Share

Chapter 6

"How dare you seduce my son!"

Isang malakas na sampal ang dumapo sa kaliwang pisngi ko.

Pakiramdam ko ay yumanig pati utak ko dahil sa sampal ni Mrs. Lorna Davis, ang ina ni William.

Ano ang nagawa ko? Tanong ko sa isipan habang sapo ang sariling pisngi. Ramdam ko pa rin ang sakit, hindi ko rin magawang salubungin ang mga mata nito dahil sa takot.

"Sabihin mo sa akin, hindi pa ba sapat na hindi ko tinatanggal sa trabaho ang lola mo rito sa mansyon kahit matanda na?!" nanggagalaiti nitong singhal sa akin. "Tapos ngayon ang anak ko na naman?!"

Mariin akong napapikit habang nakayuko pa rin ang ulo. Dasal ko na sana lamunin na lang ako sa kinauupuan ngayon.

"Sagutin mo ako!" muling singhal nito na ikinapanginig ng buong kalamnan ko.

"M-madam Lorna, hindi ko po alam ang sinasabi ninyo." Umiiling ako at naiiyak na. "Hindi ko po talaga alam ang sinasabi ninyo tungkol kay Sir William."

"Huh! You denied my son?! Isang buwan na raw kayong may relasyon tapos bigla mo siyang hiniwalayan? How dare you!"

Nanlaki ang mga mata ko saka nag-angat ng tingin. Marahas akong napailing. "Madam Lorna, hindi po totoo 'yan–"

Malakas na sampal na naman ang pinakawalan nito sa pisngi ko. At sa pagkakataong 'yon ay manhid na ako, hindi dahil sa lakas ng sampal nito kung hindi dahil sa sinabi nito, namanhid pati katawan ko.

Isang buwan na may relasyon kami ni Sir William? Sino ang nagpakalat no'n? It must be a misunderstanding.

Gusto kong magpaliwanag pero parang sarado ang isipan ni Madam Lorna para pakinggan ang aking paliwanag.

Ang namumula nitong mukha ay senyales na galit na galit ito.

I wanted to explain and defend myself. Pero naunahan ako ng takot dahil sa dalawang sampal na natanggap mula rito.

"Oh, my God! I can't believe it!" muli nitong wika sa nahihirapang boses. Nameywang pa ito sa harapan ko. "Hindi ang isang katulad mo ang pinangarap ko sa nag-iisa kong anak!"

Muli akong napayuko at kusa na lang tumulo ang mga luha ko. Hindi ko alam kung kanino nito narinig ang tsismis na may relasyon kaming dalawa ni Sir William.

Paano na lang kapag nakarating ito kay Darius? Baka masaktan ito at hindi ko kayang makitang nasasaktan ito.

"Madam Lorna, nagkakamali po kayo. Wala po kaming relasyon ni Sir William," lakas loob kong sabi.

"Ang kapal ng mukha mo para itanggi ang anak ko!" Muling tumaas ang isang palad nito para sampalin ako.

Napapikit naman ako at hinintay na lang ang pagdapo ulit ng palad nito sa namamaga kong pisngi.

"Mom, stop it!"

Napadilat ako nang marinig ang boses ni William. Hawak na nito ang kamay ng ina. Nakahinga ako nang maluwang at nabuhayan ng loob.

At least, may tutulong na sa akin para magpaliwanag kay Madam Lorna. Alam kong maniniwala ito kapag si Sir William na mismo ang magsasabi na wala talaga kaming relasyon.

"William, buti naman at naisipan mong lumabas sa kwarto," mahinahong saad ni Madam Lorna, halatang natuwa nang makita ito.

Nakita ko ang paglambot ng mukha nito nang titigan si William, naging malumanay rin ang boses nito.

Alam kong matanda lang si William sa akin ng isang taon, 22 years old ako kaya 23 na ito. Pero kung itrato ito ng ina ay parang teenager pa. Kung sabagay, nag-iisang anak ito kaya lahat siguro ng gusto ay ibinibigay.

"Mom, please, don't hurt her. Kung anuman ang namagitan sa aming dalawa ni Diana ay tapos na 'yon. I'm going back to the States to mend my broken heart."

Namagitan? Ulit ko sa isipan dahil sa sinabi ni Sir William. Ano ang ibig nitong sabihin?

"William, anak... Don't do this to us, let's talk about this issue, okay?" masuyong wika ni Madam Lorna saka hinaplos ang balikat ni William.

Nakatulala naman akong nakatitig sa kanilang dalawa, pilit na pina-process ng utak ko ang nagyayari ngayon.

"Mom, I told you... Hindi na ako babalik dito. Sa States na ako maninirahan."

"Alam mong hindi ako makakapayag na hindi ka namin makasama ng daddy mo rito sa rancho natin. This is your home, William."

Napalunok ako nang mapatingin sa akin si Sir William. Ang haggard ng mukha nito, malago na rin ang buhok at tingin ko ay parang tumanda ito nang ilang taon.

"Mom, si Diana lang ang dahilan kung bakit mananatili ako rito sa lugar natin, at ngayong hiwalay na kami, wala ng dahilan para manatili pa ako."

Parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa sinabi nito. Napaawang ang mga labi ko dahil sa narinig, hindi ako makapaniwala na ito mismo ang nagsabi sa ina na may relasyon kaming dalawa.

