Share

CHAPTER 1

CHAPTER 1: BULALAKAW

Hindi kayo maniniwala dahil mahirap paniwalaan. Pero totoo, dahil andito pa rin ako sa panahong ito, sa kasalukuyan.

Sa panahong hindi naman talaga ako nabibilang. Sa panahong ang lahat ng bagay ay pawang madadali na lang. Modernisado na ang lahat. Panahong kelan man ay di ko nakasanayan. Pero hindi ako andito dahil ginusto ko. Isang sumpa at isang misyon ang dahilan. Ito na ang huling pagkakataon kaya kailangan ko ng mapagtagumpayan.

Ako si Datu Palan-taw, pero mas kilala sa pangalang Pedro Lazaro, isang datu, isang mandirigma, isang sundalo, isang ilustrado, isang Katipunero at isang imortal, at andito ako para sa isang misyon.

1743

Noon ay kilala ako sa pangalang Palan-taw. Iyon ang pangalang binigay sa akin ng aking mga magulang. Pero kinailangan kong magpalit dahil sa mga nagkalat na balita noon tungkol sa akin.

~~~~~

Sa isang malalim na gabi ay naglalakabay ang aming barangay sa isang masukal na kagubatan. Marami sa amin ang sugatan dahil kakagaling lang namin sa isang pakikipaglaban. Karamihan ay mga babae at matanda dahil napaslang ang karamihan sa mga kalalakihan. Buwan na lang ang nagbibigay liwanag sa aming dinadaanan. Hindi na namin alam kung saan kami patungo. Hindi na namin alam kung saan pa kami magtatago. Wala na ata kaming lugar dito sa aming lupang sinilangan.

“Nanghihina na ang Datu, kailangan na natin ng matutulugan”, sambit ng alipin na nagbabantay kay Ama na si Himal-ing.

Nag aalala na kaming lahat sa kanya. Nanghihina na talaga si Ama dahil na rin sa kanyang katandaan at dahil na rin sa pagpupumilit niyang lumaban. Namumutla na si Ama dahil sa nawalang mga dugo sa kanya. May natamo siyang isang malalim na sugat sa kaliwang braso niya at pati na rin sa tagiliran.

Nag-aalala na ang lahat para sa kalagayan ni Ama, “Kailangan nating gumawa ng kubo para kay Datu! Kailangan niya ng maayos na matutulugan!”

Nasa gitna kami ng isang kagubatan kaya marami kaming mapagkukuhaan ng pang gawa ng mga kubo. May mga kawayan din sa aming nadadaanan. Pero pagod na ang lahat dahil ilang milya na kaming naglalakad. Tatlumpo na lang ang bilang ng kalalakihan sa aming barangay at halos lahat pa dun ay sugatan at ang kanilang asawa ang siyang nag gagamot sa kanila.

“Sa ilalim na lang muna tayo ng mga matatayog na puno magpahinga, dito na muna tayo magpalipas ng gabi,” sambit ni Ama sa isang nanghihinang tono. Agad namang sumunod ang buong barangay at kanya-kanyang naghanap ng kanilang mapupwestuhan. Habang nahihimlay na ang karamihan ay napansin ko naman si Ama na nakatulala lang sa malawak na kalangitan. May luhang dumadaloy mula sa kanyang mata kaya lumapit ako sa kanya at dahan-dahan siyang niyakap.

Di ko napansin na may luha na rin palang pumapatak mula sa aking mata. Masakit, sobra! Masakit mawalan ng isang Ina, at kay Ama naman ay isang asawa. Napakasakit alalahanin. Pinapabigat nito ang aking saloobin.

Namatay si Ina na ako rin ang nililigtas mula sa kamatayan.

Sariwa pa sa aking alaala, isang Kastila ang pumaslang sa aking Ina.

Wala akong nakitang awa sa kanya, kundi tanging puot lang ang aking nakikita. Kitang-kita ko ang kanyang mga mata na puno ng galit, pero bakit? Ano ang nagawa naming mga dugong bughaw sa kanya? Maghihiganti ako! Sa muli naming pagkikita, sisiguraduhin kong ipupukol ko ang aking taga sa kanyang dibdib na para bang walang awa.

