sa likod ko atsaka ko binaling ang tingin sa harap. Napangisi naman ako nang masilayan ko ang mga nagsisitaasang mga puno sa kanan ko.

"Vayne," tawag ko rito. "Dumaan tayo sa mga puno."

Narinig niya naman ako kaya sumunod siya sa iniutos ko. Lumiko kami sa gawing kanan papunta sa mga nagtataasang mga puno. Mas maayos kong magagamit ang sariling mahika ko dito. Wala akong madidistorbong ibang tao.

Nagulat ako ng biglang may palaso na nanggaling mula sa likod namin. Mabuti na lang at napayuko ako at ganun rin si Vayne pero patuloy pa din ito sa pagkampay ng pakpak niya.

Lumingon ako sa likod at nakita ko si Ronald na kasalukuyang may hawak ng crossbow at nakatutok ito sa amin.

"Vayne!" singhal ko. "Letrang U!"

Kaagad lumiko pabalik sa likod si Vayne. Atsaka ko nakita sa harapan namin na medyo may kalayuan si Rolan. Pinatamaan naman niya kami ng palaso at kaagad umiwas si Vayne.

Inangat ko naman ang dalawang kamay ko at tinutok sa kinaroroonan ni Rolan.

Kaagad namang may tumubong mga higanteng halamang rosas at kaagad pumulupot sa apat na paa ng pegasus. Pilit inaangat ng pegasus ni Rolan ang mga paa nito pero mahigpit na nakapulupot ang mga halaman sa mga paa nito.

Pero wala akong nakikitang inis sa mukha ni Rolan. Seryoso lang ang mukha nito at wala pa ring tigil sa pagtitira sa amin ng pana gamit ang crossbow niya. Pabilis pa ito ng pabilis kaya wala kaming nagawa ni Vayne kundi umiwas ng umiwas. Hindi ko tuloy maisagawa ang plano ko na agawin ang crossbow niya.

Napagdesisyonan kung maghiwalay kami ni Vayne. Bumaba ako mula sa pagkakasampa sa kanya at nakababa ako sa lupa. Habang si Vayne naman ay patuloy sa paglipad sa ere at ako naman ay tumakbo papunta sa ibang direksyon.

Napatigil si Rolan,mukhang tinatantiya niya kung sinong unang patatamaan niya sa aming dalawa. Ginamit ko na ang pagkakataon na iyon para agawin ang crossbow niya. Kaagad akong nagpalabas ng mga halaman mula sa kaliwang kamay at akmang aagawin iyon sa kanya. Bigla naman  nagtama ang tingin naming dalawa. Hanggang sa napansin ko ang isang ibon sa likod niya at bigla itong naging si Vayne. Akmang sisipain sana siya sa likod pero kaagad napalingon sa kanya si Rolan at pinatamaan niya ito ng palaso sa leeg niya at kaagad umalis sa pwesto niya.

Nagtagumpay ako sa pag-agaw ng crossbow pero hindi ako nagtagumpay na maunahan ang pagtira niya ng palaso kay Vayne.

"Aray ko! Bwiset!" rinig kong reklamo ni Vayne nang bumagsak siya sa lupa. Pero di ko na siya nasilayan dahil nakaharang ang pegasus ni Rolan at ang mga halaman na nakapulupot dito na ako ang may gawa.

Nang mahawakan ko ang crossbow ay kaagad kong tinutok sa kanya. Dahan dahan naman siyang tumayo mula sa pagkakaluhod niya.

Mahinang tumawa naman siya sa inasta ko.

"Bakit?" inis na sabi ko. "Anong nakakatawa?"

Hindi siya natinag gaya ng inaasahan ko sa isang knight.

"Di lang ako mapakaniwala, ngayon ang unang beses na may isang karaniwang tao na tinutukan ako ng isang crossbow," nakangiting sagot niya.

Hindi ko siya sinagot at mas lalong naging matalim ang tingin ko sa kaniya. Pero wala pa rin akong nakikitang kahit na anong pagkasindak sa mukha niya. Parang ako pa ang nasindak dahil sa kalmadong ekspresyon ng mukha niya.

Humugot siya ng espada at naglakad siya palapit sa akin dahilan para mapaatras ako. Inangat ko naman ang isang kamay ko at may lumabas na halaman rito para agawin ang espada niya pero kaagad lang ito naputol ni Rolan gamit ang espada niya.

Naglakad pa siya palapit sa akin at napaatras din ako habang tinututok ko pa rin sa kanya ang crossbow. Maya't maya bigla akong napatigil at napatingin sa pwesto kung saan nahulog si Vayne kanina.

"Vayne?" malakas na tawag ko. "Vayne!" sigaw ko at akmang lalapitan ko sana siya ng biglang magsalita si Rolan.

