Share

KABANATA 4: Katotohanan

KINAUMAGAHAN ay nagising si Aurelia nang may naramdaman siyang pagtapik ng kung sino man sa kaniyang pisngi. Hindi na muna ito nagmulat ng kaniyang mga mata. Natatatakot siya na baka totoo ang mga huling naalala nito bago siya mawalan ng malay.

Sa mga oras na iyon ay hinihiling niyang bangungot lang ang nangyari't mahimbing lamang siyang natutulog sa kaniyang kuwarto pagkagising niya. Ngunit nang maglakas-loob siyang magmulat ay hindi pamilyar na lugar ang siyang bumungad sa kaniyang paningin dahilan upang ang kapiranggot na natitirang pag-asa sa loob niya ay biglang naglaho.

"Aurelia, makinig ka sa 'kin." Naagaw ang kaniyang atensiyon nang marinig ang boses na iyon na ayaw niya muna sanang marinig pansamantala. Kahit hindi niya man gustuhin ay hinarap niya ang kaniyang nakatatandang kapatid na kasalukuyan siyang pinagmamasdan nito na tila ba siya ay natatakot sa ano mang magiging reaksyon ng dalaga.

Nagkatinginan silang dalawa. Gustong magsalita ni Aurelia, marami siyang nais na itanong kagaya ng kung bakit siya nasa panig ng mga masasamang tao na iyon pero mas pinili niyang manahimik na lamang.

Binalot sila ng katahimikan. Sa nakalipas na ilang minuto ay panay buntong hininga lang nang malalim ang nagawa ni Jax habang si Aurelia naman ay walang kaemo-emosyong nakatitig sa wangis ng kaniyang kuya.

"Hindi..." Sa wakas ay binasag na rin ni Jax ang katahimikang namutawi sa kanila. Halata sa kaniyang nahihirapan itong magpaliwanag kung bakit siya ang namumuno sa mga sindikatong nakaengkuwentro nila Aurelia. Isang salita pa lamang ang naisasatinig niya at parang hindi na niya iyon madudugtungan pa.

Sa loob-loob naman ng dalaga ay hinihiling niyang muli sa kahit na sino mang puwedeng tumupad sa hinahangad niya na sana ay may magandang paliwanag na maidadahilan sa kaniya ang kuya niya dahil sa oras na magkamali ito ng mga bibitawang salita ay alam niyang maglalaho na ang tiwala niya rito kahit na gaano pa man kalalim ang kanilang pinagsamahan mula pagkabata.

"Bunso, makinig ka nang mabuti sa sasabihin ni kuya, ha?" Tanging tipid na tango lamang ang tugon nito sa kaniya. "Kaya lang ako naririto ay para malaman kung sino ang namumuno sa kanila pati na rin ng ibang grupo ng sindikato. Acting boss lang nila ako dahil pinagkakatiwalaan na ako ng totoong amo nila ngunit hindi ko pa siya nakikita, boses pa lang niya ang nalalaman ko, wala ng iba. Matagal na ako rito pero hindi ko lang sinasabi sa 'yo dahil mas makabubuting wala kang malaman nang malayo ka sa kapahamakan. Naintindihan mo ba ang pinupunto ko rito, Aurelia?" tanong nito sa kaniya. Hindi maililingid na umaasa ang mga mata nito na paniwalaan siya ng dalaga.

Tipid na napatango ito. "Oo, Kuya Jax. Nauunawaan kita, hindi mo na kailangang magpaliwanag pa. Nakikiusap lang ako kung puwede mo na ba kaming itakas ng mga kasamahan ko papalayo sa lugar na 'to? Baka nag-aalala na rin ngayon sila Mommy't Daddy, maging ng boss ko sa trabaho." Tila nabunutan ng tinik ang hitsura ni Jax sa narinig niya ngunit alam na ngayon ng dalaga kung ano ang katotohanan. Hindi siya tanga upang hindi iyon maobserbahan. Kilalang-kilala na niya ang lahat ng mga galawan nito.

Isa lang ang naramdaman niya ngayon. Ang labis na pagkadismayado niya. Ang pinakaayaw pa man din nito sa lahat ng bagay ay ang pagsisinungaling sa kaniya.

Nakabalik siya sa ulirat nang nakalagan na ang pagkakatali niya sa upuan maging ng mga kasamahan niyang si Xavier at Denis.

Ngunit nang magsasalita na sana si Jax ay hindi niya maiwasang mapakunot-noo nang magbunot ng baril si Denis at agarang itinutok iyon sa kaniya. Hindi niya maiwasang pagak na matawa sa naging asta ng kasamahan ni Aurelia.

"Ano 'to? Kita mo naman sigurong ako ang dahilan kung bakit kayo nakalagan mula sa pagkakatali," anito sa lalaki. Napabaling siya ng tingin sa kapatid. "Aurelia, sabihin mong ibaba ng kasamahan mong 'yan ang baril niya bago pa man sumabog ang galit ko----" Hindi na siya pinatapos pa ng dalaga sa pagsasalita.

