Share

CHAPTER TWO

Ngayon, alam ko na kung anong nararamdaman ni Travis nung mga panahong ako pa ang naghahabol sa kanya noon. Ganito pala yung pakiramdam, ano? 

Nakakabwisit.

Kunot noo kong pinagmasdan ang kapeng inabot sa akin ni Travis. Sa halip na tanggapin ito, wala akong ibang ginawa kung hindi ang kunot noong sumimangot habang patuloy sa paghalukipkip sa kinauupuan ko.

"Para sa 'yo, 'to, Empress."

"Hindi ako nagkakape," sagot ko na lang bago umismid sa kanya.

Kitang kita ko ang pagngisi niya sa harapan ko, kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang umismid sa kanya at manahimik na lang sa kinauupuan ko.

Tulad ng inaasahan ko simula nang magkrus ang landas naming dalawa sa Barcelona, sapilitan niya akong dinala sa airport upang iuwi sa Pilipinas. Hindi ko alam kung paano niya nagawang damputin lahat ng gamit ko—maging ang passport ko—sa bahay. May kinalaman ba ang parents ko sa pagpunta ni Travis dito?

May kinalaman ba ang mga kapatid ko? Si Kuya Lienzo ba? Imposibleng si Kuya Lienzo dahil kahit kailan, never niya akong pinuwersa sa isang bagay na alam niyang ayaw ko. Posible nga bang si Kuya Lucho? Imposibleng si Kuya Lucho dahil... kahit na madalas kaming nag-aaway, never niya naman akong ipinagkanulo sa mga taong ayaw ko. Imposible rin namang si Nathalie dahil binilinan ko na siya nung una pa lang. Mas lalo namang walang alam si Lucas dahil... hindi na ako nakapagpaalam pa sa kanya nung umalis ako.

"Kanino mo nalamang umalis ako ng Pilipinas?" kunot noo kong tanong kay Travis nang hindi na ako nakapagpigil. 

Taas-noo niya akong nilingon kaya naman mas lalo lamang umarko ang kilay ko sa kakatitig sa kanya.

"Lahat ng bagay nagagawan ng paraan, Empress," aniya bago sumandal sa upuan niya na inismiran ko na lang. "Tulad nga ng sinabi ko sa 'yo noon, hinding hindi ka na makakatakas sa mga kamay ko."

Sa halip na sagutin pa siya, nagdesisyon na lang akong umismid sa hangin bago lumingon sa bintana. Ilang oras na lang ay lalapag na kami sa NAIA. Alam kong magugulat si Nathalie sa oras na malaman niyang nandito na naman ako sa Pilipinas. Baka nga pagtawanan pa ako no'n pag nagkataon.

"May... hindi ka ba nagustuhan sa huli nating pinag-usapan, Empress?"

Kunot noo akong bumaling ng tingin kay Travis na hindi ko namalayang nakatitig na pala sa akin ngayon. May lungkot sa mga mata niya na hindi ko magawang titigan. Tila ba maging ako ay nasasaktan sa tuwing makikita ko ang lungkot na iyon sa mga mata niya.

Ano nga bang hindi ko nagustuhan sa napag-usapan naming dalawa? Dahil nga ba ito sa forced marriage na kinakaharap namin ngayon?

Sa totoo lang, ayaw kong magpakasal sa kanya hindi dahil sa hindi ko siya gusto. Ayaw kong isipin ng lahat na magpapakasal siya sa akin dahil lang sa gusto ng mga magulang niya. Gusto kong pakasalan niya ako dahil ako ang mahal niya. Ayaw kong isipin na pinakasalan niya lang ako dahil gusto ko siya, dahil mahal ko siya.

Ayaw kong dumating yung time na makipag-divorce siya sa akin dahil na-fall out of love siya. Hindi ko gusto ang bagay na iyon. Ayaw kong magmukhang katawa-tawa sa harap ng lahat.

