Share

2: It Was Like A Fairy

“Hello, Vicente,” pagbati ng kaibigan niya rito at kinalabit siya upang magising mula sa pagkakatuod. Ayon na nga’t nadarang siya sa harap ng prinsipeng pinapangarap ng lahat. 

“H-Hi,” nauutal niyang pagbati.

Kuminang ang mga mata nito dahil sa pagtugon niya. Na para bang isa iyong di-mabayarang bagay para sa lalaki. 

“P’wede ba kitang makausap?” 

Alanganin itong tumingin sa kaibigan niya na para bang humihingi ng permiso na kung p’wede ba siyang hiramin. Napatingin naman siya kay Celestina na nakatingin na sa kaniya. Tahimik niya itong pinakiusapan na huwag siyang iiwan kasama ito.

“Sure. Mauna na lang ako sa silid natin. Doon na lang kita hihintayin, Katalina.” 

Ngumiti ito sa kaniya matapos kunin ang sariling mga gamit. Samantalang siya ay mangiyak-ngiyak na sa kinauupuan dahil sa labis na kaba.

Hindi na siya mapalagay simula ng iwan sila ng kanilang mga kaibigan. Umalis na rin kasi ang mga kaibigan ng lalaki para mapag-solo sila. Hindi niya rin maiangat ang paningin sa kaharap.

“Did I disturb you?”

“H-Hindi naman.” Napatingin siya rito at umiling-iling. Bahagya siyang nagulat sa tanong nito sa kaniya kung kaya’t naging eksaherada ang naging tono ng kaniyang pagtugon. “Nagtatala lang naman kami ng mga importanteng aralin para pag-aralan namin. Sa susunod na linggo na kasi ang midterm exam.” 

“Oo nga, ’no. Malapit na pala ang midterm exam natin at ako ito’t nagliliwaliw lang.”

Natawa siya nang mahina nang tumawa ito sa sinabi. Parang natuliro siya dahil ngayon lang niya ito nakitang tumawa mismo sa kaniyang harapan. Ang nagawang paghalakhak ng binata ay tila ba isang magandang tugtugin sa kaniyang pandinig. Napakurap-kurap siya nang mahuling nakatitig siya rito.

“Nakatutuwa ka lang kasing tingnan. Sumisingkit ang mga mata mo sa tuwing ngumingiti o tumatawa ka,” pagdadahilan niya rito at iniiwas ang tingin. Muli ay narinig niya ulit itong tumawa.

“Ikaw rin naman. Napakaganda mo idagdag pa ang pamumula ng mga pisngi mo ngayon.”

Dahil doon ay pakiramdam niya’y nag-init pa lalo ang kaniyang mukha. Dahil sa hiya ay tinakpan niya ito.

“Huwag mong takpan. Hindi ko makita.” Hinawakan nito ang kamay niya para kunin sa pagkakatakip sa kaniyang mukha. Doon kapuwa natigilan silang dalawa at parehong tumingin sa kanilang mga kamay sabay bawi rin na tila ba napaso. Nagkailangan silang dalawa at kalaunan ay nagtawanan.

Sa araw nga na iyon ay marami silang napag-usapan na dalawa. Hindi man nabanggit ng lalaki ang motibo nito para lapitan at kausapin siya ay ayaw niya pa ring magbakasakali kahit may ideya na siya. Idagdag pa ang ginagawang panunudyo sa kanila ng kanilang mga kaibigan sa tuwing nasa paligid nila ang mga ito. Naging mabilis ang mga araw at natagpuan na lang ang sariling hindi na sanay na wala sa kaniyang tabi ang binata. Kapalit man noon ang pagtampulan siya ng masasamang tingin ng mga babaeng baliw na baliw rito ay wala siyang pakialam. Kahit wala pang kompirmasyon sa tunay na intensyon sa kaniya ng hinahangaang binata, basta siya ay sigurado na sa nararamdaman para sa lalaki... noon pa man.

“Tara na. Baka nakauwi na iyon. Kanina ko pa siya hindi nakikita,” ayon kay Celestina nang magpalinga-linga siya at hindi niya na makita si Vicente. 

“Hindi. Sabi niya ay hintayin ko siya rito. Usapan namin na kung sino ang unang makalabas ay siyang maghihintay.” Kanina pa labasan at bakit hindi pa niya ito nakikitang lumabas sa tarangkahan ng kanilang eskuwelahan? Pero sigurado siyang hindi pa ito nakalalabas dahil kung sakali, ang lalaki mismo ang maghihintay sa kaniya sa labasan.

