Share

CHAPTER FOUR

Naaasiwa ako sa kanya. Naaasiwa ako kay Travis. Hindi ko alam kung bakit tila ba parati na lang akong kinakabahan sa tuwing kasama ko siya. Hindi naman sa sinasabi kong may gagawin siyang masama sa akin. Hindi naman siya mukhang masamang tao. Hindi ko lang alam kung bakit nakakaramdam ako ng takot sa tuwing nasa iisang lugar lang siya kasama ko.

Alam mo ba yung kinakabahan ka sa maaari niyang isipin sa 'yo? Ganoon ang nararamdaman ko.

Natatakot ako na baka sumama ang tingin niya sa akin. Natatakot ako sa maaari niyang isipin sa akin. 

"Namumutla ka, Empress?" natatawang puna ni Lucas bago umupo sa tapat ng mesang kinauupuan ko. "May problema ka ba? Mukha kang nakakita ng multo, ah?"

"Wala naman," sagot ko na lang bago ngumuso sa kanya.

Pinagmasdan ko siyang kumuha ng pickled r****h sa food tray ko. Huhuni-huni pa siya nang sinubo niya iyon sa harapan ko na mas lalo lamang ikinakunot ng noo ko.

"Bakit ba hindi ka na lang ulit manghingi ng pickled r****h sa server?" asik ko na tinawanan niya. "Huwag mo ngang bawasan ang pagkain ko."

"Ang damot mo naman," sagot niya na lang na inismiran ko.

Agad akong napahinto sa pag-ismid nang makita ko si Travis na ngayon ay kunot noong nakatitig sa aming dalawa ni Lucas. Nakaupo siya sa kabilang mesa. Tulad ng nakagawian ay mag-isa na naman siyang kumakain. Maraming napapatingin sa gawi niya kaya naman hindi ko naiwasang mapanguso.

Sino ba namang hindi magkakagusto sa kanya?

Malinis siya sa katawan. Mabango. Matalino. Gwapo. Matangkad. Perpekto. Halos lahat na yata ng magandang katangian na hinahanap ko sa isang lalaki ay nasa kanya na. 

I wonder kung may pag-asa nga ba akong magustuhan niya? 

Maganda naman ako. Mayaman din naman. Marami rin namang nagkakagusto sa akin sa campus. Tuwing uwian, nakakatanggap ako ng mga letters galing sa mga admirers ko. Pati nga mga college students napapagawi sa building namin para lang dalhan ako ng bulaklak.

Ano kaya yung tipo niya sa babae?

Magugustuhan niya kaya ako kung ganito ko patunguhan si Lucas? Gusto niya kaya ng madamot na babae?

Matamis akong lumingon kay Lucas na ikinakunot naman nito ng noo. Kinuha ko ang pickled r****h na sinusundan niya kanina ng tingin at halos lumawak ang ngiti niya nang inilagay ko ito sa food tray niya.

"Anong nakain mo?" tanong niya na animong natatawa pa sa ginawa ko. "Nakokonsensya ka ba, Empress? Really?"

"Nagpapaka-good girl lang ako," nakangiti kong sagot sa kanya bago lumingon sa mesa ni Travis kanina. Agad kong nakagat ang dila ko nang hindi ko na siya makita pa sa upuan niya kanina. "Nasaan na yon?"

Nang hindi makuntento ay napatayo pa ako sa upuan ko at mariing nilibot ang mga mata ko sa cafeteria kung nasaan kami ngayon. Nang dahil sa dami ng estudyanteng kumakain roon, hindi ko na siya muling nakita pa kaya naman wala na akong nagawa kung hindi ang sumibangot at pabagsak na lang na naupo.

"Oh, bakit ganyan ang itsura mo?"

Kakagatin niya na sana ang pickled r****h na ibinigay ko sa kanya. Bago niya pa man ito makagat, dali-dali ko na itong kinuha sa chopstick niya na naging dahilan kung bakit tuluyan niya nang nakagat ang dila niya.

"Ang akala ko ba—"

"Akala mo lang yon," singhal ko bago ngumuso. "Nagbago na isip ko."

