Share

Kakambal Sa Ibang Mundo
Kakambal Sa Ibang Mundo
Author: creshinshana

Prologue

Nararamdaman na ni Milagros ang sakit na nagpapahiwatig na manganganak na siya. Tinawag niya ang asawa na si Jose para humingi ng tulong. Naalarma naman ang asawa kaya't dali-dali itong lumabas ng bahay at nagtungo sa bahay ng kaniyang tiya na isang manghihilot para humingi ng tulong. 

Malayo kasi ang hospital sa kanila kaya napagdesisyunan ng mag-asawa na sa bahay nalang ito manganak.

Wala rin silang ibang kamag-anak na malalapitan dahil labag ang pamilya ni Milagros sa kanilang pagmamahalan dahil mahirap lamang si Jose kaya napagpasiyahan nilang magtanan. Tanging ang kaniyang tiya lamang ang nandiyan para sa kanila. Bata pa lang kasi si Jose nang mamatay ang kaniyang mga magulang.

Lakad takbo ang ginawa ni Jose para lamang makarating kaagad sa bahay ng manghihilot. Labis siyang nag-aalala sa kanyang asawa dahil wala itong kasama sa bahay gayong umalis siya para humingi ng tulong para rito. At wala din silang kapit-bahay na maaaring makatulong sa asawa.

Lumipas ang sampung minuto at nakabalik narin si Jose kasama ang magpapaanak sa asawa na si Lourdes. Matanda na ito ngunit maliksi pa rin naman kumilos.

Pawis na pawis si Jose nang makabalik. Ngunit hindi man lang siya nakadama ng pagod bagkus ay labis na pag-aalala ang nararamdaman para sa asawang manganganak na.

Hindi na rin maipinta ang mukha ni Milagros nang dahil sa sakit na nararamdaman. Hinawakan na lamang ni Milagros ang kamay ng asawa para doon humugot ng lakas. 

"Sige iri pa, Milagros! Malapit na!" sabi ng manghihilot.

"Ahhhhhh!" Sigaw ni Milagros. Ibinuhos nya ang lahat ng natitira niyang enerhiya para mailabas nang tuluyan ang bata. Nang dahil na rin sa pagod ay nahimatay si Milagros.

Mabuti na lamang at nailuwal na nito ang bata sa sinapupunan.

"Uhaa! Uhaa!" Iyak ng kanilang anak.

Ngunit hindi lang iyak ng kanilang anak ang kanilang narinig dahil may batang umiiyak din sa labas ng kanilang bahay kasabay ng pag-iyak ng kanilang munting anghel.

"Narinig mo ba iyon, Tiya Lourdes? May narinig kasi akong iyak ng bata sa labas. Teka lang at titingnan ko muna." Lalabas na sana si Jose nang pigilan siya ni Lourdes.

"Huwag! Huwag ka munang lumabas. Hindi ordinaryong bata ang narinig mong umiiyak, Jose. Hindi lang ang inyong anak ang isinilang ngayong gabi."

Naguguluhan man ay sinunod niya na lamang ang sinabi ng matanda at nanatili na lamang sa tabi ng asawa at masuyong hinaplos ito sa pisngi.

Binalewala na lamang ni Jose ang kaniyang narinig at itinuon ang atensyon sa kaniyang anak na nasa braso na ng kaniyang tiya na si Lourdes.

"Babae ang inyong anak, Jose!" sabi nang manghihilot at inabot ang sanggol kay Jose. "Napakaganda ng inyong anak," dugtong pa nito.

Maluha-luha ang mga mata ni Jose dulot ng kasiyahang nadarama. Bitbit niya ang kaniyang munting anak na may ngiti sa labi.

Nagising naman ang kanyang asawa kaya ibinigay ni Jose ang sanggol dito.

Naiyak si Milagros nang makita ang kaniyang napakagandang anak ng dahil sa labis na kasiyahan.

"Ano ang ipapangalan ninyo sa inyong anak?" tanong ni Lourdes.

"Alea. Alea ang ipapangalan namin sa kanya," sagot ni Milagros.

Makikita sa mga mata ng mag-asawa ang labis na kasiyahan. Maingat na hinahaplos ng mag-asawa ang sanggol at pinangakuang mamahalin ng labis at aalagaan ng mabuti.

"O siya, aalis na ako Jose at Mila. Mag-iingat kayo at bantayan ninyo nang mabuti ang inyong anak," pagpapaalam ni Lourdes.

"Maraming salamat po, Tiya Lourdes." Tumingin ang mag-asawa sa matanda na may ngiti sa mga labi.

Hinatid naman ni Jose ang kaniyang tiya na si Lourdes palabas ng bahay. Paglabas nila ay nakita niya ang malaking punong-kahoy na nasa gilid lamang ng kanilang bahay na napapalibutan ng napakaraming mga alitaptap kaya napakaliwanag nito. Magtatanong na sana siya rito nang bigla itong magsalita.

"Hindi lang kayo ang nagsasaya ngayong gabi Jose. Maging sila ay nagagalak din sa pagsilang ng kanilang anak."

"Ibig mo pong sabihin 'yung batang narinig natin kanina na umiiyak sa labas ay nakatira sa kahoy na 'yan?"

"Oo. Kung maaari ay huwag mong ilalapit ang iyong anak sa kahoy na iyan. Hindi sila tao kagaya natin. Hindi natin sila nakikita pwera nalang kung magpapakita sila."

"Ano pong ibig niyong sabihin, Tiya Lourdes?"

"Mas mabuti nang mag-ingat tayo. Ayoko nang may makuha pa silang taong malapit sa akin."

Naguguluhan si Jose sa sinabi ng kaniyang tiya. Ngunit labis din ang kaba at takot na kaniyang nararamdaman.

"Sige na Jose pumasok kana sa loob at bantayan mo nang mabuti ang iyong mag-ina." 

"Salamat, Tiya Lourdes. Mag-iingat ka pauwi."

Dali-daling pumasok sa loob si Jose. Namangha man sa nakita ngunit nakaramdam din ng kaba at takot.

Di maalis sa kanyang isipan ang sinabi ng kaniyang tiya. 

"Hindi lang ang iyong anak ang isinilang ngayong gabi. Maging sila ay nagagalak din sa pagsilang ng kanilang anak."

"Mas mabuti nang mag-ingat tayo. Ayoko nang may makuha pa silang taong malapit sa akin."

"Ano ang ibig mong sabihin, tiya? May nangyari ba noon na hindi ko alam? Ano bang mangyayari kung ang tao at diwata ay sabay na ipinanganak?"

Maraming mga katanungan si Jose na halos hindi na siya makatulog sa kakaisip. Nakatingin lamang siya sa kaniyang mag-ina na mahimbing na natutulog.

"Babantayan at aalagaan ka namin ng mabuti anak. Mahal na mahal ka namin ng iyong ina," sambit ni Jose.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
creshinshana
Thank you! Sana nagustuhan niyo po ang kwento ...️
goodnovel comment avatar
B.NICOLAY/Ms.Ash
OMG! Bibihira nalang ako makabasa ng fantasy kaya supper happy ako at nakita ko 'to! Hands up to the author masaya ako na sinusulat mo pa 'rin kung ano talaga ang gusto mong genre! Main genre ko din kasi fantasy huhu More stories to come po! Susubaybayan ko ito kahit matagalan ako kakabasa hahaha
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status