Share

Chapter 2

Nagsimula ang lahat sa araw ng Biyernes, limang taon na ang nakalilipas...

“Yasmin, what do you think?”

Napalunok ako habang tinitingnan ang kontratang hawak ko. Nasa harapan ako ni Kate ang bestfriend ko at narito kami sa labas ng coffee shop. Lumalamig na ang kape ko pero nananatiling nanlalamig ang pakiramdam ko.

“Gusto mo si Drake ‘di ba? Bakit hindi mo na lang ituloy ‘yan?”

“Alam mo naman na hindi ako gano’n, Kate, I mean, gusto ko si Drake since highschool pero hindi ko naman inaasahan na may ganitong twist na p’wedeng mapunta siya sa ‘kin.”

“Gusto mo si Drake kaya hindi ka mahihirapang makisama sa kanya.”

Tiningnan ko si Kate para tingnan ang kanyang reaksiyon.

“Kate, kailangan ko ng pera para mabili ‘yong lupa ni lola pabalik sa ‘min at maipagamot kaagad ang sakit ni mama bago pa lumala, wala naman akong hiniling sa Diyos kung hindi iyon lang, hindi ko naman inasam na makuha pa si Drake. Isa pa, alam naman natin pareho na may longtime girlfriend na siya.”

Totoo na hindi ako lugi kung pipirmahan ko ang kontrata at pakakasalan si Drake, paano ‘ko malulugi kung patay na patay ako sa kanya at laman siya ng mga panaginip ko? Pero siya kasi ‘yong hanggang panaginip lang, iyong alam kong malayong-malayo sa ‘kin.

Hinawakan ni Kate ang palad ko.

“Yas, iisipin mo pa ba ‘yon? Iyong walang kuwenta mong ama kumakatok sa ‘yo para pakasalan mo ang anak ng business partner niya dahil iyong anak na ipinangako niya’y nabuntis ng iba kaya palalabasin niyang responsible siyang ama rin naman sa ‘yo at para magamit ka rin niya, then gamitin mo rin siya, kasi Yas, kailan mo pa mabibili pabalik ‘yong lupa at kailan mo pa maipagagamot si tita kung hihintayin ka muna niyang magbanat ng buto?”

Hindi ko alam kung anong isasagot pero sa totoo lang nahihiya akong naiisip kong pumayag sa desisyon ng iresponsable kong ama. Isang beses lang siyang nagbigay sa ‘kin iyon ay no’ng mapatunayang anak niya ‘ko, hindi ko naman masisisi kung bakit naghinala siyang hindi ako sa kanya dahil nga entertainer sa Japan si mama at aminado naman na kumukuha siya ng mga customer. No’ng mapatunayan sa DNA na anak niya ‘ko ay nagbigay naman siya ng dalawang milyon sa ‘king ina at nagsabing huwag na raw magpapakita. Dahil malaking halaga ay naging pabaya rin si mama sa paggastos pero nakapagtabi naman para sa pag-aaral ko.

 Si Drake, nag-aaral siya sa eskuwelahan na isang international school na pag-aari rin ng pamilya nila, habang ako naman ay nag-part time na sa edad na fifteen sa isang malapit na milk tea shop sa kanilang eskuwelahan.

Popular si Drake, madalas naririnig ko siyang pinag-uusapan at nalaman ko pa nga ang pangalan niya no’ng sini-search siya ng isang taga-kabilang school at pinagpipiyestahan ang kanyang account na nadiskubre ng mga ito. Bilang nakita ko na siya si Drake Trias Billones ay nai-follow ko rin siya, fifteen hanggang ngayong twenty-two na ‘ko ay gustong-gusto ko pa rin siya.

Nabigla ako nang makaramdam ng tapik sa aking balikat.

“Yas, basta ako mas gusto kong piliin mo ‘yan dahil kailangan mo ‘yan at parang once in a lifetime opportunity ‘yan, makukuha mo si Drake na hindi mo kinakailangan na pumila pa sa kanya.”

“Pero iyong girlfriend niya—”

“Iyon na nga ang usapan ‘di ba? No’ng nag-aral siya sa ibang bansa ng senior high nagkaroon ng iba itong jowa niyang si Kiana—”

“Pero senior high pa naman ‘yon, ilang taon na rin ang lumipas.”

“Kahit na!”

Biglang bumagsak ang malakas na ulan kaya napagdesisyonan namin na magpaalam na sa isa’t isa. Nakatapos ako ng college BEE o Bachelor in Elementary Education, sa ngayon ay humahanap ako ng trabaho dahil kaka-graduate ko lang, pero ang main goal ko talaga ay makapasok sa public school o makapagturo sa ibang bansa kaya naghihintay rin akong makapag-take ng licensure exam at saka ako maglo-loan para maipagamot si mama at makuha ang lupa sana.

