Share

Faulty Love
Faulty Love
Author: Blissy Lou

1: The Beginning

Sa hindi mabilang na tao sa buong mundo, hindi rin mabilang ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga ito. At sa lahat ng pagsubok na iyon, numero uno talagang susubukin ka ay ang pagsubok sa pag-ibig. Hindi ‘pag-ibig lang iyan’ kundi ‘pag-ibig ’yan.’ Na kahit isa ka pang single ay po-problemahin mo pa rin. Kaya sa mga wala pang pag-ibig at naghahanap ng pag-ibig, maghinay-hinay muna at huwag madaliin dahil hindi lahat ng nakaranas ng tinatawag na pag-ibig ay masaya. At kung iibig ka man dapat nakahanda ka sa mga posibilidad na mangyayari.

“Mama, marami po bang bundok sa lugar ninyo?” 

“Oo. Matataas pa.”

“Mga ilog po, mayroon din po ba?”

“Oo naman. Masarap maligo roon.”

Kanina pa mula sa pagsakay ng bus ay walang pagod na sa katatanong ang anak niya at walang sawa niya naman itong sinasagot. Sa edad na lima ay napakadaldal na ng kaniyang anak. Sa Maynila nga’y pinanggigigilan ito ng kanilang mga kapitbahay dahil sa angking kabibuhan. Hindi niya alam kung kanino ito nagmana dahil napakatahimik naman niyang tao.

“P’wede po ba akong maligo doon?

“Oo naman.” Sinuklay niya ang buhok ng anak. Nakahiga kasi ito sa kaniyang mga hita. Inookupahan nilang mag-ina ang pang-dalawahang upuan sa loob ng bus.

Umupo ng tuwid ang kaniyang anak. “Kasama po si papa?” may malawak na ngiti sa labi nitong tanong sa kaniya, na kaniya namang ikinatigil.

Isa lamang ang ibig sabihin ng anak niya roon... ang makilala ng tuluyan ang ama nito.

Oo, kilala nito ang ama ngunit sa kaunting impormasyon lang. Kilala niya ito na taga Casa Serrie din kung saan siya lumaki. Kahit kailan ay hindi siya naging madamot sa anak. Lahat ng mga tanong nito, hinihiling at pakiusap ay tinutugon niya kaagad. Subalit ibang usapan na pagdating sa ama nito. Nililimitahan niya ang mga impormasyon patungkol sa lalaking iyon. Kahit sabihing naka-usad na siya sa mga nangyari noon ay iba ang dahilan niya ngayon. Hindi lang dahil nasaktan siya sa labis na pagmamahal sa ama nito kundi dahil na rin sa isa lang na pagkakamali ay paniguradong makakaapekto ito sa lahat.

“Let me think it first, Angie.” sabat niya na ikinatulis ng nguso ng anak.

Alam niyang may karapatan si Angielyn, ang kaniyang anak, na makilala ang tunay nitong ama. Pero kailangan niyang ingatan ang lihim na matagal ng nakalilipas. Umalis siya sa Casa Serrie hindi lang dahil sa nasaktan siya. Pinalayas siya mismo ng kaniyang ama para matakpan ang kahihiyan na naging dulot ng pagmamahalan nilang dalawa. Isang malaking kahihiyan kasi sa pamilya nila ang magkaroon ng anak na disgrasyada. Lalo pa’t kilala ang pamilya nila sa pagiging konserbatibo. Kaya anong pait na puno ng poot ang kaniyang dinanas. Buti na lang ay naroroon ang tiyahin niya nang mga panahong iyon kung kaya’y may nasandalan siya sa dagok ng buhay. Ang alam ng lahat ay dinala siya ng kaniyang tiyahin sa Maynila para doon na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Kaya panigurado ng pagdating niya sa bayang kinalakihan ay may pagpipiyestahan ang mga palengkera. Pumunta lang ng Maynila, pag-uwi ay may bitbit ng limang taong gulang na anak. Hindi ba at nakakaintriga nga naman iyon? Pero nang dumating si Angielyn sa buhay niya ay hindi niya iyon pinagsisisihan dahil ang anak ang tumulong sa kaniya para umusad at magpatuloy na maging matatag sa buhay.

