Share

Kabanata 6

MAHIGPIT na kumuyom ang dalawang palad ko. Matigas akong nakipagtitigan sa ginang. Nanatili naman na masigla ang kaniyang mukha.

Mabilis na akong nakabago ng puwesto nang mapagtanto na kikilos siya. Animo'y kidlat na narating ko ang gilid ng pintuan. Nakahanda na ang kamay ko para pihitin ang seradura noon, pero naudlot iyon nang dahil sa isang halakhak.

Hindi ko na maitago ang pagkasalubong ng mga kilay ko.

Pakiramdam ko'y nagkamali ako ng husga sa ginang na ito.

Kinikilabutan ako sa klase nang paghalakhak niya. Wala na ang pagkayumi roon.

"Hindi ka na mabiro, hijo," kalaunan ay bawi nito.

Dinukwang nito ang lamesita, kinuha roon ang inilapag na purse at isinukbit sa kaniyang balikat.

"Hindi ko akalain na matatakutin ka," panunukso pa nito.

Inabot na ng dulo ng daliri ko ang seradura ng pintuan. Nanatili naman ang paningin ko sa kaniya.

"Kay raming tahimik na lugar. Sementeryo pa talaga ang naisipan mo," naiiling na dugtong pa nito.

Tumuwid na ito nang pagkakatayo. Nagsimula na itong humakbang papalapit sa akin.

"Batas na ang balaha sa kaniya, hijo," turan nito nang tuluyan ng makalapit sa akin. "Matabil lang ang dila ko, pero wala akong balak na dumihan ang maganda kong reputasyon."

Napangiti na lang siya nang mapapitlag ako sa ginawa niyang pagdantay ng palad sa balikat ko.

"Aasahan pa rin kita, hijo." Muli nitong tinapik ang balikat ko.

Inalis ko ang pagkakahawak sa doorknob. Humakbang ako ng dalawang beses paatras para bigyan siya ng daan.

Siya na mismo ang nagpihit at nagtulak sa pinto para bumukas.

Lumingon pa siya sa akin bago tuluyang ihakbang ang mga paa palabas. "Ipahahatid ko na kayo. Huwag mo na ring isipin ang ginawa mong kaguluhan sa loob ng mall," litanya pa nito. "Ako na ang bahala roon. At saka, talamak na shoplifter ang magkasintahan na iyon. Nagkataon lang, na mas nauna ka sa mga security guard na lumpuhin sila."

Hindi ko na siya nagawa pang tugunin nang agad na akong hinila ni Bella.

Hindi na maipinta ang mukha nito. Gusot na ang kasuotan niya, lalo na sa bandang likuran niya—na agad kong napansin ng tumalikod ito panandalian para habulin ng tingin ang papalayong si Mrs. Walker.

"Kala ko'y napano ka na sa loob." Agad kumawit ang braso nito sa akin. Muli nitong hinabol ng tingin si Mrs. Walker. "Nakakatakot siya," bulalas pa nito.

"Iniwan mo ako sa ere," pagbabago ko sa usapan.

Hindi ko pa napagdedesisyunan kung babanggitin ko sa kaniya ang inaalok ni ginang Alicia. At saka, wala rin naman akong balak na tanggapin iyon. Tama na siguro ang engkuwentro namin ngayon.

Humigpit ang hawak niya sa akin. "Nadala lang ako ng emosyon. Hindi naman kasi ako na-inform na may sakitan pa lang magaganap."

"Kahit na, iniwan mo pa rin ako." Pumadyak ang dalawang paa ko sa marmol na sahig.

Hindi naman maunawaan ni Bella ang gagawin. Batid ko naman na bago sa paningin niya ang iniaasta ko ngayon.

"Saglit lang tayo naghiwalay. Nagkaganiyan ka na agad," hindi makapaniwalang tugon nito. "Ikaw pa ba ang beks ko?" Inalis niya ang pagkakahawak sa akin. Walang pasabing sinapo niya ang dalawa kong pisngi at nilamukos iyon.

"Masakit na, Bella," pagsita ko rito nang ilang segundo na ang lumipas ay hindi pa rin siya humihinto sa ginagawa.

Tinawanan niya lang ako. Bilang ganti, agad tinungo ng mga kamay ko ang magkabila niyang tagiliran. Agad ko siyang kiniliti roon.