"Ah! Oo nga pala, Sa leeg nga pala natamaan ang kaibigan mo," ani niya.

Sinamaan ko naman ito ng tingin at mas lalong tinutok ko sa kanya ang crossbow. Nang gamitin ko na ito ay nagulat naman ako nang walang lumabas galing rito. Di ko naiwasang mapakunot noo. Nagtatakang sinuri ko ang crossbow.

Napailing iling na lang si Rolan habang nakangiti dahil sa inakto ko. Inis kong binitawan ang crossbow at kaagad akong tumakbo papunta sa pwesto ni Vayne.

Napasinghap naman ako nang makita ko si Vayne na nakabulagta at hindi gumagalaw. May nakabaon pang palaso sa leeg niya. Pero walang dugo ang lumabas roon. Kaagad akong lumuhod at tinapik tapik ang mukha niya.

"Vayne!"

Bigla akong may naramdamang presensya sa likod kaya kaagad akong napalingon dito. Nakita ko naman si Rolan na hawak na ang kanyang crossbow at nakatutok sa akin.

                                 ~*~

"Ginamit mo ang pagkakaibigan naming dalawa kaya nagawa mo kaming isahan," kalmadong sabi ko habang kasalukuyang nakagapos pa rin ang dalawang kamay ko at pati rin ang paa ko.

"Hanggang ngayon ba ay mahimbing pa rin ang tulog ng kaibigan mo?" tanong sa akin ni Rolan.

Tumingin naman ako kay Vayne atsaka ko binalik ang tingin sa kanya.

"Ano ba sa tingin mo?" nakasimangot na sagot ko.

Ngumiti naman siya, "Mukhang mas grabe ang epekto sa kanya ng pampatulog sa palaso kaysa sayo," turan niya habang pinagmamasdan si Vayne.

Kaya pala walang dugo ang lumabas sa leeg ni Vayne nung nakita kong may nakabaong palaso dito.

"Sino ba ang madalas pinoprotektahan sa inyong dalawa?" pag-iintriga niya.

Napataas naman ang kilay ko, "Masyado kang maingay at madaming tanong." iritadong sabi ko. "Ano ba talaga ang pakay mo?"

Napatigil siya saglit at pagkatapos nun ay ngumiti ulit siya at tumingin sa akin.

"Depende sayo," ani niya.

Napakunot noo ako, "Anong depende sa akin?"

"Ah! Depende pala sa inyo," sabi niya. "Kung ibabalik niyo ba ang pin ko o hindi."

"Wala sa amin ang pin mo," mariing sagot ko sa kanya. "Kahit paghubarin mo pa kami at hanapin iyon sa mga damit namin. Wala kang makikita."

"Inaasahan ko na rin iyon, binibin---"

"Rose Red ang pangalan ko."

"Inaasahan ko na rin iyon, Rose. Mala----"

"HUWAG mo akong tatawaging Rose," may diin na pagbabanta ko sa kanya.

Natahimik naman siya atsaka siya tumikhim. "Red," ani niya. "Inaasahan ko na rin iyon, Red. Malamang wala na iyon sa mga kamay niyo dahil paniguradong naibenta niyo na iyon sa ibang tao."

"Kung nabenta nga namin, paano mo naman mababawi ang pin mo?" tanong ko sa kanya.

"Kailangan kong malaman kung kanino at saang lugar niyo ibinenta iyon," seryosong sabi niya. "Kapag nasa kamay ko na ang pin saka ko lamang kayo pakakawalan at kakalimutan ko na ang tungkol sa barko."

Hindi naman ako sumagot at napatitig lang ako sa mata niya. Maya't maya ay kumurba ang ngisi sa labi ko at mahina akong tumawa.

"Bakit?" nagtatakang sabi ni Rolan.

"Iniisip mo talaga na kami ang kumuha ng pin mo?" ani ko. "At ano ang basehan mo? Yung sa barko?"

Umangat ang sulok ng labi ko.

"Alam mong hindi lang kami ni Vayne ang namumuhay bilang isang magnanakaw," nakangising anas ko. "At sa pagkakaalam ko rin pala, hindi lang kaming dalawa ang nakakita ng pin mo, hindi ba?"

Tumango tango naman siya, "Matalino ka ah," puri niya atsaka siya tumayo at umupo naman sa harap ni Vayne atsaka pinagmasdan ito.

"May punto ang mga sinasabi mo," seryosong sabi niya. "Pero alam mo ba kung bakit kayo ang unang pinagsuspetyahan ko?"

Hindi ako sumagot at seryosong tinignan ko lamang siya.

"Dahil kayong dalawa lang naman ang posibleng may iba pang motibo bukod sa pagkakitaan ang isang pin ng knight," sabi niya atsaka siya dahan dahang tumayo at naglakad na patungo sa pinto.

"Motibo?" ulit ko sa sinabi niya.

