Home / Romance / A Woman's Unparalleled Love / Chapter 6 - A Memory Of Pain

Share

Chapter 6 - A Memory Of Pain

"Bakit hindi mo man lang ipinaalam sa'kin ang nangyayari sa'yo sa loob ng isang taon, Airith?" Umalingawngaw sa kabuuan ng kwarto ang boses ni Arthur kung nasaan sila ngayon. Mapapansin din ang pagbakas ng ugat nito sa may sintido nito na naglalarawan kung gaano ito kagalit ngayon. "Isang buong taon?" mariin pa nitong dugtong.

Hindi mapakali si Airith sa pagkiskis ng kanyang isang palad sa kanyang hita habang nakasapo sa sinapupunan ang isa. Nakaupo lang siya sa kama habang tinatanggap ang panenermon ni Arthur.

"S-Sir Arthur, kalmahan niyo lang po ang sarili niyo. Maaaring maapektuhan po ang ipinagbubuntis ng anak ninyo." malumanay na saad ni Clara, nakatayo lang ito malapit sa may pinto habang may pag-aalala sa itsura.

Narinig nila ang malalim na pagbuntong hininga ni Arthur. "Ang mga siraulong pamilyang iyon," bulong nito, partikular na nakatingin kay Clara. "Anong karapatan nilang ganituhin ang anak ko?"

Muli, hindi umimik si Airith sa sinabing iyon ni Arthur. Ayaw niya lang magsabi ng kung anong salita na maaaring magpalakas pa ng naglalaglab na apoy sa damdamin ni Arthur. Lahat ng maaaring sabihin niya ay puro masasamang balita ng mapait niyang nakaraan.

"Ano na ngayon ang plano mo? Pagkatapos mong magpabuntis ay pumayag kang makipaghiwalay sa'yo ang gagong Sebastian na 'yon?"

Napayuko nalang si Airith. Inaalala niya ang nangyari sa kanila ni Sebastian na dahilan ng pagbubuntis niya ngayon. Isa lamang iyong aksidente.

Isang gabi ay umuwi si Sebastian noon na lasing na lasing. Inalalayan niya itong makapasok sa kwarto nito at pagkatapos ay inihiga sa kama. Papaalis na sana siya noon ng kwarto nang hawakan nito ang kanyang kamay at hinila siya paupo sa kama.

"Saan ka na pupunta? Iiwan mo na ba ako?" tanong ni Sebastian, ang mukha nito ay pulang-pula dahil sa kalasingan. Naupo ito.

Ang amoy ng alak na nagmumula sa bibig nito ay nagdulot ng sensasyon ng pagdaloy ng kakaibang kemikal sa utak ni Airith na nagdudulot ng saglit niyang pagkagalak. Saglit siyang natahimik habang pinagmamasdan ang asawa.

"Bakit hindi ka nagsasalita?" tanong ulit ni Sebastian, hinawi nito ang buhok na nakaharang sa kanyang mukha.

Nabigla si Airith sa ginawang iyon ni Sebastian, bumilis ang kabog ng kanyang dibdib at sa madilim na kwartong iyon ay hindi mahahalata na pinamumulahanan siya ng pisngi. Sa unang pagkakataon ay nagawa ni Sebastian na pagmasdan siya nang tila may sinseridad sa mata.

Tumikhim siya, pilit na pinapakalma ang sarili. "Magpahinga ka na, babalik na ako sa kwarto ko." wika niya lang. Inisip niyang baka pinagti-trip-an lang ni Sebastian ang kanyang damdamin.

Mas lalo pang humigpit ang pagkakahawak ni Sebastian sa kanyang kamay, ayaw siya nitong pakawalan. "Bakit? Pwede naman tayong matulog nang magkasama ah."

Dahil sa sinabing iyon ni Sebastian ay mas tumindi pa ang pamumula ng kanyang pisngi. Pero sa kabila niyon ay inisip niya nalang na baka dahil iyon sa kalasingan nito kaya nito nasasabi iyon.

Hindi ito ang unang beses na umuwi ito nang lasing. Nawawala ang pagiging malamig na personalidad nito kapag lasing ito. Pero ito ang unang beses na nalasing si Sebastian na naging malambing sa kanya.

Aktong tatanggalin na sana ni Airith ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay nang muli itong magsalita na ikinatigil niya.

"I miss you," sambit nito sa malambing na tono.

Ang kabog ng dibdib Airith ay mas bumilis pa habang pinagmamasdan ang gwapong mukha ni Sebastian. Gusto niyang kontrolin ang kanyang sarili at huwag paniwalaan ang sinabi nito. Kahit na mag-iisang taon na silang mag-asawa ay ni minsan hindi nito nagawang magparamdam ng kalambingan.

Pero paano kung sa puntong iyon ay bukal nga sa damdamin nito ang sinabi nito? Paano kung sa kabila ng pagiging malamig nito ay mahal talaga siya nito?

Ang sumunod na nangyari ay mas lalo pa niyang ikinagulat nang yakapin siya nito. "I really miss you," sambit nito sa garalgal na boses na para bang naiiyak ito.

