Share

Chapter 2

Allison POV

“Nakipag-away ka talaga, sis?” Bumulalas ng tawa si Cassandra matapos kong i-kwento sa kaniya ‘yong nangyari kanina. Pareho kaming nasa balkonahe ng kwarto ko at nagk-kwentuhan. Kasama ko siya dahil naisipan niyang dito na naman matulog.

“Oo!” Salubong ang kilay na sagot ko. “Kapag nakita ko siya ulit ituturo ko na siya sa ‘yo para malaman mo kung sino! Tama naman ang ginawa ko e, ‘diba? Imagine, nagpakahirap akong gupitin ang art papers ko para lang mabuo yung parts ng neuron! Tapos tatapunan niya lang ng juice? Makatarungan ba naman ‘yon?” Pakiramdam ko ay bumalik na naman ang inis na nararamdaman ko kanina.

Tanging tawa lang ang isinagot sa akin ni Cassandra.

Pumihit ako paharap sa kaniya at pinagkrus ang mga braso ko. “Sabihin mo nga sa akin, sis. Nag-iisip ba siya, ha? Ano sa tingin mo?” nakakunot ang noong tanong ko.

Humalakhak muna siya bago natatawang sumagot, “Baka naman natalapid lang talaga? Alam mo, ang sungit mo! Teka nga, gwapo ba?” Nakakaloko siyang ngumisi.

Napatitig ako sa kaniya at malalim na napaisip. Inalala ko na naman ang hitsura ng lalaking nakasagutan ko kanina sa tapat ng oval. Mas matangkad siya sa akin ng isang dangkal kaya kinakailangan ko pang tumingala. Malamlam ang kulay abo niyang mga mata na mas pinaganda ng mahahaba niyang pilik. Habang ang kilay ay simple lang kapal. Maputi rin siya kaya nakakapagtakang makita ko siyang nagmamaneho ng jeep. Para siyang anak mayama-

Oh my god!

“Sis!” hindi makapaniwalang napasigaw ako. Mukhang nagulat siya dahil bahagya siyang napaatras sa akin. Maang lang akong napatitig kay Cassandra.

“Problema mo?”

Napakagat ako sa labi ko. “Nahanap ko na ‘yong jeepney driver no’ng sinakyan ko! Siya ‘yong lalaking nakasagutan ko kanina!” aligagang sabi ko.

Bakit ba ang tanga ko? Kung kailan hindi ko na siya kaharap ay saka ko siya namukhaan!

Pero bakit nasa school namin siya?

Ang akala ko pariwara na siya at hindi nag-aaral kaya nagmamaneho na lang siya ng jeep para mabuhay. Idagdag mo pang ang dungis dungis ng suot niya noong araw na ‘yon? Pero malinaw ang nakita ko kanina! Nakasuot siya ng uniporme gaya ng sa amin kaya siguradong iisa lamang kami ng pinapasukang school.

“Hala! Talaga?!” gulat na tanong ni Cassandra.

Sunod sunod naman akong tumango.

Napasapo siya sa noo at natawa. “Puntahan natin siya bukas!” excited na sabi niya, humawak pa sa magkabilang balikat ko para yugyugin iyon.

Mabilis sumama ang mukha ko at lumayo sa kaniya. Nakanguso akong humalumbaba sa tuhod ko. “Ayoko! Bakit naman natin siya pupuntahan, ha? Crush mo na ba siya?” nang-aakusang tanomg ko at sinamaan siya ng tingin. “Ano ka ba naman, Cassandra! Sabi ko naman sa ‘yo, mag-aral ka na lang! Gusto mo pataasan na lang tayo ng grades, e!” Inirapan ko siya.

Wala pang nagiging boyfriend si Cassandra dahil puro fling ang ginagawa niya. Saka ayoko pa siyang magkaboyfriend. Paano kung matulad siya sa akin? Paano kung masaktan lang rin siya? Kapag nangyari ‘yon pareho kaming kawawa rito.

At sa hitsura noong lalaking nakaaway ko kanina, wala akong katiwa-tiwala. Hindi ako masungit sa iba at alam kong sa kaniya lang ako naging gano'n. May iba sa aura niya na kinaiinisan ko gayong dalawang beses ko pa lang siya nakikita. ‘Yong paraan ng pagtingin niya, nakakapag-init ng ulo!

Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil kakaiba ang dating niya. ‘Yong hitsura niya kasi, parang sanay na sanay nang manloko ng mga babae. Hindi ako sigurado pero ‘yon ang pakiramdam ko! Kaya dapat na ilayo ko sa kaniya si Cassandra. Hindi ko pa naman mabasa ang kaibigan kong ito. Paano kung ma-fall siya sa lalaking ‘yon?

No way!

“Allison!”

Narinig ang biglang sigaw ni Mama mula sa baba. Bumuntong-hininga ako at sinenyasan muna si Cassandra na manatili rito sa balkonahe. Pagkatapos ay dali-dali akong tumakbo sa baba para puntahan si Mama.

“Bakit po?”