Naramdaman kong tinatapik-tapik ako ni Ama. “Anak, pag nawala na ako ay alagaan mo ang barangay, ang ating huling lahing nabibilang sa dugong bughaw. Wag mong hayaang sakupin tayo ng mga dayuhan. Maging matatag ka anak para sa lahat.” ,malumanay niyang sambit sa akin. Natatakot akong maging isang datu, hindi pa ako handa, “Ama? Paano kung hindi ko magampanan ng maayos ang aking tungkulin pagdating ng panahon?”. Tinapik-tapik ulit ako ni Ama na para bang nagpapalakas ng aking damdamin. “Magiging handa ka rin anak, sa tamang panahon at sa tamang pagkakataon.”, wika ulit ni Ama.

“Tutulungan mo naman akong maging handa sa aking tungkulin Ama diba?”, nagtataka kong tanong sa kanya.

“Oo Anak, tutulungan kitang maging handa na maging isang lider, isang marangal na Datu!”

Tumayo na ako at hinayaan ng makapagpahinga si Ama. Pinilit ko ring makatulog sa tabi ng isang puno, pero hindi pa ako dinadapuan ng antok. Kaya naisip kong maglakad-lakad na lang muna. Napansin kong may isang mataas at malaking bato sa di kalayuan kaya naisip kong itong puntahan. Hindi naman ako gaanong malayo sa barangay, kita ko pa naman sila sa kalayuan.

Gusto ko lang mapag-isa. Napakasakit lang isipin na sa isang iglap wala na si Ina. Parang kahapon lang ay masaya pa kaming kumakain ng sama-sama. Parang laging may pagdiriwang kung kami ay magsaya. Payapa na, ginulo pa nila. Mga dayuhan ang siyang sumira sa payapa naming pamumuhay. Sabi nila ay edukasyon ang kanilang dala, pero di nila alam na ang lahi namin ay edukado na. May sariling wika, paraan ng pagsusulat at literatura. Ang sakit sobra! Para akong dinaganan ng isang bato sa dibdib at parang maitim na ulap ang aking mata na hindi tumitigil sa pagluha.

Ang lamig ng gabi at di ito katulad ng mga nakalipas na mga linggo at buwan. Mas pinalamig ito ng kalungkutan. Pighati, yan ang aking nararamdaman. Paghihiganti, yan ang gusto kong makamtan. Kapayapaan, yan ang gusto kong maranasan.

Napatingin ako sa malawak na kalangitan. Walang kaulap-ulap at punong-puno ito ng mga nagkikislapang mga bituin. Bilog na bilog din ang buwan at dahil sa liwanag niya ay kitang-kita ko ang kalikasan. Napakapayapa ng gabi.

Nakakarinig din ako ng mga huni. Ang sarap ding pakinggan ng hanging humahaplos sa mga kakahuyan.

Sa gitna ng kalungkutang aking nararamdaman ay nakaramdam naman ako ng kapayaan, ng dahil sa kalikasan.

Ilang minuto rin ako ng nakatulala sa kalangitan, at ito ang nagbigay ng antok sa akin. Buti na lang ay pwede kong higaan tong aking batong inuupuan. Agad kong ipinwesto ang aking katawan sa pinakakumportableng posisyon. Nakaharap pa rin naman ako sa malawak na kalangitan at doon unti-unti na akong nahihimlay.

Nang papikit na ako ay biglang napukaw ang aking atensyon sa biglang pagliwanag ng madilim na kalangitan. Hindi ko gaanong madilat ang aking mata dahil sa sobrang silaw. Pero pinilit ko itong makita. Bigla ring humangin ng malakas at para ako nitong tatangayin. Napakalapit ng bulalakaw sa akin. Naramdaman ko rin ang init ng kanilang pagdaan. Gulat na lang ang aking naging reaksyon.

Hindi lang isa, hindi rin dalawa, kundi tatlong bulalakaw ang bumagsak sa isang kalupaan di kalayuan sa aking pwesto. Nakakabinging tunog ang ginawa nito matapos tumama sa lupa. Naramdaman ko ulit ang paghampas ng malakas na hangin kasunod ng nakakabinging tunog. Halos magsiliparan na ang mga punong kahoy na andito sa kagubatan at ang mga punong nasa di kalayuan ay tuluyang tumumba dahil sa hangin na dala ng pagbagsak ng mga bulalakaw.