"Then, marry her," walang emosyong sabi ni Madam Lorna.

Napatayo naman ako sa kinauupuan. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagngisi ni Sir William, halatang nasisiyahan ito sa suhestiyon ng ina.

"Excuse me, Mrs. Davis," ani ko sa namamaos na boses para agawin ang atensyon nito.

Dumako naman ang tingin nito sa akin. Nanlisik na naman ang mga mata nito sa galit. Napalunok ako at binalewala ang nakakatakot nitong tingin.

"Wala po kaming relasyon ni Sir William," mariin kong saad.

Pero nagulat ako nang lumapit sa akin si Sir William at akbayan ako.

"Diana, huwag ka ng matakot kay Mommy, payag na siya na magpakasal tayo, hindi ba iyon naman ang usapan natin simula pa umpisa?"

Napasinghap ako at napailing. Tumulo na naman ang mga luha ko. I feel hopeless.

"Sir William, ano ang pinagsasabi mo? Bakit hindi mo sabihin ang totoo?"

Reputasyon ko at reputasyon ng lola ko ang nakataya rito kaya hindi ko hahayaan na tratuhin nila ako ng ganito.

"Bakit hindi mo sabihin na wala tayong relasyon? Bakit hindi mo sabihin na may boyfriend ako?" Pumiyok ang boses ko. Sunod-sunod din ang pagbagsak ng mga luha ko.

"Diana, darling... You need to relax, okay?" malambing na wika nito saka niyapos ako.

Itinulak ko siya, parang kinilabutan ako sa pinagsasabi nito.

"Diana, please don't push me away," malungkot na saad nito.

Tumikhim si Madam Lorna. "William, anak, bumalik ka muna sa kwarto mo at kakausapin ko si Diana."

"Mom, I won't allow you to hurt her again."

"Hindi ko siya sasaktan, anak. Mag-uusap lang kami tungkol sa kasal ninyong dalawa."

Umaliwalas ang mukha ni William at niyakap ang ina. Masaya itong bumalik sa kwarto. Samantalang ako ay naguguluhan. Hindi ko alam kung paano ko matatakasan ang ganitong sitwasyon.

"Follow me," utos ni Madam Lorna sa akin.

Tahimik naman akong sumunod dito na patungo sa office ng asawa. May kinalkal ito sa drawer ng office table, at ako naman ay nakatayo sa gitna, nakayuko ang ulo at tahimik na umiiyak.

"Here!" Ibinato nito sa akin ang isang kapirasong papel na kasing laki ng bondpaper. "Listahan ng mga utang ng lola mo!"

Bumagsak ako sa kinatatayuan nang makita kung magkano ang utang ni lola Remedios. Kahit sampung taon akong magtatrabaho rito ay hindi ko mababayaran ang ganito kalaking halaga.

"Sino ang mag-aakala na mapapakinabangan ko rin ang listahan na 'yan," nang-uuyam na saad nito. "Paano n'yo ngayon mababayaran ang ganiyan kalaking halaga, aber?!"

Nakayuko ako habang nakasalampak sa marmol na sahig, patuloy na bumabagsak ang mga luha ko sa papel.

Naririnig ko rin ang bawat yabag ng heels na suot ni Madam Lorna, tumigil lang ito sa harapan ko. Nagtaas ako ng ulo para lang salubungin ang mapanghusga nitong tingin.

"Handa kong gawin lahat para sa anak ko, Diana, at alam kong maiintindihan mo rin ako balang-araw kapag nagkaanak na kayo ni William." Ngumisi ito. "Though I hate you because you're just a nobody, but for my William's sake, I'm willing to compromise."

"M-madam Lorna, h-hindi ko po pakakasalan ang anak n'yo–ah!" Napangiwi ako sa sakit nang sabunutan ako nito.

"Marry my son or else I will put your grandmother to jail! O baka naman gusto mo ikaw na lang ang makulong instead sa lola mo? Well, p'wede rin na ikaw na lang ang makulong, Diana, tingnan ko lang kung hindi mamatay ang lola mo sa kunsimisyon!"

Napayakap ako sa mga binti nito. "Huwag po, Madam! Pakiusap, handa kong gawin ang lahat huwag n'yo lang saktan ang lola ko." Napahagulhol ako ng iyak.

Alam ko na kaya niya akong ipakulong dahil mapera ito, at hindi ko kakayanin na maiwang mag-isa si lola Remedios.

"Then, marry my son, Diana."

Mas lalo akong napaiyak dahil si Darius kaagad ang sumagi sa isipan ko. Plano naming magpakasal kapag natapos kami sa kolehiyo. Marami kaming pangarap na gustong tuparin.

Unti-unting nadudurog ang puso ko sa isiping sa iba ako magpapakasal pero kay Darius ako nangako ng panghabang-buhay.

I don't want to break his heart. Mas gugustuhin ko pang ako ang masaktan huwag lang siya.

"Diana, did you hear me?"

No. No! I can't marry William! Sumisikip ang dibdib ko.

"Diana," sambit ulit ni Madam Lorna ngunit tanging iyak at hikbi lang ang sagot ko rito.

"I'll take that as a yes," saad nito sa nasisiyahang boses.

***

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
CheChe
Following this one...
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status