"Ibaba mo na, Denis," utos niya rito na sa una ay nag-alinlangan pa ito kung ibababa niya ang armas ngunit sa huli ay wala rin siyang nagawa kun'di ang sundin ang utos mula sa mas nakatataas sa kaniya kahit na halatang siya ay naguguluhan. "Kuya Jax, saan kami puwedeng dumaan?" Walang kahit na anong emosyong katanungan nito sa kapatid.

Itinuro niya ang pintuan sa likurang bahagi bilang tugon. "Mag-iingat ka, Aurelia." Huling salita nito na hindi na niya tinugunan pa.

Mabibigat ang mga hakbang ni Aurelia habang sila ay papaalis na. Paulit-ulit na nanunumbalik sa kaniyang isipan ang narinig niya kagabi nang mga oras na inakala nilang siya ay wala pang malay ngunit ang totoo pala ay nagkukunyari lamang siya. Gising na gising ang kaniyang diwa.

"ANO NA ngayon ang gagawin ko, Daddy? Paano kung..." Iyon ang bumungad sa pandinig ni Aurelia nang siya ay magising. Nakita niyang madilim sa kaniyang paligid na siyang senyales na gabi pa lamang. Agad siyang nagkunyaring tulog nang mapagmasdang nasa malapit lamang ang mga tauhan ng kaniyang kapatid. "...paano kung magduda siya sa akin maging sa inyo ni Mommy? Ano na lang ang ipapaliwanag natin sa kaniya? Na ang pamilya natin ay kasangkot sa sindikatong mga tinutugis nilang mga pulis? Dad, tulungan mo naman akong lusutan 'to, please." Alam niyang boses iyon ng Kuya Jax niya na ang kausap mula sa kabilang linya ay ang Daddy nila na hindi niya akalaing kasali rin pala sa hanay ng mga masasamang tao.

Durog na durog ang puso niya sa mga narinig. Hindi niya lubos akalaing ang mga hinahangahan niyang pamilya dahil sa kabutihan nila para sa bayan ay pawang mga nagbabalat-kayo lang pala.

"Bakit ba kasi hindi mo man lang sinuri muna ang sitwasyon na makakabangga mo pala ang kapatid mo?! Sana ay tinanong mo man lang siya kung may misyong ibinigay sa kaniya!" Hindi maiwasang magulat ni Aurelia sa lakas ng tinig ng ama niya mula sa kabilang linya. Ramdam niya kung gaano ito kagalit ngayon sa kapatid niyang si Jax.

Naalala niya bigla kung paanong palaging tanungin siya ng kaniyang kuya kung may kasalukuyan ba siyang hinahawakang misyon bago ito pumasok sa kaniyang trabaho. Nagkataon kanina na bago siya umalis sa kanilang mansiyon ay wala pa itong misyong naibibigay sa kaniya, saka lamang niya natanggap ang proyektong pagtugis sa mga sindikato nang nasa opisina na siya.

Mas pipiliin pa niya na sana ay hindi na lang sa kaniya ibinigay ang gawaing iyon kung 'yon lang din naman ang magiging dahilan ng pagkaalam niya sa katotohanang ayaw niyang tanggapin. Hindi siya handa para sa pagsubok na iyon.

"Dad, I swear, tinanong ko siya kaninang umaga. Ang sabi niya sa akin ay wala silang gagawin ngayon ng kaniyang grupo kaya tinuloy namin ang plano. Nagulat nga ako kanina nang siya pala ang nakabangga namin. Hindi ko talaga alam, Dad. I'm sorry," paghingi nito ng paumanhin sa ama nila.

"Maniniwala si Aurelia sa 'yo, Jax, kasi kapatid ka niya. Kaya ikaw na ang bahalang gumawa ng lusot diyan sa ginawa mong problema." Bago pa man makasagot si Jax ay binabaan na siya ng linya dahilan upang hindi niya maiwasang maibato sa kung saan ang teleponong hawak-hawak nito.

NAKABALIK siya sa reyalidad nang sila ay ligtas nang makatakas. Hindi na niya naiwasan pang mapaluha nang sunod-sunod dahil sa mga naganap. Nasasaktan siyang namatay ang karamihan sa mga kasamahan niya, na nalaman niya ang katotohanang kabilang sa malaking sindikato ang kaniyang kapatid, maging ng kaniyang sariling pamilya at na nabigo siya sa kauna-unahang misyong ipinagkatiwala sa kaniya.

Tahimik lamang siyang humihikbi nang mapatingin siya sa puting panyo na inilahad sa kaniya ng baguhang pulis na si Xavier. Aminado siyang kinaiinisan niya ito dahil ilang buwan na siyang nasa pamamahala niya pero parang wala man lang itong natututuhan kahit kaunti. Ngunit sa pagkakataong iyon ay walang oras na napangiti siya dahil sa simpleng ginawa ng binata, mas lalong sumilay ang ngiti nito sa kaniyang labi nang marinig ang mga salitang binitawan ni Xavier.

"Kaya mo 'yan, Major Aragon. Kayo po ang pinakamatatag na babaeng nakilala ko kaya malalampasam mo rin po 'yan," usal nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status