Share

CHAPTER FIVE

Tila ba mas lalo lamang nagpantig ang tenga niya nang dahil sa sinabi ko. Marahan siyang lumapit sa direksyon ko nang may galit sa mga mata niya. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang taimtim na lang na manalangin habang paulit-ulit na nagdadasal na sana ay hindi niya ako suntukin sa oras na maubos ang pasensya niya sa akin.

Mariin niyang hinawakan ang braso ko na nagbigay ng kuryente sa buo kong katawan. Mas lalo lamang nanlaki ang mga mata ko nang biglaan niya akong sinandal sa locker na nasa likuran ko. Kahit na nanginginig sa takot ay nakuha ko pa rin siyang titigan nang maayos kahit na medyo nawawala na rin ako sa sarili ko. 

"Kaya mo 'yan, Faye. Ginusto mo 'yan, 'di ba?" bulong ko sa isip kasabay ng pagkagat sa dila. "Tiisin mo. Ginusto mo ang atensyon niya, 'di ba? Eto na 'yon."

Natatakot ako sa kanya. Hindi ko alam kung ano nga bang mayroon kay Travis na ikinakatakot ko. Normal lang naman siyang tao tulad ko. Normal lang din naman siyang kumilos tulad ko. May buhay siyang tulad ng buhay na mayroon ako. Maayos rin naman siya kung makitungo sa ibang tao kaya naman hindi ko maisip kung ano nga bang mayroon sa kanya na nakakuha sa atensyon ko.

Tingin ko, ako lang din naman yata ang pinakikisamahan niya ng ganito. Nakikita ko siyang ngumingiti sa tuwing kinakausap siya ng mga guro namin. Maayos niya rin namang pakitunguhan yung iba naming kaklase kaya naman hindi ko talaga maisip kung bakit ganito na lang niya ako kung pakitunguhan. 

May mali ba sa akin? May ugali ba ako na pwede niyang kaayawan?

"Ano bang nagawa kong kasalanan sa 'yo at bakit ganito mo na lang ako ka-disgusto?" tanong niya habang mariing nakahawak sa braso ko.

"N-Nasasaktan ako, Travis."

"Answer me," he demanded habang patuloy sa paghawak sa braso ko.

Base sa paraan ng pagkakahawak niya sa akin, para bang natatakot siyang tumakas ako. Natatakot siyang takasan ko siya sa kasalanang ginawa ko sa kanya.

Agad din akong nakaramdam ng paninigas sa sinabi niya. 

Bakit ko nga ba siya kinaaayawan? Ano ba ang mayroon sa kanya na ayaw ko? Ayaw ko sa kanya? Ano nga bang dahilan kung bakit ayaw ko sa kanya?

Dahil ba sa gwapo siya? Dahil nga ba sa matalino siya kumpara sa akin? Dahil nga ba sa gusto siya ng lahat hindi tulad ko at ni Lucas?

Baka naman hindi ko siya gusto dahil nagseselos ako sa kanya. Ako magseselos sa kanya? Bakit ko pagseselosan ang taong gusto ko?

Baka naman kinaaayawan ko siya dahil sa paraan ng pakikitungo niya sa akin? Tama! Kinaaayawan ko siya dahil sa paulit-ulit niyang pambabalewala sa akin. Nakakaramdam ako ng pananabang sa puso sa tuwing binabalewala niya ako at alam kong iyon ang dahilan kung bakit kinaaayawan ko siya.

Bakit nga ba big deal para sa akin ang mapansin niya ako?

Siya lang ang kaisa-isang tao na nakakapagparamdam sa 'kin ng ganito. Siya lang ang kaisa-isang tao na naging dahilan kung bakit ko nga ba paulit-ulit na kinukuwestiyon nang ganito ang sarili ko.

Hindi ko rin magawang komprontahin ang sarili ko dahil maging ako ay nalilito sa mga ikinikilos at nararamdaman ko sa tuwing magsasalubong kaming dalawa o kaya naman ay nagkakaroon kami ng tiyansa na magkasama sa iisang lugar. 

Aaminin kong kumukulo ang dugo ko sa tuwing itinuturing niya akong hangin na nasa paligid niya. Para bang balewala para sa kanya ang presensya ko. Para bang nakakaramdam lang siya ng hangin sa tuwing nasa tabi niya ako.

Ewan ko ba.

Maging ako ay hindi kumbinsido sa mga rason ko.

"Bakit para bang ang lalim ng galit mo sa akin gayong ngayon lang naman kita nakilala?" muli pa niyang tanong na hindi ko maintindihan. Wala rin naman akong matandaan na nagkrus na ang landas nating dalawa dati."

Parehas tayo. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko gaya na lamang ng tanong na namumukadkad d'yan sa isip mo.

Hindi ko magawang intindihin at sagutin ang tanong mo dahil maging ako ay naguguluhan na rin ngayon.

Paano ko nga ba sasagutin ang tanong niya kung pareho lang din naman kaming naguguluhan?

Hindi ko naman siya kilala pero nakakaramdam ako ng iritasyon at labis na kaba sa tuwing nasa paligid ko siya. Alam mo ba 'yung feeling na iritado ka sa isang tao na never mo namang nakasama sa iisang lugar? Yung iritado ka sa kanya kahit na wala naman siyang ginagawang masama sa 'yo. Yung iritado ka sa kanya kahit na hindi naman kayo gaanong magkakilala.

Hindi ko alam pero natitiyak ko na malaki ang papel niya sa buhay ko, at alam kong magiging malaki ang papel niya kung sakali mang bigyan ko siya ng pagkakataong pumasok sa buhay ko.

"Empress!"