Lumingon siya sa akin, "Naisip ko lang kung paano kung ang dahilan niyo pala kaya kinuha niyo ang pin ko ay para malaman niyo kung paano ko nalaman ang abilidad mo?" bigla siyang mahinang tumawa. "Pero sa tingin ko hindi ka masyadong natinag sa mga sinabi ko noon."

Tumalikod na siya at akmang binuksan na ang pintuan.

"Babalik ako mamaya. Bibigyan ko pa kayo ng pangalawang pagkakataon. Baka pag gising na ang kasama mo ay may makukuha akong sagot sa kanya," huling habilin niya atsaka na siya lumabas ng silid.

                                     ~*~

"Hmmm..." kaagad akong napalingon kay Vayne nang mag-umpisa itong lumikha ng munting ingay.

Napahawak ito sa ulo niya at dahan dahang napadilat ang kanyang mga mata. Pero maya't maya ay napabalikwas siya ng bangon dahilan para mauntog ang ulo niya.

"Aray!" daing niya habang hinihimas ang ulo niya.

"Magandang umaga," sarkastikong bati ko sa kanya. "Mabuti naman at nagising ka rin, akala ko aabutan ka pa ng ilang daang taon."

Napakunot noo lang siya habang hinihimas pa rin ang ulo niya. Medyo mapula pula pa ang mga mata njya at nagmukha siyang singkit gawa ng mahaba niyang pagkakatulog.

"Nasaan ba tayo?" nasabi na lang niya.

"Hindi ko alam," sagot ko. "May tao bang nadadakip na nalalaman kaagad kung saan sila pagkagising nila?" sarkastikong sagot ko na namang muli.

"Pasensya na," ani Vayne habang kinakamot ang leeg niya atsaka siya malakas na humikab. "Hindi pa maayos na gumagana ang utak ko. Medyo inaantok pa din ako eh." ani niya atsaka siya akmang hihiga muli pero kaagad ko siyang pinandilatan ng mata.

"Subukan mong matulog uli kundi malilintikan ka sa akin," sabi ko sa nagbabantang tono kaya kaagad niyang hindi naituloy ang binabalak niya.

"Kamusta na pakiramdam mo?" tanong ko sa mahinahong boses.

"Ako?" tukoy ni Vayne sa sarili niya. "Ayos lang," sagot niya.

"Teka teka!" biglang sabi niya. "Bakit ang daya yata? Bakit nakakulong ako pero ikaw naka-kadena ka lang d'yan?" reklamo niya.

Bumuntong hininga na lang ako at hindi ko pinansin ang reklamo niya, "Siraulo ka, di ko akalain na ganito pala mangyayare kapag kinuha mo ang pin ng knight. Kanina parang nakipagnegosasyon pa siya sa akin kapag binalik natin sa kanya ang pin niya ay kakalimutan niya na tayo ang mga magnanakaw sa barko."

"Ano?" kunot noong reaksyon ni Vayne. "Teka? Paano niya nalaman ang tungkol sa barko?"

"Hindi ko alam," sabi ko. "Basta yung mga gamit na iyon. Pagmamay-ari daw ng prinsesa na gagamitin raw sa pagsusubasta."

"Huh?" gulat na sabi na naman ni Vayne. "Tama ba pagkakarinig ko, mga alahas iyon ng bagong prinsesa?" tumango lang ako bilang sagot.

"Ang daya!" inis na sabi niya. "Naisahan tayo ng pinagbebentahan natin! Dapat pala mas malaki pang presyo ang hiningi natin!"

Napasimangot na lang ako. Ngayon ko lang naisip ang mga sinasabi niya pero seryoso ba siya? Mas poproblemahin pa ba niya iyon kaysa ang makulong kaming dalawa o kung anong parusa ang ipapataw sa amin?

"May choice naman tayo eh!" ani ko. "Mananahimik daw siya kapag binalik natin ang pin niya pero paano natin iyon mababalik sa kanya eh tinapon nga natin iyon sa kung saan dahil gusto mong pagtrip-an siya."

"Sigurado ka bang paninindigan niya yung mga salita niya?" ani Vayne. "Na mananahimik talaga siya kapag binalik natin ang pin niya? Imposibleng mananahimik lang iyon."

Muli pa siyang nagsalita, "Atsaka anong 'natin?' " takang sabi niya. "Hindi ba't ikaw ang nagtapon ng pin na iyon?"

"Aba! Siraulo ka pala eh! Inutusan mo kaya ako!" singhal ko sa kanya.

Napatigil kami sa pagtatalo ng biglang bumukas ang pintuan. Iniluwa naman 'nun si Rolan na may hawak na supot sa kamay.

"Kamusta? Nagugutom na ba kayo?" nakangiting sabi niya atsaka niya sinara ang pintuan sa likod niya gamit ang kanang paa niya.