Tumahimik na nga ang kaniyang anak at hindi na siya kinulit pa. Alam niyang alam na ng anak na kahit anong kulit ay hindi niya pagbibigyan sa nais nito. Ito kasi ang batas niya para rito. Ang batas na bawal malaman ng anak ang buong pagkatao ng ama nito. Pero sa kabila niyon ay hindi mapigilang maglakbay ng kaniyang isipan. Dumating na nga ang araw na pinakahihintay niya, ang bumalik sa lugar na iyon. Kung hindi nga lang ikakasal ang kapatid ay hindi siya uuwi. Dalawa lang naman kasi silang magkakapatid kaya ang pagkakataong ito ay hindi niya ipagdadamot dito. Kahit na ang pagbabalik niya sa lugar na iyon ay ang muling pagpaparamdam sa kaniya ng sakit at pait sa buhay na pinagdaanan niya na noon. Ang taong siyang dahilan upang maranasan niya ang mga iyon.

Handa na kaya siyang makaharap ito? Ang lalaking halos sumira sa kaniyang buong pagkatao? Ang lalaking minahal niya, ngunit sakit ang isinukli sa kaniya. Hanggang sa lamunin na nga ang kaniyang buong diwa pabalik sa nakaraan...

“SIGE NA. Lapitan mo na, Pare.”

Naantala ang kaniyang pagsusulat nang may marinig mula sa likod. Napaangat siya ng tingin at tumama muna ito sa kaniyang kaharap na ngayon ay ngiting-ngiti. Ang buong pansin ay nasa kaniyang likuran. Kaya gawa ng pagtataka ay napabaling siya sa kung saan nakapukol ang paningin ng kaibigan. At doon ay nakita niya ang tumpok na mga kalalakihan. Ngunit ang mas umagaw ng kaniyang atensiyon ay si Vicente na tinutulak ng mga kaibigan patungo sa kinaroroonan nila. 

“Si Vicente, Katalina.” Kalabit sa kaniya ng kaibigan. “Mukhang patungo sila rito,” dugtong pa nito.

Mula sa pag-iling-iling nito sa ka-barkada ay biglang napatayo ng tuwid ang lalaki at inayos ang suot nang mapansin ang ginawa niyang pagbaling sa mga ito. Biglang nag-init ang kaniyang mukha lalo na nang gawaran siya nito ng nahihiyang ngiti sabay hawak sa sariling batok. Para sa kaniya kasi ay mas ikinaguwapo iyon ni Vicente. Kaagad niyang iniwas ang kaniyang mukha upang hindi mapansin ng lalaki ang pamumula ng mga pisngi niya. Nang muling harapin ang kaibigan, hanggang ngayon ay hindi pa rin mabali ang pagkakangiti nito sa kaniya. Tinutukso siya ng kaibigan base sa pilya nitong pagkakangiti.

Si Vicente Guerrero ay anak ng alkalde sa kanilang bayan, ang kaniyang ultimate crush. Nasa elementarya pa lamang sila ay labis na ang paghanga niya sa lalaki. At kahit sa Maynila pa ito nag-aral ng sekondarya ay hindi nawala iyon hanggang ngayon na kapuwa nasa kolehiyo na sila. Hindi nga niya inaasahan na dito sa bayan nila mag-aaral ng kolehiyo ang lalaki dahil mas maraming kursong pagpipilian sa lungsod kaysa sa Casa Serrie—na nababagay sa kalidad nito na kaya ring suportahan ng mga magulang ng lalaki. Hindi sa minamaliit niya ang mga antas na mayroon dito sa Casa Serrie de Colego. Pero edukasyon at agrikultura lang kasi ang antas na mayro’n dito. At para sa kaniya ay marami pang propesyonalidad ang mas higit na nababagay sa kwalipikasyon mayroon si Vicente.

Pero nang malaman din iyon ay anong tuwa niya sapagkat araw-araw niya ng masisilayan ang binata. Hindi na siya maghihintay pa ng bakasyon para muli itong masilayan mula sa malayo. Naalala nga niya kung paano niya ito panoorin sa bintana sa tuwing nagbibisikleta ito at ang mga kaibigan nito noon. Nadadaanan kasi ng mga ito ang bahay nila dahil tabing kalsada lang iyon. Pagdating ng alas-otso ng umaga ay tatambay na siya sa bintana dahil oras na para masilayan ang lalaki. 

