Home / Romance / A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO / A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO Chapter 5

Share

A NIGHT TO REMEMBER WITH THE CEO Chapter 5

Matagal na silang magnobyo ni Maria—mahigit tatlong taon na. Mula pa noong sila ay nasa unang taon ng high school, magkasama na sila. Mahal na mahal niya si Maria; hindi iyon kailanman nabura sa kanyang puso. Pero si Maria ay tahimik at mahinhin, hindi katulad ni Rowena. Wala itong mga ginagawang mapusok o mga kilos na nagbubukas ng mga damdaming tila matagal nang natutulog sa loob niya. Si Rowena, iba.

Nang una nilang makilala si Rowena, kaibigan agad ito ni Maria. Naging malapit sila sa isa’t isa dahil magkaklase sila at madalas na magkakasama sa mga group projects at extracurricular activities. Ngunit sa kabila ng pagiging kaibigan ni Rowena kay Maria, nararamdaman ni Roland ang kakaibang tensiyon tuwing magkasama silang dalawa. May mga sandaling tila lumalalim ang tingin ni Rowena. At may mga oras na nahuhuli niya ang kanyang sarili na napapaisip tungkol dito.

Ngunit pinipigilan niya ang mga damdaming ito. Mahal niya si Maria, at ayaw niyang sirain ang kanilang relasyon. Subalit, hindi niya rin maalis sa isip na sa bawat pagkakataon na nagiging mas malapit siya kay Rowena, nararamdaman niya ang isang bagay na hindi niya nararamdaman kay Maria.

Nang gabing iyon, habang sila’y nasa campsite at nagbabantay ng bonfire, umupo si Roland malayo sa karamihan, sinisilip ang mga nag-aapoy na kahoy habang sinusubukan niyang itulak palayo ang mga gumugulo sa kanyang isipan. Dumaan si Rowena, nakita siyang nag-iisa, at umupo sa tabi niya.

“Roland…” simula ni Rowena, na may malambing na tono sa boses. “Pasensya ka na kanina, hindi ko naman intensyon na guluhin ang isip mo.”

“Hindi… okay lang,” sagot ni Roland, pero hindi siya makatingin ng diretso kay Rowena. Paano nga ba siya titingin sa babae na iyon, ngayong alam niyang may nararamdaman din siya para dito?

Tahimik sandali ang paligid, tanging ang tunog ng mga nasusunog na kahoy at ang ihip ng hangin ang naririnig nila. Nagpatuloy si Rowena, mas malapit na ngayon kay Roland. “Pero hindi mo maitatanggi na may naramdaman ka rin, di ba?” Halos pabulong niyang sabi, sabay lagay ng kamay sa braso ni Roland.

Natigilan si Roland, pinilit na huwag tingnan si Rowena. Naramdaman niyang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Totoo nga, may naramdaman siya. Ngunit alam niyang mali ito. Mali ito para kay Maria.

“Rowena, mahal ko si Maria. Matagal na kaming magkasintahan, at hindi ko siya ipagpapalit,” mariing sagot ni Roland, pero halata sa kanyang boses ang pag-aalinlangan. Hindi niya na kailangan pa ng ibang paliwanag. Ang totoo, naguguluhan siya.

Ngumiti si Rowena, tila alam niya ang kalituhan sa loob ni Roland. “Hindi naman kita pinipilit na iwan si Maria. Pero Roland, hindi mo ba naiisip na minsan… may hinahanap kang iba? Alam kong mahal mo siya, pero hindi ba’t minsan may mga bagay na hinahanap-hanap ng katawan mo? Mga bagay na hindi kayang ibigay ni Maria?”

Natigilan si Roland sa sinabi ni Rowena. Totoo nga ba iyon? Matagal na silang magkasama ni Maria, at totoo namang hindi sila ganoon kapusok sa kanilang relasyon. Si Maria ay laging mahinahon, laging pinipili ang tamang oras at lugar para sa lahat ng bagay. Hindi siya katulad ni Rowena, na laging nagpapakita ng init at kapusukan.

“Hindi ko hinahanap ang mga ganung bagay, Rowena,” tugon ni Roland, bagaman may halong pagkukunwari. “Basta’t kasama ko si Maria, sapat na iyon sa akin.”

Ngumisi si Rowena at tumayo, tumingin sa kanya ng malalim. “Roland, ikaw pa rin ang makakaramdam kung sapat nga iyon. Pero kung may tanong ka sa sarili mo, baka hindi nga.”

