Home / Romance / A Woman's Unparalleled Love / Chapter 7.1 - A New Beginning: Unforseen Threat

Share

Chapter 7.1 - A New Beginning: Unforseen Threat

Bumagsak ang balikat ni Airith dahil sa sinabing iyon ni Arthur. Gayunpaman ay hindi siya nawalan ng pag-asang baguhin ang isip nito.

Lumuhod siya sa harapan nito, mapupuna sa mata ang pagmamakaawa. "Nakikiusap po ako sa inyo, Papa. Huwag niyo na pong parusahan ang pamilya ni Sebastian. Kalimutan nalang po natin ang nangyari sa'min."

Nagsalubong ang kilay ni Arthur dahil sa suhestiyon ng anak. Ganito ba talaga kamahabagin si Airith? Siya itong inapi ng pamilya Vergara, hindi ba't siya dapat itong mas nakakaramdam ng galit sa pamilyang iyon?

Si Clara, na mas tumindi pa ang pag-aalala sa mukha nang lumuhod si Airith, ay dali-daling lumapit sa kanya upang alalayan siyang muling maupo sa kama. "Jusko hija, hindi mo kailangang gawin 'to," nag-aalalang sambit nito pagkatapos ay binalingan ng tingin si Arthur. "Sir, nakikiusap rin po ako sa inyong pakinggan niyo nalang ang hinihiling ng inyong anak. Mas importante ang kalagayan ni Airith ngayon kaysa sa paghihiganti sa pamilya Vergara. Isa pa ay hindi na n'on mababago pa ang naging resulta ng isang taong pagsasama ni Airith at Sebastian." Tumingin si Clara sa tiyan ni Airith. "Mas mainam pong isipin niyo nalang ang kinabukasan ng inyong magiging apo."

Hindi agad nakapagsalita si Arthur. Naibsan ang galit nito nang tingnan din nito ang tiyan ni Airith. May punto rin naman ang sinabi ni Clara na kahit parusahan niya ang pamilya Vergara ay hindi na n'on mababago pa ang sinapit ni Airith. Wala na siyang magagawa pa kung hindi ay tanggapin nalang ang tila biyayang dumating sa kanilang buhay.

Muling nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Arthur na makailang ulit na niyang nagawa. Magiging lolo na siya sa susunod na dalawang buwan. Masamang ideya kung patuloy niya lang na bibigyan ng alalahanin si Airith. Kahit na si Clara ang halos kasama ni Airith lumaki, alam niya pa rin ang kakaibang pag-uugali nito na marahil ay minana pa nito sa ina nito.

Pinagmamasdan niya si Airith. Ang kanyang anak ang tipo ng babaeng may kakaibang klase ng pagmamahal. Si Sebastian ang unang lalaking nakaranas niyon. Maihahalintulad ang pagmamahal na iyon sa kahulugan ng salitang tapat na hinaluan ng pagiging martir. Hindi niya iyon maunawaan.

Ang dahilan ng kanyang galit sa pamilya Vergara ay ang hindi pagpapahalaga ng mga ito sa kabutihan ng kanyang anak. Pinayagan niya si Airith na ilihim ang pagkakakilanlan nito sa pamilyang iyon, lalo na kay Sebastian, dahil tiwala siyang ang kabutihan ng pusong meron si Airith ay sapat na upang tanggapin siya ng pamilya Vergara. Alam niya kung gaano kagusto ni Airith noon si Sebastian kaya hinayaan niyang ikasal ito kay Sebastian kapalit ng kasunduan kay Agustin.

Naupo si Arthur sa tabi ni Airith. "Dahil sa paghihiwalay niyo ni Sebastian ay wala nang bisa pa ang naging kasunduan namin ni Lord Agustin." sambit nito, huminahon na ang boses nito. "Iyon lang naman ang gagawin ko sa kanila. Kalahati ng yaman lang nila ang maaapektuhan. Sa paglipas ng panahon ay muli rin naman nila 'yong mababawi." dagdag na paglilinaw nito.

