Share

CHAPTER 2

CHAPTER 2: BAGONG TAHANAN

Agad na sumalubong sa akin ang aking matalik na kaibigan, si Li Wei, isang purong Intsik, pero naging kabilang na namin sa aming barangay. Kitang-kita ko ang pangamba sa kanyang mata, “Ano ang bumagsak Palan-taw? Ano ang dala ng bulalakaw?”

May ibang lalaki siyang kasama at yung iba naman ay pawang mga kababaihan. Napukaw ang atensyon ko sa kanila. Ayaw ko rin namang sila ay mangamba, pero ayaw ko rin namang magsinungaling sa kanila. Pero pag sinabi ko ang totoo ay matatakot din sila at pipiliin ulit na lumisan kesa ang magpahinga.

“Palan-taw! Gumising ka, tinatanong kita!”, dagdag pa ulit ni Li Wei na siyang nagpagising ulit sa aking diwa. Di ko namalayan na ako pala ay nakatulala na. Huminga ako ng malalim at tiningnan ko sila sa kanilang mga mata, “Wag kayong mangamba, normal na bulalakaw lang ang tumama sa lupa.”

“Tingnan natin! Gusto ko ring makita kung ano ang itsura ng isang bulalakaw!” ,sambit ng karamihan sa aming mga kasama. Pero hindi pwede, matatakot sila! Naglakad na uli sila papunta sa direksyon kung saan ako galing. Hindi pa nila pwedeng makita, kailangan ko silang mapigilan! Kaya nag-isip ako ng isang palusot na siyang magpapabalik sa aming pinagpahingahan kanina.  “Huwag na muna kayong pumunta roon, delikado pa! Mamaya baka may lumabas na isang halimaw sa loob ng bulalakaw! Kaya rin ako kumaripas ng takbo dahil baka ako ay paslangin ng dala ng bulalakaw!” pangungumbinsi ko sa kanila at pinakita ko ring ako ay natatakot para sila ay mas maniwala. Natakot ko naman ang mga kakabaihan, pero yung ibang lalaki na aming kasama, mukha naman silang naniniwala pero may halong pagdududa.

Isa-isa na rin silang bumalik sa aming pinagpapahingahan.

Pero nanatili si Li Wei sa aking tabi at ang sama ng kanyang tingin sa akin. Alam na alam niya talaga kung kelan ako magsisinungaling.

“Ano ang dala ng bulalakaw?” matigas nitong tanong sa akin. Tumingin-tingin ako sa paligid at kami na lang naman ang natira sa aming pwesto, “Walang bulalakaw. Walang bato mula sa kalangitan!” Bigla namang binalot ng pagtataka ang aking kaibigan, “Pero paanong may bumagsak kung wala namang tumama sa lupa?” Yun din ang aking tanong sa aking isipan na siyang nagbibigay takot sa aking buong katawan.

“Yun nga rin ang aking pinagtataka, tatlong bulalakaw ang aking nakita pero ng tingnan ko kanina ay wala namang tumama sa lupa” nagtataka kong sambit.

Tumingin si Li Wei sa lupain kung saan bumagsak ang mga bulalakaw, “Imposibleng walang tumama, sigurado akong meron, pero bakit nawala?” Naglakad siya papunta sa direksyon kung saan ako galing kanina. Alam kong kinakain na rin siya ng kanyang kuryusidad. Sinundan ko si Li Wei at itinuturo ko na lang ang mga pinagbagsakan ng bulalakaw. Gaya ko, gulat na lang din ang kanyang naging reaksyon. Wala rin siyang nakita. Walang bato. Walang bulalakaw.

Agad kaming bumalik sa aming barangay. Habang pabalik ay may malalim na iniisip si Li Wei.

Nang makabalik kami ay agad kaming sinalubong ng buong barangay. Lahat sila ay nakatingin sa aming dalawa at katulad namin ay alam kong kinakain na rin sila ng kanilang kuryusidad.

“Ano ang dala ng bulalakaw?”, yan ang tanong ng halos lahat sa kanila.

Hindi ko alam ang aking isasagot. Natatakot ako para sa kanila. Ayaw ko silang pumunta sa lugar na yun. Iba ang aking pakiramdam. Masama ang aking kutob kung ipagpapatuloy pa naming manatili malapit lugar na yun.

Napatingin ulit ako sa aming barangay at lahat sila ay naghihintay ng sagot. Pero hindi ako makapagsalita, inuunahan ako ng takot. Kaya tumingin ako kay Li Wei at sinenyasan siyang siya na ang sumagot ng tanong ng barangay. Humarap siya sa kanila ay sabay sambit “Wag kayong mag-alala, normal na bulalakaw lang ang tumama.” Napatingin ako agad kay Li Wei, nagsinungaling siya. Pero mas mabuti na rin yun para di na mas lalong mangamba ang barangay. “Alam mo talaga kung anong nasa isip ko” sambit ko kay Li Wei. “Matalik tayong magkaibigan kaya kabisado na kita.” pabiro niyang sambit.

