Share

CHAPTER 3

CHAPTER 3: PALIGSAHAN

1744

Mag-iisang taon na kaming naninirahan dito sa panibago naming lupain.

Naging mapayapa naman ito at naging masagana ulit ang aming pamumuhay. Hindi na kami ulit nagkaroon ng balita sa mga Kastila na gustong pumaslang sa aming lahi. At simula ng mapadpad kami dito ay di na kami umalis muli.

Malaki na ang pagbabago ng buong kalupaan na siyang bulalakaw ang nagbigay sa amin. May malawak na kaming mga sakahan ng palay, at malawak na mga taniman ng mga prutas at gulay. May mga nagawa na rin kaming mga kulungan para sa mga baboy damo at para din sa mga alaga naming kalabaw. Marami na ring bahay-kubo ang nagkalat sa buong lupain pero sa amin ang pinakamalaking bahay-kubo dahil kami ang may kapangyarihan.

Ang mga buong lupain ay pagmamay-ari naming lahat, hindi lang ito para sa aming mga may kapangyarihan pati na rin sa kapwa namin mga kabarangay. Lahat kami ay may karapatan sa mga sakahan, taniman ng gulay at prutas, kagubatan kung saan kami ay nangangaso, pati na rin ang ilog at karatig na mga bundok. Lahat ng iyon ay pagmamay-ari namin dahil kami ang nakadiskubre sa lupaing ito.

Ang bawat kubo ay pagmamay-ari lang ng pamilyang may gawa nito at ito ang kanilang pribadong pagmamay-ari. Kung sino man ang magnakaw mula sa pagmamay-ari ng isa ay hahatulan ng kaparusahan na siyang Datu ang nagbibigay, si Ama.

Ang amin namang kasuotan ay hindi pa namin pinapalitan. Ang mga lalaki ay nakabahag pero may kanggan na pang itaas na may maikling manggas at kami rin ay may kamisang suot. Ang kasuotan naman namin ang nagsasabi kung anong klaseng kapangyarihan kami meron. Pag pulang kamisa ay ibig sabihin ay may mataas kang kapangyarihan. Yan ang suot ni Ama. Pag wala ka namang kapangyarihan ay itim o asul naman ang kulang ng kamisa. Ang mga kababaihan naman ay nakasuot na ng baro at saya pero mas kilala namin ito sa tawag na Patadyong.

“Ang lahat ng makakabalik na may dalang isang baboy damo mula sa kagubatan ay aking bibigyan ng parangal.”

Nagpupulong-pulong kaming lahat na mga kalalakihan na may matitikas na katawan para sa isang pagsubok pero para sa akin ay isa itong pagsasanay. Maigi akong nakikinig sa sinasabi ni Ama.

Si Ama o mas kilala bilang Datu Gul-ang, matapang, matalino, at malakas, yan ang kanyang mga katangian kaya siya hinirang na isang lider, na isang datu. Maputi na ang mahahabang buhok ni Ama at kitang-kita na rin ang kulubot sa kanyang mukha. Pero mapapansin pa rin ang kanyang malaking katawan na siyang dahilan din kung bakit katakot-takot na kalaban si Ama.

Ni minsan wala pang kumalaban sa kanya. May mga batuk rin si Ama sa kanyang katawan na siyang sumisimbulo sa kanyang kagitingan at katapangan.

Ang batuk ay nilalagay sa mga kalalakihang nagpakita ng tapang sa laban at ito rin ay bilang inisasyon sa pagkalalaki. Maraming batuk si Ama sa kanyang katawan at doon pa lang ay alam ko ng marami na siyang napanalong laban. Pero mas kapansin-pansin ang kanyang sugat na natama noong nakaraang taon nang makipaglaban sila sa mga Kastila. Nag-iwan na ito ng peklat sa kanyang balat. Isang sugat na pighati rin ang dulot sa amin.

Naalala ko ulit si Ina.

“Kayong makikisig na kalalakihan, kayo ngayon ay pupunta sa kagubutan para mangaso at ang tanging gamit niyo lang ay isang sibat, kung sino man ang unang makakabalik na may dalang isang baboy damo ay tatanghaling panalo! At ang premyo… ay ang paglalagay ng batuk sa inyong katawan na siyang sumisimbolo sa inyong kakisigan!”, ma-awtoridad na sambit ni Ama sa amin.