Hindi gaanong kalakihan at kalawak ang Casa Serrie de Colego, ang kataas-taasang paaralan sa bayang ito, kaya bawat oras na gugustuhin niyang makita ang lalaki ay makikita niya kaagad. Isa pa ay sikat ang binata at maraming tagahanga kung kaya ay nagsisiingay ang lahat sa tuwing nasa paligid ang guwapong binata. Buti nga at walang estudyante sa paligid nang mga oras na ito maliban sa kanila. 

Kahit lihim lamang ang kaniyang paghanga kay Vicente ay masaya na siya roon. Ang kaibigan niya lang na si Celestina ang nakakaalam ng kaniyang sikreto hinggil sa lihim na nadarama. Isa pa man din sa ikinalalambot ng kaniyang tuhod ay ang mga ngiti ng binata. Sa mga ngiti pa lamang nito ay paniguradong mahuhulog na ang puso mo. Bumagay kasi sa manipis, maliit at mamula-mula nitong mga labi ang pantay at puting mga ngipin na kulang na lang ay maging modelo ito ng isang toothpaste commercial. 

“Puntahan mo na. Nakita ka na, e.” 

Rinig niyang pagtulak ng kaibigan nito sa binata.

“Ngayon ka pa ba aatras, Pare? T’yansa mo na, oh. Lapitan mo na.”

Dahil sa mga naririnig niya ay mas bumilis ang pagtahip ng kaniyang dibdib. Parang siya ang kinakabahan sa mga pinaggagawa nila kay Vicente. 

‘Ano ba ang nangyayari?’ ayon sa kaniyang isipan.

Parang kanina lang kasi ay abala sila ni Celestina na magtala ng mga aralin sa isang kyusko, ’tapos ngayon ay tila ba nasa karera na siya sa sobrang bilis ng pagkabog ng kaniyang puso.

“Tara na, Tina.” Paghablot niya sa kamay ng kaibigan na nakapatong sa itaas ng marmol na mesa. Bago pa makalapit sa kaniya si Vicente ay dapat nakaalis na siya roon.

Anong gulat na lang niya nang hawakan iyon ng mahigpit ng kaniyang kaibigan. Nagsalubong ang kaniyang mga kilay sa inakto nito at binalaan niya sa pamamagitan ng nagbabantang tingin, ngunit kabaliktaran yata ang nangyari. Siya pa ang nasindak sa huli nang panlakihan siya nito ng mga mata. Tila ba sinasabi na...

‘Heto na ang pagkakataong hinihintay mo at sasayangin mo pa?’

Alam kasi ng kaibigan niya na mula pa noon ay grabe na ang ibinibigay na kilig sa kaniya ni Vicente. May punto nga naman ang kaibigan dahil noon pa man ay natitiis niya na hanggang tingin lang siya, na hanggang pangarap lang siya, ngunit nang ang lalaki na ang lumalapit sa kaniya ngayon ay mas gusto pa niyang takbuhan ito. Hindi lang din kasi siya makapaniwala. Sa sobrang dami ng dalagang magaganda at may sinisigaw sa buhay ay bakit sa kaniya pa ngayon itinutulak si Vicente ng mga kaibigan nito? Oo nga’t isa ang kanilang pamilya sa mga miyembro ng alta-sosyedad ng bayan, pero wala pa rin siyang binatbat sa iba. Isa lamang siyang simpleng babae na sa bahay at paaralan lang umiikot ang mundo.

Gusto niyang bawiin sa kaibigan ang kamay. Kung ayaw nitong umalis ay siya na lang ang aalis. Pero mukhang nakaamoy kaagad ito at mas hinigpitan pa ang paghawak sa kaniyang kamay. Pinanlisikan niya ito ng mga mata.

“A-ahh, hi.” 

Napaantanda na lang siya sa kaniyang kinauupuan. Huli na rin ang pag-iwas niya dahil sa labis na pagkagulat lalo na nang napabaling siya sa taong gusto nga niyang iwasan, ngunit ngayon ay nasa harapan na nila.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status