Isinara ni Mama ang pintuan at humarap sa akin. Nagtaka ako nang iabot niya sa akin ang hindi kalakihang paper bag. Kumunot ang noo ko at tumingin sa kaniya, hinihintay ang kaniyang sasabihin.

“Hindi ko rin alam kung sino ang nagpabigay niyan! Basta na lang iniabot sa akin at ipinapabigay sa ‘yo,” sabi niya nang mapansin ang titig ko.

“Ha? Sino po?”

Saglit siyang napaisip. “Secret daw, e!” Tumawa si Mama. “Biro lang. Ang sabi no’ng lalaki, Jazzer daw pangalan niya. Tinanong ko, kasi hindi ko tatanggapin ‘yan hangga't hindi siya nagpapakilala. E, sino ba ‘yon?” Ako naman ang tinanong niya.

Ngumuso ako at tumingin sa paperbag na hawak ko. “Hindi ko po kilala. Baka secret admirer ko lang, Mama. Itapon mo na lang po,” balewalang sabi ko at ibinalik sa kaniya ang paper bag.

Sumama ang tingin sa akin ni Mama. Nagulat ako nang bigla niyang ibalik sa akin ang paper bag! Halatang hindi niya nagustuhan ang sinabi ko dahil kumunot ng husto ang kaniyang noo.

“Matuto kang mag-appreciate ng bagay-bagay. Hindi mo ba naisip kung paano siya nag-aksaya ng oras para lang ihatid sa 'yo ‘yan? Tapos ikaw, itatapon mo lang? Anak ng, hindi kita pinalaking ganiyan!” sermon niya sa ‘kin, bakas ang inis sa tono.

“Sorry po, hindi na mauulit.” Hindi na ako nakipagtalo pa sa kaniya.

Tumalikod na ako at naglakad paakyat sa kwarto ko nang sa gano’n ay hindi na humaba pa ang usapan. Nakita kong nakaupo na si Cassandra sa kama. Pabuntong-hininga rin akong naupo roon. Tumingin ako sa paper bag na hawak ko at napailing sa inis.

“Ano 'yan?” tanong ni Cassandra.

Binuklat ko ang paper bag at tiningnan ang laman noon. Bumungad sa akin ang pink na cartolina. Kumunot ang noo ko at napatitig doon. Cartolina? Ano naman ang gagawin ko rito?

Hinagis ko iyon sa sahig dahil sa inis. Habang ang paper bag na pinaglagyan noon ay malakas kong inihagis sa gawi ng banyo. Nagulat pa ako nang may kumalabog doon na parang may nabasag. Nakalimutan kong bukas pala ang banyo ng kwarto ko!

“Bakit mo tinapon?” takang tanong ni Cassandra at pinulot ang cartolina sa sahig. Hindi ko na lang siya pinansin, bagkus ay pabagsak na lang na nahiga sa kama. Ipinikit ko ang mata ko.

“Omg! Ganito ‘yong activity niyo, ‘diba? Ang ganda ng gawa mo! Kailan mo ‘to natapos? Ikaw, ha.”

Awtomatikong napamulat ang mga mata ko nang marinig ang sinabi ni Cassandra. Dali-dali akong bumangon at tiningnan ang tinutukoy niya. Umawang ang labi ko nang makita nga ang hawak niya! Binuklat niya iyon para mas makita ko ng maayos. Kinurap ko ang mga mata ko para masigurado kung totoo ba itong nakikita ko. Pero nakailang kurap na yata ako ay walang nangyayari. Totoo nga!

Namamanghang napatitig ako sa cartolinang iyon. Kumpara sa gawa ko kanina, higit na mas maganda ito. Halatang nilagyan ng effort ang pagkakagawa, may ilang disenyo pa sa mga gilid. Hindi ko alam pero kusa akong napangiti. Hindi ako makapaniwala.

“Sis, akin ba talaga 'to?” tanong ko at kinuha iyon sa kamay niya. “Oh my gosh, ang ganda! Kanino kaya ‘to galing? Pinapabigay lang daw!”

“Huh? Sino naman magbibigay niyan sa ‘yo?” takang tanong niya.

Natigilan ako at napaisip. “Nalimutan ko yung pangalan. Pero itanong mo na lang kay Mama," sagot ko. Tiniklop ko na ulit ang cartolina at maingat iyong ipinatong sa sidebed table ko.

“Infairness, ang ganda! Sana lahat, bes!”

“Madali lang naman ‘yan gawin.” Ngumuso ako.

“E, ‘di hindi ka na galit?” pang-aasar niya.

“Galit ba ako?”

Natulog na rin kami pagkatapos magkwentuhan saglit. Nagising na lamang ako dahil sa ingay ng bibig ni Cassandra. Kinusot ko ang mata ko at nakita siyang nakaupo sa dulo ng kama, nasa harap niya ang kapatid kong si Mateo na nakikipaglaro sa kaniya.

“Good morning,” mahinang usal ko.

