Share

Chapter 4

MAYA'T MAYA ang tingin ni Katherine sa oras ng suot na relos. Kanina niya pa hinihintay na matapos si Cain sa pakikipag-usap sa isang excutive ng kompanya.

Ngayon ang napag-usapang araw na dadalawin nila ang kanyang Lola sa ospital matapos itong magka-inflammation sa pancreas. Inaalala niyang baka matapos ang visiting hour. Kaya napagpasiyahan niyang i-text si Cain na mauuna na siya sa kotse at bilisan nito ang pakikipag-usap.

Ngunit habang naghihintay ay hindi ang asawa niya ang dumating kundi si Joey. "Pinapasabi ni Mr. President na sasamahan ko na lamang kayo sa ospital."

"Hindi pa ba siya tapos makipag-usap?"

Umiling lang ito bilang sagot kaya walang nagawa si Katherine kung hindi umalis na hindi ito kasama.

Pagdating sa ospital ay bakas ang saya sa mukha ni Lucinda nang makita ang apo. "Mabuti at napadalaw ka, Katherine."

"Kamusta po kayo rito, 'La?" aniya sabay yakap sa matanda.

"Mabuti naman, pakiramdam ko'y pwede na 'kong bumalik sa probinsiya, apo."

"Hindi pa po pwede, 'La. Hindi pa kayo pinapayagan ng doctor."

"Pero mag-iisang buwan na 'ko rito. Gusto ko ng umuwi. Ang bahay natin do'n at ang mga tanim ko'y wala ng nag-aalaga."

Hinaplos-haplos ni Katherine ang braso at kamay ng matanda. "'Wag po kayong mag-alala, 'La. Malapit na kayong makalabas dito, kaunting tiis na lamang po."

May ngiti man sa labi ay hindi maiwasan ni Katherine ang makaramdam ng lungkot. Kung nandito lang sana si Cain kasama niya ay baka naipagtapat na niya sa Abuela ang pagdadalang-tao. Matagal na siyang nakokonsensiya na hindi man lamang niya masabi rito na matagal na siyang nagpakasal.

Pero mukhang muling mapupurnada ang pagtatapat niyang iyon sa matanda dahil wala ang asawa.

May dumating na Nurse na may dalang pagkain at si Katherine na ang nagpresentang magpakain sa Abuela. Matapos ay binigyan ng gamot ang matanda na agad inantok.

"'Wag mo na akong alalahanin dito, ang mas mabuti pa ay umuwi ka na sa tinutuluyan mo't baka mas lalo kang gabihin sa daan," ani Lucinda.

Tumango naman si Katherine ngunit hinintay pa ring makatulog ang Abuela. Ilang sandali pa ay nagpasiya na siyang umalis. Habang pabalik sa sasakyan kung saan ay naghihintay si Joey ay napansin niya ang kotse ni Cain na kapaparada lang hindi kalayuan sa kanyang puwesto.

Bigla siyang napangiti. Buong akala niya ay hindi talaga ito makakapunta, iyon pala ay hahabol.

Ngunit bago makalapit ay nakita niyang nagmamadaling lumabas sa sasakyan si Cain pagkatapos ay lumipat sa passenger-seat. Nagulat na lamang siya nang makitang buhat-buhat ng asawa papasok sa ospital si Margaret.

Bigla siyang nanlamig sa kinatatayuan. Kumirot ang kanyang dibdib pati na rin ang kanyang tiyan. Ang mata ay nanunubig at ang lalamunan ay nagbabara.

Mariin siyang napapikit, baka sakaling sa pagmulat ng mata hindi na niya makita ang asawa'ng may kasamang iba.

Pero hindi, malinaw niyang nakikita si Cain, na bakas ang pag-aalala para kay Margaret. Nang magtagpo ang tingin nilang dalawa ay mas lalo lang siyang nasaktan na tila para siyang hanging dinaanan lang nito.

Bago pa tuluyang tumulo ang luha sa mga mata ay nilisan na niya ang lugar. Hindi niya binalikan si Joey at nagpasiyang mag-taxi na lamang paalis.

"Sa'n po tayo, Ma'am?" saad ng driver.

Gustong niyang umuwi ngunit... magkikita lang silang dalawa ni Cain kapag umuwi ito. Kaya naisipan niyang magpahatid sa apartment na binili niya para sa kanilang dalawa ni Lucinda. Bagong kasal pa lamang siya nang maisipan ni Katherine na bumili ng sariling matitirhan dahil wala namang kasiguraduhan kung hanggang kailan sila magtatagal ni Cain. Kaya mas minabuti niyang maging handa.

Nanatili siya sa apartment ng ilang minuto ngunit nang pabalik na sa mansion kung saan sila nakatira ni Cain ay naipit naman siya sa traffic.

