Share

Chapter 1

[Five Years Later]

Diana's POV

Mabilis ang naging hakbang ko patungo sa ICU, inatake na naman ang Lola ko sa sakit nito sa puso. Buti na lang ay kaagad itong naisugod sa hospital. Sa loob ng limang taon ay pabalik-balik ito sa ospital.

"Kumusta si Lola?" kaagad kong tanong kay Mae, ang binabayaran kong mag-alaga kay lola Remedios.

"Wala pa rin siyang malay, Ate. Pero sabi ng doctor ligtas na po raw siya." Halata sa mukha nito ang pag-aalala.

Napahawak ako sa dibdib, mabilis pa rin ang tibok ng puso ko dahil sa takot na baka matuluyan si lola. Nakaramdam ako nang paninikip ng dibdib. Namuo ang luha sa mga mata ko at kanina ko pa gustong maiyak pero nagpigil lang ako.

Humakbang ako sa hugis k'wadradong bintana, kung saan natatanaw ko si lola mula sa loob ng ICU room. Maraming tubong nakakabit sa katawan nito at may oxygen na nakalagay sa bibig.

"Huwag kang mag-alala, Ate. Magiging maayos din ang kalusugan ni lola Remedios," narinig kong saad ni Mae.

Bumaling ang tingin ko kay Mae saka tipid akong ngumiti, pagkatapos ay muli kong ibinalik ang tingin kay lola. Nanatili ako sa ganoong ayos hanggang tumunog ang cellphone ko.

Ayaw ko sanang sagutin dahil alam ko na kung sino ang tumatawag, walang iba kundi si William. Nababagot na siguro itong maghintay sa akin sa labas ng ospital.

Kung bakit kasi ayaw nitong pumasok.

Kung sabagay, kailan ba ito nagkaroon ng amor kay lola Remedios? Ni minsan hindi ito nagpakita nang magandang kalooban kay lola. Bumuntonghininga ako bago sinagot ang tawag nito.

"Palabas na ako," sagot ko sa kabilang linya saka ako nag-end call.

"Aalis ka na, Ate?"

Binalingan ko si Mae, saka malungkot na ngumiti.

"Oo, babalik na lang ako bukas. Ikaw na muna ang bahala kay lola, ha? Kailangan ko na kasing umuwi."

Napansin ko na namuo ang luha sa mga mata ni Mae, pareho lang din kami na nagpipigil ng emosyon. Mas bata ito sa akin ng dalawang taon pero minsan mas matured itong mag-isip kaysa sa akin.

Nagsisikip ang dibdib ko na lumabas sa ospital. Sa totoo lang, gusto kong manatili sa ospital hanggang sa magkamalay si lola. Pangalawang beses na siyang inatake sa puso kaya natatakot ako. At hangga't maaari ay gusto kong manatili sa tabi nito, pero hindi p'wede dahil magagalit si William.

"Bakit ang tagal mo?" inis na tanong ni William sa akin pagkapasok ko sa loob ng kotse.

"Wala pa akong limang minuto, matagal na?" naiirita kong sagot dito.

"Sumasagot ka na sa akin, Diana." Malamig ang tono nang pananalita nito, may pagbabanta rin sa boses.

Hindi na ako umimik. Hindi ko naman talaga ugaling sumagot-sagot dito. Nitong mga nakaraang araw lang dumadalas ang pagsagot ko rito dahil hindi ko na kaya ang pag-uugali nito. Ngunit madalas nauunahan ako ng takot kaya mas gusto ko na lang manahimik.

"Pupunta pa tayo sa campaign ni daddy, ang tagal-tagal mo," angil nito bago pinausad ang sasakyan. Halata sa mukha ang pagkabagot at iritasyon.

Tatakbo ng governor ang daddy ni William dito sa Probinsya ng Biliran kaya busy ito sa pagka-campaign para makahakot ng mga botante. Ilang buwan na lang at eleksyon na. Dati itong mayor sa bayan at ngayon nga ay pinangarap na naman ang mataas na posisyon.

"Si Celine, nasaan?" tanong ko nang maalala ang anak.

"Kasama na nina mommy at daddy, excited nga iyon."

Bumuntonghininga ako, malapit din ang loob ni Celine sa lolo at lola nito, lalo na kay William. She's turning five this year. Tanging ang anak ko na lang ang stress reliever at nagpapasaya sa akin. Kung hindi dahil kay Celine baka matagal na akong sumuko sa buhay.