Napalingon ako sa aking mga katunggali at ako ay biglang kinabahan.

Mas malaki ang kanilang katawan kumpara sa akin, at may batuk na rin sa kanilang katawan, at isa lang ang ibig sabihin nun, sila ay nakaranas ng lumaban, sa totoong laban, isang digmaan.

Mukhang magiging madali na lang para sa kanila ang pagsubok na ito dahil may karanasan na sila. Ito ang una kong pagkakataon na mangaso pero dahil anak ako ng isang datu ay inaasahan nilang ako ang mananalo. Sampu kaming lahat na maglalaban-laban at lahat sila ay gustong-gustong manalo.

Nakikita ko sa kanilang mga mata ang uhaw ng pagkapanalo, ang matawag na isang magiting na mangangaso.

Hindi ko hangad yun, hindi ko gusto na may pinapatunayan sa mga tao. Pero kailangan kong gawin to dahil inaasahan nila ang kakayanan ko, lalo na at sa akin ililipat ang kapangyarihang maging isang Datu.

“Magsihanda na kayong lahat at kuhain niyo na ang inyong pinakamagagandang sibat, at sa pagsapit ng tanghali ay maguumpisa na ang ating paligsahan. Aasahan ko kayo mga magigiting na mandirigma!”

Agad silang bumalik sa kani-kanilang mga kubo at nagsihanda na para sa pangangaso na maguumpisa na mamayang tanghali.

Hindi ako bumalik agad sa aming kubo sa halip ay pinuntahan ko si Ama, para sabihin ang aking hinaing. Pagkalapit ko kay Ama ay agad niya akong tinapik sa balikat at sabay sambit, “Anak, alam kong ikaw ang mananalo sa paligsahang ito.”

Sa halip na mas mabuhayan ako ng loob ay mas pinanghinaan ako. Natatakot ako, hindi dahil takot ako sa baboy damo pero takot akong di maisakatuparan ang kanilang inaasahan para sa isang katulad ko. Huminga ako ng malalim at alam kong ramdam ni Ama ang aking pangamba kaya siya ay nagtanong at may halo itong pagtataka, “Ano ang gumugulo sa iyong isipan Anak? Natatakot ka ba na malagyan ng batuk sa iyong katawan?”

“Ito ang una kong pangangaso, wala akong karanasan dito kaya mataas ang posibilidad na ako ay matalo Ama,” nangangamba kong sambit kay Ama.

Tinapik niya ulit ako sa aking balikat at siya ay humalakhak, “Hindi mo kailangan ng karanasan sa pangangaso para manalo. Ang kailangan mo lang sundin ay ang iyong likas na lakas, tapang at talas ng pag-iisip!”

“Pero ama, paano kung hindi ako manalo? Paano kung hindi ako makahuli ng isang baboy damo? Paano kung hindi ako ang mauna? Paano na lang kung ako ay matalo? Kahihiyan yun para sa ating lahi, at ayaw kong mangyari yun”, nangangamba kong wika.

Tinapik ulit ako ni Ama sa magkabila kong balikat, at seryoso na siyang nakatingin sa akin.

“Huwag mong isipin na matatalo ka, ang isipin mo ay matututo ka. Wag na wag mong kakalimutinan iyan, Palan-taw.”

Nabuhayan ako sa sinabi ni Ama. Nawala ang pangambang aking nadarama dahil sa mga katagang ipinukol sa akin ni Ama. Buti na lang ay naiintindihan niya ako, at sapat na ‘yon para sa akin. Niyakap ko si Ama ng mahigpit na mahigpit at tinapik-tapik niya naman ako sa aking likod habang nakayakap sa kanya. Nang kumawala ako sa pagkakayakap sa kanya ay agad na rin akong tumungo sa aming kubo para makapaghanda na sa pangangaso.

“Gagawin ko ang aking makakaya, Ama” yan ang aking wika bago lisanin si Ama.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status