Share

THE GLIMPSE OF HEALING

FREY

HINDI ko kailangan ang kahit na sino.

Sinasabi ko 'yon sa sarili ko habang inililigpit ang personal kong gamit sa resthouse. Nasa bag ko ang passbook kung saan naka-deposit ang 7 milyong piso sa unang beses na may nangyari sa aming dalawa.

At para akong sinusunog nang buhay dahil sa pagmamadali.

Tumatakas ako sa anino ni Dark. Sa pakiramdam na nag aalala ako sa kanya mula nang umalis siya kanina.

Mas tumitindi iyon habang nag iisip ako kung ano na ang nangyari sa kanya.

Malakas din ang kutob ko na hindi na niya ako babalikan kaya uunahan ko na siya.

Napakagulo ng isip ko.

Gaano ba kahirap na tawagan ako sa phone at sabihing tapos na kaming maglaro dahil nabisto na kami ng nanay niya?

Miserable ang puso ko at ayoko nito.

"Hi."

Muntik na akong mapalundag sa gulat. May babae sa likuran ko at napakaganda. Ni hindi ko napansin dahil marami akong iniisip.

Matangkad ito at mukhang mayaman. Ang ere na nakikita ko ay exceptional. Nasa ilalim ng cardigan ang contrast trim-top at perpekto rin ang puting white pants.

Wala siyang alahas maliban sa stud diamond earrings na siguro ay milyon ang halaga.

Girlfriend ni Dark? Akala ko ba wala pang ibang tao ang nakakatapak sa bahay niya?

Nagsinungaling ba siya sa akin?

Ayokong magselos pero naiinis ako.

Humakbang siya palapit sa akin. Sa kilos na gaya ng isang kakilala ko, si Anna Medrano. Yong nagliliwanag ang ngiti pero papatayin ka pala.

"Sino ka?" matapang ang boses ko dahil sandata ko 'yon. Nakahanda akong dumipensa kung kinakailangan.

"'Nothing to worry about. I wouldn't bite," naupo siya sa kama kung saan ako pinaligaya ni Dark ng halos isang linggo. "No wonder, gustong gusto ka ni kuya. Hindi ka lang maganda, matapang pa. You see, walang lugar sa pamilya namin ang mga disney princess. And I am not an exeption."

"K-kapatid ka ni Dark?"

"Lumipad ako papunta dito dahil nag aalala si kuya sa 'yo. Sorry sa ginawa ng mama ko. Frankly speaking, ganon siya sa lahat kahit sa akin. Mga puppet niya kaming lahat at wala kaming magawa laban sa kanya dahil nanay namin siya."

"Ano bang..."

"Kung gusto mo ang kuya ko, kailangan mong---"

"May sarili akong buhay," putol ko sa iba pa niyang sasabihin. Dumidilim ang isip ko sa mga naririnig ko sa kanya. "Tanggap ko na ganito kami magtatapos sa simula pa lang."

"Sayang naman," nag krus ang mga braso niya sa tapat ng dibdib. "Kasi kung ayaw mo sa kanya sayang din itong bahay. Ang sabi niya noon, ang babaing gusto niyang maging ina ng mga anak niya sa future ang nag iisang makakatapak dito."

Pakiramdam ko nagsasabi siya nang totoo. "Hindi naman sa pagyayabang, one in a million na ang gaya ng kuya ko. Ibang magmahal si Dark. Hahabulin ka niya saan mang sulok ng mundo."

"Salamat na lang," hiningal ako sa mga pangakong parang totoo. May mga gabing wala sa sarili si Dark at naririnig ko rin 'yon.

Pero sino ba ako para maniwala?

At ano naman kung sa tingin niya ay pasado akong maging ina ng anak niya?

Ni hindi nga ako nag iisip na posible pa akong magkapamilya.

Kalokohan 'yon.

Si mama, bago pakasalan ni Ray ay ganoon din mangako. Sa harap ko pa. At parang totoong pagmamahal ang nakikita ko noon. Nang magkaproblema kami sa pera, bigla na lang nagbago ang lahat.

Kahit ako ipinagbili sa kumpare niyon. Mabuti na lang hindi masamang tao ang lalaking iyon, si David.

Tinulungan kami ni mama na makaraos pa ng ilang buwan gamit ang sariling pera niyon na walang kapalit.

Wala na yata akong kakayahang magtiwala.

Nakakatakot sa mundo. Nakakatakot ang mga tao.

Nakakatakot kahit ang magtiwala sa nararamdaman ko.

At hindi ako susugal sa tulad ni Dark na marami ring sariling laban sa buhay.

Isinara ko ang maleta.

"Pakisabi, huwag na niya akong guguluhin."

Nagbuntong hininga na lang ang babae na hindi ko na itinanong ang pangalan.

Sinundan niya ako pababa ng bahay.

Sa garahe na ng bahay ko nalaman na wala nga pala akong ibang masasakyan paalis doon.

Nilunok ko na lang ang pride ko nang ipagbukas ako ng pintuan ng kotse ng kapatid ni Dark.

At para maputol na nang tuluyan ang lahat sa amin ni Dark, nagsuot ako ng madilim na rayban at nagkunwaring matutulog.

"Saan kita ihahatid?"

"Ibaba mo na lang ako sa bayan. Bahala na ako sa sarili ko."

"Okay."

At kasabay nang pagpikit ko, gusto ko sanang itapon sa labas ang utak ko. Ang puso ko.

Ayoko na ng masakit.

Pero makakalimutan ko kaya ang taong ang pagkagusto sa akin ay parang nababaliw?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status