“Ano iyan? Mag-jowaan na gano’n? Wala pa nga siyang sinasabi at hindi pa gumagalaw-galaw ay masyado ka ng madikit. Hindi kaya siya masakal niyan, Katalina? Sa nakikita ko kasi ay palagi namang ikaw ang naghihintay sa kaniya at hindi siya, na dapat ay gawain niya. Alam ko naman na wala na tayo sa panahon ni Maria Clara, pero Katalina naman, umakto ka naman sa paraan kung paano kumilos ang isang babae,” pagdadakdak ng kaibigan niya sa kaniya. 

Sa halip na pakinggan ang sinabi ng kaibigan ay ipinagpatuloy pa rin niya ang paglilibot ng kaniyang paningin. Hanggang sa marahas na itong na pabuntong-hininga dahil sa ginawa niyang pag-ignora rito. Kahit may punto naman ito ay ayaw niya pa ring pakinggan ang kaibigan. Nagliwanag na lang ang kaniyang mukha nang makita si Vicente, ngunit nabawi rin kaagad iyon nang makitang may kasama itong ibang babae at kapuwa masarap ang pagkukuwentuhan ng dalawa habang papalabas ng malaking tarangkahan. Bigla siyang nakaramdam ng kirot sa kaniyang puso. Walang ano-ano ay mabilis siyang naglakad papalayo.

“Hoy! Katalina Rodriguez!” tawag sa kaniya ng kaibigan. 

Pero hindi niya iyon pinansin at dire-diretso lang siya sa paglalakad. Hindi niya alam kung iiyak ba siya o hindi dahil sa una pa lang ay alam na niyang wala siyang karapatan. Hindi naman naging ‘sila’ para umakto siya ng ganito pero ang puso niya. Ang puso niya kasi ang pinag-uusapan dito. Masyado na itong pinuno ng atensyon ng lalaki.

Tutulo na sana ang luha niya nang may taong nakuha pa siyang kalabitin mula sa likuran. Kung kailan gusto niyang magdrama ay saka ito may ganang asarin siya. Ngunit sa halip na pansinin iyon ay ipinagpatuloy na lang niya ang paglalakad at binalewala na lang iyon. Si Celestina lang siguro ito na mas lalo siyang inaasar. Ngunit nang makailang ulit na ito sa pangangalabit ay napuno na siya at humarap sa likod. Nangunot ang kaniyang noo nang wala namang taong sumusunod sa kaniya hanggang sa may biglang humawak ng kaniyang kaliwang kamay. Bumaling siya sa bahaging iyon at nasorpresa na lang siya nang makita si Vicente na ngayon ay nakatayo sa tabi niya habang hawak ang kaniyang kamay.

Tila natulala siya sa kawalan at walang nagawa kundi ang mapatitig sa lalaki na ang kalahating bahagi lamang ng mukha ang kaniyang nakikita. Kaya kitang-kita niya ang hulma ng pagkakatangos ng ilong nito.

“Hindi ba’t sinabi kong hintayin mo ako? Bakit nang makita ako’y umalis ka na kaagad at nagmamadali pa?” tanong nito sa kaniya.

Yumuko siya nang balingan siya nito ng tingin. Hinawakan nito ang kaniyang baba at itinaas ang kaniyang mukha. 

“Dahil ba nakita mong may kasama akong ibang babae? Bakit nagseselos ka?” Pagtitig nito sa kaniyang mga mata. “Katalina, ano ba ako sa ’yo?” 

“Hindi ba dapat ay ako ang magtanong niyan sa ’yo? Ano ba ako sa ’yo, Vicente? Kasi nalilito na ako. Oo nga’t wala kang sinasabi sa akin, pero kasi hindi ko mapigilan ang sarili ko na magselos sa mga babaeng nakakasama mo. Maya’t maya rin kung hanapin ko ang presensya mo. Ano ba ’tong ginawa mo sa akin? Aaminin kong noon pa man ay gusto na kita, ngunit kuntento na ako habang pinapanood ka mula sa malayo, na hinahangaan ka ng palihim. Pero kasi iba na ngayon... umaasa ako sa mga ikinikilos mo.” Hindi na nga niya napigilan pa at isiniwalat na niya ang lahat-lahat ng gusto niyang ipaabot rito. Hiningal pa siya sa mabilis na komprontang iyon pero ngumiti lang ito sa kaniya na kaniyang ikinainis. “Ano? Matapos kong sabihin ang lahat ng iyon ay tatawanan mo lang ako? Anong klase kang lalaki?”

