Share

Chapter 3.2: The Offer

Sana lang ay lubayan na si Veron Stacey ng kamalasan ngayon dahil ilang beses na rin silang nagkatagpo ng baliw na lalaking iyon at lahat ng plano nila’y pumalpak lahat.

Ngayon nga ay naririto siya sa loob ng isang Chinese Restaurant at matamang sinusubaybayan ang taong sakay ng itim na sasakyan sa labas. 

Walang ibang laman ang mesang inookupahan niya kundi ang isang kopita ng wine na nilagyan niya ng pampatulog.

Ayon kay Agent Blue ay paborito itong restaurant ng hayop na ’yon at isinisilbi rin dito ang pinakapaborito nitong wine na madalas nitong isadya sa naturang restaurant. Kung kaya’t tuwing lunes ay sa restaurant na ito ang lagi nitong destinasyon para lang matikman ang alak na bukod tanging sila lamang ang nagsisilbi.

“Are you ready?” narinig ni Veron na tanong ni Agent Blue mula sa kabilang linya. 

“Aha!” tanging tugon niya na naintindihan naman ng kausap. 

Handang-handa na siya para sa planong ito. Natanaw na niyang kumuha ng order ang demonyo. Mula sa listening device na pasimple niyang inilagay sa suot ng waiter ay narinig niya ang pangalan ng alak na mismong inihanda niya. Napangisi siya nang iyon lang din ang inorder nito. Totoo nga ang source ni Agent Blue at mukhang matutupad na ang pangarap at pinlano nila ngayong araw.

Sinundan niya ng tingin ang naturang waiter. Balak niyang pasimpleng pagpalitin ang alak na dala nito sa alak na inihanda niya. Para sa kaniya ay napakasimpleng bagay lang na gawin iyon. Mabilis siyang kumilos at sigurado siyang walang magiging problema sa bagay na iyon.

Ngunit napalis ang ngiti sa kaniyang labi nang biglang umupo sa harapan ni Veron si Ynzo. Gaya ng lagi nitong hitsura ay mukha pa ring baliw ang binata. Heto na naman ang abot langit nitong ngiti sa tuwing kaharap siya.

“Hi, pretty,” bati nito na ikinailing niya. “Are you ready to marry me? I know you’re too excited but please, let me enjoy my time being a single man,” mahanging bungad nito.

Wala pa mang babala ang PAGASA ay tila wala nang pag-asang gumaling ang taong ito mula sa sakit nito. Hindi niya alam kung maaawa o maiinis sa baliw na ito. Wala pa man ay tila babagyuhin yata ang pinagplanuhan nila.

“Mayaman naman ako at maraming koneksyon. Hindi kita gugutumin bagkus ay bubusugin kita ng siyam na buwan sa piling ng gwapong si ako,” dagdag pa niya na ikinailing ni Veron. “Grabe ba’t ang init naman? Wala bang aircon dito?”

Halos manlaki ang mga mata ni Veron nang hablutin ni Ynzo ang hawak niyang kopita na may lamang alak at dire-diretso iyong tinungga. Ininom nito ang lahat ng laman ng kopita. Hindi na siya nakapagsalita pa ng maayos dahil sa labis na pagkagulat.

“Magpakasal na tayo para naman makuha ko na—" Naputol ang dapat sana’y sasabihin ni Ynzo nang bigla siyang mahilo at mawalan ng malay.

Napailing-iling si Veron.

“Tsk! Ayan kasi ang bunga ng katakawan,” bulong niya. Mabuti’t hindi lason ang nailagay niya sa alak kung hindi’y baka ito na ang pinaglalamayan ngayon. Natigilan na lang siya nang mapansing wala na sa paligid ang demonyo at ang mga alipores nito. 

Dali-dali siyang tumakbo papalabas ngunit wala na kahit katiting na anino nito.

Ilang beses pa ba siyang mamalasin sa buhay? Habang nabubuhay ang baliw na lalaking iyon ay mukhang lalamunin na rin siya ng kamalasan sa buhay.