Pagdating namin sa campaign area ay kaagad kaming sinalubong ng ina ni William. Malapad pa ang ngiti nito sa amin pero halata namang plastic ang ngiti nito sa akin. Nang makababa kami ay kaagad ako nitong niyakap na para bang hindi ako kinasusuklaman. Palibhasa ay maraming tao ang nakapaligid sa amin.

Nakapaskil na rin ang pilit na ngiti sa mga labi ko na kinabisado ko sa loob ng ilang taon. Hinapit ako ni William sa beywang at pati ito ay abot hanggang tainga rin ang pagkakangiti.

"Buti naman at nakarating kayo, hijo," masayang turan ni Lorna, ang ina ni William.

"Hindi p'weding wala kami sa campaign ni daddy, Mom. I am his only successor, kaya dapat lang nandito ako," nakangiting sagot ni William.

Gustong umikot ng mga mata ko sa ere dahil sa kayabangan nito. Binalingan ako ni Lorna, at pasimple akong inismiran, saka tinaasan ng isang kilay. Isang matamis na ngiti lang ang iginanti ko rito.

Pagkatapos ay bumuntonghininga ito na para bang no choice ito kundi pakisamahan ako.

"Sana naman ay may pakinabang iyang asawa mo," bulong nito kay William pero umabot sa pandinig ko. Halata namang sinadya nito na iparinig sa akin.

Sanay na ako sa pasaring at pangungutya nito sa akin. Noon pa man ay kinasusuklaman na ako nito, pero dahil sa pagpupumilit ng anak nitong si William ay napilitan siyang tanggapin ako, pero hindi bilang parte ng pamilya kung hindi ay bilang ulirang asawa ng anak nito.

"Daddy!" narinig namin ang masiglang boses ni Celine.

Pagtingin ko ay tumatakbo itong lumapit sa amin at kaagad na yumakap kay William. Mabilis naman itong kinarga ng huli.

"How's my princess?" tanong ni William dito sa malambing na boses.

"Nag-enjoy po akong magbigay ng mga foods," sagot naman nito.

Sabay pa kaming napatawa dahil sa sagot nito. Namimigay nga naman ng mga pagkain at groceries ang pamilya ni William. At bukod doon may pa-libreng check-up din kaya maraming tao ngayon sa malaking plaza ng bayan na siyang naging campaign area ng mga politician na tatakbo ngayong eleksyon.

"Very good! Ang galing talaga ng anak ko, manang-mana sa akin na matulungin." Puno nang pagmamalaki ang boses ni William.

"Aba! Mana rin siya sa Lola at Lolo niya," ani naman ni Lorna. Masaya itong nakatitig kay Celine.

"Halika na, anak. Dito ka muna kay mommy..." wika ko saka akmang kukunin ito pero mabilis na lumakad si William palayo sa akin habang karga pa rin si Celine.

Bumuntonghininga na lang ako at sinundan ang papalayong asawa at anak. Patungo ang mga ito kay Efren, ang ama ni William.

"Alam mo, Diana, mas malapit talaga si Celine kay William kaysa sa'yo. Kaya kung sakaling hiwalayan ka ng anak ko, hindi mo makukuha si Celine sa amin," nang-uuyam na saad ni Lorna sa akin.

Gusto ko itong sagutin na sana nga hiwalayan na ako ni William dahil hindi ko na kaya ang pagiging abusive husband nito. Pero pinigilan ko ang sarili, ngumiti na lang ako rito.

"Hindi po ako hihiwalayan ng anak ninyo, Mama." Matamis akong ngumiti rito. Tinaasan naman ako nito ng kilay.

"Wala kang k'wenta!" pigil ang boses na asik nito sa akin. Halata sa mukha ang galit.

Binalewala ko na lang ito at nagpatuloy akong naglakad patungo sa deriksyon nina William at Celine.

Bukod sa pagiging abusive husband nito ay obsessed din si William sa akin kaya malabong hiwalayan ako nito.

_____

Nakatayo kaming dalawa ni William sa gilid ng mahabang lamesa kung saan nakalagay roon ang mga groceries na ibibigay sa mga tao. Ang mga kasamahan ng ama nito sa pangangampanya ang nag-aabot ng mga groceries. Sa kabilang dako naman ng campaign area ay ang mga nurse at doctor na nagsusuri ng libre sa kalusugan ng mga taong nandoon.