Napuno nang hagikhikan namin ang buong pasilyo. Napahinto lang kami sa paglalandian nang maulinigan ang magkakasunod na yabag ng kung sino man.

"Mukha ka ng hinog na kamatis," panunukso pa ni Bella.

Hindi ko na siya pinatulan. Nasalubong ko ang kakaibang titig ng isang lalaking naglalaro ang edad sa forties.

Nagsalitan ang paningin niya sa amin ni Bella—sa mga ayos namin ngayon, lalo na sa ayos ni Bella na nagulo ang kasuotan at ang buhok.

Kahit na hindi siya magsalita, alam ko na agad kung anong tumatakbo sa isipan niya.

Tumikhim muna ito, bago naglitanya. "Ipinahahatid na kayo ni Mrs. Walker. Ipinararating din ng ginang na 'di na siya personal na makapagpapaalam."

Magkasabay namin na tinanguan ito ni Bella. Nang makakuha na ito ng tugon sa amin, agad na rin itong tumalikod at nagsimulang lumakad.

"May bayad ba ang pagsasalita sa kanila?" pagpuna pa ni Bella. "Ni hindi sila marunong bumati manlang. Daretso agad, wala nang paliguy-ligoy pa. Kung tumingin pa, akala mo'y manlulunok nang buhay."

Sinenyasan ko muna itong manahimik, bago ko siya hinila pasunod sa lalaki.

Tahimik naming narating ang parking lot. Katulad ng kulay ng sasakyan, ay ganoon din kadilim ang atmosphere sa loob noon nang makasakay na kami.

Naging tahimik ang buong biyahe. Iniwasan na rin namin ni Bella na magharutan.

Naging mabilis din ang biyahe dahil walang trapiko. Alas kuwatro pa lang ng hapon, kaya tiyak na bago pa lang magsisilabasan ang mga estudiyante.

"Dito na lang po, Manong," pagpapahinto ko rito. Saktong huminto ang sasakyan sa tapat bahay ko. Mas pinili ni Bella na dito na rin magpahatid para samahan ako buong magdamag.

Alam ko naman na hindi lang iyon ang dahilan kung bakit mas pinili niya na dito sa akin makitulog ngayon. Tiyak na uusisain pa niya ako patungkol sa napag-usapan namin ni Mrs. Walker.

Unang bumaba si Bella. Nang makapagpasalamat, agad itong sumandal sa kahoy na gate ng bahay habang hinihintay ako.

Nakangiting tinapunan ko ng tingin ang lalaki. "Salamat po, Manong. Pasabi na lang din po kay Mrs. Walker." Naging hudyat naman ang pagtango niya para bumaba na ako.

Isang pagtango muli ang iniwan nito bago tuluyang pinatakbo ang sasakyan.

Nakapamulsang nilapitan ko si Bella. Balak ko na sanang alukin siya na pumanhik na sa loob. Pero hindi iyon natuloy nang matanawan ko ang papalapit na bulto ni Mariza.

"Nariyan na naman ang bruha." Pumaikot ang mga mata ni Bella nang tuluyan ng nakalapit si Mariza.

Nakataas na agad ang kaliwang kilay nito. Lalo na nang mapansin ang ayos ko. "At ano namang kaartehan 'yan?" Tinuro nito ang wig na suot ko. Pinaglaruan ang bubble gum na paulit-ulit niyang pinalolobo at pinapuputok.

Tinungo ng kamay ko ang tuktok ng buhok ko ngayon. "Wala lang ito."

Huminto ito sa pagpapalobo ng bubble gum at muli iyong nginuya. Mapanloko ang tingin na itinapon kay Bella. "At sa tingin mo naman, hahabulin ka pa ni Vico dahil sa ginagawa mo. Kayo lang ang magkaibigan na hibang na kilala ko."

"At talaga nga naman! Bruha ka talaga! Stalker ka, ano?" Humakbang na si Bella. Ganoon din si Mariza. Agad na akong pumagitna sa kanila, bago pa sila mag-away.

"Yes and proud to be. Nakatutuwa kayang makita ang kahibangan mo," panunukso pa ng panghuli. "Desperada."