"Anong gagawin mo?" sarkastikong tanong ni Vayne. "Itatapon mo yung tinapay sa kulungan ko na parang isang aso pagkatapos naman ay susubuan mo naman si Red na parang isang bata," inis na sabi ni Vayne.

"Si Vayne na lang ang bigyan mo," ani ko habang nakatingin sa kawalan. "Hindi pa naman ako nagugutom."

"Sigurado ka?" tanong ni Rolan. Tumango lang ako. Naglusot naman siya ng tatlong piraso ng tinapay sa kulungan ni Vayne pero si Vayne nakasimangot at nakahalukipkip lang na nakatingin sa kanya. Mukha siyang maarteng unggoy sa ginagawa niya.

"Gawin mong lima, Rolan. Siguradong sobrang kulang pa sa kanya iyan," natatawang sabi ko. Sinunod naman ni Rolan kaagad ang sinabi ko at dinagdagan niya ng ng dalawang tinapay.

"Ayan sapat na ba sayo, 'yan?" mahinahong tanong ni Rolan sa kanya.

Mas lalong bumusangot si Vayne at padabog na kumuha ng isang tinapay atsaka ito sinubo sa bunganga niya nang hindi pa din nawawala ang nakasimangot na ekspresyon niya.

Lumayo na sa kanya si Rolan atsaka siya umupo na sa unahan sa lapag at hinarap na kami.

"Dahil parehong gising na kayong dalawa. Magtatanong na ulit ako sa pangalawang pagkakataon," kalmado pero seryosong sabi niya. "Nasaan ang pin?"

"Hindi namin alam," sagot ni Vayne habang ngumunguya ng tinapay. Nang mapatingin sa kanya si Rolan ay kumibit balikat naman siya. "Seryoso kami hindi talaga namin alam. Tinapon lang namin yun kung saan saan para paglaruan ka," kalmadong sabi lang nito habang patuloy pa din kumakain ng tinapay.

Naging seryoso naman ang mukha ni Rolan malayo sa maamo at mahinahon na karaniwang ekspresyon ng mukha nito.

"Sigurado na ba kayo na 'yan lang ang sasabihin niyo sa akin?" seryosong turan niya.

"Wala na kaming iba pang pwedeng sabihin," ani Vayne. "Yun ang katotohanan."

"Ang galing diba?" natatawang sabi ni Vayne. "Nagpakahirap kang dakpin kami. Akala mo naisahan mo kaming dalawa pero ang totoo ay ikaw ang naisahan namin dahil wala kang napala sa amin."

Mahinang tumawa naman si Rolan, "D'yan ka nagkakamali," atsaka niya binaling ang tingin niya sa akin. "Naaalala mo pa naman siguro ang naging usapan natin, hindi ba?"

"Syempre naalala ko pa," mahinang sagot ko habang nakatingin sa kawalan.

Naging mabigat bigla ang daloy ng hangin dahil sa biglaang pagtahimik namin. Pati si Vayne ay nanahimik rin at nakatitig lang ng diretso kay Rolan. Sa tingin ko ay malalim ang iniisip nito.

"Hahanapin namin ang pin mo," saad ko.

"At bakit naman ako magtitiwala sa inyong dalawa?" natatawang anas ni Rolan atsaka siya nag-umpisang tumayo at pinagpag ang suot niya. "Diba nga gusto niyo akong paglaruan?"

Binaling niya naman ang tingin kay Vayne, "Wala ka namang dapat ipag-alala, si Red lang naman ang kailangan ng mga taga siyasat. Ako lang naman ang nag-iisang nag-iisip na magkasabwat kayong dalawa."

"Ano?" inis na sabi ni Vayne.

"Ang galing diba?" ani Rolan. "Nagawa mong ipahamak ang kasama mo. Ngayon, paano mo kaya siya maililigtas eh nakakulong ka pa naman. Hindi ka rin magkakasya kung magpapalit anyo ka bilang isang daga o kung anong klaseng maliit na uri ng isang hayop. Pero baka sakaling makalabas ka d'yan kung kaya mo maging isang langgam."

Napansin ko na sobrang iritadong iritado ang mukha ni Vayne. Malakas na hinampas niya naman ang kulungan.

"BWISET!" malakas na sigaw niya. Tumawa lang ng mahina si Rolan atsaka na siya lumabas at sinara ang pinto.

"Red!" malakas na tawag niya sa akin. Bumuntong hininga na lang ako at tumingin sa kanya.

"Huwag ka nang mag-sorry," walang ganang turan ko sa kanya. "Kilala mo ako, gagawa ako ng paraan para makatakas sa kanila."

"Ano ka ba!" inis na turan niya sa akin. "Bakit ba kalmado ka lang d'yan? Baka meron silang hindi magandang gawin sayo!" singhal niya. "Paano kung wala silang sinasanto kahit babae ka pa? Paano kung tanggalan ka nila ng mga daliri?"

