Share

Chapter 2

PABALING-BALING si Gwen sa kaniyang higaan. Laman pa rin ng isipan ang tagpo kaninang umaga. Napahinga siya ng malalim at napagpasiyang bumangon na lamang. Naupo siya sa gilid ng higaan at mataman na nag-isip.

"Sana pala'y hindi na lang ako sumama sa bar, disinsana ay wala akong problema ngayon. Hayst! Gwen, ano na ang gagawin mo ngayon?"

Tuluyan siyang tumayo, saka ay lumapit sa bintana. Maliit lamang ang espasyo ng kaniyang kinaroroonan niya at sa loob ng dalawang taon ay iyon na ang naging tahanan. Nasa probinsiya ang kaniyang magulang. Matapos niyang makapagtapos ng pag-aaral ay nagtungo na agad siya sa siyudad para magtrabaho. Sa isang supermarket siya kasalukuyang nagtatrabaho na kung saa'y pagmamay-ari ng ama ni Zabrina.

Napahinga siya ng malalim. "Zabrina," mahinang sambit niya sa pangalan ng kaibigan.

Naging magkaibigan sila noong elementary pa lang, bagong lipat ito sa school na pinapasukan niya. At tanging siya lamang ang nakipag-usap dito, dahil ang ibang bata ay ilag dito. Hanggang sa nag-highschool sila at nagkolehiyo. Nagkakatampuhan man pero agad din silang nagkakaayos, pero ngayo'y mukhang mahirap na silang magkaayos. Mahirap nang ibalik pa ang dati dahil sa nangyari sa kanila ni Gian.

Si Gian, long time boyfriend ito ng bestfriend niya. Nagkakilala ang dalawa noong third year highschool na sila. May okasyon sa kanilang school at muse ang kaniyang kaibigan. Ipinakilala ito ng classmate nila sa kaibigan niya, nagkabakasyon lang pala ito sa lugar nila. Simula noo'y naging bukambibig na ni Zabrina ang lalaki. Minsan ay nakakasama rin niya ito at naging madalas pa ng magtrabaho na siya sa siyudad. Nakikita niya ang pagmamahal ng binata sa kaniyang kaibigan at doo'y minahal niya rin ito ng palihim. Pinilit niyang supilin ang nararamdaman, iniwasan din ito pero palagi pa rin siyang isinasama sa mga lakad ng kaibigan. At ang huli nga ay nang nagdaang gabi. Isinama siya nito sa party hanggang sa nalasing siya.

Hindi siya pumasok nang araw na iyon. Gusto niyang magpahinga at matulog pero hindi naman niya magawa. Paulit-ulit na bumabalik sa kaniyang isipan ang nangyari. Lumabas siya ng silid. Naabutan niya sa sala si Carol, kasama niya roon. Tatlo silang umukupa roon. Ang isa ay si Ailyn na kasalukuyang nasa trabaho, isa itong call center agent.

"Hindi ka pala pumasok," ani Carol na kasalukuyang itinatali ang sapatos.

"Oo. Medyo masama ang pakiramdam ko."

"Uminom ka na agad ng gamot. Mayroon ako naitabi."

Pino siyang napangiti, "Salamat."

Kapwa mabait ang kasama niya sa bahay. Hati-hati sila sa pagbayad niyon, maging kuryente at tubig. Sa pagkai'y nama'y kaniya-kaniya sila pero minsan ay naghahati-hati rin sila. Naging malapit na rin siya sa dalawa lalo na kay Carol. Ito kasi ang madalas niyang kasama, hindi tulad ni Ailyn dahil na rin sa uri ng trabaho nito.

"May lakad ka?" tanong niya rito na sinabayan ng pag-upo sa bangkong nasa harap ng mesa.

"Oo. May raket ako ngayon. Sayang din ang kikitain. Alis na ako. Uminom ka agad ng gamot para hindi na lumala."

Muli siyang napangiti. "Sige, ingat.

Hatid-tanaw niya ang paglayo nito. Nang mapag-isa ay muli siyang nahulog sa malalim na pag-iisip. Itinukod niya ang siko sa mesa at saka ay ipinatong sa palad ang mukha.

"Hayst! Ano na ang gagawin ko?" tanong niya sa sarili. "Kung umuwi na lang kaya ako sa amin? Tama!" Napalatak siya. "Uuwi na lang muna ako sa amin," aniya sa sarili.

Iyon ang plano niya para makahinga sandali ng maayos at kapag nakalimot na ang tao ay saka siya babalik ng siyudad o kung maaari ay huwag na. Nasa ganoong pag-iisip siya nang may kumatok. Tumayo agad siya at hindi na nagdalawang-isip pa na buksan ang pinto. Ngunit nang buksan niya iyo'y mabilis siyang napaatras.

Isang matalim na mata ang bumungad sa kaniya. Humakbang ito palapit na nagpaatras na naman sa kaniya. Saglit pa ay napahinto siya nang isa pang tao ang walang pasabi na pumasok. Napahinto rin ang binatang matalim pa rin ang titig sa kaniya.

"How are you, iha?"

"P-po?"

