Share

Kabanata 1

MATUTUNOG na lagitik at pagkabasag ng mga kagamitan sa bahay ang sumalubong sa akin. Malinaw ko iyong naririnig kahit limang hakbang pa ang kailangan kong gawin bago marating ang pintuan ng aming maliit na bahay.

Isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan. Para akong sinasakal habang patuloy kong naririnig ang sigaw nang kasawian at may bahid ng galit sa loob ng bahay na ito. Ang bahay na dati-rati ay puno nang pagmamahalan at kasiyahan—na parang bulang naglaho na lang bigla.

Hindi ko pa tuluyang naiaangat ang aking kamay nang kusa ng bumukas ang pintuang gawa sa isang makapal na flywood.

Agad na sumalubong sa aking paningin ang isang ginang na nakalupasay sa malamig na sahig. Nagkalat din ang piraso ng mga bubog at ilang picture frame sa iba’t ibang bahagi ng bahay. Maging ang aparador na kasing laki ng tao ay nakatumba rin. Wala na sa ayos ang mga damit na kahapo’y katutupi lang, at ang mga kurtinang dapat ay maayos na nakasabit sa dingding.

“Darlene. . .”

Napalunok ako ng marinig ang pangangatog ng kaniyang tinig nang banggitin ang aking pangalan. Isama pa ang mugto niyang mga mata na sa akin ay humahalukay.

“N-Nanay, bakit naman po nasa sahig kayo? Magkakasakit kayo niyan.” Pinilit kong iligaw ang aking paningin. Hindi ko kaya na makita siya nang ganito. Nasasaktan ako. Hindi ko kayang pagmasdan ang sinapit ng aking Ina.

“Iniwan na niya tayo.”

Ipinagsawalang-bahala ko lang ang sinabi niya. “Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko?” Nanlulumong pinagmasdan ko ang nagkalat na pagkain sa ibabaw ng lamesita.

“H-Hindi manlang siya nagpaalam,” nagsimula na namang mabasag ang tinig nito.

Walang imik na tinalikuran ko siya. Nanatiling tikom ang aking labi ng inilapag ko ang sling bag na kanina pa pala dumaus-os sa aking balikat sa pahabang upuan na nasa tabi ko.

“Hindi mo ba ako naririnig, Darlene?”

Maingay ang ginawang pagtayo ni Nanay mula sa pagkakalugmok sa sahig, na siyang ikinaharap ko sa kinaroroonan niya.

“Wala ka manlang bang sasabihin, Darlene?”

Bakas ko ang pinaghalong pagtataka at kalungkutan sa mga mata ni Nanay nang sabihin niya iyon.

“Mabuti pa po ay doon na muna kayo sa silid. Ako na ang bahalang maglinis dito,” pagliligaw ko sa usapan.

“Ganyan kana ba kamanhid, Darlene?!” Makapatid-litid ang pinakawalan nitong sigaw.

Ipinukol niya sa akin ang masamang tingin. Ni hindi ito kumurap nang lapitan ako. “Umalis ang Tatay mo! Sumama sa ibang babae, pero wala ka manlang ginawang kahit anong aksiyon para pigilan siya! Mahalaga ba talaga sayo ang pamilyang ito Darlene?!” Mabigat ang dalawang palad niya nang bumagsak iyon sa balikat ko. “Mahalaga ba?!”

Tipid ang ngiting ibinigay ko sa kaniya. Hindi ko inalintana ang unti-unting paglubog ng mga kuko nito sa litaw kong balikat. “Sige na, 'nay.” Marahan kong inalis ang pagkakahawak nito sa akin. “Ihahatid na kita sa ku—.”

Tigalgal na napasapo ako sa dalawa kong pisngi nang mag-asawang sampal ang itinugon nito sa akin. Namamanhid ang mukhang tinitigan ko siya. “Ayos lang, Nanay. Malayo naman ito sa bituka.” Pinilit ko siyang ngitian para iparating na ayos lang at nauunawaan ko kung bakit niya iyon ginawa.

Marahil ay pagod lang siya.

Pero mismong mga mata ko na ang kusang sumuko. Ang dapat na mahinang pagluha lang ay nauwi sa paghagulhol nang makita ko ang nag-aalimpuyong mga mata ni Nanay.

“Wala kang kuwenta! Katulad ka rin ng Ama mong manloloko! Dapat sa inyo’y binabawian na ng buhay!”

