Home / Romance / A Woman's Unparalleled Love / Chapter 4 - A Comfort From So-Called Home

Share

Chapter 4 - A Comfort From So-Called Home

"Mapaglaro talaga ang tadhana, hindi ba?" bulong na tanong ni Airith sa bakanteng upuan sa kanyang tabi, kasalukuyan siyang sakay ng bus. Ang mapupungay niyang mata ay kakikitaan ng lungkot na maaaninag sa repleksyon ng mamasa-masang salamin ng bintana.

Pagkatapos ng masalimuot na gabing iyon, madaling araw palang ay napagdesisyunan niya nang lisanin ang bahay ng pamilya Vergara. Hindi na siya nagpaalam. Alam niya rin namang wala silang pakialam at baka nga ikatuwa pa nila ang ginawa niyang iyon.

Napatitig siya sa labas ng bintana, pinagmamasdan ang bawat gusali, imprastraktura at mga punong nadaraanan ngunit parang tumatagos sa mga iyon ang kanyang paningin. Ramdam niya ang lamig ng upuang gawa sa katad sa pamamagitan ng kanyang palad habang ang kanyang mga daliri ay abala sa pagtapik doon kasabay ng hindi panatag na pagkabog ng kanyang dibdib.

Binabalot ang kanyang isip ng napakabigat niyang desisyon. Dalawang linggo na siyang buntis simula nang may nangyari sa kanila ni Sebastian, aksidenteng pangyayari kumbaga. Wala ni isa man ang nakakaalam sa pamilya Vergara kahit na mismo si Sebastian, na sigurado siyang gustong malaman iyon. Pero ibang usapan na ang maaari nitong gawin kapag nalaman nito ang tungkol doon.

Nalubak ang bus na siyang nagpahinto ng kanyang malalim na pag-iisip. Kusang pumatong ang kanyang palad sa ilalim ng kanyang tiyan na para bang pinoprotektahan iyon. Ang pakiramdam ng pagkahilo ay umaakyat sa kanyang lalamunan na mas lalo pang pinatindi nang manuot sa kanyang ilong ang amoy ng gasolina. Ipinikit niya nalang ang kanyang mata at sinubukang makatulog.

Sa muli niyang pagdilat, nagbago na ang tanawin sa labas ng bintana. Pamilyar na sa kanya ang manilaw-nilaw at berdeng kapaligiran. Paminsan-minsang may nadadaanang mga bahay na agwat-agwat ang distansya, ang ilan pa ay gawa sa anahaw ang bubong.

Mahigit isang taon na rin ang nakalipas mula nang lisanin niya ang lugar na ito. Nakakapanibago pero sa parehong pagkakataon ay nakakaramdam siya ng kaginhawaan sa papalapit na papalapit na pagdating niya sa kanyang destinasyon. Huling nandito siya ay noong kolehiyo pa siya, nakatira sa simpleng maliit na bahay kasama ng pamilya ng dati nilang katulong na si Clara.

Parang pangalawang nanay na ni Airith si Clara, laging naroon habang may hawak na tasa ng tsaa kapag kailangan niya ito. Pinapayapa siya ng alaala nilang iyon. Napagdesisyunan niyang doon muna umuwi sa bahay nito, ang tanging taong kailangan niya sa ngayon na siyang makakaintindi sa kanya nang walang paghuhusga.

Nang huminto ang bus sa maliit na bayan kung nasaan ang bahay ni Clara, nakaramdam si Airith ng pinaghalong galak at pangamba. Bumaba siya ng bus, nangangatog pa nang bahagya ang kanyang mga tuhod dahil sa naging byahe. Tumambad sa kanyang paningin ang parehong maliit na pamilihan, ang parke na minsan ay kung saan siya nag-aaral noon, ang simbahan kung saan dumadalo sila ng simba ni Clara tuwing linggo. Lahat ng iyon ay naghatid sa kanya ng pakiramdam na matagal niya nang gustong muling maranasan.

Hinanap ng kanyang paningin ang kinaroroonan ng bahay nina Clara. Nang matagpuan ito, naramdaman niya ang pagluwag ng buhol sa kanyang tiyan. Katulad pa rin ito ng nasa alaala niya, isang munting dalawang palapag na bahay na pinapaligiran ng puting bakod na gawa sa pininturahang kawayan. Marahan niyang tinungo iyon, bawat hakbang ay sinasabayan ng kakaibang pakiramdam habang iniensayo sa isip ang kanyang sasabihin.

Pagkapasok niya sa tarangkahan ay nakita niya sa tabi ng bahay ang maliit na hardin na inaalagaan nang husto ni Clara. Ang mga bulaklak ng mga halaman doon ay parang sinasalubong ang kanyang pagbabalik sa bahay na iyon.