Inis na tinignan ko lamang siya at tinaasan ng kilay, "At ano sa tingin mo? Papayag ako?" sabi ko na lang atsaka ko siya inirapan.

                                   ~*~

Sumapit na ang umaga at nagawa ko naman makatulog sa malamig na sahig. Maya't maya nang lumalakas na ang tirik ng araw ay bigla na lang bumukas ang pintuan. At gaya ng inaasahan ay muli nitong iniluwa si Rolan.

"Magandang umaga," nakangiting bati niya. "Pasensya na kung maaga ko kayo ngayon dinalaw," dagdag pa niya. Napakunot noo naman ako nang bigla siyang lumapit sa akin at inuumpisahang tanggalin pagkakakabit ng kadena sa  pader na konektado sa bakal na bumabalot sa dalawang kamay ko.

"Saan mo siya dadalhin?" singhal sa kanya ni Vayne. "Hoy!" sigaw niya muli at hinampas na naman ang kulungan niya.

Hindi sumagot si Rolan at ang paa ko naman ang inumpisahan niyang kalagan habang nasa kaliwa ko siya. Nang matapos na siya ay kaagad niya ako marahas na hinila patayo.

"Red!" tawag sa akin ni Vayne. Biglang naglabas ng espada si Rolan at tinutok ito sa leeg ko.

"Red! RED!" patuloy na sinisigaw ni Vayne ang pangalan ko habang dahan dahan akong inilalabas sa silid.

Bumungad sa akin ang isang hallway at maraming mga pinto ang nakapaligid rito. Tama nga ang hinala ko, nakatago lang kami sa isang bahay. At syempre walang ibang nagmamay-ari nito kundi si Rolan lang.

"Dadalhin mo na ba ako sa mga nag-sisiyasat?" tanong ko sa kanya habang naglalakad kami.

"Oo," sagot ni Rolan. "Nais ka nang makausap ng isa sa kanila at baka siya na rin ang magdadala sayo papunta sa lugar nila."

Maya't maya tumigil na kami sa isang pinto sa dulo.

"Medyo naguguluhan ako, bakit kailangan pa akong kausapin ng isa kung---" napatigil naman ako sa pagsasalita nang bigla na lang niya binuksan ang pintuan at malakas akong tinulak sa loob dahilan para mapaluhod ako atsaka ko narinig ang pagsara ng pinto mula sa likod ko.

"Tch," inis na anas ko atsaka ko inangat ang mukha ko. Napakurap kurap naman ako nang may makita akong babaeng nakatalikod na mayroong mahabang puting buhok.

"Kamusta, Rose Red?"

Nanlaki naman ang mata ko nang bigla itong lumingon sa akin atsaka ko napagtanto na si Snow White ang kaharap ko ngayon.

Hindi ako kaagad nakapagsalita at naiwan lang na nakaawang ang bibig ko.

Tipid na ngumiti naman siya sa akin atsaka siya dahan dahang naglakad palapit sa akin habang nakatitig sa mukha ko.

"Matagal ko ring hinintay ang gulat sa mukha mo," malumanay na sabi niya at nang tuluyan na siyang makalapit sa akin ay kaagad niya akong inalalayan sa pagtayo habang nakatitig sa mukha ko. "Pasensya na kung biglaan ang pagkikita natin."

Lalong nakapagdagdag ng tensyon sa akin ang paghawak niya sa magkabilang balikat ko. Ang lamig ng mga kamay niya.

"Paano?" pabulong na nasambit ko na lang.

"Paano?" ulit niya sa sinambit ko. "Paano ako nabuh---"

"Paano ka naging crowned princess?" seryosong tanong ko. Bigla naman siyang napatigil at biglang kumurba ang labi niya.

Dahan dahan niya naman akong binitawan at lumayo sa akin.

"Kinupkop ako ng Royal Family," panimula niya. "Natagpuan nila akong nag-aagaw buhay pero nagawa nilang..." bigla siyang umiwas ng tingin sa akin at tumingin sa kawalan. "Iligtas ako mula sa kamatayan."

"Pagkatapos, naging tagapaglingkod ako ng kastilyo sa murang edad. Ako ang naging tagapag-alaga ni Queen Mariana dahil kasalukuyang nasa depresyon ito dahil nakunan ito mula sa pagkakabuntis na dapat ay magiging unang anak na babae sana nila ng hari," nag-umpisa naman siya maglakad lakad habang nagkukwento.

"Matagal nakakulong sa depresyon ang reyna," saad ni Snow White. "Pero tanging ako lang ang nakapagtanggal ng depresyon mula sa kanya. Itinuring akong parang tunay na anak ng reyna at malaki ang naging utang na loob sa akin ng hari kaya inampon nila ako at naging myembro na ako ng pamilya nila."

