Share

CHAPTER 4

[RANN]

"At ayan." Pinunasan ko ang pawis na namuo sa leeg at noo ko gamit ang apron na pinahiram sa akin ni Sebastian matapos kong ihain sa mesa ang mga pagkaing pinaghirapan kong lutuin. Sinilip ko ang reaksyon ni Sebastian na kanina pa pinapanood ang bawat kilos ko. Nakatitig lang siya sa mesa, sa pagkaing inihain ko habang nakapamewang pa. 

"Ayos na ba? Mukha na bang karapat-dapat na kainin?" tanong ko habang pinapanood ang expresyon sa mukha niya. Naningkit ng bahagya ang kaniyang mga mata at saka tumango tango na para bang may naisip na hindi ko mawari kung ano. 

"This is the first time na may naghanda ng almusal for Master, " anas niya at saka ako nilingon. "Well, let's just hope na kainin niya nga ang inihanda mo." Nakangisi na siya habang sinasabi sa akin iyon. Napanguso ako ng bahagya nang makita ko ang ngisi niyang para bang alam niyang hindi papansinin ng asawa ko ang niluto ko. 

Asawa

Hindi ko parin lubos na maisip na may asawa na ako. Alam kong hindi kagaya ng ibang relasyon ang relasyong meron sa amin pero iba parin ang dating sa akin ng salitang "asawa". At ang katunayang meron na akong asawa ay hindi talaga kapani-paniwala. Parang noong nakaraan lang ay pinipilit ko pang mabuhay ng mas matagal pagkatapos ngayon, asawa na ako ng master ng napaka garbong mansion na ito. 

"Rann?" Dinig ko ang pagpitik ng daliri ni Sebastian sa harapan ko dahilan para mabaling sa kaniya ang atensiyon ko. "H-ha?" wala sa huwisyong tanong ko pero hindi niya ako pinansin, bagkus ay sumenyas siya sa may kung ano sa pinto ng kusina. Wala sa sariling sinundan ko ang sinisenyas niya at napansing nakatayo na pala doon si Damon. Magulo pa ang buhok niya at medyo mapungay pa ang kaniyang mata, bahagya ring nakabukas ang tatlong butones ng kaniyang puting pang tulog habang makikita ang iritasyon sa kaniyang mukha. 

Mukhang kagiging niya lang ah? 

"Good morning, Master," bati ni Sebastian at saka yumuko sa harap ni Damon, hindi siya pinansin nito bagkus ay dumiretso sa harapan ng ref at nanguha ng isang basong tubig. 

"Ah…" Huminto siya sa harap ko at saka ako nagtatakang tinignan. Nangungunot ang kanyang noong tinanong ako. "Anong problema?" halos mahigit ko ang hininga ko dahil sa lalim ng boses niya. Ibang-iba talaga ang lalim ng boses niya, iyong tipong nanaisin mo talagang marinig tuwing umaga. Nakatitig lang ako sa kaniya dahil hindi ko alam ang gagawin o sasabihin ko. Bumuntong hininga naman siya at saka inilapit ang kamay niya sa akin. Huli na nang maramdaman kong hawak niya ang baba ko at marahan niya itong iniangat, mistulang isinara niya ang kanina pa palang nakaawang na bibig ko. 

"Pasukan ng langaw yan," walang ganang saad niya at saka maglalakad na sanang muli palabas ng kusina nang hinatak ko ang kamay niya. Gulat niya akong binalingan pero tinitigan ko lang siya. Maski kasi ako ay nagulat sa naging kilos ko. Nanumbalik ang pangungunot ng noo niya at saka ako sinamaan ng tingin. 

"May problema ba Rann? Hindi ba maayos ang pagtrato nila sa iyo rito?" Napanganga ko sa tanong niya. Saan naman nanggaling ang tanong na iyon?  

"Ah hindi hehe, ano kasi…" 

"Ano?" iritado niyang tanong. Napalunok muna ako saka ko dahan dahang itinuro ang almusal na kanina pa naghihintay sa kaniya sa mesa. "Ano, kain ka muna?" alanganin pang tanong ko habang nakaturo nga sa pagkain. Tinignan niya in iyon saka ibinalik sa akin ang tingin niya, nagpabalik-balik ang tingin niya mula sa akin at sa pagkaing nasa mesa. 