"Huwag mo nang isipin pa ang tungkol sa bagay na iyon," sagot ko na lang bago nag-iwas ng tingin sa kanya at bumuntong hininga na lang.

Mahal ko siya. Mahal ko si Travis dati. Baka nga mahal ko pa rin siya ngayon kaya nagkakaganito ang puso ko. Kung nandito lang ang Empress na nakilala niya noon, baka nga hindi pa man nakakapagdesisyon ang mga magulang niya, baka naunahan ko pa silang pwersahin si Travis na magpakasal sa akin.

Ganoon ako kabaliw sa kanya noon. Hindi ko lang alam kung bakit at kung ano nga bang nangyayari sa nararamdaman ko ngayon. Infatuated nga lang ba talaga ako sa kanya noon kaya ganito ang nararamdaman ko ngayon? 

Ganito siguro talaga ang pakiramdam kapag nagma-matured ang isang tao. Unti-unti ka nang nawawalan ng interes sa lahat ng mga bagay na minsan mo nang ginusto noon.

Ramdam ko ang paghaplos ng kung sino sa pisngi ko kaya naman unti-unti kong binuksan ang mga mata ko. Ang mukha agad ni Travis ang unang nakakuha sa atensyon ko. Tulad ng nakagawian, nakatingin siya sa akin ngayon.

"Nandito na tayo, Empress," aniya sabay haplos sa pisngi ko na ikinapikit ko na lang. "Gising na."

Parang kailan lang ay ako pa ang naghahabol at naghahangad ng atensyon niya, ngayon naman ay ako naman ang hinahabol niya. Nakakatawa lang.

"Kung pwede lang talagang ibalik ang oras, ibabalik ko yung mga panahong ako pa ang naghahabol sa 'yo," bulong ko sa sarili na tinawanan niya na lang.

Paano nga ba kami nagkakilala ni Travis?

"Pwede ko bang malaman kung sinong arkitekto ang kinuha mo?" rinig kong tanong ng kaibigan ni Mommy habang naglalakad sila sa pool deck. "Alam mo naman na medyo fan ako ng mga Spanish Style Arcitecture. Mostly mga Pueblo Revival, Monterey, Eclectic, and such."

"Sige. Kapag nakuha ko ang numero ng kaibigan ko, i-e-email ko na lang sa 'yo," sagot naman ni Mommy.

Sa halip na makinig sa mga kwentuhan nilang walang saysay, nagdesisyon na lang akong magtungo sa maliit na garden na nakakakuha sa atensyon ko magmula pa kanina. 

Kanina pa kami naririto sa bahay ng amiga ni Mommy pero tila ba ngayon lang ako naging interesado sa nakita ko. I mean, hindi naman sa pagiging judgemental pero... para sa akin, wala talagang kadating-dating ang bahay ng kaibigan niya.

Ako lang ba o sadyang nasanay lang ako sa mga infrastractures na nasa Barcelona?

Ramdam ko ang pag-awang ng bibig ko nang makita ko ang isang kulay asul na paru-parong lumilipad sa mga bulaklak na naroon. Wala sa sarili kong tinahak ang daan patungo sa loob. Mahilig ako sa nature kaya naman sobrang hirap para sa akin ang dedmahin ang kagandahan ng lugar na ito.

"Siguro pipilitin ko na lang si Mommy na magpagawa ng ganitong klase ng room sa bahay namin," bulong ko sa sarili kasabay ng pagtango.

Maraming paru-parong nagkalat sa paligid. Lahat halos ng mga insektong nakikita ko sa gubat ay natagpuan ko sa loob ng lugar na iyon. Hindi ko alam na pwede pa lang magpatayo ng outdoor garden sa ganitong klase ng espasyo.

Nang makita ko ang pagdapo ng isang kulay asul na paru-paro sa mga bulaklak na naroon, hindi na ako nagsayang pa ng panahon na mahawakan man lang ang pakpak nito.

May shades ng ginto ang asul nitong pakpak na mas lalo kong ikinatuwa habang nakatitig sa maliit na insekto.

