Home / Romance / A Woman's Unparalleled Love / Chapter 5 - A Decision Must Be Made

Share

Chapter 5 - A Decision Must Be Made

Ang mga araw ay naging linggo, hanggang sa naging buwan, kasabay niyon ang unti-unting paglaki ng tiyan ni Airith. May mga araw na bumibisita sila ni Clara sa lokal na doktor na siyang kumukumpirma sa mabuti niyang kalusugan pati na ang bata sa kanyang sinapupunan.

Ang maliit na bayan na iyon na may sariling ritmong nakasanayan na niya katulad ng dati. Unti-unti ay natututunan niyang magsimula kasabay ng mga simpleng gawain sa pang-araw-araw katulad na lamang ng pagtulong niya kay Clara sa mga gawaing bahay. Higit sa lahat ay ang nakahiligan niyang gawin tuwing hapon: ang pagdidilig at pag-aalaga ng halaman na kay Clara niya lang din natutunan. Sa gabi naman ay nauupo lang siya sa hardin na iyon sa ginawa ni Hector na kawayang upuan, makikinig ng mapayapang tunog ng mga tuyong dahon na tinatangay ng hangin at huni ng mga kuliglig. Tatanaw sa naggagandahang bituin sa kalangitan at paminsan-minsang kumakanta habang sapo ang kanyang tiyan.

Isang dapit-hapon, habang pinagmamasdan nila ang papalubog na araw, nilingon siya ni Clara na katabi niyang nakaupo sa kawayang upuan. "Alam mong hindi gano'n kamapagpatawad ang iyong ama na katulad ng iyong inaakala," sambit nito sa malamyos na boses. "Kailangan mo nang ipaalam sa kanya ang tungkol diyan sa lalong madaling panahon. Karapatan niya ring malaman na magkakaroon na siya ng apo."

Nagpakawala ng mababaw na pagbuntong hininga si Airith, nakatitig lamang siya sa pinagsamang kulay kahel at malarosas na kalangitan. "Alam ko po 'yon," marahang tugon niya, walang kasiguraduhan sa boses niyang iyon. "Pero natatakot ako sa maaari niyang sabihin at maaari niyang gawin."

Alam niya kung anong kayang gawin ng kanyang ama. Natatakot siya hindi lang para sa kanyang sarili, kung hindi ay sa kung anong maaaring gawin nito sa pamilya Vergara. Ang kanyang ama ang siyang pikamakapangyarihang negosyante sa kanilang syudad. Langgam lang ang pamilya Vergara kumpara sa kapangyarihang meron ang kanyang ama. Isama pang meron itong hindi makontrol na galit.

Naramdaman niya ang pagdampi ng kamay ni Clara sa kanyang kamay. Nilingon niya ito. "Matapang kang babae, hija. Kailangan mo nang harapin ang iyong ama bago mo pa man isilang ang anak mo." Humigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay. "Magagalit siya, oo, pero mahal ka niya. At maunawaan niya ang sitwasyon mo."

Ang mga salitang iyon ni Clara ay nagbigay ng pag-asa sa kanya na baka nga maintindihan ng kanyang ama ang kanyang kalagayan, na baka tumayo ito sa kanyang tabi at gabayan siya sa pagpapalaki ng kanyang anak.

Pero nanlalaban pa rin ang takot at pangamba sa kanya. "Paano po kung hindi?" bulong niya, ang pag-aalala niyang iyon ay gumuhit na sa kanyang mukha.

Ang ekspresyon sa mukha ni Clara ay mas lalo pang naging determinado kumpara sa mga nauna nitong pangungumbinsi sa kanya. "Mabait na tao si Arthur, alam mo rin 'yon. Gagawin niya kung anong tama." Pinagmasdan siya nito na para bang hinahanapan siya ng pag-aalinlangan upang tanggalin iyon. "Kailangan mong sabihin sa kanya ang tungkol sa sitwasyon mo. Hindi mo pwedeng dalhin ang bigat ng responsibilidad na 'yan nang mag-isa. Kakailanganin mo ang tulong ng iyong ama."

Napatango nalang si Airith habang may namumuong luha sa kanyang mga mata. Alam nyang tama si Clara, pero ang isiping harapin ang galit ng kanyang ama ay talagang nakakatakot.

Ang reputasyon ng pamilya Almazan ay itinayo nang may dangal at tradisyon. Binasag niya lang naman ang napagkasunduang kasal ng kanyang ama at ng dating pinuno ng pamilya Vergara. Pagkatapos niyon ay nilisan niya pa ang pamilya Vergara tangay-tangay ang anak nila ni Sebastian. Sigurado siyang parehas siya at ang pamilya Vegara ang malilintikan.

"Kailan mo balak makipagkita sa'yong ama?" malumanay na tanong ni Clara.

