Share

Kabanata 3

Sa loob ng dalawang Linggo ay naitakda ang kasal nila ni Drewner. Naging busy sila sa pag-aasikaso sa lahat ng mga tao na dapat nilang imbitahan. Si Lucy ang gusto niya na gawing maid of honor at i-partner kay Jerson na siya namang best man ni Drewner. Kaso nag-aalala siya na baka tanggihan siya ng pinsan dahil siguradong nasaktan ito nang malaman na ikakasal na sila ng lalaking pareho nilang lihim na minamahal. Sa katunayan ay hindi pa sila nakakapag-usap magmula nang araw na makita nitong magkasama sila ni Drewner sa loob ng kuwarto at parehong walang saplot at tanging kumot lamang ang nakatabing sa kanilang mga katawan.

Alam niyang nagtampo o di kaya'y nagalit sa kanya si Lucy at hindi niya alam kung paano siya hihingi ng tawad dito. Hindi niya alam kung paano niya ihihingi rito ng tawad ang isang kasalanan na hindi naman niya sinasadyang magawa.

Dalawang araw bago ang nakatakdang kasal nila ni Drewner ay bigla siyang dinalaw ng kanyang pinsan sa bahay nila. Kasalukuyan siyang nag-iimpake ng mga damit dahil pagkatapos ng kasal nila ng binata ay sa bahay nito mismo na siya titira at magsasama bilang opisyal na mag-asawa. Hiwalay kasi ang bahay nito sa mga magulang dahil may sarili itong bahay.

"Hi, Daniela," mahinang bati sa kanya ni Lucy habang bahagyang nakasilip sa pintuan ng kanyang kuwarto ang ulo nito.

"Lucy! Halika pasok ka," natuwa siya nang makitang mukhang okay lang ang pinsan niya na ikakasal siya kay Drewner. "Mabuti naman at dinalaw mo ako. Akala ko'y hindi mo na ako kakausapin dahil sa nangyari."

Pumasok si Lucy at umupo sa gilid ng kanyang kama. "Sorry, Daniela. Naging busy lang ako sa school nitong mga huling araw. Kumusta naman ang babaeng malapit nang ikasal?"

May natutuwang ngiti sa mga labi nito kaya nawala ang mabigat na bagay na tila nakadagan sa kanyang d****b. Akala talaga niya'y dinibdib nito ang gagawin niyang pagpapakasal sa binata.

"Okay lang ba sa'yo na ikakasal kami ni Drewner?" hindi pa rin niya maiwasang mag-aalala kaya nagtanong na siya para makasigurado siya sa tunay na nararamdaman nito. "Hindi talaga namin sinasadya ang nangyari. Ewan kung bakit doon sa unit ni Jerson ako napasok. Siguro dahil sa hindi maganda ang pakiramdam ng katawan ko nang gabing iyon at saka medyo blurred na rin ang aking paningin habang hinahanap ko ang numero ng unit ng kaibigan mo. Ewan ko ba kung anong nangyari sa akin at sobrang init na init ang pakiramdam ko nang mga oras na iyon. Hindi ko tuloy nagawang pigilan ang sarili ko," mahabang paliwanag niya. Gusto niya kasing iparating sa pinsan niya na talagang hindi niya sinadya ang nangyari. Hindi niya sinadyang masaktan niya ito.

"Okay lang, Daniela. At saka kasalanan ko rin naman kung bakit ganoon ang nangyari. Hindi kasi ako nanigurado at nag-ingat," nakangiting sagot ni Lucy. 

"Anong ibig mong sabihin na hindi ka nanigurado at nag-ingat?" nakakunot ang noong tanong niya rito.

Biglang lumikot ang mga mata nito at tila nataranta. "A-ang ibig kong sabihin sa sinabi ko ay hindi kita inihatid papunta sa unit ng kaibigan ko at hindi nag-isip na baka mapaano ka sa labas. Iyan ang ibig sabihin nang hindi nanigurado at nag-ingat."

"Wala kang kasalan, Lucy. Walang may kasalanan sa nangyari," aniya matapos hawakan ang dalawang kamay nito. Hindi na niya pinagtuunan ng pansin ang naging reaksyon nito. Bahagyang ngumiti ito at pagkatapos ay dumako ang paningin sa mga damit niyang ipinapasok niya kanina sa maleta. "Bakit ka naglalagay ng mga damit mo sa maleta?"

