Share

Kabanata 5

BAKAS na ang pagkangalay kay Mrs. Walker nang lumipas na ang ilang minuto at hindi ko pa rin nagagawang tanggapin ang kaniyang palad.

"Ehem." Makaagaw atensiyon na tumikhim si Arturo.

Doon ko lang napagtanto na hindi na maipinta ang mukha ni Mrs. Walker. Hindi na maipaliwanag ang bumabakas sa kaniyang mukha, kung isa pa ba iyong ngiti o pagngiwi na. Wala na rin sa ayos ang kaniyang postura, bahagya na siyang nakayukod habang tutok ang paningin sa akin.

Nagmamadaling tinanggap ko ang kaniyang palad. Pakiramdam ko kasi'y wala rin siyang balak na ibaba iyon. "Salamat po." Napangiwi ako.

May kariinan pa na pinisil niya ang palad ko bago niya iyon pinakawalan. Inayos niya muna ang sarili, bago muling naupo sa gilid ko. "Ang kailangan ko lang naman ay isang tapat at mapagkakatiwalaang tao, Darwin." May diin sa dalawang katangian na binanggit niya. Tinapunan pa niya nang matalim na titig si Arturo na napatuwid na lang sa pagkakaupo.

Wala sa sariling napalunok ako.

"Lumaki si Ash sa puder ng kaniyang Mamita. Lahat ng bagay nakukuha ng anak ko. Lahat ng gusto niya, hindi puwedeng hindi masusunod," pagpapatuloy nito. "Wala namang kaso sa akin iyon. Pero ngayong malaki na siya, nag-iiba na rin ang mga hilig at kinasasangkutan niyang problema." Lumukot ang mukha nito. "Noong elementarya at tumuntong sa sekondarya, lagi siyang bukang-bibig ng kaniyang guro at principal—'di dahil sa katalinuhan, kung 'di dahil sa panggugulo niya sa klase at pagpapaiyak sa kaniyang mga kamag-aral." Napabuntong hininga ito. "Pero ngayon, malalaking kaguluhan na ang kinasasangkutan niya. Gustuhin ko man na itali na lang siya sa tabi ko ay hindi ko naman magawa. Malaki na siya at nanlalaban na."

"Pasaway na damulag," naiiling na bulong ko.

"Ang kailangan ko lang naman ay ang tapat na magbabantay sa kaniya. Iyong hindi magsinungaling patungkol sa ginagawa ni Ash." Muli nitong tinapunan nang matalim na titig si Arturo. "At sa iyo ko iyon nakikita, Darwin." Puno nang pag-asa ang tingin na ipinukol nito sa akin.

"Sa akin po?" nag-aalangan na tanong ko.

Ilang minuto siyang nanahimik. Nakasunod lang ako sa ginagawa niya. Mula sa paghawi niya ng ilang hibla ng kaniyang buhok na tumatabing sa kaniyang mukha, sa paglandas ng mamasa-masa niyang dila sa kulay rosas niyang labi at sa pagsuksok ng kaniyang palad sa purse niya, na sa palagay ko'y nag-uumapaw ang perang lilibuhin.

"Alam ko naman na hindi ka kaagad makapagdedesisyon, hijo," muling pagbubukas nito ng usapan. Hinugot nito mula sa purse ang may kaliitan at may katigasang card. "Kaya kung dumating ang oras o araw na nakapagdecide ka na. . ." Huminto ito sa pagsasalita. Maagap na kinuha ang palad ko papalahad sa kaniya. "Huwag mong kalilimutan ang numerong nakasulat sa card na ito. O kaya'y pumunta ka ulit dito sa opisina ko sa mall." Inilagay niya sa palad ko ang card, siya na rin mismo ang nagsara noon. "Sana'y pagbigyan mo ako sa kahilingan ko, Darwin."

Wala sa sariling napakurap ako. Hindi ba at masyado namang mabilis? Pinagkatiwalaan niya agad ako nang ganun-ganon lang.

"Pero, Mrs. Walker. Baka nabibigla lang po kayo. Sa totoo po niyan, e." Napakamot ako sa aking batok. "Nagsimula rin po ako ng gulo dito, kani-kanina lang." Hindi ko maiwasang manginit ang aking pisngi dahil sa hiya.

Kaya ko nga rin nagawang makisawsaw sa kaguluhan nila kanina.

