Share

Chapter 3

ASIWA ang ngiti ni Katherine ng mga sandaling iyon. "H-Hello po, Mr. Dominguez," bati pa niya.

Nanliit naman ang tingin ni Levi sa sekretarya at asawa ng kaibigan. Halata niyang may narinig ito sa pinag-uusapan nilang dalawa ni Cain. "Kanina ka pa ba rito?" aniyang naniniguro.

Umiling si Katherine. "N-Ngayon lang, ibibigay ko sana 'tong dokumento kay Mr. President." Bago pa magisa ng tanong ay nilampasan na niya ito para harapin si Cain.

"Good morning, Mr. President. May kailangan po kayong pirmahan," aniya.

Nag-angat naman ng tingin si Cain. Narinig niya ang pinag-usapan nito at ni Levi sa may pinto pero wala siyang balak magtanong. Kung alam na ni Katherine ang article ay wala na siyang magagawa pa roon. Wala rin siyang balak magpaliwanag pero hindi niya nais na magtampo ito. Dahil kahit contractual ang kasal nila ay asawa niya pa rin ito. "Nakatulog ka ba nang maayos kagabi?"

Tumango lang si Katherine. "N-Nasa trabaho tayo ngayon," paalala niya.

Sekreto at ilang piling tao lang ang nakakaalam ng totoong relasyon nilang dalawa. Kaya ganoon na lamang kung siya ay mag-ingat.

Nagtaas ng isang kilay si Cain. "Si Levi lang naman ang nandito kasama natin."

Hindi na nagkomento si Katherine. Matapos mapirmahan ang dokumento ay agad rin siyang lumabas at nilampasan si Levi na nanatili sa hamba ng pintuan.

Pagkasara ng pinto ay nagmamadaling binalikan ni Levi ang kaibigan sa table nito. "Mukhang narinig niya pinag-uusapan natin."

"Ang daldal mo kasi."

Nanlalaki ang mga matang tinuro ni Levi ang sarili. "At kasalanan ko pa talaga? Nagtanong lang naman ako, a?"

"Umalis ka na nga lang at marami pa akong gagawin." Pagtataboy pa rito ni Cain.

Samantalang si Katherine ay nilapag lang ang dokumento sa desk saka umalis upang magtungo sa pantry area, nais magpalipas ng ilang sandali. Dahil sa pagbubuntis ay nagiging emosyonal siya at muntik pang maiyak kanina.

Dinamdam niya ang hindi pagsagot ni Cain sa tanong ng kaibigan kung may nararamdaman ba ito sa kanya o wala.

Napapatanong siya sa isip kung mahirap bang sagutin ang tanong?

Dalawang taon naman silang nagsama pero bakit tila napakahirap kunin ang loob nito? Dahil ba kay Margaret?

Ngunit sa tapat pa lang ng pantry area ay may naririnig na siyang nag-uusap mula sa loob.

"Nakita ko 'yung article na bumalik na ang girlfriend ni Mr. President."

"May girlfriend siya?"

"Oo, dalawang taon din 'yung hindi umuwi ng bansa."

"Baka naman hiwalay na sila? Imposibleng magtiis si Mr. President ng dalawang taon na hindi kasama ang girlfriend?"

"Hindi mo kasi nakita 'yung kuha sa article, halatang si Mr. President ang kasama. Sige nga, ngayon mo sabihin sa'king hiwalay sila kung kagabi lang ay magkasama naman?"

"Kung totoo ang sinasabi mo... pa'no si Meow?"

"Ha? Sinong Meow?"

"'Nu ka ba, may iba pa bang pusa rito?"

Pagkatapos ay nagtawanan ang dalawang nag-uusap.

Si Katherine na narinig ang sinasabi ng dalawa ay agad naunawaan na siya ang tinutukoy na pusa. Hindi na bago sa kanya ngunit masakit pa rin sa tuwing naririnig ang masasakit na salita ng ibang empleyado patungkol sa kanya.

Kaya sa halip na magpatuloy ay umalis na lamang siya at pabalik na sana sa sariling table nang makasalubong si Jean, pinsan ni Cain.

Malayo pa man ay nakataas na ang isa nitong kilay, nagtataray habang may hawak na ice coffee.

"Kalagitnaan ng trabaho ay kung sa'n-sa'n ka nagpupunta? Ano, porke't asawa ka ng pinsan ko'y umaasta kang reyna rito?"

Noon pa man ay mainit na ang dugo ni Jean sa kanya. Wala siyang ideya kung bakit pero hangga't maaari ay ayaw niya ng gulo kaya umiiwas na lamang siya.

Tulad ngayon, lalampasan na niya dapat nang bigla naman itong humarang sa daraanan.