Humugot si Airith ng malalim na paghinga bago tumugon. "Hindi ko po alam," pag-amin niya. "Kailangan ko pa po ng kaunti pang oras upang alamin kung paano ko siya haharapin."

Tumango-tango si Clara kasabay ng pagtapik-tapik sa kanyang kamay. "Gamitin mo ang oras na kailangan mo, hija. Pero 'wag mo nang patagalin. May paraan ang mga sekreto upang kusang mabunyag. Siguradong mas hindi mo gugustuhing sila ang gumawa ng paraan para sa'yo."

Pinagmasdan ni Airith ang mabait at nakangiting mukha ni Clara. Naunawaan niya ang ibig nitong sabihin. Pinahid niya ng kamay ang luha sa kanyang pisngi at sumilay ang determinasyon sa kanyang mukha.

Sumunod na linggo, kasama ang naipong lakas nang loob na pinag-ambagan nila ni Clara, napagdesisyunan niyang bumalik sa bahay ng kanyang ama. Kasama niya si Clara na bumyahe sakay ng taxi patungo sa kanilang mansyon. Gabi na nang makarating sila roon at sinalubong sila ng ilang security personnel. Napayuko pa ang ilan sa mga ito nang makilala si Airith lalo na ang mga matatagal nang naninilbihan sa kanyang ama, kasabay nang malugod na pagpupuri nang mapansin ang nakaumbok niyang tiyan.

Mas humigpit pa ang pagkakakapit ng isa niyang kamay sa laylayan ng suot niyang bistida, pilit na pinapakalma ang sarili habang nakatingin sa napakalaking mansyon. Kay raming alaala kaagad ang nagsibalik sa kanyang isip, nanlalaban ang pakiramdam na hatid niyon sa kabang kanina pa bumabalot sa kanyang dibdib.

Nilingon niya si Clara, nginitian siya nito na sinundan ng pagbaba-taas ng ulo upang mas palakasin pa ang kanyang loob, sinasabing nandito lang ito sa kanyang tabi anuman ang mangyari.

Makalipas ang ilang saglit na pag-aalinlangan, tuluyan silang pumasok sa napakalaking pintuan. Agad na iginala niya ang kanyang paningin sa napakalawak na bulwagan. Ang mga mamahaling gamit na nakadisplay sa may bawat sulok niyon ay nagbibigay ng kahulugan ng tunay na karangyaan dahil sa malagintong kinang na nililikha ng mga iyon sa tulong ng liwanag ng naglalakihang aranya.

Simula nang magkolehiyo siya ay bihira lang siyang makauwi rito, madalas ay tuwing bakasyon. Sa laki ng bahay nilang iyon ay silang dalawa lang ng kanyang ama ang nakatira doon kasama ang mga tagapagsilbi. Namatay ang kanyang ina sa sakit bata palang siya kaya simula noon ay si Clara na ang tumayo niya bilang nanay na siyang nag-aasikaso sa kanya sa lahat ng bagay lalo pa't abala ang kanyang ama sa negosyo.

Pigil ang hininga ni Airith nang makita ang pagtitipon-tipon ng mga katulong sa kanyang harapan upang magalang at malugod siyang salubungin. Inaasahan na ng mga ito ang kanyang pagdating. Sa pangunguna ni Jordan, ang kanilang family Butler na mas matagal pa kaysa kay Clara na naninilbihan doon, sabay-sabay na nagsiyuko ang mga ito. "Maligayang pagbabalik, Mrs. Vergara," Ang sabay-sabay na pagbigkas ng mga ito ay umalingangaw sa bulwagan.

Hindi man lang niyon nabawasan ang kabang nararamdaman ngayon ni Airith, sa halip ay nagdulot pa iyon ng muling pagdurugo ng sugat sa kanyang puso na pinaghirapan niyang pahilumin sa loob ng ilang buwan. Nakikita niya sa mata ng ilan sa mga ito ang papuri sa kapansin-pansing pagdadalang tao niya, lingid sa kanilang kaalaman na kaakibat niyon ang isang napakabigat na pakiramdam.

'Mrs. Vergara,' naisip niya. 'Talaga bang walang kaide-ideya si Papa sa nangyari sa'min ni Sebastian?'

Sa puntong iyon, sa tuktok ng maluwang at napakahabang hagdan na gawa sa marmol, nakita niyang nakatayo ang lalaking may malawak na ngiti sa mukha. Wala itong kaalam-alam sa paparating na balitang dala niya. Ang nasasabik nitong mukha, kasabay ng maawtoridad na presensya, ay unti-unting tinahak ang pababa ng hagdan. Bawat hakbang na iyon ni Arthur ay may kalakip na karagdagang paglakas ng kabog ng dibdib ni Airith.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status