Pareho silang napatingin sa akin pero hindi ako pinansin. Napalabi tuloy ako at tumayo na para pumunta sa banyo. Naghilamos muna ako. Ganito na talaga ako sa umaga, pagkagising na pagkagising ko ay maliligo na kaagad ako. Hindi ko kayang makita ang sarili ko pag bagong gising, magulo ang buhok at nagmumukhang dugyot. Kadiri!

Habang nagsasabon ako ng katawan ay pakanta kanta lang ako. Sa una, wala naman akong napapansing iba. Pero no‘ng nagsisimula na akong magbuhos ng katawan ay napatingin ako sa sulok ng banyo. May bagay akong nakita roon. Kumunot ang noo ko at lumapit para tingnan kung ano iyon.

Pero biglang nanlaki ang mata ko.

“Cassandraaaaaa!” malakas na sigaw ko.

Dali-dali kong kinuha ang towel ko para ibalot iyon sa katawan ko. Nanginginig akong lumabas ng banyo. Gulat na napatingin sa akin si Cassandra at napatayo pa sa kama.

“What happened? May nakita ka bang multo? Sabi ko na nga ba! Matagal ko nang—”

“Sis, ‘yong cellphone ko! Basag na ‘yong cellphone ko. Paano napunta sa banyo ‘yon? Anong gagawin ko?” naiiyak na sabi ko sa kaniya.

Napalitan tuloy ng inis ang kaninang gulat na nakaguhit sa mukha niya. “Ano ba naman, Allison! Akala ko kung ano na! Jusko, cellphone lang 'yan! Tapusin mo na 'yang paliligo mo, may sabon ka pa sa ulo.” Sinimangutan niya ako. “Mateo, tara na. Oa yang ate mo,” baling niya sa kapatid ko at hinila palabas ng kwarto.

Napasabunot ako sa inis at naiiyak na bumalik sa loob ng banyo. Napatitig pa ako sa cellphone ko bago tinapos ang paliligo.

Sabay ulit kaming pumasok ni Cassandra sa school. Dinala ko na rin ang cartolina na ibinigay sa akin kagabi ng stranger. Naalala ko na ulit ang pangalan niya. Jazzer. Sino kaya ‘yon? Kung sa akin niya sana iniabot iyon, baka nag thank you pa ako. Feeling ko, nerd siya. Bihira kasi sa lalaki ang magaling sa ganoon. Ang alam lang naman ng ibang lalaki, 'e, magpaiyak ng babae.

Pero ang isang ‘to, tutol ako ro’n. Ipupusta ko ang bahay namin! Mabait siya. Nitong nakaraan, hate na hate ko ang mga lalaki. Pero ngayon medyo nabawasan dahil may mababait din pala. ‘Yong 100 percent na galit ko sa kanila, 99 percent na lang ngayon.

“Ikaw na lang 'rin ang magreport, Allison!” Turo sa akin ni Kate pagdating ng science subject namin.

“Siya na nga ang gumawa, tapos siya pa ang magrereport?” nakangiwing sabi naman ni Adelene. Mga ka-groupmates ko sila. “Mahiya ka naman, babae!”

“Ako na.” Pigil ko sa kanila.

Halatang nagulat sila pero mas bakas ang tuwa. Inis ko lang silang inirapan. Wala naman akong kaibigan dito sa classroom namin dahil ayoko sa kanila. Tama na ang isa ang bestfriend ko. Pero marami rin akong ka-close, ang kaso ay pulos lalaki. Sabi kasi ni Cassandra, mas magandang kaibigan ang lalaki dahil hindi sila plastik. Hindi naman siguro sila maiinsecure sa amin, unless gay sila.

“So, here are the basic parts of neuron,” panimula ko habang nakaturo sa bawat parte ng cartolina. “This is the cell membrane...” tuloy-tuloy akong nagreport.

Worth it naman ang pagrereport ko dahil 96 ang nakuha naming grades. Kasama na ang sa paraan ng pagrereport ko. Kami ang pinakamataas kaya naman tuwang-tuwa ang mga ka-grupo kong walang ambag. Palihim ko lang silang inirapan.

Pero sa loob-loob ko, gusto ko ring makisaya sa kanila. Ito ang first time kong makuha ang pinakamataas nang ako ang leader. Big achievement para sa akin ang matalo ang top 1 namin! Ang sama tuloy ng tingin sa akin ni Zai. Pero nginisihan ko lang siya. Top 2 lang kasi ako, at ang hirap niyang talunin! Masyadong seryoso sa pag-aaral.

Habang naglalakad ako sa hallway ay palinga-linga lang ako sa paligid. Lunch break na namin kaya pupunta na ulit ako sa bleacher. Naupo na lang muna ako roon dahil wala pa si Cassandra. Nilabas ko ang notebook ko para may mapaglibangan.

“Natanggap mo ba?”

Napaangat ako ng tingin nang may magsalita sa harap ko. Pakiramdam ko ay umalab na naman ang inis sa buong katawan ko! Padabog kong ibinagsak sa gilid ko ang hawak kong notebook at tumayo. Ang lampang lalaki na ito na naman!

“Anong ginagawa mo rito?”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status