"Iyon nga pala ang nakalimutan kong ireport, Mrs. Walker," biglang singit ni Arturo. Nakapamulsang tumayo ito mula sa pagkakaupo. "Maraming customer ang nagreklamo dahil sa baba ng kalidad ng ating seguridad. Dalawang mabigat na pangyayari ang gumulantang sa mga customer natin ngayon, Mrs. Walker. Marami nang usapan agad ang kumalat. Kaya kung kukunin ninyo ang binatang iyan, puwedeng makadagdag lang iyon sa pagkasira ng reputasyon ng mall at ng ilan pa ninyong negosyo," pangangatwiran nito.

Sinalubong ko ang tingin ni Arturo, pero agad din akong nagbawi nang mapuna ang nang-uuyam niyang titig.

"Wala akong nakikitang problema, Arturo," pangangatwiran din ng ginang. "Hindi rin naman ang mall ang tatrabahuhin ni, Darwin. Sa personal na buhay ng Pamilya Walker siya magtatrabaho at hindi sa aming negosyo." Mabigat nitong inilapag ang purse sa lamesitang kaharap. "Huwag ka masyadong paranoid, Arturo. Napakababaw ng insidente kanina. Napakabilis din pagtakpan ng problema. Dadaanin mo lang sa himas, sa maraming benepisyo, mga sale at tiyak na mamamatay na ang apoy."

"Subalit, Mrs. Walker, hindi magugustuhan ni Señorito ang iniaalok ninyo sa binata. Batid naman ninyo na iba ang ugali ng Señorito pagdating sa mga baguhan," pagtutol muli ni Arturo. "Baka kung mapano lang siya."

Inis na napapalatak si Mrs. Walker sa sinabi nito. "Ako pa rin ang Ina niya, ang nagluwal sa kaniya." Mariin nitong wika. "Malaki pa rin ang bahagi ko pagdating sa buhay ng anak ko." Nanlalaki ang mga mata na tinitigan nito si Arturo. "Anak ko, anak ko lang. Nauunawaan mo ba, Arturo?" May pagbabanta na sa tinig nito. Animo'y lulunukin din nito nang buhay ang kausap.

Mukhang naputol na niya ang pisi ng ginang.

Wala ng nagawa pa si Arturo kung 'di ang tahimik na tumango.

Ilang beses na nagbuga nang marahas na hangin si Mrs. Walker. Kinalamay muna nito ang sarili, bago muli ako kausapin.

"Pasensiya na, Darwin." Malumanay na muli ang tinig nito. Nagawa pa niyang haplusin ang balikat ko nang may karahanan. "Masyado lang talagang komplikado ngayong araw. Pakiramdam ko ay drain na drain ako. Kaya hindi ko maiwasan na magsungit."

"Wala po iyon." Kumurba ang aking labi para sa isang ngiti. "Nauunawaan ko po. Alam ko naman po ang pakiramdam na maging ulo ng isang pamilya."

Bahagyang nanlaki ang mga mata nito dahil sa sinabi ko. "O, so, ibig sabihin ikaw ay—"

"Opo. Dalawa lang kami ni Nanay sa buhay. Ako na ang nagsilbing padre de pamilya at ilaw ng tahanan sa amin," pagpapatuloy ko sa tangkang sasabihin nito.

"Kaya siguro ganoon na lang ang gaan ng loob ko sa iyo, hijo. Nakakamangha ka," muling papuri nito. "Parehas tayo nang dinadanas sa buhay. At ang ibig sabihin noon, dapat tayong magtulungan."

Tinanguan ko na lang siya sa sinabi niya.

Marahan niyang kinuha ang palad ko. "Tutulungan kita pinansyal. Tanggapin mo lang ang alok ko. Gusto ko lang na may maging mata ako at may mag-ulat sa akin nang tapat."

Nahihiyang binawi ko ang palad ko. Ayoko namang magtunog mukhang pera ako. Idagdag pa na hindi na bata ang babantayan ko. "Tatapatin ko na po kayo. Wala pong kasiguraduhan ang magiging sagot ko."

Napabuntong hininga na lang ito. "Naiintindihan ko, Darwin. Kung sakali lang na magbago ang isip mo." Ilang segundo niyang pinagmasdan ang card bago muli nagpatuloy sa pagsasalita. "Tumawag ka lang, okay?"