“Akala ko ba ay ‘action makes louder than words’? Bakit hanggang ngayon ay wala ka pa ring alam?” sagot nito sa kaniya na hindi maalis-alis ang ngiti sa mga labi.

Nagkasalubong ang mga kilay niya dahil sa hindi maitagping pambubugtong nito.

“Katalina, maniwala ka sa kung ano ang nararamdaman mo. Hindi ba’t malakas ang instinct ng mga babae? Kung sinasabi nitong gusto kita, maniwala ka?”

“Oh, bakit hindi ka pa sigurado? Tigilan mo nga ako, Vicente. Pinagloloko mo lang ako, e.” Magtatangka na sana siyang maglakad muli ngunit pinigilan siya nito sa pamamagitan ng paghawak ng mahigpit sa kaniyang braso.

“Alam mo ang sarap mong isako at iuwi sa amin.” Nagawa pa nitong pisilin ang kaniyang pisngi.

“Ginawa mo naman akong pusang gala na basta mo lang iuuwi dahil walang nagmamay-ari,” panunulis niya ng kaniyang nguso.

“Pusang gala na gumagala sa isipan ko, ngayon pinapatibok na ang puso ko,” pagngingiti nito.

“Ang baduy.” Marahang itinulak niya ang balikat nito na ikinatabingi ng lalaki. Ngunit sa kabila noon ay may ngiting sumisilip sa gilid ng kaniyang mga labi.

“You always make me smile whenever I am with you, Katalina. I felt special. When you give me your full attention it makes me feel like the luckiest man in the whole wide world. Thus, when I said ‘I like you’, trust me I’m lying... because the truth is I love you. Katalina, I love you.” Biglang pagseryoso nito. Tumitig siya sa mga mata ni Vicente, tinitingnan kung totoo nga ba ang lahat. At sobra pa ang nakikita niya na nagpatunaw sa kaniyang puso. Her heart beats faster than the first time it beats for him. 

Simula niyon ay nagsimula na ring manligaw si Vicente kay Katalina. Naging masaya ang dalawa at inspirado sa isa’t isa. Wala ngang araw na hindi sila nagkakasama dahil gumagawa talaga ng paraan ang dalawa para magkasama. Sabay rin silang nag-re-review sa papalapit na pagsusulit at parehong nakakapasa.

“Bago ka lumapit ng araw na iyon sa akin. Saan mo ako unang nakita?” tanong niya sa nobyo habang nakayakap ang lalaki sa kaniyang likuran. Noong isang araw kasi matapos mapagtagumpayan ang kani-kaniyang pagsusulit ay sinagot na niya ito nang tanungin siya nito sa harap ng maraming tao. Marami man ang hindi nagkagusto at tumutol na mga babaeng humahanga sa ginawang iyon ni Vicente sa kaniya ay mas nangibabaw pa rin ang tilian nang um-‘oo’ siya rito.

Sabado ngayon at niyaya siya ni Vicente na tumungo sa burol para mag-picnic. Nakalatag ang makapal na puting tela sa damuhan kung saan sila nakaupo at mayroong mga pagkain sa kanilang gilid.

“Ikaw iyong tipo ng isang Cinderella na nadapa at tumilapon sa malayo ang suot na sapatos pagkatapos ay isinuot ko iyon sa ’yo.”

Nagapi ang kaniyang puso sa narinig mula sa katipan. Hindi niya akalaing maaalala ito ng lalaki dahil sa matagal na panahon na iyon. Ang alam niya’y siya lang ang nakatatanda niyon dahil sa araw na iyon nagsimula ang lahat. Doon nagsimula ang kaniyang paghanga sa lalaki dahil imbes pagtawanan siya kagaya ng ginawa ng ibang batang nakakita sa kaniyang pagkakadapa, ay ang batang Vicente lang ang tumulong sa kaniya. Bata pa lang kasi ay pinaramdam na sa kaniya ang salitang slow-mo at mabilis na pagtibok ng puso. Kaya alam niya na kaagad kung sino ang lalaking pakakasalan niya pagdating ng takdang panahon—ayon sa batang siya.

“Ikaw iyong tila Rapunzel na nakatunghay sa bintana na palaging naghihintay sa Prince Charming niya na dumating.”

Nanlaki na lang ang kaniyang mga mata dahil napapansin pala nito ang palagiang pagtambay niya sa bintana noon upang abangan ang pagdaan ng lalaki. Binalingan niya ang kasintahan at mas ikinagulat niya ang paghalik nito sa kaniyang pisngi.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status