Pagkauwi ko ay naabutan ko si mama na nagbabalot ng ice candy sa sala at inilalagay ‘yon sa isang planggana.

“Oh, naipasa mo ba lahat?”

Lumapit ako sa kanya at hinalikan siya sa pisngi.

“Oo, ma, sana may tumawag na isa sa mga pinag-applyan kong private school.”

“Kung malakas-lakas pa sana ‘ko at hindi ko problema ‘tong lakas ko ay hindi muna kita pag-applyin para makapag-prepare ka sa Board Exam mo.

Nginitian ko siya. “Okay na rin nasa field ako, mas matututo ako at baka doon ko pa makuha ang mga sagot sa Board. Isa pa, ikaw pa rin naman ang gumagastos halos dahil wala pa naman po akong sinasahod na malaki.”

Sa pamamagitan ng crochet na mga flowers, or any image na kakayanin ko ako kumikita. Pero hindi naman talaga iyon mabili kung walang okasyon. Pero dahil medyo mababa ako maningil kaya nagkakaroon ako ng mga loyal customer.

“Kung kinilala ka lang ng ama mo siguro ay buhay prinsesa ka rin kagaya ni Lucy.”

Si Lucy ang unica hija ng ama ko sa mata ng marami. Lumaki naman ako na kilala ko ang ama ko, hindi ko na nga matandaan kailan ko ‘yon nalaman at maaga ko ring naitanim sa utak ko na hindi niya ‘ko tanggap na anak at hindi ko sila dapat lapitan. Totoo na gusto ko siyang makilala, ituring niya rin akong anak, o magkaroon man lang sana ako ng ama pero mabuti na lamang talaga at maunawain akong tao dahil hindi ko na ‘yon tiningnan bilang kakulangan ng buhay ko.

“No’ng ten years old ka inilapit kita sa kanya pero ayaw niya talaga, pasensiya ka na anak, wala talaga tayong mapapala na sa daddy mo na ‘yon. Wala ring mga kwenta ang mga stepfather mo na nakilala.”

Ang unang stepfather na kinamulatan ko ay si Tatay Hernan, four years old ako no’ng mag-live in sila ni mama at naghiwalay no’ng ten years old ako. Dahil nga biglang lobo ang mga gastusin ni mama ginusto niya ‘kong ilapit sa ‘king daddy dahil baka mabigyan daw ako para lang magtuloy-tuloy ang pag-aaral ko.

Ang ikalawang stepfather ko ay nakilala ko naman no’ng twelve years old ako, mabait naman siya sa umpisa pero binobosohan pala niya ‘ko at nahuli mismo ni mama na may mga tingin ng pagnanasa siya sa ‘kin kaya hiniwalayan at pinaalis siya ni mama, mula no’n ay hindi na siya naging interesado pa sa lalaki at nabuhay na lamang sa pagtitinda at pagiging online seller ng mga Japan product—cosmetics, stufftoys, at bags.

Naubos lang ang puhunan niya dahil sa sakit niya sa puso na kung lalala ay kinakailangan ng operasyon na aabot ng milyon.

Pumasok ako sa ‘king kuwarto at muling kinuha sa envelope ang kontrata.

Ibinigay ‘to sa ‘kin ng lawyer na kumausap sa ‘kin at hindi ko pa nakakaharap ng personal ang ama ko. Kilala ko siya pero iyong makausap ng malapitan ay hindi pa, ito nga at lawyer niya ang pinagpaliwanag niya lang sa ‘kin. Sa eskuwelahan ako pinuntahan ng lawyer at mukhang may koneksiyon siya dahil nakausap niya ‘ko ng pribado sa library. Nasa school na lang ako para maging assistant sa library pansamantala.

“Nasa kontrata na pakakasalan ko si Drake Trias Billones—iyan din ang pangalan niya sa social media. Alam ko rin na may koneksiyon siya sa ‘king tunay na ama dahil nga nakita ko sa mga photos ni Drake kapag social gatherings ay magkakasama sila. Isa pa, parang close friend ng stepsister ko ang girlfriend ni Drake. Mukhang noon pa man may arrange marriage na sa pagitan ng pamilya ng ama ko at ng pamilya ni Drake, pero kung hindi nga p’wede ang stepsister ko bakit naman tingin ni daddy ay worth it ako kay Drake? I mean, sinabi rin ng attorney na magiging confidential lahat at kailangan na palabasin na sinusuportahan ako ng aking ama at itinuturing na isang mahal na mahal na anak.”

Bumuntong-hininga ako dahil sarili ko na naman ang kausap ko.