Kasabay ng pagpapakawala niya ng malalim na buntong hininga, buo ang loob na tumayo siya sa harap ng luma at kahoy na pintuan. Pero bago pa man siya makakatok ay naunahan na siya ng pagbukas niyon, bumungad doon ang nagulat na mukha ni Clara. "Airith?" naiusal nito habang namimilog ang mga mata. "Anong ginagawa mo rito?"

Napalunok nang husto si Airith habang ang kanyang isang kamay ay nakadampi sa ilalim ng kanyang tiyan. "Wala akong ibang mapupuntahan," wika niya sa medyo namamaos na boses. "Kailangan ko ng makakausap, at wala na akong ibang maisip na pwedeng malapitan."

Saglit na siniyasat ng nagitlang mukha ni Clara si Airith pagkatapos ay may pag-aalalang pinagmasdan siya sa mata. "Pasok ka," sambit nito pagkatapos ay gumilid upang patuluyin siya.

Ang loob ng bahay ay may nakakaginhawang init na katulad pa rin ng dati, bumabalot iyon sa kanyang katawan na parang kumot. Ang amoy ng nilulutong pagkain ay humahalimuyak mula sa kusina.

Naupo siya sa sala. Maliit lang iyon pero napakakomportable. Sa tapat ng luma pero malilinis na sopa ay ang maliit na TV na ginagamitan lang ng antena upang mapanoodan. Sa gitna ay ang maliit na mesa na gawa sa kawayan at kahoy. Ang daming memoryang nagbalik habang iginagala niya ang kanyang paningin.

Bumalik si Clara na may dalang tasa ng tsaa. "Inumin mo muna 'to, hija."

"Salamat po." tugon niya lang habang may bahagyang pagngiti.

Narinig niya ang mababaw na pagbuntong hininga ni Clara, nasa mukha nito at nakapinta ang pinagsamang pagtataka at pag-aalala. "Anong nangyari?" tanong nito.

Ipinatong muna ni Airith ang hawak niyang tasa sa mesa saka nagsimulang ipaliwanag ang mga nangyari nang walang pag-aalinlangan, lalo pa't alam niyang pakikinggan siya nang husto ni Clara. Ikwinento niya rito ang mga paghihirap niya sa pamilya Vergara, ang lamig ng pagsasama nila ni Sebastian, at ang nangyaring paghihiwalay nila kagabi. Sinundan iyon ng malayang pagpatak ng kanyang luha, walang halong pagpipigil.

Marahang hinila ni Clara ang kanyang kamay papalapit sa hita nito at pinisil iyon. Mapupuna sa medyo may edad nitong itsura ang awa sa kanya habang nasa kalooban ang galit sa pamilya Vergara.

Saglit na humito si Airith sa pag-iyak, pinahid ng kamay ang namumulang mata at pisngi, pagkatapos ay tiningnan sa mata si Clara. Nagulumihanan si Clara sa tingin na iyon ni Airith.

"'Wag kang mag-alinlangang ilabas lahat ng saloobin mo, makikinig ako." wika nito na sinabayan ng matamis at nakakaginhawang pagngiti. Nababasa nitong meron pang gustong sabihin si Airith.

Kasunod ng malalim na pagbuntong hininga, sinabi ni Airith ang tungkol sa kanyang pagbubutis. Sinabi niya rin na hindi iyon alam ng pamilya Vergara at wala siyang planong ipaalam sa kanila ang tungkol doon.

Saglit na natigilan si Clara, sinundan iyon ng gulat na ekspresyon ng mukha nito. Sa kabila niyon ay sinuportahan pa rin siya nito at sinabing tama lang ang kanyang ginawang iyon. Kung hindi talaga siya mahal ni Sebastian ay mas mainam na ilihim niya rito ang tungkol sa kanilang anak.

Mas lumambot pa ang ekspresyon sa itsura ni Clara. "Hindi ka nag-iisa, hija. Kasama mo ako sa pagharap mo nito at nandito lang kami ng tatay Hector mo. Susuportahan ka namin sa anumang desisyon mo." Saglit itong huminto, ang kanyang tingin ay dumako sa sinapupunan ni Airith. "Magiging ina ka na, isa 'yang... napakagandang bagay at hulog ng langit."

Muling napuno ang mata ni Airith ng luha dahil sa sinabi ni Clara. Pagkatapos ng isang taong paghihirap na dinanas niya sa pamilya Vergara, at sa piling ng kanyang malamig na dating asawa, ay heto siya ngayon at bitbit ang gantimpala na siyang magdudulot sa kanya ng panibagong pag-asa sa buhay. Ang pag-asang muling bumangon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status