Ako ay naalarma. Kinain ako ng aking kuryusidad. Ano ang dala nitong bato mula sa kalangitan?

Hindi naman ito kalayuan sa aming pinagpwestuhan pero hindi rin ito ganun kalapit kaya hindi rin kami gaanong naapektuhan. Tumakbo ako papunta sa pinagbagsakan ng mga bulalakaw. Habang papunta doon ay nagkalat ang mga kahoy na natumba na. May mga apoy rin na nagkalat sa paligid. Ang init, para akong susunugin sa lugar na ito. Nakabahag na lang ako kaya ramdam ko rin ang pagtulo ng aking mga pawis.

Ano ang dala nitong mga bulalakaw na nagmula sa kalawakan?

Baka may mga nilalang na nakasama sa bulalakaw na ito? Baka patayin nila ako? Baka mga halimaw ang dala nitong mga bulalakaw? Pero hindi ko malalaman kung hindi ko titingnan.

Binilisan ko pa ang aking takbo. Mabilis, na animo’y may humahabol sa akin. Kahit na maraming nagkalat na mga nakatumbang kahoy sa paligid ay di ko ito pinansin. Tinatalunan ko ang mga nakaharang sa aking daan. Iniiwasan ko naman ang aking hindi madadaanan.

Nang makalapit ako sa pinagbagsakan ng bulalakaw ay tumigil na ako kakatakbo. Kumuha ako ng isang patpat na may apoy sa dulo nito. Ito ang magsisilbing tanglaw ko na para bang isang sulo. Magsisilbi rin itong panglaban na para bang espada na may nagliliyab na mga bakal.

Pabilis na ng pabilis ang pintig ng aking puso. Hindi ko alam pero nanginginig na rin ang aking mga tuhod. Kahit na pawis ako ay naramdaman ko ang panglalamig ng aking katawan. Habang palapit ng palapit sa isang bulalakaw ay may takot akong nararamdaman. Pero kailangan kong malaman kung ano ang dala nitong mga to na mula sa kalawakan.

Humigpit ng humigpit ang paghawak ko sa dala kong patpat na pwede ring panglaban. Dahan-dahan na ang mga ginagawa kong paghakbang na tila ba ay ayaw kong may magising sa di kalayuan. Dahan-dahan lang, hanggang sa umabot ako malapit sa bunganga ng pinaghulugan ng bulalakaw. Naka-angat na ang lupa sa paligid nito at para bang isang malalim na hukay ang ginawa nito.

Hindi ko makita ang bato. Napatingin naman ako sa aking sulo, at ito ang aking inihagis para magkaroon ng liwanag sa ibaba ng aking pinagmamasdan. Pero ako ay nagtaka ng diretsyo lang itong tumama sa lupa!

Walang bato!

Walang bulalakaw!

Imposible!

Paanong may bumagsak kung wala namang tumama sa lupa?!

Ako ay mas binalot ng takot. Maaaring hindi lang bato ang dala nito, baka may buhay na rin itong nakasama.

Matapos kong tingnan ang una ay agad kong hinanap ang dalawa. Magkakalayo ang pwesto nila kaya ako ay nahirapan. Pero hindi rin ako nahirapan sa paghahanap sa dalawa pa at agad kong hinanap ang bunganga ng kanilang pagtama.

Walang pagkakaiba! Lahat ay walang dala! Walang bulalakaw o kahit na ano! Imposible!

Ako ay mas lalong na alarma. Binbalot na ako ng pangamba. Masama ang aking kutob. Maraming masamang mangyayari kung mananatili pa kami dito. Nararamdaman kong may nagbago sa aking tinatapakan. Nakaramdam ako ng galit at poot. Pero nawala din ito bigla ng makabalik ako sa loob ng kakahuyan.

Mabilis akong tumatakbo pero may nakikita na akong mga sulo sa bandang unahan ko. Mukhang titingnan din ng barangay kung ano ang meron, alam kong kinakain na rin sila ng kanilang kuryusidad.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status