Share

Chapter 7

HINDI ipinagkalat ni Gwen ang nangyari nang unang gabi bilang mag-asawa nila ni Gian, kahit kay Sylvia. Masakit para sa tulad niyang babae ang nangyari, lalo na't asawa siya nito. Alam niyang hindi siya mahal ng asawa, pero sana man lang ang i-respeto siya bilang isang babae.

Magkagayunpaman, ipinagsawalang-bahala na lang niya iyon. Sa harapan ng ginang ay maayos ang pakikitungo nito sa kaniya, ngunit kapag nakatalikod na, daig pa niya ang isang kriminal sa mata nito. Sa iisang silid na rin sila natutulog, ngunit hindi sa iisang kama. Sa malamig na semento siya natutulog na nilalatagan niya ng manipis na sapin at nasa pinakasulok ng silid. Sabi ng asawa niya, dapat ay malayo siya sa tutulugan nito. Kaya't heto siya, daig pa ang basang sisiw, sa sahig natutulog.

Sinabihan siya nito na dapat tuwing umaga bago ito magmulat ng mata'y wala na siya sa silid. Kaya nama'y inaagahan niyang gumising, tulad nang umagang iyon. Alas kuwatro pa lang ay gising na siya. Matapos maisayos ang tinulugan, pagkalagay niya ng gamit sa kabinet ay maingat na niyang binuksan ang pinto. Ingat na ingat siyang huwag makagawa ng ingay 'pagkat tiyak niyang se-sermunan siya nito. Sa tuwing lumalabas siya ng silid ng asawa ay saka pa lamang siya nakakahinga ng maluwag.

Wala pang ilaw sa buong kabahayan nang makalabas siya ng silid. Kinapa niya ang switch sa may hagdan at nagtungo na sa kusina. Sanay naman siya sa gawaing bahay kaya siya na ang nagluto ng almusal nang oras na iyon. Matatapos na siyang magluto nang dumating si Tina. Ito kasi ang tagapagluto roon. Ang isa pang kasambahay ay tagalinis ng mansyon. May isa ring driver si Sylvia.

"Ang aga mo namang gumising!" puna nito. Tinapunan nito ng tingin ang niluto niya at umawang ang bibig.

"Hindi kasi ako makatulog, e," dahilan niya.

"Hindi makatulog o dahil kay Gian?"

Napahinto siya sa ginagawang paghalo sa nilulutong fried rice. Napatuon ang mata niya rito. May pag-aalala namang nilapitan siya ni Tina.

"Alam ko, Gwen. Alam ko kung bakit ka nagkakaganiyan. Kung bakit takot ka sa asawa mo. Mabuti na lang at nandito si Ma'am Sylvia at hindi masamang lumaban. Asawa ka niya hindi alila." Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat.

Isang ngiting walang kabuhay-buhay ang gumuhit sa kaniyang labi. Mabuti na nga lamang dahil nandito ang ginang, dahil kung hindi'y tiyak na bugbog na ang katawan niya sa trabaho at masasakit na salita mula sa asawa.

Matapos ang pagluluto ay nagpunta na siya sa harden upang magdilig naman ng halaman. Maliwanag na ang paligid, kaya't hindi na niya kailangan pang gumamit ng ilaw. Napangiti siya nang makitang namumukadkad na ang rose. Kapag ang magaganda at iba't ibang uri ng halaman ang kaniyang kaharap ay gumagaan ang pakiramdam niya. Kinakausap iyon na para bang nagkakaintindihan sila.

Natapos na siya sa pagdidilig. Minabuti niyang mag-stay muna roon para mapagmasdan ang paligid at mga bulaklak. Papasok na lamang siya kapag nakaalis na si Gian. Tiyak naman niyang hindi siya nito gustong makita. Ngunit, maya't maya pa ay tinawag siya ni Glenda, ang isa pang kasambahay roon. Pinapatawag raw siya ni Slyvia. Gusto sana niyang tumanggi, pero mapilit ito, agad na rin naman siyang sumunod dito. Humantong sila sa hapag-kainan na kung saa'y naabutan niyang nag-aalmusal na ang kaniyang asawa. May pagdadalawang-isip kung tatabi ba siya rito o hindi, dahil kaharap nila ang ginang. Sa huli ay pinili na lamang niya ang tunguhin ang kaharap na silya nito, ngunit hindi naman niya magawang sulyapan man lamang ang asawa.

"Iha, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag ka nang gumawa ng gawaing bahay," pukaw ni Sylvia. "Hindi ka katulong rito, asawa ka ng anak ko at ayaw kong isipin mo na ginagawa ka naming alipin."

Ngumiti siya sa ginang. "O-okay lang po. Sanay naman ho ako sa gawaing bahay."

"Kahit na. Tingnan mo si Tina. Nagtatampo sa iyo. Inagawan mo raw siya ng gagawin," sabi pa nito sa paraang pabiro habang napapangiti pa.

Napahagikgik naman siya. Nakalimutan niyang kaharap nga pala niya ang masungit na asawa. Nabaling na lamang ang atensiyon niya sa kaharap matapos marinig ang pagkahulog ng kutsara sa pinggan.

"What's wrong, anak?"

"Si Gwen ang nagluto nito?"

Mabilis siyang nagbaba ng paningin. Alam niyang hindi ito nasiyahan sa nalamang siya ang nagluto ng almusal, idagdag pa ang munting pagtawa niya. Kinasusuklaman talaga siya nito. Pakiramdam niya'y lahat ng gagawin niya'y mali sa paningin nito.

"Why? Is there any problem, Gian?"

"N-nothing, Mom. I'm full." Tumayo na ito kahit may natitira pang pagkain sa pinggan nito.

"Gian, set down!" mariing sambit ng ginang.

"What, Mom? May meeting pa ako," iritang tugon nito.

"You have to finish your food."

"But, Mom--"

"No more buts, Gian!"

Napahinga ito ng malalim at napahilot sa sentido. "I lost my apetite, Mom. Aalis na ako." Iyon lamang at walang lingon-likod na nilisan ang dining area.

Naiwan siyang hiyang-hiya sa narinig. Hindi na yata siya nito mapapatawad. Sukdulan sa langit ang galit nito. Kahit anong gawin niya'y masama pa rin ang tingin nito sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status