"Ano kayang mangyayari kung tutusukin kita?" tanong ko bago marahang pinatulis ang daliri at unti-unting inilapit sa namamahingang paru-paro.

"Sinong nagsabi sa 'yong pumasok ka rito?" 

Agad akong napatalon sa gulat nang marinig ko ang boses na iyon. Nang dahil sa ginawa ko, mabilis na lumipad ang paru-paro na naging dahilan kung bakit mas lalo lamang tumalim ang titig ko sa batang lalaki na nasa harapan ko ngayon.

Mistiso ang kulay ng balat niya at natitiyak ko rin naman na magkasing-edad lang kaming dalawa. Mukha siyang pinagkaitan ng kasiyahan dahil sa pag-arko pa lang ng kilay nito, masasabi ko na mukha na siyang may problema sa mundo nang dahil sa inaakto niya ngayon sa harapan ko.

"Bakit ba nanggugulat ka?" singhal ko bago muling lumingon sa mga bulaklak na naroon. "Tingnan mo kung anong ginawa mo! Umalis na siya! Wala na!"

"Niligtas ko lang siya sa kapahamakang dala mo," aniya bago humalukipkip sa harapan ko. "Ang tanong ko ang sagutin mo, bata. Anong ginagawa mo rito at sinong nagsabi sa 'yo na pwede kang pumasok sa lugar na ito?"

"Hindi na importante iyon, at isa pa... anak ako ng bisita ng may-ari ng bahay na yan," sagot ko sabay turo sa mansyon sa labas. "Ikaw? Anong ginagawa ng isang katulad mong anak lang ng hardinero sa lugar na ito? Alam ba ng tatay mo na nangingielam ka sa trabaho niya?" singhal ko pa bago tumalikod sa batang lalaki. "Kalalaking bata, masyadong pakialamero," paulit-ulit ko pang bulong sa sarili.

"Lumabas ka rito," singhal ng batang lalaki sa likuran ko.

Sa halip na pakinggan siya, nagdesisyon na lang akong magpatuloy sa paglalakad. Nahinto lang ako nang bigla ko na lang naramdaman ang paghila niya sa kamay ko na ikinatalisod ko pa sa lupa.

"Nananadya ka ba?" singhal ko bago umayos sa pagkakatayo at binigyan siya ng suntok na alam kong hindi niya kailanman makakalimutan.

I was seven that time when I first met him. Hindi ko alam kung bakit pero tila ba lalo lamang kumukulo ang dugo ko sa tuwing magkukrus ang mata naming dalawa.

"This is actually my son," nakangiting pakilala ni Tita Brenda sabay turo sa batang lalaking sinuntok ko kanina.

May pasa sa gilid ng labi niya nang dahil sa ginawa ko. Wala naman akong nagawa kung hindi ang manahimik habang paulit-ulit na pinakikiramdaman ang ice pack na inilalagay ni Mommy sa mata ko.

Narito kami ngayon sa harap ng hapagkainan. Kasama niya ang buo niyang pamilya tulad ko. Ang buong akala ko nga ay papalayasin na kami ng mga magulang niya nang dahil sa ginawa ko sa anak nila, pero halos magulat ako kanina nang makita kong nagtawanan pa sila nang makita ang gasgas sa labi ng anak nila.

Yung totoo, mahal niyo ba talaga ang anak niyo?

Is he adopted?

"This is Chester, my last born," pakilala ni Tita Brenda bago lumingon sa isa pang batang babae na natitiyak kong kaedad lang din namin. "This is Gaile, kakambal ni Chester," dagdag pa niya bago niya tinuro ang isang dalagita na nasa gilid ni Tito Charlie. "And ito naman si Chessa, panganay namin."

Kitang kita ko ang paglingon ni Kuya Lienzo sa dalagitang kaedad niya lang. Maging ang pagngiti ni Chessa sa kuya ko ay hindi nakatakas sa mga mata ko kaya naman wala akong ibang nagawa kung hindi ang umirap na lang sa upuan ko.