"Iyan lang ba ang sasabihin mo?" masungit niyang tanong kaya napayuko ako at marahang napabitaw sa kamay niya. Hindi nanaman ako mapakali kaya dahan dahan na lang akong tumango. Dinig ko ang pag buntong hininga niya. Kinakabahan namang pinilit kong sinilip ang reaksyon niya at hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko nang makita ko ang reaksyon niya. 

Nakatitig lang siya sa pagkain na para bang isa itong hindi pamilyar na bagay para sa kaniya. Parang bagay na hindi niya talaga nakikita tuwing umaga. Kakalabitin ko na sana siya nang marinig kong tumikhim mula sa likuran namin si Sebastian. Lumingon kaming pareho sa kaniya at nasa harap na siya ng mesa habang minumuwestra si Damon na maupo sa upuang inihanda niya. Umupo naman doon si Damon at hinarap ang pagkain. 

Iniabot ni Sebastian ang kubyertos kay Damon at saka hinayaan nang kumain si Damon. Kinakabahan ako habang pinapanood siyang sumubo ng pagkaing inihain ko. 

"Ikaw ba ang nagluto ng mga ito?" tanong niya matapos isubo ang ikatlong kutsara niya. Agad akong napatango sa tanong niya. "Not bad," saad niya at saka iginiya niya ang upuan sa tabi niya. "Maupo ka na at saluhan mo akong kumain kung ganon. Tandaan mo Rann, asawa kita rito at hindi utusan. Sabay tayong kakain kung iyan ang nais mo, sabihin mo lang," saad niya at saka sinenyas kay Sebastian na bigyan ako ng plato at kubyertos. 

***

Hindi maalis-alis ang ngiti sa labi ko nang lumabas ako ng mansion. Alam mong ako ang nag-imbita kay Damon na mamasyal sa nayon pero hindi ko parin makalma ang sarili ko habang iniisip ang mga bagay na maari kong makita sa pista. 

Nagpapasalamat na lang talaga ako at pumayag si Damon na lumabas kami ngayong araw. Para naman sana mabawasan ang tensyon nilang magkapatid at nang maka iwas na rin ako sa kapatid niyang si Spyru. 

Ayokong maging bastos, pero talagang hindi ko gusto ang awrang bumabalot kay Spyru, pakiramdam ko ay may hindi tama sa bawat salita na lumalabas sa bibig niya at sa mga kilos niyang nagbibigay sa akin ng kakaibang kaba. 

Hindi nakakatuwang uri ng kaba. 

Pero lahat iyon ay isasantabi ko muna ngayong araw at sisiguraduhin kong masusulit ko ang araw na ito. 

"Laki ng ngiti ah, bakit parang mas excited ka pang gumala sa bayan kesa sakin na inimbitahan mo?" Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at muli nanaman akong napanganga sa porma ni Damon. Simpleng puting polo shirt lang ang suot niya habang ang mga manggas nito ay naka tupi hanggang sa mga siko niya at ang denim jeans niya na halos hapitin na ang kaniyang mga hita. 

"Enjoying the view, I see." Nakangising sambit niya habang nakahalukipkip pa na nakasandal sa pader ng pinto ng mansion. Hindi ko man naintindihan ang sinabi niya ay agad akong nag-iwas ng tingin. Pakiramdam ko ay tinutukso niya ako sa paraan pa lang ng pananalita niya. 

Kalma, Rann. Magsasaya ka sa pista okay? Huwag na huwag mong tititigan ang mga hita niya at bisig, maliwanag ba? 

Ilang ulit kong binubulungan ang sarili ko na umayos at isantabi ang makasalanang bagay na nagsisimulang pumasok sa isip ko. 

"Paano nga pala tayo makabababa sa bundok gamit iyang kotse mo?" inosente kong tanong habang nakaturo sa kotse. Umalis siya sa pagkakasandal niya sa pader at saka naglakad papalapit sa akin. "May private road ang bundok na ito," sagot niya sa tanong ko at saka binuksan ang pinto ng kotse. Iginiya niya ako papasok sa kotse at saka niya sinara ang pinto sa tabi ko. Umikot siyang muli at saka pumasok sa kabilang pinto ng kotse. 