Tumingin siya bigla sa akin, "Alam kong may pagtataka pa ring gumugulo sa isip mo. Marahil nagtataka ka kung bakit ako naman ang ginawang tagapagmana? Sobra-sobra na siguro iyon."

Naglakad lakad siyang muli, "Naging mahirap kina King Lash at Queen Mariana ang naging desisyon nila. Isa ring dahilan ay dahil wala nang kakayahan pang magkaroon ng isa pang anak ang reyna. Si Prince Damien naman..." bigla siyang napatigil at umiling iling.

"Ang kawawang bata na iyon," nasambit niya bigla at umiling iling. "Walang ibang ginawa ang bata na iyon kundi mag-aral ng tungkol sa mga insekto at kausapin ang mga ito na parang mga kaibigan niya. Sabihin na natin wala nakikitaang mga katangian sa kanya para maging pinuno ng isang kaharian," sabi niya sabay kibit balikat.

"Pero ang pinakadahilan talaga nila ay ang tradisyon ng pamilya nila."

"Anong tradisyon?" kunot noong tanong ko.

"Tradisyon nila na dapat ang kinukuhang tagapagmana ng kaharian ay may sariling mahika."

Tipid na ngumiti naman siya ulit at diretsong tumingin sa akin pero bigla ulit siya umiwas ng tingin at tumingin na naman muli sa kawalan atsaka siya nag-umpisang maglakad papunta sa likod ko.

"Si Queen Mariana ay isa lamang ordinaryong nilalang at ganoon rin si Prince Damien. Hindi niya namana ang sariling mahika ng kanyang amang hari. Kaya ako ang pinili nila kahit hindi naman nila ako naging kadugo. Ipinalabas na lang na isa akong anak ng kerida."

Mahinang tumawa siya, "Hindi rin naging madali sa akin ang lahat. Pinapunta pa ako sa malayong lugar para mag-aral kung paano magpatakbo ng kaharian at mga kung ano ano pang bagay tungkol sa pagiging prinsesa at nang makabalik ako ay saka na nila ako kinoronahan at pagkatapos 'nun ay pinakilala na ako sa lahat."

Napaigtad ako nang maramdaman ko ang malamig na kamay niya sa kanang balikat ko atsaka siya humarap sa akin.

"Tapos 'nun may natuklasan ako tungkol sa mga ibang gamit ko na napagdesisyonan kong ipadala sa ibang lugar para gawing bahagi sa pagsusubasta. Nang may nagsabi sa akin na may natagpuan silang petal ng isang rose ay kaagad kong tinawag si Rolan," pagkukwento niya sa akin at nagulat naman ako ng bigla niyang hawakan ang mukha ko gamit ang dalawang kamay niya.

Mas lalo naging mabigat ang pakiramdam ko dahil nararamdaman na ng mukha ko ang lamig ng mga kamay niya.

Tumitig siya ng diretso sa mga mata ko, "Ang sabi ko, hanapin mo ang babaeng may magandang pulang buhok, may mukha na parang isang diwata pero ang mga berdeng mata nito ay palaging seryoso kung makatingin."

Napasinghap ako ng bigla niyang binitawan ang mukha ko at seryosong tinignan ang mukha ko.

"Masaya ka bang nakita mo na akong nabubuhay, Rose Red?" seryosong tanong niya sa akin.

Hindi ako kaagad nakasagot, alam ko kung ano ang isasagot ko sa kanya pero hindi ko alam kung sa anong paraan ko sasabihin para maniwala siya.

"Bakit pag-alala ang nakikita ko sa mukha mo ngayon?"

Napabuntong hininga naman ako, "M-Masaya ako," sambit ko. "Masaya ako syempre dahil kapatid kit---" napatigil bigla ako sa pagsasalita nang bigla siyang humugot ng espada at mabilis itong tinutok sa leeg ko.

"Kapatid pa rin pala ang maitatawag mo sa akin," hindi makapaniwalang turan niya.

Napalunok ako at bigla akong naestatwa sa kinatatayuan ko.

"Tinaraydor mo ako," may diin na sabi niya.

Hindi ako kaagad nakasagot. Biglang umurong ang dila ko. Hindi ko na naman magawang sabihin ang gusto kong sabihin.

"Tatanungin kita hindi lang bilang isang prinsesa," seryosong sabi nito habang nakatutok pa rin ang espada niya sa leeg ko.

"Karapat dapat ka bang makatanggap ng parusa mula sa akin?" malamig na tanong nito.

Dahan dahan akong lumuhod sa harap niya atsaka ko itinaas ang baba ko.