"This is Lienzo, my first born, Lucho, my second," pakilala ni Mommy sa mga kuya ko bago niya hinaplos ang balikat ko na ikinanguso ko na lang. "And my hija, Faye."

"Kapangalan niya po yung aso ko," sabat ni Gaile.

Mabilis na kumawala ang nakakalokong tawa mula sa bibig ni Chester na ikinapula ng mukha ko. Kitang kita ko ang mabilis na pagtapik ni Tita Brenda sa likod ni Gaile na ikinanguso na lang nito.

"Pero nagsasabi lang naman ako ng totoo, Mommy."

"That's rude, Gaile," pagmamatigas pa nito na inismiran ko na lang.

Hindi naging maganda ang araw ko sa bahay na iyon nang dahil sa nangyari sa pagitan naming dalawa ni Chester. Madalas ko siyang nakikitang nakatitig sa akin na iniismiran ko na lang. Pakiramdam ko tuloy ay lahat ng kilos ko sa bahay nila, minamanduhan niya.

Ako namang si tanga, walang ibang ginawa kung hindi ang manahimik sa isang tabi na parang pusa. Nang dahil sa away namin ni Chester kanina, tila ba mas lalo lamang nanaig ang takot sa puso ko. Alam niyo ba yung feeling na natatakot kang makagawa ng kasalanan? Iyon ang nararamdaman ko ngayon.

"Sana makadalo kayo sa birthday ng kambal ko sa susunod na taon," saad ni Tita Brenda na agad namang tinanguan ng parents ko.

Nang dahil sa kagustuhang makaalis sa lugar na iyon, nagdesisyon na lang akong magmadali sa paglalakad upang mauna na sa kotse. Nakangiti si Kuya Lucho sa akin nang pumasok siya sa loob kaya naman hindi ko naiwasang makaramdam ng inis lalo na nang marinig ko siyang tumawa sa nakita niyang reaksyon sa mukha ko.

"Bakit ganyan ang itsura mo, bunso?" tanong niya dahilan upang makuha ko ang atensyon ni Kuya Lienzo na ngayon ay kapapasok lang ng kotse. "Mukha kang wala sa mood, ah?"

"Ikaw ba naman ang bigyan ng black eye sa mata, hindi ka magagalit?" saad ni Kuya Lienzo dahilan upang magkasabay pa silang natawa na inismiran ko na lang. 

Sa biyahe pabalik sa mansyon ay puro pagbabalik-tanaw lang sa mga napagkwentuhan nila ni Tita Brenda ang ginawa ni Mommy. Tila ba siya lang din ang bumuhay sa tahimik naming biyahe dahil halos lahat kami na kasama niya sa loob ay tahimik lang at animong okupado ang isip namin sa ibat ibang mga bagay.

That was my first and last meet with Chester. Gaya ng ipinangako ni Mommy, umuwi sila sa eighth birthday ng mga anak ni Tita Brenda. Wala naman akong nagawa kung hindi ang magpaiwan na lang sa Barcelona dahil mas natitiyak kong masisira lang ang bakasyon ko kung uuwi pa ako ng Pilipinas. Hindi na rin naman ako umuwi ng Pilipinas simula nang mangyari ang insidenteng iyon kaya naman wala na akong balita sa batang iyon. Ayaw ko na rin naman na siyang makita pa pagkatapos ng ginawa niya sa akin.

Tingin niya ba mapapatawad ko pa siya sa ginawa niya sa mukha ko? Nagmukha akong tanga sa harap nilang lahat! Mas lalo lamang nadagdagan yung kahihiyan ko nung mga panahong iyon nang tinawag akong aso ng kakambal niya. Magkaugaling magkaugali talaga sila!

Hinding hindi na rin naman ako magsasayang pa ng oras para lang sa lalaking iyon, 'no. Hindi naman siya gano'n kaimportante at mas lalong wala siyang saysay kung ibubuhos ko pa sa kanya ang atensyon ko.