Hindi ko nagawang sagutin ang tanong niya dahil mabilis niya rin namang binitiwan ang kamay ko nang makarinig kami ng mga yapak na patungo sa gawi kung nasaan man kami ngayon.

"Empress!" rinig kong tawag ni Lucas dahilan upang bahagyang lumayo sa 'kin si Travis. 

Kunot noo niyang binitiwan ang braso ko na nag-iwan pa ng marka ng mga daliri niya rito.

"Kanina pa kita hinahanap. Nandito ka lang pala," saad ni Lucas nang may ngiti sa labi bago lumingon kay Travis na ngayon ay naglalakad na palayo kasama ng bag na kinuha niya sa locker kanina. "Anong nangyari? Nakita ko kayong nag-uusap, Empress. Anong pinag-usapan niyong dalawa? Nag-away ba kayo?" magkakasunod na tanong ni Lucas.

Nanatili lang ang titig ko kay Travis habang pinagmamasdan ko siyang maglakad palayo sa amin.

"Wala," wala sa sarili kong sagot bago tinapik ang kamay ni Lucas na dumapo sa balikat ko. "Pwede bang bitawan mo ako?" asik ko na ikinatawa niya.

"Ang sungit mo naman."

Lumipas ang maghapon na hindi na kami muling nagpansinan ni Travis. Gaya ng nakagawian, hangin na naman ang turing niya sa akin. Isang hangin na walang ibang ginawa kung hindi ang palihim na sumunod ng tingin sa kanya sa kahit na saang lugar man siya magpunta. May bago ba sa pakikitungo niya sa akin? Wala!

Magkatabi lang ang upuan naming dalawa sa klase pero hindi niya man lang magawang lumingon sa pwesto ko.

Akala mo, gold...

"Pakialam ko ba?" reklamo ko sa sarili dahilan upang maglingunan ang mga nakarinig sa sinabi ko.

Isa na ro'n si Travis na nakataas ang kilay. Agad na lumingon sa akin ang guro na nasa harapan kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang ngumuso na lang sa pagkapahiya. 

"Anong pakialam mo, Miss Tyler?" tanong ng guro na nakanguso kong inilingan. "Makinig ka kung ayaw mong ma-zero sa assessment."

"Makinig ka nang may matutunan ka," paalala ni Travis dahilan upang magkrus ang mata naming dalawa.

Hindi tulad kahapon, tila ba may buhay na ngayon ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. 

Mas lalo lamang akong ngumuso lalo na nang magtunog insulto ang sinabi niya. Normal naman ang tono ng pakikipag-usap niya pero bakit tila ba may bahid ng insulto ang boses niya kanina.

"Ikaw rin," sagot ko sa kanya bago umismid.

Kitang kita ko ang ngiti sa labi niya kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang magtaas ng kilay. Tila ba napansin niya rin ang titig ko sa labi niya kaya naman agad niyang tinanggal ang ngiti niyang iyon.

Bakit, Travis? Bawal ka bang tumawa sa angkan niyo?

Habang tumatagal ang segundo, ang oras, ang araw at linggo, ang simpleng pagkadisgusto ko sa kanya ay tila ba napalitan ng isang hindi maipaliwanag na pakiramdam.

It's foreign for me. Masyado pa akong bata sa ganitong klase ng pakiramdam. Kahit na ilang beses kong itanggi sa sarili ko, mas lalo lamang akong nagiging sigurado sa nararamdaman ko lalo na nang lumipas ang maraming linggo na magkasama kami sa iisang lugar araw-araw.

Paano ko nga ba nalaman?

Simple lang.

"Good morning, Travis. Ang aga mo, ah?" nakangiti kong bati sa kanya nang maaga akong pumasok ng araw ring iyon. "Gusto mo bang magkape? Libre ko!"

Mabuti na lamang at wala pang gaanong tao sa room ngayon dahil kung hindi baka matsismis na naman kaming dalawa.

Palagi namang umaga kung pumasok si Travis. Wala naman siyang ibang ginagawa sa school kundi ang magbasa ng napakaraming libro na hindi naman related sa topics namin.

Business-business. Ayos, ah? Ano bang business ang balak niyang itayo? Pabrika ng sama ng loob?

He's too young for that!

"Salamat pero busy ako," tipid nitong sagot na nagpalaho sa ngiti ko.

Maganda ang gising mo, Faye. Wag mong sisirain nang dahil lang sa Travis na 'yan.

"Okay. Kelan mo ba tinanggap ang offer ko?" bubulong-bulong kong reklamo habang naglalakad palayo sa kanya.

Maging ang pabulong kong reklamo ay hindi na niya nagawang pakinggan dahil mukhang wala naman siyang pakialam sa sinasabi ko!

"Bumagsak ka sana," bulong ko nang makalayo sa pwesto niya.

"Anong sinabi mo?"

Halos mapatalon ako sa paglalakad nang umalingawngaw ang boses niya sa buong classroom. Kunot noo at may bahid ng sama ng loob akong lumingon sa direksyon niya. Nawala lamang ang iritasyon ko nang makita ko siyang kunot noong nakatitig sa akin.  

Tingnan mo 'tong lalaking ito. Yung reklamo ko sa pag-reject niya sa offer ko, hindi niya narinig, pero yung hiling ko na bumagsak siya sa inaaral niya, nagawa niyang pakinggan!

Bago pa man lumabas ang dragon na kinatatakutan ko ay isang plastik na ngiti na ang sumilay sa labi ko nang bumaling ako sa gawi kung saan siya nakaupo.

 "Ang sabi ko, ang gwapo mo."

Nanatili lang siya sa pagtitig sa ngiti ko. Hindi rin nakalagpas sa tingin ko ang bahagyang pagpula ng mga tenga niya at sa halip na punain iyon ay iritable ko na lang siyang tinalikuran. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status