Bago pa tuluyang tumama ang kamay ni Bella sa pisngi ni Mariza ay agad ko na iyong nahuli. Hindi makapaniwalang tinapunan niya ako ng tingin.

"Anong ginagawa mo, Darlene?!" naiinis na bulalas nito.

Puno nang kamanghaan naman na pinagmasdan kami ni Mariza.

Lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya nang nagsimula na siyang manlaban.

"Bella, please."

Hindi siya nakinig sa pakiusap ko. Malakas pa rin niyang hinila ang kamay niya. Nang mabawi iyon, pikit ang matang tinanggap ko ang pagsampal na ginawa niya.

Kusang lumapat ang palad ko sa pisnging nasaktan. Napayuko na lang ako dahil sa kahihiyan.

"Baka sakaling magising ka," pagalit na asik niya nang matapos akong sampalin.

Ni hindi ko na siya tiningnan pa nang walang imik na umalis siya.

"Weak. Kung sa akin iyon, ingungodngod ko siya," panunulsol pa ni Mariza.

Walang imik na tinalikuran ko siya. Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko nang marahas ako nitong hinila.

Animo'y patay na bata ko siyang nilingon. "Pagod na ako, Mariza."

Hindi niya ako tinugon. Naglalaro ang mapanlokong tingin at ngiti sa kaniyang labi. Matunog itong ngumuya ng bubble gum at pinalobo iyon. Nang pumutok at dumikit sa labi, walang pag-aalinlangan na kinuha niya iyon at binilog ng kamay.

"Alam mo namang ikaw ang pinakamamahal kong pinsan. Kaya ayokong nasasaktan ka," panimula nito. "Kaya gagamutin na kita."

Bago ko pa makuha ang nais niyang iparating, mabilis na niyang naidikit sa pisngi kong sinampalan ni Bella ang bubble gum na galing na sa bibig niya.

Tuwang-tuwa siya nang pagmasdan ang ginawa. "Bagay talaga sa iyo maging basura."

Nagtitimpi ang inis na binawi ko ang braso na hawak niya. "Tapos ka na?"

Natatawang inilingan niya ako. "Oo nga pala. Pinapasabi ni Mama, na kung hindi ka magbibigay ng suporta kay Tita ay baka sa kangkungan na siya pulutin."

"Kabibigay ko lang ng tatlong libo," pangangatwiran ko.

"Kulang iyon, Darlene," naiiling na wika nito. "Siguro'y sapat na ang dalawangpung libo kada buwan."

Mulagat ang mga matang tiningnan ko siya. "Nagbibiro ka ba, Mariza? Saan naman ako kukuha ng ganiyag pera?"

"Oo nga pala, hamak na palingkera ka lang." Nagkibit balikat ito.

Hinuli ang magkabila niyang kamay. Kulang na lang ay lumuhod ako sa harapan niya. "Mariza, baka naman nagbibiro lang si Tita. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng dalawampung libo. Anong gagawin ko?"

Padaskol niyang binawi ang kamay at tinulak ako papalayo sa kaniya.

"Siguro'y tanong mo sa Ama mo," natatawang wika nito.

Naiwan akong luhaan dahil sa sinabi niya.

Napahinto lang ako sa pagluha nang mahulog ang card na ibinigay ni Mrs. Walker.

"Ito ba ang sagot mo?" Iniangat ko ang paningin sa kalangitan. Nasulyapan ko pa ang huling sinag ng araw. "Ayoko nang makaranas ng kabiguan," muli kong wika, bago napagpasyahan na tunguhin ang malapit na tindahan.

Nagtataka man ay hindi na nag-usisa pa ang tao sa tindahan nang masungawan na galing pa ako sa pagluha.

Iniabot ko sa kaniya ang singkuwenta. Nakuha naman niya agad ang nais kong mangyari nang makita niya ang card na hawak ko. Iniabot agad niya sa akin ang cellphone na pinauupahan para sa mga nais makitawag.

Hindi nagtagal ang pag-ring ng tawag. Agad na may sumagot doon. "Sabi na nga ba at hindi ako mabibigo sa iyo." Hindi pa ako nag-uusap pero parang alam na agad ng ginang na ako ang tumatawag ngayon.

"Tinatanggap ko na ang alok mo."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status