Sa maikling oras, napatid na ang pising pinanghahawakan ko. “B-Bakit, ‘nay? Sa tingin mo ba hindi rin ako naghihirap? Ako ba ang humiling na mangyari ito?” Dinuro ko ang aking sarili. “Sa bawat pananakit mo, nagtiis ako. Sa araw-araw na paninisi mo, nanahimik ako. Pero ni minsan, hindi kita kinuwesyon, lalung-lalo na ang hilingin na masaktan ka sa kahit na anong paraan.”

Nanatili siyang walang imik, habang nakabakas pa rin ang galit sa kaniyang mukha.

“Kahit sandali lang, bigyan ni’yo muna ako nang pahinga,” puno nang pagsusumamong wika ko rito. Umaasang maramdaman niya rin ang paghihirap at sakripisyo ko.

Hindi ko manlang siya mabakasan nang pagkahabag para sa akin. Kahit yata’y lumupasay ako sa harapan niya, mananatili pa rin siyang bingi sa lahat ng hinaing ko.

Maagap kong kinuha ang kanan niyang palad. “Tama na, ‘nay. Pahinga na muna tayo. Said na said na kasi ako.”

Marahas niyang binawi ang sariling kamay. “Anong tama na?! Wala ka talagang gagawin? Ni hindi mo manlang hahanapin ang Ama mo?!”

Tanging pagsusumamo lang ang itinugon ko rito.

Nang hindi nakakuha nang pagtugon, mabilis itong dumampot ng malaking piraso ng bubog. “Gusto kong gumanti sa kanila, Darlene. Gusto ko silang pagpira-pirasuhin sa panloloko nila sa akin!” malakas na sigaw ni Nanay, hindi alintana ang humihigpit na paghawak sa bubog.

Agad akong nataranta nang mapuna ang marahang pag-agos ng sariwang dugo sa nakakuyom niyang palad.

“Ibigay mo na sa akin iyan, ‘nay.” Pilit kong pinakalma ang sarili para lang mapasunod siya. “Pangako, hahanapin ko si Tatay. Ibabalik ko siya rito.”

Hindi siya natinag sa mga binitiwan kong salita. Lalo niya lang pinag-igi ang pagkakakuyom ng kamao.

Wala na akong ibang pagpipilian kung ‘di sapilitang kuhanin ang bubog sa kaniya.

Nagawa ko siyang ipitin sa sulok ng bahay. Animo’y isa siyang isda na inalis sa tubig nang magsimula na siyang manlaban. Tinangka niya na tuhurin ako. Bago pa iyon tumama sa pribado ko, agad naman akong nakabago sa puwesto.

“Huwag na natin pahirapan ang isa’t isa, Nanay.” Pinilit ko pa rin siyang paamuhin, pero tanging kalmot lang sa iba’t ibang bahagi ng katawan ko ang naging tugon niya.

Dahil malaki ang ikinabagsak ng katawan nito, naging madali para sa akin na agawin ang hawak niya.

“Ano ba?! Ibalik mo sa akin iyan!”

Marahas niyang hinila ang buhok ko. Nawala ako sa balanse dahil sa ginawa niyang iyon. Agad tumama ang pang-upo ko sa matigas na sahig.

Kinuha naman iyong pagkakataon ni Nanay upang muling maagaw sa akin ang bubog. “Mabuti pa’y mamatay na lang ako!”

Itinaas na niya sa ere ang kamay na may hawak na bubog. Bago pa man gumilit iyon sa kaniyang pulsuhan, agad ko nang naiharang ang sarili ko—ang aking mukha.

Pagak akong nagpakawala ng tawa habang nalalasahan ang malakalawang na rumaragasang daloy ng dugo sa ilalim ng kaliwa kong mata.

Hindi makapaniwalang nabitiwan nito ang bubog.

Mabilis na kumuyom ang kamao ko. Sunod-sunod akong nagpakawala nang malalalim na paghinga. Para akong hinahabol ng mga kabayo sa lakas ng pintig ng puso ko.

Nang makabawi sa pagkabigla ay tinangka niya pang ibuka ang kaniyang labi para sana may sabihin, ngunit agad ko iyong tinutulan.

“Ilang taon na ba?! Ilang taon na bang umalis si Tatay? Pero hanggang ngayon, nakakulong pa rin kayo sa kalungkutan na idinulot niya.”

“Dar. . .”