Para namang may mapapala ako sa kaka-entertain sa kanya, 'no? 'Di bale sana kung kumikita ako ng dolyares sa kanya.

"Kailangan ko po ng makakasama sa pag-uwi ko, My," rinig kong saad ni Kuya Lucho na ikinataas ng kilay ni Mommy.

Abala ako sa pagtitipa sa cellphone habang kumakain ng almusal sa hapag. Wala namang pakialam ang parents ko sa kung anong gawin ko kaya naman hindi na big deal para sa kanila ang ginagawa ko ngayon sa harap ng hapag.

"Hindi mo ba kaya ng mag-isa, anak?" baling naman ni Daddy sa kanya na ikinailing ni Lucho. "Okay, then. Isama mo na lang si Lienzo habang naghahanda siya para sa exams niya."

"Dad, hindi pwede," rinig kong sagot ni Kuya Lienzo na ikinangiwi ko na lang. "Marami akong kailangang review-hin. Every other day, nagkakaroon kami ng group activities kaya imposibleng masamahan ko si Lucho."

"Ang tanda mo na, Lucho. Bakit kaya hindi ka lumipad mag-isa mo?" pang-aasar ko sa kanya dahilan upang makuha ko ang atensyon ng parents at ng mga kapatid ko.

"Mabuti na lang at nagsalita ka, Faye," sagot sa akin ni Lucho bago muling bumaling kay Mommy. "Si Faye na lang po ang isasama ko pabalik ng Pilipinas."

Nang dahil sa pinaghalong gulat at takot, mabilis kong naibuga ang tubig na ininom ko. Bahagyang natawa si Lucho nang dahil sa nagawa ko habang ang parents ko naman ay walang nagawa kung hindi ang madismaya na lang sa ikinilos ko sa harapan nila.

"Anong ako?"

"Ikaw na lang since bakasyon niyo na rin naman sa klase," sagot ni Lucho sa akin na inismiran ko. "Wala ka rin namang ibang gagawin dito sa Barcelona. Sumama ka na lang sa akin—"

"No," mahaba kong atungal bago sumandal sa kinauupuan ko. "Unang una sa lahat nagkaka-jetlag ako. Pangalawa, hindi healthy ang paulit-ulit na pagbibiyahe. Pangatlo, ayaw kong makasama ka sa iisang bahay. Barcelona is an exception. Pang-apat, mag-isa ka. Panglima, a.yo.ko."

"Pagbigyan mo na ang kapatid mo, Empress Faye," mahinang pakiusap ni Mommy na inismiran ko na lang. "Hindi ako mapapanatag kapag iniwan natin siya nang mag-isa sa bahay na iyon. Maraming masasamang tao sa lugar na iyon."

"E 'di mag-hire siya ng body guard," sambit ko bago ngumuso. "Kaya mo na yan, Kuya. Nagagawa mo ngang mag-ditch ng klase nang mag-isa, yan pa kaya?"

"Anong mag-ditch ng klase?" tanong ni Daddy dahilan upang muling matuon kay Kuya Lucho ang atensyon nilang dalawa.

Ang buong akala ko ay makakalusot na ako sa ginawa ko, ngunit mukhang nagkamali pa ako sa inakala ko.

"Welcome to the Philippines, Empress Faye!" natatawang pang-aasar ni Kuya Lucho dahilan upang pabagsak ko siyang pinagsaraduhan ng kwarto ko.

I was fifteen that time nang umuwi kaming dalawa ni Kuya Lucho ng Pilipinas. Gaya ng nakagawian, wala na naman akong choice, di ba? Sa tuwing may lakad si Kuya Lucho, wala siyang ibang pinipiling makasama kung hindi ako, si ako, at ako lang. Gusto niyang palagi akong kasama sa lahat ng trip niya sa buhay. Kulang na nga lang ay asarin kami ng mga kamag-anak namin.

Kung may chance lang talaga para matakasan ko ang buhay na ito, tatakasan ko na lang.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status