Matamis pa rin akong nakangiti sa harapan ni William habang ang isang braso nito ay mahigpit na nakapulupot sa beywang ko. Tingin ng lahat ay masaya kami at tunay na nagmamahalan. Masakit na ang panga ko pero todo ngiti pa rin ako. Ang anak ko naman ay nasa mga magulang ni William.

"Talagang modelo kayo ng isang masayang mag-asawa," nakangiting turan sa amin ng matandang babae.

"Salamat po," usal ko.

"Ano ba ang sekreto sa pagiging masaya?" tanong pa nito.

Gusto ko ng umalis sa harapan ng mga ito dahil ayaw kong sagutin ang tanong nito. I felt uncomfortable every time someone asked me about our marriage life.

Si William ang sumagot nang mapansin na hindi ako umiimik. Nakangiti pa siya at masuyong hinaplos ang beywang ko. Pagkatapos ay dumako ang kamay nito sa balikat ko.

"Kailangan lang po intindihin ninyo ang isa't isa at s'yempre panatilihin ang pagiging malambing." Masigla ang boses nito at hinalikan pa ako sa pisngi.

Natawa ako pero iyong klase ng tawa na animo'y nasisiyahan ako sa sagot nito, pero ang totoo ay nang-uuyam talaga dapat ang tawa ko.

"Ganoon nga po, Manang. Tama ang sinabi ng mabait at mapagmahal kong asawa," segunda ko rito. Pinisil ko pa ang tungki ng ilong nito.

"Nakakainggit naman kayo. Ang anak ko at asawa nito ay panay ang away." Napailing si Manang.

"Minsan po talaga hindi naiiwasan sa isang mag-asawa ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Kaya dapat kaming mga lalaki ay may mahabang pang-unawa," paliwanag pa ni William.

Wow! Best actor na talaga, nanggigigil sa inis na palatak ko sa isipan.

"Ang galing mo talaga, hijo. Tama nga ang ama mo na p'wede kang tumakbong mayor sa susunod na eleksyon. Pero puwede ka pang humabol ngayon na mag-file ng candidacy for mayor sa bayan natin." May excitement sa boses ng matanda. Nawala naman ang ngiti ko.

Napag-usapan na namin noon pa na hindi nito papasukin ang mundo ng pulitika. Ayaw ko sa politics dahil masyadong magulo at marumi. Naramdaman ko ang mahinang pagpisil nito sa balikat ko. Muling bumalik ang ngiti ko sa mga labi.

"Pinag-iisipan ko pa po," sagot nito.

"Aba! Huwag ka ng mag-isip, hijo. Sundan mo na ang yapak ng ama mo. Sigurado ako na magiging mabuti ka ring mayor sa bayan natin."

"Excuse me," mahinang saad ko na halos hindi lumabas sa bibig ko.

Mabilis akong kumawala sa pagkakahawak ni William at naglakad ako palayo sa mga ito. Patungo ako sa kung saan nakaparada ang kotse naming mag-asawa. Bago pa ako makarating ay may humila na sa akin. Ang madilim na mukha ni William ang nalingunan ko.

"Ano ang ginagawa mo, Diana?" usal nito sa galit na boses.

"Gusto ko lang lumanghap ng hangin at pagod na rin ang panga ko sa kangingiti, William!" asik ko. Iwinaksi ko ang kamay nito na nakahawak sa braso ko.

"Nakakahiya sa matanda kanina dahil bigla ka na lang umalis." Mariin nitong hinawakan ulit ang braso ko, at sa pagkakataon na 'yon ay may p'wersa na.

"Bakit ka mahihiya? Nag-excuse naman ako?" nang-uuyam kong sagot.

"Huwag kang bastos!" pigil ang galit na asik nito, mas lalo pa nitong diniinan ang pagkakahawak sa akin. "Malakas ang loob mo na sagut-sagutin ako ngayon dahil maraming tao. Hintayin mo lang na makauwi tayo."

Nakaramdam ako ng takot pero hindi ko pinahalata. Sanay na ako sa mga pahirap na ginagawa nito sa akin pero hindi ko pa rin maiwasan na hindi matakot.