"What are you doing, Gian? Tinatakot mo ba si Gwen?"

"No, Mom," tugon nito.

Pinukol ng masamang tingin ng ginang ang anak at saka ay lumapit sa kinaroroonan niya. Abot-abot ang kabang nararamdaman niya at samo't sari ang nasa isipan. Paano kung saktan siya nito? Paano kung pagsalitan siya ng masasakit na salita? Subalit, lahat ng agam-agam niya'y naglaho nang yakapin siya nito. Lalo siyang naging tuod.

"I'm sorry, iha. Sorry sa nangyari and I'll promise, hindi ka tatakbuhan ni Gian. You and my son will getting married soon," nakangiting sabi nito kasabay ang paghaplos sa pisngi niya.

Hindi siya makapagsalita kahit pa nga naghuhumiyaw ang isipan niya. Gusto niyang tumanggi, pero ayaw makisama ng kaniyang bibig. Nanlalamig din ang buo niyang katawan. Naramdaman na lang niyang niyayakag na siya ng ginang patungo sa sofa. Maingat siyang pinaupo katabi nito. May ilan pa itong sinabi, ngunit hindi niya maunawaan. Ayaw pumasok ng sinasabi nito sa nanlalamig niyang isipan.

"Iha, gusto kong makausap ang magulang mo."

"P-po?" malakas niyang sambit. "A-ang m-magulang ko p-po?" nauutal niyang ulit.

"Relax, iha." Naramdaman yata nito na kinakabahan siya. Ginagap nito ang nanlalamig niyang palad at marahang pinisil-pisil iyon.

Napalunok siya ng laway. Bigla niyang na-miss ang ina. Ganoon din ang ginagawa ng ina niya sa tuwing kinakabahan siya.

"Kailan ko puwedeng makausap ang magulang mo para mapag-usapan na ang inyong kasal?"

"H-ho? S-sigurado ho ba kayo? Hindi naman ho kailangang umabot sa ganito, Ma'am. A-ayos lang ho sa akin ang lahat. Huwag niyo ho sanang ipilit ang isang bagay na alam kong magpapahirap sa kalooban ng iyong anak." Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit niya nasabi ang bagay na iyon. Sana lang ay hindi magalit ang ginang.

Sa halip na magalit ay ngumiti pa ang ginang. "I like you, iha. At don't worry, napag-usapan na namin ito ng aking anak. Ayaw kong may naaagrabyadong babae. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, magpapakasal kayo ng aking anak. Pananagutan niya ang ginawa niya sa iyo."

Muli ay nakaramdam siya ng panlalamig ng katawan. "P-paano ho si Zabrina?" Sinulyapan niya ang binatang nakatayo lamang. Umigting ang panga nito matapos marinig ang pangalan ng nobya.

"She will be okay, iha. Humingi na ako ng tawad sa kaniya. I know, hindi niya matanggap ang naging desisyon ko pero ito ang tama."

Naumid ang dila niya. Bigla siyang pinagpawisan. Muli ay napasulyap siya sa binata na ngayo'y matalim na namang nakatitig sa kaniya. Kung nakamamatay lang ang titig na iyon, marahil ay pinaglalamayan na siya ngayon.

Matapos siyang kausapin ng ginang ay nagpaalam na rin ito. Nauna na itong umalis. Naiwang nakatayo pa rin si Gian. Nang mapagsolo sila'y agad na bumalasik ang anyo nito. Animo'y isang tigre na anumang oras ay puwede siyang lapain.

"Are you happy now?"

Napapitlag siya. Butil-butil na ang pawis sa noo kahit pa nga nanlalamig ang buo niyang katawan. Alam niya kung gaano kamahal ng binata ang kaibigan niya. Mahal na mahal higit pa sa buhay nito.

"Masaya ka na ba?" pag-uulit nito kasabay ang pagkapit sa panga niya.

Nabigla siya sa ginawa nito kaya hindi siya nakapalag. Pakiramdam niya'y bumaon ang daliri nito sa kaniyang panga sa sobrang diin ng pagkakakapit nito. Halos hindi na siya humihinga, idagdag pa ang matindig kabog ng kaniyang dibdib.

"Kung inaakala mong magiging maayos ang ating pagsasama sa oras na naikasal tayo, you're wrong. Gagawin kong impiyerno ang buhay mo! Sinira mo ang buhay ko kaya sisirain ko rin ang buhay mo!" banta nito at pasalya siyang binitiwan na ikinatumba pa niya.

Bumagsak siya sa sahig. Tinitigan lamang siya nito saka ay nagdudumaling lumabas ng bahay. Naiwan naman siyang nangangatal ang buong katawan, hanggang sa mabilis na naglandas ang luha sa pisngi niya. Makakatakas pa ba siya sa kinakaharap na sitwasyon?

Mga Comments (4)
goodnovel comment avatar
Amie Royo
Sis Zai tinupad kuna pangako ko sau......at dahil adik ako sa mga book tatapusin ko ito thank u sa update mo gudltand congratulations
goodnovel comment avatar
Anita Valde
thanks Author Zai SA update
goodnovel comment avatar
Shie Zhie
nice novel miss zai
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status