Share

Chapter 4

Nag door bell ako sa tahanan ng mga Martinez. Hindi nagtagal, binuksan ni tita Lorna ang pintuan.

"Oh my God, Gerald! kumusta?" nagmano ako kaagad sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang gulat at saya. "sinong kasama mo?"

"Ako lang po tita, pinadadaan po kasi ng mommy ko itong mga miki mula sa Batangas. Si tito Sid ho?" sumilip pa ako sa loob ng bahay nila.

"Pumasok ka muna at tatawagin ko, Miggy, ikuha mo muna ng inumin si Kuya Gerald mo.." utos ni tita Lorna sa anak.

"Opo," umalis ang binatilyong anak ni tita.

"Tuloy ka muna, feel at home, tatawagin ko lang ang tito mo," paalam sa akin ni tita Lorna. Umalis na siya, ako naman ay pumunta sa kanilang salas. Napansin kong may tao doon. Nakaupo lang siya patalikod sa akin. Mukhang wala naman siyang binabasa, nakatingin lang siya sa pool na tanaw sa lugar kung saan ito nakaupo.

"Ehem.." tikhim ko. Napatingin sa akin ang taong nakaupo doon. Nagulat ako sa hitsura ng babaeng lumingon sa akin. Kahawig ni Dina Bonnevie noong kabataan, maputi lang ito, at may dimple sa kabilang pisngi. Ang lantik ng pilit mata, at alon alon ang mahabang buhok. "I-Ikaw si Janna?" Kimi lang siyang tumango.

"Oh, Gerald, kumusta ka na?" Boses iyon ni tito Sid. Dali dali akong nagmano sa kanya pagkababa niya ng hagdan.

************

"Alam mo kasi Gerald, nag iisa kong anak na babae si Janna, kaya hanggang maaari, ayoko na mapariwara ang kanyang buhay," naglalakad kami ni tito Sid sa kahabaan ng farm nila ng tabako, "doon tayo."

"Tito, napansin kong napakaganda naman pala ng inyong anak, kaya hindi malabo, na marami talagang umaligid na lalaki sa inyong dalaga," sabi ko sa kanya habang inaayos ko ang aking sumbrerong yarinsa buli.

"Kaya lalo ko nga siyang pinapakaingatan, dahil nga, napakaganda ng aking anak. Subalit alam mo naman dito sa probinsiya, kapag may hindi magandang balita sa mga kababaihan, agad ng ginagawang big deal. Kaya ang kahahantungan, kumakalat ang tsismis." tugon niya sa akin. "Saka, nobyo naman niya ang Nick na iyon, ng dahil lang sa pangarap, tinalikuran niya si Janna."

"Subalit tito, hindi naman ata dahilan na ipakasal niyo siya sa isang matandang halos tatay niyo na rin, hindi ba?" sinapit namin ang kubo sa gitna ng tabakuhan. "Parang lalong masisira ang buhay ng inyong anak, kapag ganoon ang iyong ginawa."

"Pakilagay niyo lang diyan," sabi niya sa mga kasama namin na may dalang pagkain, "hindi mo kasi ako naiintindihan, Gerald. Wala ng ibang tatanggap sa aking anak dito. Nais kong maisalba ang buhay niya at.."

"Tito, sa Manila nga ho, ang mga babae doon ay kung sino sino na ang sinasamahan, kahit ilan pa yan. Hindi naman natin mababago ang buhay ng isang tao, kung dahil lang sa pagkakamali, ay isusubo natin siya sa isa pang pagkakamali. The heck with those people na hinuhusgahan ang anak niyo.." paliwanag ko kay Tito Sid.

"Ewan ko Gerald.. Ewan ko.. Ang alam ko, matatahimik lang ako, kapag naikasal na si Janna, upang hindi na siya pagpiyestahan ng mga tsismosa dito." sagot niya sa akin.

Bigla akong napaisip. Kawawa naman ang dalagang iyon, kung doon mapupunta, sa matandang sinasabi ni tita Letty.

*************

Inaya akong magsimba nina tita Letty kinabukasan. Maaga kaming nagtungo doon. Ang ganda talaga sa lugar na iyon. Iginala ko ang aking mga mata, hanggang mapadako ang aking paningin, sa bagong dating na sasakyan. Bumaba mula doon si Janna. Sasalubungin ko sana siya, ngunit may kasama siyang matanda. Isang kalbong chinese! Ito na marahil ang sinasabi sa akin ni tita Letty na si Arnold Rivera. Hindi sa pangmamata, ngunit lahat ng sinabi ng aking tita ay pawang may katotohana.

Kitang kita ko ang pagpiksi ni Janna sa matandang pilit na humahawak sa kanya.

"Gerald.. tara na.." yaya sa akin ni tita Letty, na hindi napansin ang presensiya nina Janna.

"O-- oho.." sinisilip silip ko pa si Janna na sa kabilang pintuan nagdaan kasama ang matandang kalbo.

***********

"Nakita niyo ba kanina si Janna at si Arnold? Diyos ko, patawarin! parang Beauty and the beast ang hitsura nila!" napaantanda pa si tita Letty, sakay na kami noon ng sasakyan pauwi.

"Akala ko ho hindi niyo napansin?" nilingon ko pa siya sa likurang bahagi ng sasakyan. Si tito Yulo ang nagmamaneho ng sasakyan.

"Hindi ko sana mapapansin, pero que barbaridad! ang mga marites sa aking harapan ay pinag uusapan sila. Awang awa sila sa bata, na ngayon pa lang, dapat na daw ipag nobena at parang hindi magandang panaginip ang dadanasin!" lumingon si tita sa bintana, "lalo akong nabubwesit kay Isidro!"

"Sabi ko naman sayo, kausapin mo siya, makikinig yun sayo," nakangiti si tito Yulo sa sinabi kay tita Letty.

"Hmp! kung pwede ko lang itakwil na kaibigan ang isang yun, ginawa ko na!" umirap pa siya na ikinatawa namin ni tito Yulo.

Ayon kay mommy, siya, si tita Letty at si tito Sid, ay matalik na magkakaibigan. Kung bakit wala sa kanila ang nakatuluyan ni tito Sid? yun ay dahil nadidiri daw silang lahat, isipin pa lang na may magiging asawa sa kanila si tito Sid. Magkakaibigan ang kanilang mga magulang, at ayaw din naman ng mga iyon na masira ang pagkakaibigan nilang tatlo, kaya hindi na nila inisip na ipakasal kahit kanino ang nag iisang lalaki sa kanila.

"Mukha namang mabait si tito Sid, tita Letty.." nakangiti kong sabi sa kanya.

"Wala kamong bait! Hindi na naawa sa anak! Hindi naman siya mapapakain ng dangal na sinasabi niya." Humalukipkip pa siya habang nakatingin sa labas ng bintana.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status