Napatingin naman ako ulit sa barangay at para silang nabunutan ng tinik sa lalamunan ng marinig ang mga salitang iyon. Muli silang bumalik sa kanikanilang mga pwesto at sinubukan na ulit nilang humimlay. Halatang pagod na pagod sila kaya mas pinili na lang nila ang magpahinga.

Natuon ang aking mata kay Ama. Nakatitig siya sa direksyon kung saan tumama ang mga bulalakaw. May malalim na iniisip si Ama at sigurado akong may gusto siyang gawin. Bumulong si Ama sa isa sa kanyang alipin, tumatango-tango naman ito.

Bigla naman itong nagsalita, nilakasan niya ang kanyang boses para marinig ng lahat, “Pinapasabi ng ating Datu, na bukas na bukas ng maaga ay agad tayong tutungo sa lugar kung saan bumagsak ang mga bulalakaw, sa ngayon ay magpahinga na muna raw kayo.”

Napukaw naman ang atensyon ng lahat, at walang ni isa ang sumalungat sa pinapasabi ni Ama. Siya ang Datu kaya lahat ng kanyang sasabihin ay paniniwalaan ng buong barangay.

Pinuntahan ko agad si Ama sa kanyang pwesto. Nakuha ko naman agad ang kanyang atensyon, “Ama, mukhang hindi magandang ideya ang pagpunta sa lugar na iyon.”

Tinapik niya naman ako at sabay sambit, “Ano ang tinatago mong sikreto anak? Alam ko kung kelan ka nagsisinungaling dahil anak kita.” Napaiwas naman ako ng tingin kay Ama, nahihiya ako at natatakot. Masama talaga ang aking kutob. “Baka po may masamang nilalang ang lumabas mula sa bulalakaw, baka po mapahamak ang buong barangay” pangungumbinsi ko naman kay Ama.

“Kailangan nating tingnan para ating malaman, tandaan mo yan anak,” pangaral naman bigla sa akin ni Ama.

“Pero hindi tayo dapat manatili sa lugar na to, malapit tayo sa mga dayuhan, ilang milya lang ang ating layo sa kanila kaya dapat mas lumayo pa tayo sa kanila,” dagdag ko pa ulit kay Ama. “Maghahanap tayo ng panibago nating tirahan anak, hindi na tayo muling magtatago sa mga bundok at sa mga masusukal na kakahuyan katulad nito. Hahanapin natin ang lupain na para sa aitn.” may pag-asang wika ni Ama.

Hindi ko namalayan na ako pala ay nakatulog na sa tabi ni Ama. Nagising na lang ako ng may liwanag akong nasilayan. Umaga na at sumikat na ang haring araw. Agad namang napukaw ng aking atensyon sa kanilang lahat. Abalang-abala sila sa pagaayos ng kanilang mga gamit. Oo, maglalakbay pala kami ulit. Inalalayan ko naman si Ama na makatayo dahil siya pa rin ay nanghihina.

“Halina at sundan niyo ako aking mga lipi,” sambit ni Ama sa aming lahat.

Naglakad na muli kami pero sa direksyon papunta sa lugar kung saan bumagsak ang tatlong bulalakaw. Muli akong kinabahan, muli akong binalot ng pangamba sa katawan. Masama talaga ang kutob ko sa lugar na ito.

Medyo mataas na ang sikat ng araw kaya mas kita ko na ang pinsalang tinamo ng kalupaang ito. Ang lawak ng pinsala. Lahat ng matatayog na puno ay nakatumba na. Isang malawak na kapatagan ang bumungad sa aming mga mata. Tiningnan ko si Ama sa kanyang mga mata at nakikita ko ang isang kakarampot na pag-asa. Tumingin naman ako sa iba pa naming mga kasama, may ngiti sa kanilang mga mata habang pinagmamasdan ang pinsalang ginawa ng bulalakaw.

Napatingin ako kay Li Wei, at mukhang gusto niya rin ang gusto ng aming mga kasama.

Mukhang ako lang ata ang salungat, mukhang ako lang ang nangangamba. Sa pagkakataong ito hindi ko na sila mapipigilan pa. Lahat sila ay nakakakita ng pag-asa pero sa lugar na ito na ang siyang naging binhi ay ang tatlong bulalakaw na bumagsak mula sa kalangitan, pero wala naman akong nakita na tumama sa lupa.

Imposibleng yun ay nawala.

Natatakot ako para sa aming lahi, natatakot ako sa mga susunod na mangyayari.

Humarap si Ama sa buong barangay at sabay wika, “Ito na ang magiging bago nating lupain, tinabas na ito ng bulalakaw para sa atin! Ito na ang sagot sa ating mga hiling. Dito magkakaroon tayo ng panibagong buhay at muli nating pagyayamanin ang ating lahi!”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status