Home / Romance / A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO / A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO Chapter 1

Share

A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO
A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO
Author: MIKS DELOSO

A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO Chapter 1

Si Maria Lagdameo ay isang tahimik at simpleng dalaga, lumaki sa pangangalaga ng mga madre sa isang ampunan sa Cebu. Natagpuan siya sa isang basket sa labas ng simbahan noong siya’y sanggol pa lamang, walang kasama at walang anumang pagkakakilanlan. Si Sister Teresa, ang madre na kumupkop sa kanya, ang naging ina at gabay niya sa buhay. Pinalaki siya ng mga madre na may malasakit at pagmamahal, at bagaman wala siyang kaalaman tungkol sa kanyang tunay na mga magulang, hindi kailanman naramdaman ni Maria na kulang siya sa pamilya.

Nang siya’y labindalawang taong gulang, isang malaking pagbabago ang dumating sa kanyang buhay. Kinailangang lumipat sila ni Sister Teresa sa Maynila dahil sa mas magandang oportunidad sa edukasyon ni Maria. Doon siya nakapag-aral sa isang prestihiyosong paaralan, kung saan nagsimula ang lahat.

Sa unang araw niya sa sekondarya, halos hindi alam ni Maria kung saan siya magsisimula. Bagong mukha, bagong lugar—ang tanging kilala lang niya ay si Sister Teresa. Habang naglalakad siya papasok sa silid-aralan, bigla siyang natigilan nang marinig ang isang pamilyar na pangalan.

“Roland Espedilla, ipasa mo na ang attendance!” sigaw ng guro. Napatingin siya sa harapan, kung saan isang binata na may maamong mukha ang tumayo at naglakad papunta sa harap ng klase. Si Roland Espedilla ay isa sa mga kilalang estudyante sa kanilang eskuwelahan—matalino, gwapo, mayaman at nag-iisang tagapagmana ng Espedilla Estates- isang tanyag na kumpanya ng real estates sa Pilipinas, magaling sa sports, at mabait. Sa unang tingin pa lamang, hindi na mapigilan ni Maria na humanga sa kanya.

“Ah, sige po, Ma’am,” sabi ni Roland habang iniaabot ang papel. Nang dumaan siya malapit kay Maria, nagtagpo ang kanilang mga mata. Ngumiti si Roland, at nahuli ni Maria ang kanyang sarili na biglang napangiti rin.

Mula noon, nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Madalas silang magkasabay kumain sa canteen, nagtutulungan sa mga group projects, at nag-uusap tungkol sa mga pangarap nila sa buhay. Sa paglipas ng mga buwan, hindi na lang basta pagkakaibigan ang naramdaman ni Maria. Nahulog ang kanyang loob kay Roland, at hindi nagtagal, nalaman din ni Roland ang nararamdaman niya para kay Maria.

Isang gabi, habang naglalakad sila pauwi galing sa isang school-event, hindi na nakatiis si Roland.

"Maria, may gusto akong sabihin sa'yo," seryosong simula ni Roland, tumigil siya sa paglalakad at hinarap si Maria.

"Roland? Ano 'yon?" tanong ni Maria, biglang kinakabahan ngunit may halong excitement.

"Matagal na tayong magkaibigan, pero… alam mo ba, gusto kita." Diretsahang pag-amin ni Roland, habang titig na titig sa mga mata ni Maria.

Natigilan si Maria, hindi makapaniwala sa naririnig. Matagal na niyang pinapangarap ang sandaling ito, ngunit ngayon na nandito na, tila hindi siya makapagsalita.

"Mahal din kita," mahina ngunit malinaw na tugon ni Maria.

Ngumiti si Roland, at mula sa gabing iyon, naging opisyal na silang magkasintahan. Sila’y naging inseparable—lagi silang magkasama, sa bawat sulok ng eskuwela, sa bawat proyekto, sa bawat pagkakataong pwede silang magkasama.

Ngunit hindi laging madali ang lahat. Sa ikalawang taon ng kanilang sekondarya, dumating si Rowena, isang bagong estudyante na mabilis na nakilala sa kanilang paaralan. Maganda, matalino, at palakaibigan si Rowena, kaya hindi na kataka-takang marami agad ang nagkakagusto sa kanya, kasama na dito si Maria. Naging magkaibigan sila ni Rowena, at tila walang problema sa pagitan nilang tatlo.

“Ang swerte mo naman kay Roland, Maria,” sabi ni Rowena minsang magkasama sila sa canteen. “Ang bait niya, at napaka-sweet pa. Sana all.”