"Kung sa tingin mo ay karapat dapat akong parusahan sa pagpatay ko sayo, gawin mo," mahinahong sabi ko habang diretsong nakatitig sa mga asul niyang mga mata na punong puno ngayon ng poot at galit sa unang pagkakataon.

Kaugnay na kabanata

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Royal Guard

    04

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Prince of insects

    05

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Longma

    06Kasalukuyang nakadungaw kaming dalawa ni Ciela sa bintana. Habang ang mga kasama naman namin ay sinasanay sa paggamit ng mga sarili nilang mga mahika.Napabuntong hininga na lang ako. Ito ang parusang pinataw sa amin ni Lady Annora sa paglabag ng pangunahing tuntunin niya sa kanyang ampunan. Ang ikulong kaming tatlo sa isang silid. Dito na lang daw kami magpatayan gamit ang mga sariling mahika namin.Pero si Snow White ay tahimik lang na nakaupo sa isang sulok. Walang bakas ng pag-aalala sa mukha niya at nagbabasa lang ng libro habang tumatapik tapik sa sahig ang kanyang kanang paa."Kasalanan mo 'to!" inis na sabi ko kay Ciela. "Mahilig ka kasi mambintang ng ibang tao!"Napakunot noo

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Scars of yesterday

    07Kaagad namin ginamit ang mga perang napanalunan ni Vayne sa paglalaro ng ahedres sa pag-renta ng mga libro sa public library. Pagkarating namin sa kwartong nirenta namin sa isang inn ay kaagad nilapag naman ni Damien ang anim na libro."Bakit ang dami?" pasinghal na tanong ko habang karga karga ko si Vayne na kasalukuyang sanggol ngayon. Samantalang kami naman ni Damien ay kasalukuyang nakasalampak sa sahig. Ang kaibahan nga lang ay nakaupo sa unan si Damien. Maarte kasi ang loko, madumi daw ang sahig."Hindi sapat ang isang libro!" kaagad na sagot ni Damien atsaka siya kumuha ng isang manipis na libro at pinakita ito sa akin. "At kakailanganin rin natin ito, tungkol ito sa mga tao rito na bigla na lang nawala. Paniguradong nandito rin ang mga magulang mo."Napairap naman ako, "Alam ko, dahil bi

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Vampire's Beauty

    08"May alam ka ba na makakatulong sa amin para bumalik sa normal yung kaibigan namin?""Wala talaga?""Pasensya na kung naabala kita.""Ayos lang sa akin iyon, huwag kang mag-alala.""Nga pala, ito nga pala ang kaibigan kong si Celestia."Napangiwi na lang ako habang pinapanood ko si Damien na nakikipagusap sa isang tutubi.Kasalukuyang nasa labas kami ngayon nakatambay dahil umaga naman at hindi naman ganun nakakasilaw ang araw. Si Vayne naman ay syempre sanggol pa rin at karga karga ko ngayon.Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Snow White noon na si Damien ay walang nakikitaang isang katangian para mamuno ng isang k

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Witness

    09"Pwede po bang magtanong?"Naalala ko nung mga panahong nasa labing tatlong taong gulang pa lang ako. Wala na ako sa poder ng isang pamilya na nanakit at nag-abuso sa akin. Pero pabalik balik pa rin ako sa pampublikong librarya para paulit ulit kong hiramin ang librong may nilalaman na impormasyon tungkol sa magulang ko.Tinaasan lamang ako ng kilay ng babaeng tagapagbantay ng librarya. Kaya tumikhim naman ako bilang senyales na nag-aabang ako ng sagot niya."Nagtatanong ka na, hija," pamimilosopo niya sa akin. "Ano ba iyon?" medyo iritado pa ang tono ng boses niya habang nagtatanong."Saan po matatagpuan ang may akda ng libro na ito?" pinakita ko sa kanya ang manipis na librong hawak ko.Kinunotan naman niya ako ng noo at

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Questioning the friendship

    10Kinurap ko ang mata ko para hindi tuluyang tumulo ang mga luha ko at mabuti na lang ay nagtagumpay akong pigilan ito.Samantalang si Damien ay nakarehistro pa rin ang pagkagulat sa mukha niya. Malungkot na napabuntong hininga na lang ako atsaka ako sumulyap sa alaga niyang paru-paro."Kahanga-hanga ang alaga mo," komento ko atsaka ko binalik ang tingin ko kay Damien. "Hindi ko akalain na isang insekto ang unang makakatuklas ng sikreto ko.""Pati si Vayne ay wala ring alam sa ginawa mo?" 'di makapaniwalang tanong niya."Syempre," kaagad na tugon ko. "Hindi niya alam." seryosong sabi ko. "Hindi naman ako papayag na matuklasan niya ang sikreto ko."Mahinang tumawa naman siya samantalang ako ay pinatili kong blangko ang ekspre