Sunod-sunod akong uumiling. “Dalawang taon, ‘nay. Dalawang taon na tayong ganito. Hindi po ba kayo nagsasawa? O napapagod manlang? Kasi ako po, pagod na pagod na.” Iniangat ko ang aking nakakuyom na kamao. Maririing ipinukpok ko iyon sa aking dibdib. Walang tigil.

Gusto kong maranasan na maging manhid. Iyong tipong, iikot ang buong araw ko na parang walang nangyari. “B-Bakit hindi tayo bumalik sa dati, ‘nay? Iyong kahit wala si Tatay ay masaya naman tayo. Hindi po ba puwede ‘yon?” Mugtong mga mata ang ipinukol ko sa kaniya.

“T-Tama na Darlene. . . Nasaan ba ang Tatay mo?”

Napapikit na lang ako nang mariin ng magsimula na namang humagulgol si Nanay sa mismong harapan ko. Para siyang munting paslit na umiiyak. Bahagya pa niyang hinihigit ang sariling mga buhok.

Nanlalambot na napaluhod na lang ako nang tuluyan ko na namang nasilayan ang pagkawala ng katinuan ng aking Ina.

Dalawang taon. Dalawang taon na ang nagdaan, ngunit ang sugat ng kahapon ay sariwa pa sa akin, lalung-lalo na sa kawawa kong Ina. Hanggang ngayon ay nasa panahon pa rin siya kung saan iniwan kami ni Tatay. Bawat araw na nagdadaan ay hindi siya nilulubayan ng kaniyang sakit. Nagiging mapanakit siya tuwing pinipilit kong ilihis ang patungkol kay Tatay. Lalo na noong sumuko na ako sa paghahanap dito.

Lahat ay ginawa ko na para makita siya. Dalawang taon ang nilaan ko, pero mahirap talaga maghanap ng taong hindi na gustong magpakita pa.

“Tita!”

Napatayo lang ako sa pagkakaluhod ko nang sunod-sunod na pumasok ang kapatid ni Nanay at ang anak nito.

“Tumabi ka nga riyan!” paasik at patulak na hinawi ako ni Tiya Imelda nang mapadaan siya sa puwesto ko. Habang matatalim naman ang tinging ipinukol sa akin ng nag-iisa niyang anak na si Mariza.

“Hindi kana talaga naawa sa Nanay mo, Darlene. Maging siya ay hindi mo na pinatawad. Hindi talaga tama na pinaubaya pa namin sayo si Tita. Wala ka talagang kuwenta!” Nagawa pa akong paikutan ni Mariza ng kaniyang mga mata matapos na sabihin iyon.

Tahimik ko lang na pinagmasdan ang mag-ina habang maingat nilang inaalalayan si Nanay. Umabot pa sa aking pandinig ang mumunting paghikbi ni Nanay habang inaalo ito ni Tiya Imelda.

“Maglinis ka riyan, bruha! Iyung-iyo na ang palasyo mong bulok.” Nagawa pa akong pakitaan ni Mariza ng kaniyang dila bago sila tuluyang mawala sa paningin ko.

Tanging tingin lang ang kaya kong gawin. Ni hindi ko magawang lapitan o puntahan si Nanay kapag nasa pamamahay siya ni Tiya Imelda. Ingat na ingat sila kay Nanay na akala mo ay talagang nagmamalasakit sila dito. Hindi naman lingid sa kaalaman ko, na ginagawa lang nila ang lahat ng ito dahil sa malaking salapi na nakaatang sa pangalan ni Nanay. May sinabi sa buhay ang pamilyang pinanggalingan ni Nanay, na siyang kabaligtaran ng pamilya ni Tatay. Dahil bunso, ito ang may malaking bahagdan na namana galing sa yumao nitong magulang. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahati ang pamana, na sa tingin ko ay ang siyang mabigat na dahilan kung bakit patuloy na nakikialam si Tiya Imelda sa amin. Hindi ko naman magawang makisali, sa takot na baka mabaligtad ni Tiya na siyang ikasama ko. Mabuti narin na nasa kamay nila si Nanay. Doon ay nakakasigurado ako na nakakakain siya nang tama at nakakainom ng gamot. Gustuhin ko man na nasa tabi ko lang siya at hindi mawalay sa paningin ko ay hindi naman puwede. Hindi sapat ang kakarampot na kita ko mula sa pagiging tindera sa palengke. Kulang pa para sa pagkain namin sa araw-araw.

“Balang-araw, maiiahon din kita sa hirap Nanay.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status