Tinapos lang namin ang pagkain sa cafeteria bago kami nagdesisyon ni Lucas na magpalipas ng oras sa garden. Tulad ng inaasahan ko, naroroon na naman ang mga lalaking patuloy lang sa panliligaw sa akin. Bago pa man sila makaabot sa pwesto ko, naroon na si Lucas upang harangin sila. May iba naman sa kanila ang umuurong dahil sa tuwing makikita nila si Lucas, tila ba nawawalan na sila ng lakas ng loob pang lumapit sa akin, kaya ang ending...

"Hindi talaga makuha sa salita 'tong mga 'to," singhal ni Lucas dahilan upang pahablot kong kinuha sa kanya ang letter na dinampot niya. "Bakit kasi ganyan ang itsura mo?"

Lumuhod ako sa sahig habang patuloy sa pagdampot ng mga love letters na nahulog sa locker na binuksan ko.

"Hindi ko na kasalanan kung bakit ganito ang itsura ko. Hindi ko na kasalanan kung bakit pinalaki akong maganda ng mga magulang ko," kunot noo kong sagot na tinawanan niya na lang. "What if sa halip na tumawa ka dyan, tulungan mo na lang kaya ako at nang makapasok na tayo sa room?"

"Okay, fine," sagot niya bago umismid at ginawa ang sinabi ko.

Pagpasok pa lang ng room ay agad na kaming nagkatinginan ni Travis. Walang emosyon siyang tumitig sa akin magmula ulo hanggang paa kaya naman hindi ko naiwasang ngumuso at mag-iwas ng tingin sa kanya. Bahagya pang uminit ang mukha ko lalo na nang maglakad ako patungo sa upuan ko habang patuloy siya sa pagtitig sa akin.

Like, bakit siya nakatingin sa akin? Don't tell me nagagandahan din siya sa akin?

"Hindi na kita nakita sa cafeteria kanina," panimula ko nang nakaupo ako sa tabi niya. "Kumain ka ba? Baka naman hindi ka na nakakain sa titig ko sa 'yo kanina, ah?"

"Nawalan ako ng gana," sagot niya na ikinatikom ng bibig ko.

Ewan ko ba. Sinagot niya lang naman ang tanong ko, hindi ba? Bakit pakiramdam ko ako ang dahilan kung bakit nawalan siya ng gana? 

"Ganoon ba," sagot ko na lang bago ngumuso.

Nagtagal sa akin ang titig niya kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang manahimik na lang sa isang tabi habang kinukwestyon ko kung bakit ganito na lang kung makitungo sa akin si Travis.

Simula nung pumasok siya rito, ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko upang magkasundo kaming dalawa. Ginagawa ko nga ang lahat ng makakaya ko upang maging komportable siya. Siya yata ang may ayaw sa akin. Siya yata ang ayaw makipagkaibigan sa akin.

Mabaho ba ang hininga ko? May ayaw ba siya sa ugali ko? Ginagawa ko naman ang lahat, ah?

Lumipas ang maraming araw ay nagpatuloy lang si Travis sa pang-iignore sa akin. Ewan ko ba pero tila ba mas lalo lamang lumala ang nararamdaman ko para sa kanya sa tuwing iniismiran niya ako. Hindi tama yun, di ba? Dapat magalit ako sa kanya dahil binabalewala niya lang ako. Hindi ko alam kung bakit pero tila ba mas lalo ko lang siyang nagugustuhan sa ginagawa niya.

"Dogdeball?" tanong ko habang pinagmamasdan ang malawak na field. "I don't even know how to play that thing!"

Bahagyang natawa si Lucas nang dahil sa sinabi ko kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang ngumuso na lang sa pagkapahiya. Nakita ko ang pagbaling ng tingin sa akin ni Travis kaya naman mas lalo lang akong namula lalo na nang makita ko ang judgement sa mga mata niya.

"Tatakbo ka lang, Empress, tapos babatuhin ka namin ng bola."

"Gusto mo ba talaga akong saktan?" reklamo ko sa kanya na tinawanan niya lang.

"Ganoon talaga maglaro ng dodgeball, Empress. Jusko. Saang planeta ka ba nagmula at bakit pati dodgeball hindi mo alam?" sabat naman ni Keyleigh na inismiran ko. "Tama yung sinabi ni Lucas, babatuhin namin ng bola yung team mo. Wala kang ibang gagawin kung hindi ang umiwas. Okay na?"