"Bastos ka rin, e, 'no?! Kinakausap pa kita'y bigla kang aalis? Talaga bang nagyayabang ka porke't--"

"Tama na, Jean. Hinaan mo lang ang boses mo. Hindi alam ng mga empleyado rito kung anong relasyon ko kay Cain."

Ngunit mas lalo lang nagalit si Jean. "Ang kapal naman ng mukha mong pagsabihan ako! Palibhasa, ulila. Kung sabagay, hindi ko rin gugustuhing magkaro'n ng anak na gaya mong napakarumi. Kaya bagay sa'yong pinapaliguan para maging malinis." Sabay saboy ng ice coffee sa pagmumukha ni Katherine.

Sa labis na pagkabigla ay hindi na nakontrol ni Katherine ang emosyon. Tuluyang naputol ang pagtitimpi sa dalaga. Sinugod niya ito at pinatikim ng isang malutong na sampal na hinding-hindi nito malilimutan.

Napaling sa ibang direksyon ang mukha ni Jean sa lakas ng sampal na kanyang natamo. Mabagal at nanginginig sa galit na binalik niya ang tingin kay Katherine.

"Walanghiya ka!" makaputol-litid niyang sigaw.

Agad na sumugod si Jean upang saktan ito nang mabilis na napigilan ni Katherine sa braso.

Kahit mahirap man at walang kinilalang magulang maliban sa kanyang Lola, ay tinuruan naman siya nitong lumaban kapag naaapi na. Si Cain lang ang tangi at nag-iisang hinahayaan siyang saktan emotionally, wala ng iba.

"Sino bang nauna sa'ting dalawa, 'di ba ikaw?" ani Katherine.

Nagpumiglas si Jean, pilit kumakawala sa pagkakahawak nito. Hanggang sa may mga empleyadong dumating at nais maki-osyuso.

"Anong nangyayari rito?" si Cain.

Biglang natigilan ang dalawang babae at pareho pang napalingon. Kaya tuluyang nabitiwan ni Katherine ang braso ni Jean.

"Cain! Alam mo ba kung anong ginawa ng babaeng 'yan, sa'kin? Sinampal niya 'ko!" sumbong ni Jean.

Naging matalim ang tingin ni Cain sa sekretarya. "Garcia... nakalimutan mo na ba kung anong rules and regulations natin pagdating sa mga bisita?"

"I-I'm sorry, bilang empleyado ng kompanya ay humihingi ako ng tawad," kabadong saad ni Katherine sabay tungo.

"Okay, you may go."

Nabigla si Jean. "That's it?! Sinaktan niya 'ko, Cain, tapos paaalisin mo lang siya ng gano'n lang?!"

"Nag-sorry na siya kaya ano pang gusto mo? Saka, hindi mo ba nakikita ang itsura ng sekretarya ko? Basang-basa siya. Kaya ikaw naman ngayon ang tatanungin ko. Ikaw ba ang may gawa niyan?"

Hindi masagot ni Jean ang tanong ng pinsan. "Cain naman! Ipagtatanggol mo pa ba ang babaeng 'yan kaysa sa sarili mong kadugo?"

"Wala akong pinagtatanggol ni isa sa inyo. Ang akin lang, ayoko ng gulo, ingay rito sa kompanya."

"Hindi ko naman kasalanan 'yun! 'Yang babaeng 'yan!" Sabay turo kay Katherine.

"Anong gusto mong gawin ko? Sisantihin siya, gano'n ba, Jean? At sinong papalit sa posisyon niya?"

"Madali lang naman mag-hired--"

"'Wag mo 'kong patawanin, pwede ba? Alam mo kung ga'no ako kaselan pagdating sa trabaho. Hindi ko siya pwedeng sisantihin ngayon at kumuha ng bagong sekretarya na wala namang kaalam-alam kung pa'no ako magtrabaho... Kaya kung ako sa'yo, bago pa maubos ang pasensiya ko'y mas mabuti pang umalis ka na."

Nanliit sa kahihiyan si Jean lalo pa at nagmukha siyang katawa-tawa sa harap ng mga empleyadong naroon. "I'll never forget this!" aniyang nagmartsa paalis.

Si Katherine ng mga sandaling iyon ay masaya na kahit papaano ay ipinagtanggol siya ni Cain sa harap ng mga empleyado. Bago pa siya makapagpasalamat ay umalis na ito para bumalik opisina.

Ang mga naiwan na empleyado ay agad tiningnan ng kakaiba si Katherine.

"Naku, baka may mag-assume na namang isa riyan porke't pinagtanggol ni Mr. President," saad ng isang empleyadong masama ang pakikitungo at laging nangunguna sa pagkakalat ng kung ano-anong balita tungkol kay Katherine.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status