"Private…road?" Bahagyang nakatagilid ang ulo ko habang nakatitig lang sa kaniya, naghihintay ng sagot. Umikot ang mga mata niya bago sumandal sa head rest ng upuan ng kotse. "Oo? May daanang patag ang bundok na ito para sa kotse ko," salubong ang kilay sa sagot niya, kapagkuwa'y nilingon niya akong muli. "Oi, don't tell me hindi mo yun nakita nung tumatakbo ka noon?" tanong niya sa akin. Umiling lang ako at saka inalala ang mga dinaanan ko noon bago ako makarating sa mansion. 

"Hindi ko na sa totoo lang maalala. Malabo ang mga imahe sa isip ko." Mahinang bulong ko sa sarili ko at saka habang pilit pa ring hinuhukay ang mga kaganapan nang gabing iyon bago ako nagising sa loob ng mansion ni Damon. 

"Never mind that. Just look at the road we're taking," saad niya at saka itinuro ang laBas ng bintana ng kotse. Napasinghap ako sa ganda ng daan. Nakahilera ang mga naglalakihang puno sa magkabilang gilid ng daan, tila rin sumasayaw ang mga bulaklak at damong nadaraanan ng sasakyan namin. 

"Ang ganda." mahinang bulong ko habang sa paligid parin nakatitig. Dinig ko ang pag pitik ng daliri ni Damon kaya siya naman ang binalingan ko. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa natatanging ganda niya bilang isang lalaki. Ang mga kamay niyang ekspertong minamaneobra ang manibela ng sasakyan at ang masuyong paghagod ng makulit na hangin na pumapasok mula sa bahagyang nakabukas na bintana ng kotse sa tabi niya sa buhok niyang kulay chocolate. Ngayon ko lang din napansin ang perpektong hulma ng ilong niya at ng labi niyang mapula pula pa. Ang kaniyang panga na sobrang perpekto rin, lahat sa kaniya ay perpekto. Para siyang isang panaginip. Ang ganda niyang lalaki. 

Nawa'y lahat. 

"Oi, kanina pa kita tinatanong, " nanumbalik naman ako sa huwisyo ko nang marinig ko ang boses niya. "Ha?" hindi siguradong sagot ko. Sandali niya lang akong tinignan saka muling ibinaling ang atensiyon niya sa daan. Pababa kasi ang daang tinatahak namin ngayon at alam kong kailangan niyang mag focus. 

"Ang sabi ko kung may alam ka bang mga bagay na mapaglilibangan sa bayan? Siguraduhin mo lang na hindi masasayng ang oras ko sa pista na iyan kung hindi ay talagang iiwanan kita sa lugar na iyon, " banta niya. "Huwag kang mag-alala Damon, paniguradong magugustuhan mo ang mga makikita natin doon, " paniniguro ko at saka muling ibinaling ang atensyon ko sa bintana. 

Inabot ng kalahating oras ang naging biyahe namin bago kami tuluyang makarating sa bayan. Agad na bumungad ang mga makukulay na bandiritas at mga taong abala sa pag-aayos at pagpapa ganda ng bawat sulok ng bayan. Nang makababa kami ni Damon sa kotse ay parehas kaming tulala, hindi alam kung saan kami unang pupuntahan. 

"Rann." Nilingon ko siya nang banggitin niya ang pangalan ko. "Hmm?" Bumuntong hininga muna siya saka ako binalingan rin. "Nung inimbita mo akong mamasyal, may idea ka ba kung anong una nating gagawin? O kung saan tayo unang pupunta?" Napangiwi ako sa tanong niya. Sa totoo lang, wala akong alam sa lugar na ito maliban na lang sa narinig kong usapan nina Mirai at Gael noong nakaraang araw tungkol sa pistang gaganapin dito sa nayon. Wala akong idea kung ano at saan mag sisimula. 

