Share

CHAPTER 1

"Block all the exit," mariin at malamig na utos ng pinaka-kinatatakutang lider na si Tristan Mondragon. Isang mafia leader, CEO ng sarili niyang mining company, nagmamay-ari ng malalaki at prestihiyosong hotels, restaurants and bars, hindi lang dito sa Pilipinas, kundi maging sa labas ng bansa. Matapang at walang kinatatakutan, may matigas na puso at sa edad na beinte ay naulila na sa magulang, matapos mamatay sa liver cancer ang ama at depression naman ang ina. 

"Yes, boss!" sagot ng kanyang kanang kamay, "Narinig n'yo? Bantayan maigi ang labasan, baka mamaya matakasan na naman tayo ni Sebastian."

Nasa gitna sila ng syudad sa kalagitnaan ng gabi para i-raid ang isang hideout doon, matapos i-tip sa kanya ang nangyayaring pot session sa lugar. Hindi sila pulis para sa trabahong iyon, ngunit isa sa mga taong may malaking pagkaka-utang sa kanya ang mismong pakay niya. Ang taong iyon ang pinuno ng aktibidad na iyon. Matagal nang hindi nagpaparamdam sa kanya at madalas nagtatago.

"Boss, kailangan pa ba natin ang mga ito?" tanong ng isa sa tauhan habang nakatayo sa tabi ng ilang taong na-corner nila. Nakaluhod ang mga ito sa tabi, habang nagmamakaawa, at ang iba ay tila walang pakialam at tulala.

"Isang tao lang ang kailangan ko, ibigay mo sila sa dapat pagbigyan," walang emosyon na sagot ni Tristan. 

Mayamaya pa, lumabas ang ilang tauhan niya, habang nakatutok ang baril sa iisang lalaki na akay ng mga ito.

"Boss, narito na ang hinahanap mo!"

Blangko ang ekspresyon na nilingon ito ng boss. Kuyom ang kamao at malamig ang mga matang tinitigan ito.

"Kumusta, Sebastian? Kilala mo pa ba ako? Mukhang nagkakalimutan na yata tayo ngayon?" makahulugang bati ni Tristan.

"B-Boss, p-pasensya na. Medyo may inaayos lang ako nitong mga nakaraan kaya hindi ako makalapit sa 'yo. P-Pero wag kang mag-alala, hindi naman ako nakakalimot sa utang ko sa 'yo! B-Babayaran kita kasama ang tubo," tarantang sagot nito habang nanginginig.

"Tsk… tsk…" Iiling-iling na dumukot si Tristan ng sigarilyo at sinindihan iyon. "Ilang beses ka na bang nangako?" Sabay hithit sa sigarilyo. 

"B-Boss, pangako huli na ito. M-Magbabayad ako!" Lumuhod ito at nagmakaawa sa harapan ni Tristan.

"Sawa na ako sa pangako, Sebastian. Sayang naman ang capital ko sa 'yo? Kita mo na, ang laki ng pakinabang mo pero ano, tinataguan mo na ako ngayon? Mukhang nakalimutan mo yata kung ano ang patakaran ko sa mga taong tuma-traydor sa 'kin?"

"B-Boss, hindi! Nagmamakaawa ako! Bigyan mo pa ako ng sapat na panahon!" Tumatangong hiling nito.

"Sobra-sobra na ang panahon na binigay ko sa 'yo, Sebastian. Panahon na rin para maningil!" Idinampi ni Tristan sa palad nitong nakaangat ang stick ng sigarilyo.

"Ahh," Napasong sigaw nito, "B-Boss!"

"Alam mo bang inililibing ko ng buhay ang mga taong walang palabra de honor at traydor?"

"P-Pangako, b-boss, huli na ito!" Muli itong lumuhod at yumapos sa binti ni Tristan.

Mabilis naman lumapit ang tauhan ni Tristan at inilayo ito. Kaagad din itong tinutukan ng baril.

"Tapos na ang palugit na binigay ko sa 'yo, Sebastian. Kagaya ng sinabi ko sa 'yo n'on, maayos ako'ng kausap, kung maayos ang taong kausap ko," ani Tristan at sinenyasan ang tauhan niya bago humakbang palayo.

"B-Boss, maawa ka! May asawa ako, may anak!" sigaw nito. 

"Pakiusap, maawa kayo sa asawa ko!" Biglang lumapit ang asawa nito at niyakap si Sebastian. "Maawa kayo kay Domeng! Magbabayad kami, pangako! Bigyan n'yo pa kami ng pagkakataon!" umiiyak na sabi nito.

Huminto si Tristan at taaskilay na nagtanong, "Tapos na ang palugit ng asawa mo kaya wala na akong magagawa," Muling tumalikod at umalis.

Humabol ang babae at humarang sa harapan ni Tristan at lumuhod, "Pakiusap, kahit ano gagawin namin bigyan mo lang ng isa pang pagkakataon ang asawa ko," sumasamong sabi nito.