Dahil doon ay lumambot ang puso ni Airith. Wala siyang pakikialam kahit na nagsisinungaling pa si Sebastian. Niyakap niya ito pabalik.

"Anong sinasabi mo? Nandito lang naman ako parati sa tabi mo. Ikaw lang 'tong ayaw akong kausapin." wika niya sa marahang boses. Sumilay rin ang matamis na ngiti sa kanyang labi. Umaasang ang kalasingang iyon ni Sebastian ang nagpatanto rito kung gaano siya kaimportante sa buhay nito.

Mas lalo pang gumaan ang damdamin ni Airith nang ngumiti ito pabalik. Saglit silang nagkatitigan na para bang parehas na pinapakiramdaman ang tibok ng puso ng bawat isa. Kasabay ng pag-ihip ng hangin sa nakabukas na bintana ay ang unti-unting paglapit ng labi ni Sebastian kay Airith.

Naglapat ang kanilang mga labi. Sa una ay kalmado lang iyon. Lasap na lasap pa ni Airith ang lasa ng alak sa labi ni Sebastian. Mas lalo siyang nakaramdam ng pagkasabik.

Ang sumunod na nangyari ay inihiga ni Sebastian si Airith sa kama. Mapusok ang bawat paghalik nito na sinasabayan rin naman ni Airith. Iyon ang ikalawang beses na naghalikan sila na huli nilang ginawa ay noong ikasal sila. Ilang segundo sila sa ganoong estado.

Saglit na huminto si Sebastian upang hubarin ang suot nitong t-shirt at lumantad sa harapan ni Airith ang magandang hubog ng katawan nito. Pagkatapos niyon ay muli nitong hinalikan si Airith. Napapikit nalang si Airith habang dinarama ang ginagawang iyon ni Sebastian.

Ang mga sumunod pang nangyari, ang panandaliang sayang naidulot pagkatapos ng kanilang p********k ay napalitan ng matinding sakit at kalungkutan dahil sa binigkas ni Sebastian.

"Sana dito ka nalang Geraldine, 'wag ka nang umalis."

Paulit-ulit na umalingawngaw iyon sa isip ni Airith kasabay ng paulit-ulit na pagtusok ng karayum sa kanyang dibdib. Si Geraldine ang dating kasintahan ni Sebastian noong kolehiyo sila. Hindi niya akalain na noong gabing iyon ay si Geraldine pala ang nasa isip nito at inakalang siya ang babaeng iyon. Doon lang nalaman ni Airith na hanggang ngayon ay mahal pa rin ni Sebastian si Geraldine.

Dumaloy ang luha sa pisngi ni Airith dahil sa pait ng alaalang iyon. Ang mas masakit pa ay nabuo lang ang anak nila nang dahil sa pagkakamaling iyon.

Pinutol ang pagninilay na iyon ni Airith nang magsalita si Arthur. "Sisiguraduhin kong pagbabayaran nila ang ginawa nilang ito sa'yo. Sinira nila ang kasunduang ginawa namin ni Lord Agustin. Nararapat lang silang maparusahan. Sigurado akong maiintidihan ni Lord Agustin ang gagawin ko sa kanyang pamilya." sambit nito sa nagbabantang tono.

Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Airith. Ito na nga ba ang ikinakatakot niyang mangyari. "Papa pakiusap, 'wag mo silang paghigantihan. Ako ang pumili ng kapalaran kong iyon. Kung hindi ako nagpakabulag sa pagmamahal ko kay Sebastian, noon pa man ay pumayag na sana ako sa gusto nilang mangyaring paghihiwalay namin." pakiusap ni Airith, nagsusumamo ang boses nito.

Hindi iyon magiging patas para sa pamilya Vergara. Alam niya kung gaano kalupit ang kanyang ama. Paniguradong magdurusa ang buong pamilya Vergara sa gagawing iyon ni Arthur. Bukod pa roon ay itinago niya ang kanyang pagkakakilanlan sa kanila kaya para sa kanya ay kasalanan niya naman talaga na naging ganoon ang turing nila sa kanya. Kung alam nilang anak siya ni Arthur ay siguradong naging maganda ang pagtrato sa kanya ng mga ito.

Ganoon umiikot ang mundo, karamihan sa mga tao ay mas pinakikitunguhan nang maayos ang may pera. Nakakalungkot lang para sa kanya na katulad ng mga taong iyon ang pamilya Vergara.

"Airith, isang taon kang naghirap nang dahil sa kanila. Sinasabi mo bang ayos lang sa'yo ang ginawa nila sa'yo? Kung gano'n, sa'kin hindi. At hindi mo ako mapipigilan sa anumang gagawin ko sa kanila." Kaakibat ng galit nitong boses ay ang determinado nitong mukha.

"P-papa, please ayoko lang—"

"Hindi mo na mababago ang isip ko Airith. Puputulin ko na anumang kolaborasyon meron ang kumpanya nila sa kumpanya natin. At sigurado na ako sa desisyon kong iyon." pagputol ni Arthur sa sasabihin ni Airith, lumamig ang tono ng pananalita nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status