TIRIK NA TIRIK na ang araw ngunit narito at nakabilad pa rin ang isang Veron Stacey sa malawak na golf course habang pinapanood ang bilyonaryong matanda na naglalaro ng golf mula sa malayo, kasama ang mga kaibigan nito. Suot-suot niya ang kaniyang special sunglasses na may kakayahang ilapit ang kung ano mang mga bagay na nasa malayo mula sa kung saan siya naroroon. Halos kumikintab na ang tila kayumanggi niyang balat dulot ng liwanag ng araw na tumatama rito, lalo na sa mahabang biyas ng dalaga. Suot rin ang baseball cap, puting damit at puting sport short na pinaresan ng puting sneaker shoes ay nangibabaw ang taglay niyang alindog dahilan upang pagbalingan siya ng tingin at lingunin ng mga kalalakihang nadadaanan niya.

Habang ngumunguya ng bubble gum at iniikot-ikot ang golf bath sa ere ay binabagtas niya ang distansya patungo sa mga matatandang tinitingnan niya kanina. Ngayon ay gagamitin niya na ang angking alindog para makuha ang atensyon nito. Kapag makuha niya na’y magiging madali na ang mga susunod niyang hakbang. Ayon sa nakuhang impormasyon ni Agent Blue ay babaero raw ang demonyong iyon at kahit sinong babae, basta nagpapakita sa kaniya ng motibo ay papatulan niya. Kaya ito tumandang-binata ay dahil hindi rin makuntento sa isa at gusto makarami.

Naririnig na niya ang tawanan ng mga ito nang biglang may humarang sa kaniyang harapan na nagpahinto sa kaniyang paglalakad. Nangunot ang kaniyang noo nang makita muli ang binata.

“Hi, Miss Lady in White.” Tumaas-baba pa ang mga kilay ng binata nang batiin siya nito at ginawaran pa siya ng napakalawak na ngiti na ikinabuga niya na lang ng hangin dahil sa pagkainis.

“Ikaw na naman?” Pinagsalikop niya ang kaniyang mga kamay sabay taas ng isang kilay.

“Why? You miss me? Oh no, Dear. Once na maikasal ako sa ’yo. Hinding-hindi na ako mawawala pa sa harapan mo.” Kinagat pa ni Ynzo ang kaniyang ibabang labi para maging-kaakit-akit ito kay Veron.

“In your dreams,” untag ni Veron at maglalakad na sanang muli nang harangan ulit ni Ynzo ang daan na kaniya sanang tatahakin.

“Honey, naman. Huwag mo ng pahirapan pa ang isang ’tulad ko. Hindi mo ba alam na maraming naghahabol sa mukhang ito tapos ikaw ngayon tinatanggihan mo? Hindi yata iyon patas,” pagnguso ni Ynzo.

“Sino ba kasing nagsabi sa ’yo na ako ang lapitan mo? Naghahabol ba kamo? Baka aso?” asik niya’t muling nagtangkang maglakad nang bigla siyang magulat sa sumunod na ginawa nito.

“Oy, sunglasses! Type ko yata ang sunglasses na ’to, akin na lang.” Pag-agaw ni Ynzo sa suot na salamin ni Veron.

“Ano ba? Akin na iyan!” Pag-abot ng dalaga sa salamin niya na inagaw ng binata. Ngunit kung matangkad siya, ’di hamak na mas matangkad ito kaysa sa kaniya kaya hindi niya iyon magawang bawiin.

“Teka lang, Love. Try ko munang sukatin kung bagay,” wika nito na ikinabilis ng pagtahip ng kaniyang dibdib.

‘Hindi maaari iyon.’ Sa isip-isip niya.

Baka mabuking siya ng binata sa mga plano niyang gawin kung malaman nito ang kakayahan ng sunglasses na iyon.

“No! Akin na sabi! Ano ba? Isa!” Halos mapaos siya sa kasisigaw lalo na nang magpahabol pa si Ynzo hanggang sa natigilan na nga siya nang tuluyang masuot ng binata ang sunglasses na ikinahinto rin nito.

“Woah!” manghang sigaw ng binata.