"Ba't ngayon ka lang?"

Natigilan sa pagpasok sa kwarto si Katherine nang marinig ang tanong ng asawa. Pero hindi niya ito sinagot at nagtuloy-tuloy lang para makapagpahinga na.

"Dalawang oras kitang hinanap. Hindi mo rin sinasagot ang tawag ko," patuloy pa ni Cain.

Saka lang ch-in-eck ni Katherine ang cellphone. "Sorry, naka-mute ang sound."

"Next time magpapaalam ka kung gagabihin ka ng ganito."

Isang malalim na paghinga ang ginawa ni Katherine upang mapigilan ang sariling sumbatan ito. "Okay," labas sa ilong niyang sagot.

"May problema ba tayo, Katherine? Dahil ba sa nakita mo kami ni Margaret kanina sa ospital?"

"Bakit mo ba siya kasama? May usapan tayong bibisitahin si Lola para masabi ko na ang relasyon--"

"Katherine..." mababala'ng tono ni Cain. "Pinapaalala ko lang sa'yo na wala tayong relasyon."

Hiyang-hiya naman sa kinatatayuan si Katherine. "Kung gano'n... kailan mo balak tapusin itong kasunduan natin? Bumalik na si Margaret... Sa tingin ko... hindi mo na 'ko kailangan pa," aniyang nasasaktan.

Kunot-noo'ng tumitig si Cain. "Alam mo bang hindi kita maintindihan ngayon? Ano, nagseselos ka? Pinagseselosan mo si Margaret?" aniyang bigla na lamang natawa.

Taas-baba ang dibdib ni Katherine. Minasama na ginawa siya nitong katatawanan. Humakbang siya patungo sa banyo nang muntik mabuwal. Mabuti na lang at naging mabilis ang galaw ni Cain at nagawa siyang saluhin.

"Ayos ka lang ba? Ano, may sakit ka, gusto mong dalhin kita sa ospital?"

Umiling-iling si Katherine saka umiwas. "H-Hindi pwede. Ayokong pumunta sa ospital," aniya, hindi gustong matuklasan nito ang pagdadalang-tao.

"Namumutla ka, Katherine. Sigurado ka bang okay ka lang?"

"Pwede bang 'wag kang magpakita ng concern kung hindi mo rin naman paninindigan?"

Mas lalong naguluhan si Cain. Napabuntong-hininga saka bahagyang lumayo. "Ano ba talagang nangyayari sa'yo? Kanina pa kita gustong intindihin."

Tumalikod si Katherine, hindi niya gustong makita si Cain kapag ipinagtapat na niya ang nais sabihin.

"Cain... mag-divorce na tayo. Tapusin na natin ang kontrata."

Napatiim-bagang si Cain. "Why?"

Suminghot si Katherine nang maramdaman na maiiyak siya.

"I need a reason, Katherine. Hindi pwedeng basta na lang tayong maghiwalay, tapusin ang kasunduan sa isang simpleng bagay gaya na lang ni Margaret. Kung siya man ang dahilan kung ba't ka nagkakaganito."

"N-Natatakot ako," bulong niya. Sapat lang upang hindi nito marinig. Dahil hindi kayang sabihin ni Katherine na natatakot siyang maiwan...

Iwanan ni Cain sa oras na mapagpasiyahan nitong itigil na ang kasunduan. Kaya uunahan na niya ito kaysa siya pa ang magmukhang kaawa-awa bandang huli.

Nang sa tingin ni Katherine ay kaya na niya itong harapin ay lumingon siya. "Gusto ko ng magpahinga," aniya saka pumasok sa banyo upang mag-quick shower.

Nagtagal siya sa banyo upang masigurong sa paglabas ay tulog na ito.

Iyon ang akala ni Katherine dahil sa pagtabi niya sa kama ay bigla na lamang bumangon si Cain at kumaibabaw. Kitang-kita ang pagnanasa nito sa mga mata.

"A-Anong ginagawa mo? Gusto kong magpahinga," aniyang pilit itong itinutulak.

"Wala naman akong gagawin na hindi mo magugustuhan."

"Cain..." anas ni Katherine.

Ngunit inilapit na ni Cain ang mukha at hinalikan ito sa labi. "Kung ano man ang ikinasasama ng loob mo... pwede bang ayusin na lang natin?"

Lumamlam ang tingin ni Katherine. Dating gawi na naman ito sa tuwing may hindi sila napagkakaunawaan. Ito ang paraan ni Cain upang makipag-ayos... ang makipagromansa.

Siya naman itong marupok... madaling bumigay. Kaya nang muli siyang halikan ni Cain ay tuluyan na ngang nagpaubaya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status