Bigla siyang iniwan ni Rowena, tumalikod ito at bumalik sa campsite kung nasaan ang iba. Naiwan si Roland na tila nalilito pa rin sa kanyang mga nararamdaman. Bakit ba hindi niya matanggal sa isip si Rowena? Bakit, sa kabila ng pagmamahal niya kay Maria, tila may bahagi ng kanyang sarili na hindi mapigilan kundi mag-isip tungkol kay Rowena?

Kinabukasan, habang patuloy ang mga gawain sa camping activity-, pinilit ni Roland na ibalik ang focus niya sa mga bagay na mahalaga. Si Maria ang mahalaga. Paulit-ulit niya itong sinasabi sa kanyang sarili. Ngunit sa tuwing makikita niya si Rowena, tila may kurot sa kanyang puso. Hindi niya maalis sa isip ang halik na iyon—ang init, ang damdamin sa likod nito.

Habang sila’y nagkakainan ng tanghalian, tahimik si Roland, malayo ang tingin habang pinagmamasdan ang bawat kilos ni Rowena. Nakaupo ito kasama ang mga kaibigan, tumatawa, at tila walang nangyari. Ngunit tuwing makikita niyang tumingin ito sa kanya, nararamdaman niyang may lihim na mensahe sa mga tingin na iyon.

“Huy, Roland, okay ka lang?” tanong ni Marco, isa sa kanyang mga kaibigan, na nakapansin sa pagiging tahimik niya.

“Ha? Oo, okay lang. Napapagod lang siguro,” sagot niya, pero sa totoo’y hindi lamang pagod ang dahilan ng kanyang pananahimik. Iniisip niya ang mga sinabi ni Rowena kagabi. Totoo bang may hinahanap siyang kulang sa relasyon nila ni Maria? O dala lamang ito ng tukso?

Hindi na niya namalayan na palapit na si Rowena sa kanila. Umupo ito sa tabi niya, malapit pa rin ang tingin sa kanya. “Roland, mamaya may activity- tayo. Puwede ba kitang makasama?” tanong ni Rowena, may halong pilyang ngiti.

Bago pa makasagot si Roland, sumingit si Marco. “O, mukhang solo flight- kayo ni Rowena ah. Masaya ‘to!” Napangiti si Marco, tila walang alam sa tensiyon sa pagitan nila ni Rowena.

Ngumiti si Rowena, tumingin kay Roland na tila nag-aanyaya. “Sige na, Roland. Hindi naman ito masama, di ba?”

Walang nagawa si Roland kundi ang sumang-ayon. Sa loob-loob niya, alam niyang dapat niyang iwasan si Rowena, ngunit tila nawiwili na rin siyang makasama ito. May bahagi ng sarili niya na natutukso.

Nang dumating ang oras ng activity-, nakahanap ng pagkakataon si Rowena na mas mapalapit kay Roland. Nagsimula silang maglakad sa kagubatan kasama ang iba pang grupo, ngunit naramdaman ni Roland ang bawat sulyap ni Rowena sa kanya. Habang tumatakbo ang oras, tila palakas nang palakas ang hatak ng tukso sa kanya. Ang halik na iyon ay nagpasiklab ng damdaming matagal na niyang sinisikap na pigilan.

“Roland,” bulong ni Rowena habang magkatabi sila sa trail. “Hindi mo kailangang pigilan ang sarili mo. Alam kong nararamdaman mo rin ito.”

Napahinto si Roland, tumingin sa kanya ng diretso, pero hindi alam kung ano ang isasagot. Totoo bang nararamdaman din niya ang sinasabi ni Rowena?

Ngunit sa loob niya, alam niyang mali ito. Mahal niya si Maria, at hindi niya kayang saktan ito. Tumalikod siya at sinubukang ipagpatuloy ang kanilang activity, ngunit ang isipan niya’y puno pa rin ng kaguluhan.

Sa pagtatapos ng araw, naupo si Roland sa isang bangko malapit sa kanilang campsite, malalim ang iniisip. Ano nga ba ang dapat niyang gawin? Alam niyang mahal niya si Maria, ngunit ang atraksiyong nararamdaman niya kay Rowena ay nagdadala ng pagkalito sa kanyang puso.

Hindi niya alam kung paano haharapin ang susunod na mga araw—kung paano niya pipigilan ang damdaming unti-unting sumisibol para kay Rowena habang pinoprotektahan ang relasyon niya kay Maria. Ang isang bagay lang ang tiyak: kailangang magpasiya si Roland bago pa tuluyang masira ang lahat.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Trish
malandi talaga ito si rowena
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status