Ngayon ay wala na siyang nagawa kundi ang panlisikan ng mga mata ang binata na ngayon ay binibigyan siya ng ngising aso habang naglalakad papalapit sa kaniya.

“Sinasabi ko na nga ba,” untag nito’t umiling-iling. “Ikaw iyong tipo ng babae na hindi dapat pagkatiwalaan,” dugtong pa nito. “Noong unang gabi na nakita kita ay ramdam ko nang may iba kang binabalak.” Nagawa pang hawakan ni Ynzo ang sariling dibdib at nagpakita ng ekspresyon na waring nasasaktan.

Ngayon ay napagtagpi-tagpi na nito ang lahat ng napapansin.

Matiim lamang na nakatitig sa kaniya si Veron na ngayon ay wala ng kibo. Ang kinalabasan tuloy ay tila ba siya iyong pasaway na bata na nahuli ng kaniyang ama na may ginagawang kakaiba.

“Mr. Thurn,” banggit nito sa pangalan ng matandang iyon at tumingin kung saan ito naroroon. “May binabalak kang masama sa kaniya, ’no? Tama ba?” Pagharap niya sa dalaga. “Ops! Teka lang kasi…” Nang iiwas niya ang sarili sa pagtangkang pagbawi ni Veron sa naturang sunglasses.

Ngumisi siya nang mapansing halos hindi na makapagsalita pa si Veron sa harapan niya.

“Bakit ano ang kasalanan niya sa ’yo’t halos buntutan mo siya? Alam kong marami itong hidden agenda na hindi makalkal ng kung sino dahil sa malakas na koneksyon nito, kung kaya’t maraming galit sa kaniya. Pero nananatili pa ring nakadikit ang mga ito at takot siyang kalabanin dahil sa koneksyong iyon. Paano ko nalaman? Simple lang. Ninong ko siya, higit sa lahat ay kumpare at kasosyo rin siya ni daddy sa kumpanya.”

Halos magulantang si Veron sa mga ipinahayag ni Ynzo. 

“Alam ko kung ano ang mga patakaran sa loob at labas ng pamamahala ni Mr. Thurn,” pagtukoy nito sa loob o legal business nito at labas o illegal business ng matanda. “Pero nananatili lang kaming tahimik. Mahirap na, ayaw na naming makisawsaw. Ang sarap kaya mabuhay ng malaya.”

“At malaman-laman ko na lang isang babae ang maglalakas loob para pabagsakin siya.” Pag-iling-iling ni Ynzo. “Sigurado ka na ba d’yan?” Pagyuko niya kay Veron.

Ngunit imbes na sagutin siya ng babae ay mabilis na kinuha ni Veron ang sunglasses na suot-suot ni Ynzo at dire-diretsong tumalikod. Bago tuluyang makalayo ay napahinto na lang ang dalaga sa idinagdag ni Ynzo.

“Pero kung gusto mo ng koneksyon, pera at kung ano pa na susuporta sa ’yo, lumapit ka lang sa akin. Maibibigay ko lahat ng iyon… at alam mo na kung ano ang kondisyon.”

SERYOSONG NAKAHARAP sa sariling laptop si Veron habang hinihintay ang files na pinapa-send niya kay Agent Blue. Napangiti siya nang ma-recieve ang naturang files at nagpasalamat dito.

Nakita niya ang pictures at mga impormasyon hinggil sa Ynzo Abraham Tolledo na iyon nang buksan niya ang naturang files. Seryoso niyang binasa ang nilalaman at bigla ay binundol ng kakaibang kaba ang puso niya.

Mayaman nga at may malawak na koneksyon ang binata na ang tanging problemang pinapasan ay ang makahanap ng babaeng ihaharap sa altar. Maaari niyang gamitin ang binata upang makakuha ng koneksiyon at proteksyon na alam niyang kaya naman nitong gawin.

Bakit hindi na lang kaya patulan na lang niya ang inaalok nitong kasal sa kaniya? Handa naman ibigay sa kaniya ng lalaki ang mga kailangan niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status