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Secret of Shapeshifter

    11Isa o dalawang oras na yata ang lumipas o di kaya tatlong oras na rin yata pagkatapos akong umalis sa silid na iyon. Nanatili lang akong nasa hapag kainan at tumutungga ng alak na para bang isang ordinaryong tubig lang ito.Natulala ako sa kawalan habang nag-iisip ng malalim. Punong puno ng pag-alala ang isip ko. Hindi ko alam kung paano ako ngayon haharap sa kanila pagkatapos ng naging usapan kanina.Napabuntong hininga ako at muli na namang tumungga ng alak. Napakunot noo naman ako ng may dumapong paru-paro sa baso.Sarkastikong napatawa naman ako, "Hanggang ngayon, sinusundan mo pa rin ako?" ani ko kay Celestia. "Pwede bang doon ka na sa amo mo?" inis na sabi ko. "Tutal nakumpirma mo na rin naman yung hinala mo sa akin kaya huwag mo na akong susundan!" Napatingin naman sa aki

Pinakabagong kabanata

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Epilogue

    Simoy na simoy ko ang preskong hangin habang kasalukuyang nasa itaas ako at nakasampa sa likod ni Vayne na ngayon ay nasa anyong Pegasus. Ang mahabang pulang buhok ko naman ay sumasayaw sa lakas ng hangin na humahampas sa akin dahil sa tulin ng paglipad ni Vayne.Ilang taon na nga ba ang lumipas? Pito o walong taon na yata bago ko muling napagpasyahan na bumalik sa lugar na iyon. Sapat na siguro ang mga taong lumipas para harapin ang aking nakaraan. Ang ikinababahala ko lang ay kung malugod ba nila akong tatanggapin. Ano kaya ang magiging reaksyon nila kapag nakita nila akong muli?Maya’t maya, lumipas ang ilang oras ay natanaw ko na ang bahay ampunan. Nakadama ako ng kaunting kaba sa aking dibdib pero isiniwalang bahala ko na lang muna iyon. Wala nang atrasan pa. Ako naman ang may gusto na gawin ang bagay na ito kaya kailangan kong panindigan ang naging pasiya ko.Nang makalapit na kami sa destinasyon namin ay napagpasyahan na ni Vayne na lu

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Goodbye, Butterfly

    34Marami na siyang taong napatay pero hindi pa pala niya ginagamit ang buong lakas niya kanina. Parang sinadya ng tadhana o siya mismo na ako ang huling makakalaban niya para sa akin niya mismo gamitin ang buo niyang lakas.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Snow White and Rose Red

    33Agresibong lumabas ang mga halaman ng rosas sa paligid ko habang masamang nakatitig sa isang impostor na nasa harapan ko ngayon. Samantalang siya naman ay walang emosyong nakatitig lang sa akin.Nanginginig ko

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   The Last Victim

    32"Nakakalungkot," malumanay na sabi ni Snow White habang nakaharap kami sa isang maliit na cupcake at may maliit itong kandila na nakapatong sa gitnang bahagi. "Tuwing kaarawan natin, palagi kong naalala sina Ama at Ina."

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   What the heart tells

    31Bahagyang napabuka ang bibig ko. Nagsinungaling sa akin si Damien. Buong akala ko ay ang markang nasa palad ko ay para bigyan ako ng sumpa sa oras na naglihim o nagtraydor ako sa kaniya pero ayun pala ay para protektahan ako sa alinmang sumpa.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Shape of Lies

    Shape of Lies30“Base sa nakikita ko sa sitwasyon mo ngayon, gan’yan rin ang kalagayan ng ibang nilalang na nakita ko bago sila mamatay para pakinabangan.”“Ikaw?!” gulat na ani ko.Hindi siya nagsalita. Namilog lang ang mga mata niya habang nakatitig rin ito sa mga mata ko. Kasalukuyan nahihirapan pa rin ito sa paghinga dahil sa halamang nakapulupot sa leeg niya. Ang mga kamay niya ay pinipilit naman luwagan ang pagkakapulupot

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Dear Huntsman

    29Bigla akong napahinto sa paglalakad. Sa 'di malamang dahilan ay biglang tumaas ang balahibo ko sa batok.Bakit?

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   Magic Wielders

    28Walang tigil sa panginginig ang mga kamay ko. Pati rin ang mga labi ko. Nawala rin pansamantala ang natural na kulay ng balat ko dahil sa pagkakaputla ko. Ilang minuto na ang lumipas pagkatapos mahulog ng kapatid ko sa bangin.

  • Rose Red (Tagalog/Filipino)   When Someone Dies

    27Wala na ang alaga niyang Pegasus na nakadagan sa likod ko kanina. Kasalukuyang nakatayo na ako ngayon habang pabalik balik ang tingin ko sa mukha niya at sa hawak niyang lalagyan."Sigurado ka?" taas kilay na

DMCA.com Protection Status