"Paano naman ako makakasiguro na hindi n'yo na ako pagtataguan ulit?"

"May anak kaming babae, siya. Tama, siya ang ibibigay ko sa 'yo kapag hindi kami nakapagbayad sa pagkakautang namin sa 'yo!" biglang sabi nito.

Naningkit ang mga mata ni Tristan bago napailing, "Anak mong babae? Ginang, hindi ako interesado sa babae. Isa pa, hindi ko na kailangan maghanap n'on dahil kaya kong kunin kapag kailangan ko. Aanhin ko naman ang anak mo? Isa pa, magulang ka pero magagawa mong ibigay ang anak mo para pambayad-utang?" Natatawa at hindi makapaniwalang sabi ni Tristan. "Pera ang kinuha n'yo kaya pera ang kabayarang hanap ko! Tandaan n'yo yan! Sige, para fair naman, bibigyan ko kayo ng dalawang linggo para makabayad, pagkatapos n'on pasensyahan na lang!" Tumalikod ito at sinenyasan ang tauhan na lubayan ang mga ito. 

"S-Salamat! Asahan mo magbabayad kami!" Tumatangong sabi ng ginang. Walang salitang iniwan ito ng grupo ni Tristan.

"Bakit mo ginawa 'yon? Hindi mo ba alam na delikado?" sita ni Sebastian sa asawa nito. 

"Iyon lang ang alam kong paraan baka sakaling maawa pa sa atin,"

"Pero kahit na ano'ng gawin natin, hindi na natin mahahanap pa ang perang kailangan nating ibayad sa kanya!" 

"Gagawa tayo ng paraan. Alam kong malalampasan natin ito. Tama, si Kiara, siya ang sagot sa problema natin,"

"Ano na naman ba 'yang iniisip mo? Nahihibang ka na ba? Wala rito ang anak mo at malabong umuwi 'yon dito." 

"No, kailangan natin siyang pabalikin dito sa kahit ano'ng paraan. Siya lang ang makapagsasalba sa atin," desperadang sagot nito.

"Nakalimutan mo na bang halos isumpa na niya ang mamalagi rito?"

"Matagal na panahon na iyon kaya maaaring naka-move on na s'ya. Kailangan lang natin mag-isip ng maayos na dahilan. Iyong kapani-paniwala para bumalik siya rito." Paroo't parito na sabi nito.

"Kilala mo ang batang 'yon. Hinding-hindi madaling mapaniwala. May sariling paninindigan."

"Alam ko, pero iba kapag kapakanan ng magulang na ang pag-uusapan," pursigidong tugon ng ginang.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kunotnoong tanong ng asawa.

"Basta ako'ng bahala. Siya na lang ang natitira nating bala sa ngayon. Huwag ka nang magtanong at sumabay ka na lang! Alalahanin mo, kundi sa akin, baka malamig na bangkay ka na ngayon!" asik nito sa asawa.

"Kung hindi rin naman sa akin, hindi mo na rin magagawa ang luho mo! Isa pa, narinig mo naman si Mondragon, hindi siya interesado sa anak mo," tugon naman ng lalaki. Sinamaan ito ng tingin ng ginang. 

"Wala ako'ng pakialam, ang mahalaga masagip niya tayo sa problema natin!"

"Sa tingin mo ba papayag ang anak mo kapag nalaman niya ang problemang tinutukoy mo?"

"Pwede ba, gamitin mo naman 'yang kukote mo! Natural, hindi natin sasabihin sa kanya, hanggang hindi siya nakakabalik dito!" inis na sagot ng ginang. 

Ang malaking halaga na pagkakautang nito kay Tristan ay napupunta lamang sa luho at bisyo nilang mag-asawa. Mahilig sa casino at madyungan ang babae, samantalang mahilig naman sa bawal na gamot ang lalaki. Walang alam ang anak nito na si Kiara sa kanilang bisyo, maliban sa kanilang panganay na anak na palaging nakasuporta sa kahit ano'ng gusto nila. Sa halip na makabayad ay lalo pang nabaon sa utang ang mag-asawa, dahil sa pagkalulong sa hilig at bisyo.

**************

"BOSS, magandang balita, ngayon ang arrival ng taong hinihintay natin." balita ng tauhan ni Tristan, habang abala siya sa paglalaro ng chess isang umaga.

"Mabuti, maghanda kayo at so-sorpresahin natin s'ya." walang emosyong sagot ni Tristan. "Ano'ng oras ang lapag ng sinasakyan n'ya?"

"Exactly 3:00 pm, boss!" 

"Good, alam n'yo na ang gagawin," 

"Yes, boss!"

Relax na itinuloy ni Tristan ang paglalaro ng chess, hanggang sa manalo siya. Sa isip niya ay isang laro na naman ang sisiguraduhin niyang maipapanalo niya ngayon.

"Nakahanda na ang sasakyan, boss!" sabi nang bumungad na tauhan.

Tumayo siya at dinampot ang kanyang coat sa ibabaw ng sopa at naghandang lumabas. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status