Dumako sa isipan ko ang tiyahin kong pinagsanlaan ng lupa ni lola sa probinsiya, iyon ang sakahan na pamana pa ng lolo ko sa ‘king lola kaya mahal na mahal iyon ni mama lalo na no’ng namatay na si lola ay isa sa pinakagusto niya na sana raw mabawi pa namin iyon.

“Kapag hindi mo pa nabayaran sa loob ng anim na buwan ang lupa ay pasensiyahan na tayo, kailangan ko ng pera kaya ibebenta ko na rin sa iba ang lupa ninyo.”

Nang maalala ko ang sinabing ‘yon ng tiyahin ko ay bumangon ako at naupo sa ‘king study table. Kinuha ko ang ballpen na nasa mesa at pinirmahan ang kontrata ng pikit-mata.

“Hindi makapaghihintay ang sakit ni mama, hindi na rin makapaghintay ang tiyahin ko, gusto ko si Drake, at gusto ko ring kilalanin ako ng daddy ko, bahala na!”

Tama naman, parang suwerte ko na biglang makukuha ko lahat nang biglaan. Naniniwala rin ako na may mga bagay na hinahayaan ng Diyos mangyari, bahala na, magtitiwala na lamang ako sa kanya, bahala na sa kahihinatnan.

Sa unang pagkakataon ay nakaharap ko ang ama ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong itawag sa kanya.

Naupo siya sa kabiserang bahagi ng mesa habang magkatapatan naman kami ng lawyer niya.

Tumayo ako at bumati sa kanya. “Good afternoon, Mr. Rivas.”

Tumango lang siya at iminuwestra na muli akong maupo. Kinakabahan ako pero may excitement din akong nararamdaman, gusto ko nga rin maiyak dahil malapit na malapit na siya sa ‘kin, sa totoo lang hindi ako lumaking galit sa kanya, gusto ko rin na kilalanin niya ‘ko kahit hindi man kasing-level ng anak niyang kinikilala. Rivas din ang apelyido ko, ini-apelyido ako ng mama sa kanya.

Nag-usap sila ng attorney habang panaka-naka ang nakaw ko ng tingin sa kanya.

Nakuha ko pala ang kulay gray niyang mga mata, at maging ang itim na itim na kulay ng buhok.

Ipinaliwanag ni Attorney na pumirma ako at sumangayon sa mga kasunduan.

Nakita kong gumuhit ang ngiti sa labi ng ama ko, hindi ko alam pero tuwang-tuwa ako na napasaya ko siya.

“Anyway, Yasmin, right?”

Bumaling sa ‘kin ang ama ko. Tumango ako sa kanya at ngumiti.

"Aside from the money that I will give you in exchange for marrying Drake, I'll also give you this card so you can purchase your needs and wants."

May iniabot siya sa ‘king card.

Hindi ako galit sa kanya, nagbigay siya ng dalawang milyon para sa ‘kin kaya kahit paano ay may ambag siya sa buhay ko.

“Thank you, Mr. Rivas—”

“No, call me Daddy from now on, and our connection will deepen through your eyes."

Kulay gray ang mga mata ko, isa raw ‘to sa dahilan bakit ako ligawin. Pero dahil nga na-inlove ako ng maaga sa taong ‘di ko maabot ay nanatili akong NBSB.

Saglit lang kaming nag-usap dahil may flight siya, iyong isa doon sa sinabi niya’y sa loob ng three months ay gagawa kami ng memory, para lang mapagtibay na itinuring niya ‘kong anak. Hindi ko alam kung bakit handa siyang magbayad ng malaki para lang may mapakasalan si Drake na anak niya, sa nakikita ko nakahinga siya ng maluwag no’ng malaman na pinirmahan ko ang kontrata.

Pinagsinungalingan ko na lang din kay mama ang naging tagpo naming mag-ama. Sinabi ko na nagtagpo lang kami, kinausap niya ‘ko at masayang-masaya siya ng malaman na willing na akong kilalanin ng daddy ko, okay na ‘yon, kaysa malaman pa niya na may pabor na namamagitan, ayoko rin na tanggihan niya ang pagpapaopera kapag nalaman niyang iyon ang rason. Madali niya ‘kong pinayagan na makasama ang daddy ko para sa bonding.

“Masaya ko na kinikilala ka na niya, lalo na ganitong may sakit ako, masaya na ‘ko na may tao ka ng tatakbuhan at maibibigay niya ‘yong mga hindi ko nagawang ibigay sa ‘yo.” Natatandaan ko pa ang ngiti ni mama, alam kong naiiyak siya sa kasiyahan.

“Ma, totoo na pagdating sa materyal na bagay ay may mga gusto ako na ‘di ko naman talaga nabibili, pero okay lang ‘yon, pinakamagandang bagay na sa ‘kin na naalagaan mo ‘ko at naitaguyod, walang materyal na bagay ang makakapalit sa ‘yo…”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status