Share

Chapter 4

Dali-daling humingi ng tulong si Lirah sa kaniyang mga katulong. Sa mansyon din natutulog ang mga ito at ang iba ay sa isang bahay sa likod ng mansyon kaya mabilis siyang nakahingi ng tulong dito. Dinala nila ang walang malay ng binata na sa isa sa mga guest room ng mansyon.

“May tama siya ng baril, Hija!” ani Myrna. Ang katulong ng pamilya na nagpalaki na rin kay Lirah. Siya ang nagbantay sa dalaga mula pa noong ito ay sanggol pa lamang. “Hindi ata tamang dinala mo siya rito sa loob,” dagdag pa niya habang dinidiinan ang sugat ng binata.

“Pero, ‘Nay. Kawawa naman siya.” Bagamat siya rin ay natatakot dahil estranghero ang binata ay hindi niya magawang pabayaan ito. Nakita niyang may kailangan nito ng tulong.

“Paano kung sindikato pala ‘yan, Bessy?” nag-aalala namang tanong ni Kiray, ang nag-iisang anak ni Myrna. Kabatata ito ni Lirah at naging matalik na rin na magkaibigan. Dahil na rin sa hindi nalalayo ang edad nilang dalawa.

Silang tatlo lamang ang naiwan sa loob ng silid matapos nilang tawagin ang mga tauhan nila para dalhin sa loob. Mabuti na lamang at mayroon pang gising sa mga ito. Silang dalawa lamang ang pinagkakatiwalaan ni Lirah maliban sa kaniyang ama.

Biglang nangamba si Lirah. Nilapitan niya ang binata at pinagmasdan ito. Hindi siya pamilyar dito at mukhang hindi rin taga-baryo ang binata. Base sa suot nito ay para itong alta at hindi ito pangkaraniwan. Hindi ito isang sindikato o sanggano. Hindi rin naman mukhang nakakatakot ang binata. Ngunit ano ang ginagawa nito sa kanilang hacienda?

“Pero ang gwapo, ha?” Napangiti nang malapad si Kiray at lumapit din sa tabi ng kama. “Pwede na siguro siya rito. Babantayan ko na lang siya.” Hahaplusin sana niya ang pisngi ng binata ngunit napatigil siya noong biglang nagsalita ang kaniyang ina.

“Magtigil ka nga, Kiray!” saway ni Myrna. “Magpasama ka tuloy kay Makoy roon para papuntahin dito si Dok. Sabihin mo kailangan ng tulong ng senyora.”

Napanguso si Kiray. “Gusto ko lang siya tingnan nang maigi eh.”

“Dali na!”

Napangiti na lang si Lirah dahil sa kaibigan. Naupo siya sa gilid ng kama. “Ako na po, ‘nay.”

“Sige, at ako ay kukuha ng tubig.”

Kinuha ni Lirah damit kay Myrna at siya ang dumiin sa sugat ng binata. Patuloy pa rin kasi ang pag-agos ng dugo roon pero hindi na kagaya kanina. Napatitig si Lirah sa mukha ng binata. Totoo nga ang sinasabi ni Lirah. Magandang lalake ang binatang nasa tabi niya ngayon. Bagay rito ang buhok nitong medyo kulot. Napansin niya na parang nanginginig na ito at butil-butil ang pawis sa noo. Noong hinawakan niya ito ay napangiwi pa siya noong maramdaman niyang inaapoy na ito ng lagnat. Mabuti na lamang at hindi natagal ay dumating na rin sila Kiray kasama ang nag-iisang doktor sa baryo. Personal doctor na rin ito ni Lirah kaya agad itong nasugod sa mansyon kapag kailangan.

Agad nitong inasikaso ang binata. Hindi raw malalim ang tama ng baril nito sa tagiliran. Maigi na lang daw at gano’n kaya hindi na kailangan pang operahan ang binata. Nilinis ng doctor ang sugat ng binata at kinabitan ng dextrose para mabigyan ng gamot. Pagkatapos ay binilinan si Lirah kung ano ang mga kailangang painumin sa binata kapag ito ay magising na. Hindi na rin ito nagtagal at umalis na ng kanilang mansyon.

“Maraming salamat, dok.”

“Walang anuman, Senyora.”

“Ah, pwede ho bang walang makaalam tungkol dito? Kahit ang… mama ko? Hindi ko pa kasi alam kung sino siya.”

Natigilan ang doktor. Napaisip siya ngunit tumango rin kay Lirah. “Makakaasa ho kayo sa akin. Pero dapat ay mag-ingat ka, Senyora. Hindi mo siya kilala.”

Matipid na ngumiti si Lirah. “Opo. Maraming salamat po.”

Matapos ihatid ni Lirah ang doktor ay bumalik na siya sa silid. Naroon pa rin sila Myrna at nakatunghay sa binata.

“Sino kaya siya, ‘no? Kawawa naman,” ani Kiray.

“H’wag muna tayo pakampante. Paggising na paggising niya bukas ay paalisin na siya. Baka pati ikaw madamay, Lirah,” nag-aalalang sabi ni Myrna.

Bumuntonghininga si Lirah. “Ayos lang po ako. Sige na po. Ako na ang bahala sa kaniya. Magpahinga na kayo, ‘Nay.”