"Ahm, bat hindi nalang muna tayo kumain? Tanghali na rin naman," suhestiyon ko saka ko siya hinila sa mga kaina. Sinamaan niya ako ng tingin pero hinayaan niya na lang rin akong hilahin siya. Nang makarating kami sa isang kainan ay agad akong umorder ng mkakain namin, tinanong ko rin siya kung ano ang gusto niya pero ang kaninang masamang timpla ng mukha niya ay mukha yatang lalong sumama dahil ngayon ay maski pagkain ay sinasamaan niya na ng tingin. 

"Damon--"

"I don't eat that crap, " singhal niya habang masamang nakatingin sa dinuguan na nasa loob ng estante. Hindi ko man maintindihan ang sinabi niya ay awtomatikong napangiwi ako. Tunog pa lang kasi ay halata nang insulto ang lumabas sa bibig ng asawa kong ito. 

D'yos ko po, mahabagin. 

"Ahm, gusto mo bang mamili ka na lang ng ibang pagkain? Mukhang ayaw mo ang isang ito, " banggit ko pero inirapan niya lang ako at saka inilibot ang paningin niya sa iba pang mga putaheng naka balandra sa estante. Ilang ulit pa siyang nag-inarte bago kami mapayapang nakakain sa mesa. Nang matapos kami ay namasyal naman kami, nilibot ang bawat tindahan at nag tingin-tingin rin ng mga "charms" kung tawagin na binebenta sa bawat tiangge na maraanan namin. Hapon na nang magsimulang mag-sindi ng mga ilaw na nakapalamuti sa bawat poste ng plaza kung saan kami nakatambay ngayon. Nagsimula na ring dumami ang mga tao sa plaza at lalo pang umingay ang paligid. 

Muli kong tiningnan si Damon, ang kaninang salubong niyang mga kilay ay unti-unti nang naghihiwalay, nagiging kalmado na rin ang kanyang mga mata. Pumunit ako ng maliit na bahagi ng cotton candy na binili namin kanina at saka inalok sa kanya. Nagtataka man ay tinanggap niya pa rin ang inaalok ko at saka muling ibinaling ang tingin sa di kalayuan. Sinundan ko ang tingin niya at nakita kong nakatitig siya sa Ferris wheel na nakatayo sa pinaka sentro ng parke sa di kalayuan. 

"Gusto mo bang sumakay?" tanong ko sa kanya, nilingon niya ako saka umirap nanaman. "Pang bata lang ang bagay na yan, " iwas niya sa tanong ko pero hindi ko iton pinansin at agad siyang hinila papunta sa Ferris wheel. Nang makasakay na kami ay pansin kong hindi siya mapakali sa pwesto niya. "Huy, okay ka lang?" tanong ko sa kanya nang makita kong halos hindi na siya gimagalaw sa pwesto niya. Hindi niya ako sinagot, bagkus ay sa mga kamay lang namin siya tumingin. Hinawakan ko ang kamay niya at saka masuyong pinisil pisil ito, doon lang siya tumingin sa gawi ako. 

Hindi ko alam kung dala lang ba ng liwanag na nagmumula sa mga mumunting ilaw sa ibaba namin ang dahilan ng kaunting pagsilip ng kulay pula sa kanyang mga mata, pero maganda ito. Magandang pagmasdan. 

"Ayos lang yan hahahaha. Tignan mo oh. " turo ko sa gilid kung saan kita na ang mga makukulay na ilaw sa bawat poste, pataas ng pataas ang sinasakyan namin, at sa bawat pag taas nito ay ang siyang paghigpit ng hawak ni Damon sa mga kamay ko. Ginantihan ko naman siya ng pisil at saka hinikayat siyang tignan ang paligid niya. 

Nang iminulat na niyang muli ang kanyang mga mata, kita ko ang iba't-ibang kulay na naglalaro sa kanyang mga mata. "Diba? Maganda?" tanong ko habang nakatingin lang sa kanya, humahalo ang kanyang ganda sa gabi. 

Hindi man mashadong halata ay alam kong napasinghap siya dahil sa ganda ng tanawin, wala naman talagang mas gaganda pa sa tanawing iyong makikita mula sa itaas. Ang akala kong maganda nang tanawin ay lalo pang gumanda nang sa unang pagkakataon ay nakita kong sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi

"Oo, maganda nga"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status