Bago pa man tuluyang mapahiya kay Travis, wala na akong nagawa kung hindi ang tumango sa kanya at kunot noong umayon sa mga sinasabi nila.

Tama sila, Empress. Tatayo ka lang sa isang tabi habang binabato ka nila ng bola.

Wait. Papayag na lang ba ako na babatuhin lang nila ako ng bola?

Pagod akong umupo sa damuhan ng matapos ang laro nila. Wala akong nagawa kung hindi ang uminom ng tubig habang pinagmamasdan ang mga kaklase kong nagkakatuwaan sa gilid.

"Walang ganito sa Barcelona," saad ko sa sarili kasabay ng pagnguso. "Hindi ko alam na ganito pala kaganda sa Pilipinas."

Medyo nalibang ako sa panonood sa kanila kaya naman nang magkaroon na ng lakas, doon na ako nagdesisyong lumakad patungo sa direksyon nila.

Mabuti na lang at hindi naman ganoon kainit ngayon. Dahil kung hindi, baka nasunog na kaming lahat sa nakakapsong sinag ng araw. Nakalimutan ko pa namang magpahid ng sunscreen kanina bago pa man ako pumasok—

"Empress!"

Mabilis akong napahiga sa damuhan nang maramdaman ko ang bolang tumama sa ulo ko. Rinig ko ang tawanan ng mga kaklase ko sa kung saan kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang yumuko na lang sa pwesto ko.

"A-Aray ko," nakapikit kong singhal habang patuloy sa paghaplos sa ulo kong tinamaan.

Rinig ko ang yapak ng sapatos na palapit sa direksyon ko kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang kunot noong tumingala sa lalaking naglahad ng kamay sa harapan ko.

Mabilis na nawala ang iritasyon sa sistema ko nang magkrus ang mata naming dalawa ni Travis. Pinagmasdan ko ang kamay niyang nakalahad sa harapan ko.

"Okay ka lang ba?" may halong pag-aalala niyang tanong.

Nakanguso kong pinagmasdan ang kamay niya bago tumango. Nang inangat ko ang kamay ko upang tanggapin ang kamay niya, halos mapahiga ako sa damuhan nang dumulog sa akin si Lucas.

Paulit-ulit niya akong inalog kaya naman wala akong nagawa kung hindi ang matawa at pansamantalang nakalimutan si Travis sa harap namin.

"Are you okay? May masakit ba sa 'yo? Gusto mo bang magpunta sa clinic?"

"Unayos ka nga," singhal ko sabay tulak sa kanya. "Mas lalo lang umaalog ang utak ko nang dahil sa ginagawa mo."

Bahagya pa kaming nagtawanan sa kalokohan namin. Rinig ko ang singhal ni Travis kaya naman mabilis akong lumingon sa kanya. Nakatalikod na siya ngayon sa direkyson namin ni Lucas kaya naman wala na akong nagawa kung hindi ang ngumuso bago nagdesisyong tumayo sa pagkakaupo ko sa tulong ni Lucas.

"Sino yung gagong nambato ng bola sa akin?" tanong ko sa mga kaklase kong naglalaro ng dodgeball kanina.

Nagtinginan lang sila sa isa't isa, bago sila dumuro sa direksyon ni Travis. Huli na ang lahat nang mapagtanto ko kung ano ang nais nilang iparating sa akin.

Marahang huminto si Travis sa paglalakad niya bago lumingon sa akin. Tulad ng nakagawian, walang emosyon niya akong pinagmasdan magmula ulo hanggang paa. Wala naman akong nagawa kung hindi ang maestatwa sa pagtitig na ginawa niya.

"Ako ang may kasalanan, Empress. I'm sorry," aniya bago tumalikod at naglakad palayo kasama ng bola.

Tikom ang bibig ko nang magsimula ulit kaming maglaro. Panay ang pagsulyap ko kay Travis ngunit kahit kailan ay hindi ko na siya nakita pang lumingon sa pwesto ko. Para bang nawala ang enerhiya ko sa nangyari. Pakiramdam ko, nakagawa na naman ako ng malaking kasalanan na pwede niyang ikagalit.

Bakit kasi hindi ka nag-iisip, Empress?

"Travis!"