Kiming ngumiti siya sa kaharap. "Pagkatapos kasi ng kasal namin ni Drewner ay sa bahay na niya ako titira. Paminsa-minsan ay dalawin mo ako sa bahay niya, ha?"

"Siyempre naman," matamis ang pagkakangiti nito sa kanya kaya tuluyang nawala ang nararamdaman niyang guilt para rito. Mukhang tanggap talaga nito ang mga nangyari kaya nabunutan siya ng malaking tinik sa d****b.

"So, ikaw na ang maid of honor ko sa kasal ko, ha?" 

Tumango ito. "Sure, why not?," nakangiting saad nito. Pagkatapos ay hindi na ito kumibo at nakatingin na lamang ang ginagawa niyang pag-iimpake ng mga damit niya. "Pero hindi ka ba nag-aalala na baka hindi matuloy ang kasal ninyong dalawa ni Drewner?" mayamaya'y tanong nito. Bigla siyang napatigil sa kanyang ginagawa at nakakunot ang noong tinapunan ng tingin ang kaharap.

"Anong ibig mong sabihin?" nagtataka niyang tanong. Tuluyan na niyang itinigil ang ginagawa at seryoso ang mukhang hinarap ang pinsan.

"Mayaman si Drewner at guwapo kaya siguradong hindi lang ako o tayo ang mga babaeng  nagkakagusto sa kanya ng malaki. At hindi natin alam kung may girlfriend ba siyang itinatago lamang. Baka iyon ang maging dahilan para hindi matuloy ang kasal ninyo. Paano kung bigla siyang umurong sa kasal ninyo at piliin ang girlfriend niya?" makahulugang tiningnan siya ni Lucy. Hindi niya alam kung bakit ngunit bigla siyang kinabahan. Paano nga kaya kung may lihim na girlfriend si Drewner tapos bigla na lamang umurong sa kasal nila?

"Hindi. Hindi gagawin ni Drewner na ipahiya ang mga magulang niya at ang pamilya ko sa maraming tao. Isa siyang responsableng lalaki," iiling-iling na sagot niya kay Lucy. Hindi niya alam kung tama ba ang nakita niya na parang inirapan siya nito o hindi nito sinasadya ang tila pag-irap sa kanya?

"Sana nga, Daniela. Dahil kapag nangyari iyon ay ako ang unang-unang makakaramdam ng lungkot."

Sa sinabi nito ay tuluyang nabura ang iniisip niya kanina na inirapan siya nito. Siguro'y hindi lang nito napansin na napa-irap pala ito sa kanya.

"Pero seryoso tayo, Daniela. Hindi ba talaga sumagi sa isip mo na baka may girlfriend na si Drewner? At napipilitan lamang siyang pakasalan ka dahil ayaw niyang ilagay sa kahihiyan ang pamilya mo at ang pamilya niya?" pagbabalik ni Lucy sa topic nila. Bahagyang tumalim ang mga mata nito na labis niyang ipinagtaka. Ngunit hindi na siya nag-usisa pa kung bakit biglang tumalim ang tingin nito.

"Sa totoo lang ay iniisip ko na maraming magaganda at mayayamang babae ang nagkakagusto sa kanya pero hindi ko naisip na baka may girlfriend na siya kasi wala naman siyang ipinapakilalang girlfriend sa mga magulang niya."

"So hindi mo naisip na may masasaktan kang ibang tao? Ang mahalaga lamang sa'yo ay maikasal ka kay Drewner, gano'n?" muli na namang tumalim ang tingin nito sa kanya at kahit ang tono ng boses nito ay biglang nag-iba at tila galit.

"I'm sorry, Lucy. Hindi ko talaga sinasadya na masaktan ka," hingi niya ng paumahin dito. Baka kasi itinatago lamang nito ang tunay na nararamdaman para sa kanya. Na galit pala ito sa kanya dahil sa nangyari.

Tila naman natauhan ito nang marinig ang kanyang sinabi at biglang nawala ang tila galit na ekspresyon nito. "Ano ka ba, Daniela. Wala sa akin iyon. Saka hindi naman ako girlfriend ni Drewner kaya wala akong karapatang magalit."

Sana nga. Sana nga ay hindi ito galit sa kanya. Ayaw niyang mag-away sila dahil sa iisang lalaki. Ito lamang ang itinuturing niyang matalik na kaibigan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status