Tiningnan ng namumulang namumungay na mga mata ni Airith ang mata ni Arthur. Gumuhit ang bahagyang pagngiti sa kanyang labi. "Thank you 'pa." wika niya sa medyo garalgal na boses.

Nag-aalala si Airith na baka pagdusahin ng kanyang ama ang pamilya Vergara. Bukod pa roon ay baka sa sobrang galit nito sa pamilyang iyon ay mabanggit nito ang tungkol sa kanyang pagdadalang tao. Bagay na ayaw na ayaw niyang mangyari. Papalakihin niya ang kanyang anak na walang kinalaman sa napakalungkot niyang nakaraan.

Niyakap ni Arthur si Airith nang may pag-aaruga at pagmamahal. Sila ang pinakamayamang pamilya sa syudad, sinuman ang mang-api sa kanyang anak o sa kanyang apo sa hinaharap ay hindi niya mapapatawad.

Sa likod ng yakap na iyon ni Arthur ay ang lihim na determinasyon sa damdamin nito. 'Sisiguraduhin kong pagdurusahan pa rin ng pamilyang iyon ang ginawa nila sa'yo.' sambit nito sa isip.

-ONE YEAR AND SIX MONTHS LATER-

Huminto ang taxi sa tapat ng bahay na may puting bakod. Bumaba mula roon si Airith habang karga-karga ang ngayong isang taong gulang na si Alicia, ipinangalan niya sa anak niya.

Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Airith nang tingnan niya ang bahay nina Clara. Napagdesisyunan niyang pumunta rito sa bahay nina Clara upang bumisita at siguro ay dumito muna nang ilang linggo. Mas gusto niyang mamalagi rito kaysa doon sa napakalaki pero napakalungkot nilang mansyon.

"Talaga? 'Usto mo rito sa kanila? Ayaw mo do'n sa malaki nating bahay?" nilalarong tanong ni Airith kay Alicia habang pinagmamasdan ang tila tuwang-tuwa nitong napaka-cute na mukha.

"Airith? Baby Ali!" may pagkabigla sa mukhang reaksyon ni Clara nang makita sila. Kasalukuyan pa itong may hawak na walis-tingting. Agad nitong binitawan iyon at lumapit sa kanila upang patuluyin sila.

Sa loob ng bahay na iyon, ibang klase ng pakiramdam ang hatid kay Airith kumpara sa sarili nilang bahay. Napakasimple pero napakakomportable. Kahit na maliit ay punong-puno ng pagmamahal. Nakangiti siya habang pinagmamasdan si Clara at Hector na nilalaro si Alicia. Nagpakawala siya ng mababaw na buntong hininga pagkatapos ay napagdesisyunang hayaan muna sila at maglakad-lakad muna sa labas ng bahay. Sobra niyang namiss ang bayan na iyon nina Clara.

Una niyang binisita ang parke. Naginhawaan siya nang husto sa mga alaalang meron siya sa lugar na iyon. Naupo siya sa isang duyan na may kinakalawang nang hawakan. Iyon ang paborito niyang pwesto kapag nag-babasa siya noon ng libro habang nakikinig ng musika sa pamamagitan ng earphones. Tuwing nalulungkot siya o masama ang loob, dito rin siya pumupunta noon. Bukod sa matataas na puno sa palibot ng parke, ang presko at sariwang hangin ay mas nagpapaginhawa ng kanyang pag-iisip.

Habang nagninilay-nilay si Airith nang mga oras na iyon, hindi niya namamalayan ang dalawang pares ng matang nakamasid sa kanya sa hindi kalayuan.

"Kumpirmado po Sir, siya po ang target." saad ng isang boses ng lalaki sa kausap nito sa cellphone.

"That's great. Do your task and ensure that you don't cause any harm to her." sambit ng lalaki sa kabilang linya, ang boses nito ay maawtoridad at seryoso.

"Yes Sir."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status