“Sigurado ka ba, Bessy? Gusto mo, ako na lang ang magbantay,” nakangising sabi ni Kiray at naupo na nga sa gilid ng kama. Agad naman siyang hinila ng kaniyang ina.

“Magtigil ka nga, Kiray! Tingnan mo na nga’t naghihingalo na eh kung ano-ano pa ang iniisip mo.”

Natawa si Lirah. “Ano na ang bahala, Kiray. Baka kung ano pa ang gawin mo,” biro niya.

Agad namang nanulis ang nguso ni Kiray. “Ang daya niyo!”

Pinandilatan ito ni Myrna. Pagkatapos ay tumingin kay Lirah. “Sige na, Hija. Matutulog na rin kami. Ikaw rin. H’wag kang masyadong magpuyat sa kaniya.”

“Opo, ‘nay.”

Magkasama nang lumabas ang mag-ina sa loob ng silid. Naiwan si Lirah sa loob upang bantayan ang binata. Kinuha niya ang kumot at inayos ang pagkakatakip nito sa katawan ng binata. Noong masiguro niyang komportable na ito ay kinuha niya sa labas ang kaniyang libro at isinara na ang mansyon. Pagkatapos ay muling bumalik sa loob ng silid at doon pumwesto sa maliit na sala ng silid. Mayroon doong pahabang upuan. Dala ang kumot ay nahiga roon si Lirah habang binaba pa rin ang libro. Bukas pa ang balik niya sa syudad upang harapin ang bago niyang buhay.

Tiningnan ni Lirah ang binatang natutulog pa rin. “Mabuti ka pa. Kung sino ka man ay ligtas ka na. Ako? Bukas ay wala na. Sana ay mabuting tao ang panganay na anak ni Ninong.”

Muling napabuntonghininga si Lirah. Nahiga na siya at binalot ang katawan ng kumot. Hindi umuuwi ang kaniyang Mama at ate sa hacienda dahil mayroon din silang bahay sa syudad. Kaya naman ay dito lang siya nagiging payapa.

Sandaling nagbasa si Lirah. Hindi rin nagtagal ay unti-unti na siyang nakaramdam ng antok kaya ipinikit na niya ang mga mata at natulog.

Napaungol ang binatang nakahiga sa kama. Unti-unti itong nagising at nakaramdam nang matinding kirot sa tagiliran. Sinapo nito iyon at pigil ang ginawang pagdaing.

‘Nasaan ako?’ tanong niya sa sarili.

Unti-unting iminulat ng binata ang kaniyang mga mata at nakitang nasa loob na siya ng isang silid. Napansin niyang mayroong nakakabit sa kaniyang kamay na malaking karayom. Nangunot ang noo niya noong maramdaman din niyang nakabenda ang kaniyang tagiliran.

‘What happened?’

Ang huli niyang na aalala ay tumatakbo siya palayo sa mga lalakeng nagtatangka sa kaniyang buhay. May nakita siyang mataas na harang at doon pilit na umakyat kahit na siya ay duguan na. Ngunit nakaramdam ng kaginhawaan ang binata dahil naramdaman siyang nasa ligtas siyang lugar. Naikuyom niya ang kaniyang mga palad. Kilala niya kung sino ang mga nagtangka sa kaniyang buhay. Sigurado siya na akala ng mga ito ay patay na siya ngayon. Ngunit nagkakamali sila.

Doon ay napansin niyang mayroon siyang naririnig na humihilik. Pinilit niyang umupo at nakitang may natutulog sa mahabang upuan. Biglang na alerto ang binata pero hindi siya kumilos. Pinakiramdaman niya kung gigising ito pero hindi kumilos ang kung sino mang nakahiga sa upuyan. Kaya naman ay pinilit na niyang tumayo at tinanggal ang nakakabit sa kaniyang kamay. Iniwan niya ang karayom na nakakabit sa dextrose at pinatigil ang pagtulo iyon.

Dahan-dahan siyang lumapit sa natutulog na dalaga. Natigilan siya noong matitigan niya ang maamong mukha nito. Siya ang nakita niyang dalaga kanina na akala niya ay kalaban. Madilim ang paligid ngunit nakasisiguro siya na ito ang dalagang iyon. Imbes pala na katakutan siya nito ay tinulungan pa siyang magamot. Marahang hinaplos ng binata ang pisngi nito at napangiti.

“Maraming salamat sa tulong mo,” mahinang sabi niya.

Napadaing muli ang binata. Tumingin siya sa paligid. Sa tingin niya ay nasa isang guest room siya. Muli niyang tiningnan ang dalaga na mahimbing pa ring natutulog. Saka na niya iisipin kung paano siya makakabayad sa ginawa nitong pagtulong sa kaniya. Tiningnan niya ang mga gamot na nasa gilid ng kama. Noong may makita siyang pain reliever ay agad siyang kumuha ng ilang tableta at ininom iyon. Pagkatapos ay dahang-dahang lumabas ng silid. Maging ng mansyon. Hindi siya pwedeng magtagal sa lugar na ito dahil baka madamay pa ang dalaga. Sigurado siyang hanggang ngayon ay pinaghahanap siya ng mga ito. Hindi titigil ang mga iyon hanggat hindi nakikita kahit na ang kaniyang bangkay.

At isa pa, mayroon siyang kailangang gawin bukas. Madilim pa ang paligid. Makakaabot pa siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status