Natawa si Maria. “Oo nga, mabait talaga si Roland. Wala akong masabi.”

Ngunit sa kabila ng mga papuri at pagiging mabait ni Rowena, unti-unti, napansin ni Maria na may kakaiba sa kilos ng kaibigan. Palagi na itong nagpapakita ng sobra-sobrang atensyon kay Roland, kahit na walang dahilan. Madalas silang magkasama sa mga projects, kahit hindi sila dapat magkatulungan. Nagdudulot ito ng selos kay Maria, ngunit sinisikap niyang itago ang kanyang nararamdaman dahil nagtitiwala siya kay Roland at sa pagkakaibigan nila ni Rowena.

Ang sikat ng araw ay mas maliwanag kaysa karaniwan nang umagang iyon, ngunit para kay Maria, tila may mabigat na ulap na bumabalot sa kanyang damdamin. Hindi ito dahil sa init ng araw o sa dami ng gawain sa eskwela, kundi dahil sa isang bagay na matagal na niyang pinipilit hindi pansinin—ang unti-unting pagbabago sa pagkilos ng kanyang matalik na kaibigang si Rowena.

Simula pa lang ng pasukan, hindi na lingid kay Maria ang kakaibang atensyon na ibinibigay ni Rowena kay Roland, ang kanyang nobyo. Dati, masaya silang tatlong magkakasama, ngunit ngayon, parang may distansyang namamagitan sa kanila. Isang bagay na pilit niyang binabalewala ngunit lalong nagiging malinaw habang lumilipas ang mga araw.

Isang araw, habang pauwi silang tatlo mula sa eskwela, hindi maiwasang mapansin ni Maria ang madalas na paglapit ni Rowena kay Roland. Sa tuwing may proyekto o group activity, tila hindi maiiwasan na sila ang magkatandem. Kahit hindi naman sila assigned na magkasama, parang natural na nagtatagpo ang kanilang landas.

"Maria, okay lang ba sa'yo kung kami ni Roland ang magpresent bukas?" tanong ni Rowena, nakangiti habang hawak ang mga papel ng kanilang project.

"Huh? Bakit? Hindi ba't ako ang nakatoka doon?" sagot ni Maria, pilit na pinapanatiling kalmado ang kanyang boses.

"Ah, oo nga pala. Pasensya na, nakalimutan ko," mabilis na sagot ni Rowena, ngunit halata sa kanyang mukha ang bahagyang pagkagulat. "Akala ko lang kasi mas madali kung kami na ni Roland ang maghahandle since... well, nag-uusap na rin kami about it kanina."

Napatingin si Maria kay Roland, na tila walang nararamdamang kakaiba sa sitwasyon. Nakangiti lamang ito at tumango.

"Oo nga, babe. Sobrang hassle kasi yung ibang part ng project, kaya naisip ko, kami na lang ni Rowena ang mag-aayos para hindi ka na mag-alala."

Bagaman may konting kirot na bumara sa kanyang lalamunan, sinikap ni Maria na ngumiti. "Sige, kayo na ang bahala."

Sa pagkakataong iyon, isang maliit na halakhak ang lumabas sa bibig ni Rowena. "Thank you, Maria! Talaga namang maaasahan ka."

Ngunit sa kaloob-looban ni Maria, unti-unti siyang nilalamon ng pagdududa. Bakit tila mas madalas na magkasama ang dalawa? Bakit parang masyadong komportable si Rowena kay Roland?

Hindi nagtagal, nagkaroon ng mga pagkakataon na si Maria ay nakikitang nag-aabang sa eskwela. Minsan, paglabas niya ng silid-aralan, makikita niyang magkasama sina Rowena at Roland, nag-uusap at nagtatawanan. May mga araw na tila mas mahaba pa ang oras ng kanilang dalawa kaysa sa oras na naigugugol ni Maria kasama si Roland.

"Uy, si Rowena at Roland na naman, ah," birong sabi ni Jessa, isa sa mga kaibigan ni Maria. "Grabe, magbest friends ba talaga yan?"

Ngumiti si Maria, pilit na iniisantabi ang mga salita ng kaibigan. "Oo nga, ang weird lang minsan. Pero mabait naman si Rowena, alam kong wala siyang masamang intensyon."

Ngunit hindi niya kayang lokohin ang sarili. Alam niyang may mali. Alam niyang may isang bagay na nagbabago, at iyon ay ang paraan ng pagtingin ni Rowena kay Roland. Madalas niyang nahuhuling tumitingin si Rowena kay Roland—hindi lamang bilang kaibigan, kundi mayroong malalim na damdaming nakatago sa likod ng mga mata nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status