"Ano ba ang maling ginawa ko, William? Sa tingin mo ba hindi ko nagampanan ang pagiging ulirang asawa mo sa harapan ng lahat?"

Gusto kong pumikit dahil sa sakit ng pagkakahawak nito sa braso ko. Alam kong mag-iiwan na naman iyon ng malaking pasa sa balat ko.

"Ang maling ginawa mo? Iniwan mo ako sa harapan ng matanda! Pinahiya mo ako!"

Ang tingin ng lahat ay parang hindi kami nagtatalo dahil magkadikit ang katawan naming dalawa. Para pa nga kaming naglalambingan lang at nagpapalitan ng mga matatamis na salita.

"Umalis ako dahil ayaw kong magsalita sa matandang iyon na hindi ka tatakbo bilang mayor sa bayan na ito!" inis na asik ko, pero pigil ang boses na huwag makaagaw ng pansin.

"My God, Diana! Ang liit ng issue pinapalaki mo lang."

Mapait akong napatawa sa sinabi nito. "Ikaw lang naman ang nagpapalaki sa issue, William. At hindi ba napag-usapan na natin na hindi mo papasukin ang mundo ng pulitika?"

Pinilit ko na maging mahinahon ang tono ng pananalita. Tumawa ito nang nakakaloko.

"At sino ka ba para sundin ko, Diana?" nang-uuyam nitong saad.

Nagpumiglas ako para makawala rito pero mas lalo lang akong nasaktan dahil bumaon ang kuku nito sa balat ko.

"Asawa mo ako, William. At ilang beses kong sinabi sa'yo na makakagulo lang ang pulitika sa buhay natin!"

Napangiwi na naman ako sa sakit dahil pahigpit nang pahigpit ang hawak nito sa kaniya.

"Huwag mo akong pinapangunahan sa kung ano ang gusto kong gawin, Diana! Huwag mong inuubos ang pasensya ko!"

Pabalya ako nitong binitawan, muntikan pa akong mapasubsob.

Nangilid ang luha ko sa mga mata pero hindi ko hinayaan ang sarili na tuluyan akong mapaiyak. Hinaplos ko na lang ang braso na kanina lang ay hawak nito.

Alam kong binitiwan ako nito dahil papalapit ang ama nito sa amin at may kasama itong lalaking kaedad lang din nito.

Nakangiting sinalubong ni William ang ama at ang kasama nitong lalaki. Mabilis ko namang inayos ang sarili dahil ayaw kong makita ako ng father-in-law ko na parang wala sa sarili.

"Dad," ani ni William.

"Hijo, nakilala mo na ba ang kumpadre ko? Isa siya sa mga ma-impluwensyang tao rito sa lalawigan natin. Kadarating niya lang galing Amerika." May pagmamalaki sa boses ng ama nito.

Tumawa naman ang kasama nito. "Kumpadre, masyado mo naman akong pinagmamalaki sa anak mo. Nakakahiya."

"Aba! Dapat lang kumpadre na ipagmalaki kita. Sa loob ng tatlong taon ngayon lang tayo nagkita ulit," masayang turan ng ama ni William.

"Alam mo, kumpadre, may ipakikilala ako sa'yo na makakatulong sa pangangampanya mo ngayong eleksyon," seryosong saad nito. "Nakilala ko siya sa Amerika at nagkataon na rito pala siya sa lugar natin lumaki."

Umaliwalas ang mukha ng daddy ni William. "Sino ba iyan, kumpadre?"

Bago pa ito maka-sagot sa tanong ng daddy ni William, may dumating na sasakyan, halatang mayaman ang nagmamay-ari dahil sa klase ng sasakyan nito. At wala pa akong nakitang ganoong klaseng modelo ng sasakyan dito sa probinsya. Napatingin kaming lahat, hinihintay na bumaba ang sakay.

Parang huminto ang ikot ng mundo ko nang bumaba ang nagmamay-ari ng sasakyan. Nagbago man ang hitsura nito ngayon, nagbago man ang pananamit nito na noon ay parang basahan, nagbago man ang lahat dito pero kilala pa rin ito ng puso ko.

Kilala ko ang lalaking minahal ko noon at hanggang ngayon ay ito pa rin ang tinitibok ng puso ko. He was dangerously devastating.

"D-Darius..." usal ko sa paos na boses.

***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status