Nagpatuloy lang ako sa paglalakad patungo sa kanya. Alam kong naririnig niya ang mga pagtawag ko sa kanya. Hindi ko lang alam kung bakit hindi siya humihinto sa paglalakad. Bakit ayaw niya akong harapin? Big deal ba para sa kanya yung itinawag ko sa kanya? Bakit ba frustrated na frustrated ako sa tuwing hindi niya ako pinapansin?

"Travis!"

Lumingon ka, Travis! Ano ba!

"Travis!"

Ramdam ko na ang paghahabol ko ng hininga dahil mas lalo lang akong nauubusan ng lakas sa ginagawa kong pagtawag sa kanya. Gaano ba kahirap para sa kanya ang lumingon man lang sa akin? Hindi naman siya naka-earphone kaya imposibleng hindi niya ako naririnig!

"Bonifacio!" sigaw ko sa kanya nang makapasok kami sa locker room. "Travis, kanina pa kita tinatawag!"

Lumingon siya sa akin nang dahil sa sinabi ko kaya naman bahagya pa akong napanguso lalo na nang muli na namang magkrus ang mga mata naming dalawa.

Ano bang mayroon sa mga mata niya at bakit parati na lang itong walang buhay sa tuwing sa akin siya tititig? Wala ba talaga akong kwenta para sa kanya?

"Anong kailangan mo?"

Bahagya ko pang nakagat ang labi ko bago nagsalita. "Tungkol nga pala sa nasabi ko kanina, pasensya ka na. Hindi ko naman alam na... ikaw pala ang nakabato ng bola sa akin. Ang akala ko, isa sa mga kaklase natin ang bumato sa akin kanina."

"It doesn't make sense kung ako o sila ba ang nakabato sa 'yo. You don't have to apologize," aniya bago umismid at tumalikod sa akin.

Mas lalo lamang akong napanguso nang tinapos niya na kaagad ang usapan naming dalawa.

Ganoon na lang ba iyon?

"I'm sorry," muli kong sambit na hindi niya na nilingon.

Pinanood ko siyang kalkalin lahat ng gamit niya sa locker niya. Ilang beses ko muling tinawag ang pangalan niya ngunit hindi na siya lumingon sa akin. Nang dahil sa iritasyon sa pambabalewala niya sa presensya ko, hindi ko na napigilan pa ang sarili kong ibato sa kanya ang bottled water na dala ko kanina.

"Aray ko," aniya sabay haplos sa balikat niyang tinamaan ng boteng ibinato ko.

Nang dahil sa gulat at takot, halos mapatalon pa ako sa naging reaksyon niya. Ni hindi ko na nga magawang isipin ang dahilan kung bakit ko nga ba siya binato ng bote!

Galit siyang lumingon sa akin na halos ikaatras ko mula sa kinatatayuan. Mas lalo lamang akong umatras lalo na nang nagsimula siyang maglakad patungo sa akin.

"Anong problema mo, Empress?" singhal niya kasabay ng paghampas sa mga locker na nasa likuran ko.

Bahagya akong napapikit sa takot lalo na nang nagtagal ang kamay niyang iyon sa gilid ng ulo ko.

"Anong problema mo sa akin, Empress?" madilim niyang tanong.

Wala akong nagawa kung hindi ang magpigil ng hininga. Hindi ko alam kung para saan nga ba ang takot gayong alam ko namang wala siyang gagawing masama sa akin. Hindi naman siya yung tipo ng lalaking magagawa akong saktan. Oo, nagagawa niya akong sigawan nang dahil sa pagkapikon, pero hindi naman umaabot sa puntong nagagawa niya akong saktan nang pisikal.

Siguro kung ibang tao lang ang sinaktan ko kanina, baka may posibilidad pang makarating sa dean ang ginawa ko.

Mabuti na lang at wala ng gaanong tao ngayon sa locker room. Lahat halos ng mga kaklase namin ay nananatili pa rin sa field. Hindi ko nga alam kung bakit nga ba pumasok sa isip ko na sundan siya rito gayong alam ko namang mainit ang dugo niya sa akin lalo na nang dahil sa ginawa ko kanina.

"Anong problema mo?"

"I... hate... you," mahina kong sagot dahilan upang umarko ang mga kilay niya sa kuryoso. "I hate you, Travis!" dagdag ko pa bago ko siya tuluyang tinulak palayo sa akin.

I fucking hate you, Travis! Hindi ko alam kung bakit pero... ayaw ko sa 'yo!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status