Tinanguan ko na lang ito.

Naputol na ang pag-uusap namin dahil sa isang katok mula sa pinto.

Nakuha lahat noon ang atensiyon namin.

"Tuloy," walang kabuhay-buhay na wika ni Mrs. Alicia.

Sumungaw mula sa labas ang isang bigotilyong lalaki. Marahang itinulak ng paa nito ang pinto upang magbukas nang malaki. "Narito na ang utak ng pananakit kay Señorito, Mrs. Walker," pagsalubong nito. Hindi na nito hinintay pa ang hudyat ng ginang. Agad na nitong hinila patungo sa unahan ang tinutukoy nito.

Napatuwid na lang ako ng likuran nang malapatan ng paningin ang isang pamilyar na mukha. Kahit pa hulas na ang kolorete sa mukha niya ay hindi pa rin naman halos nagbago iyon.

"Bitiwan mo nga ako, gago! Damn it!" malutong agad siyang nagmura. Nagpupumaslag ito sa hawak ng lalaki. Halos mapasubsob pa sa sahig nang makuha ang gusto. "Mga walang modo! Bastos!" nanggagalaiting sigaw pa nito nang mapansin ang maputing balat na nabahiran ng ilang pasa dahil sa pagkakahawak at panlalaban.

"Ang init agad ng ulo mo, hija." Sinalubong ito ni Mrs. Walker nang matamis na ngiti. "Sit down," pag-uutos nito, na hindi naman sinunod ng isa. "Pagpasensiyahan mo na kung nasaktan ka ng tauhan ko. Sadyang wala lang talaga silang ingat sa mga bagay na walang halaga." Hindi naalis ang ngiti sa labi nito. "Like you."

Pagak na tumawa ang babae sa sinabi nito. "Bastos ang pinagmulan. Kaya ganoon din ang iniluwal. Hindi na ako magtataka kung bakit ganoon ang ugali ng demonyito mong anak." Halos lumuwa na ang mga mata nito dahil sa galit.

"Sa iyo na mismo nagmula, hija. Huwag mo na akong pilitin pa na sumobra. Ikaw ang may atraso sa atin, ikaw dapat ang matutong magpakumbaba."

"Ako pa talaga?" Hindi makapaniwalang itinuro nito ang sarili. "Binaboy ako ng anak mo. Inubos niya ang lahat sa akin. Tapos ngayon. Ako pa ang hihingi nang pasensiya?"

Kapuwa kami lahat nagulat sa biglaang paghagalpak ng tawa ni Mrs. Walker. Ilang minuto rin kaming nakatulala sa kaniya.

Nagpupunas pa ito ng gilid ng kaniyang mga mata nang muling nag-usap. "Too much daydreaming, hija. Ihiwalay mo ang reyalidad sa pantasya. Hindi papatol ang anak ko sa iyo. Kung nagawa man niya, tiyak na naglaro lang siya."

Bago pa man makapagsalita ang babae, agad na itong pinadampot ni Mrs Walker kay Arturo at sa lalaking nagdala dito.

"Hayop ka talaga, Ash! Isinusumpa ko ang lahi mo!" galit na galit pa nitong sigaw bago tuluyang nawala sa paningin namin.

Napakurap ako. Ash? Ashford?

Bakit ngayon ko nga lang napagtanto? Siya pala ang lalaking minumura ng babaeng iyon sa palikuran kanina.

Nag-aalangan na tiningnan ko si Mrs. Walker. Bahagya pa akong napapitlag nang makasalubungan ko siya ng titig. Mukhang naramdaman agad niya na mag-uusisa ako.

"Saan po dadalahin iyong babae?"

Malalim niya akong tinitigan. "Gusto mo talagang malaman?" paninigurado pa nito.

Hindi ko maintindihan kung ipapaling ko ba ang ulo ko o itatango iyon. Sa huli, tumango rin ako.

Malawak ako nitong nginitian. "Saan ba ang lugar na tahimik, hijo?" ganting tanong nito.

Sunod-sunod akong napalunok. Animo'y may bumabara sa lalamunan ko nang magsimula ng bumuka ang labi ko para sagutin ang tanong niya. "Sementeryo."

Lalo lang lumawak ang pagkakangiti niya dahil sa sinabi ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status