Share

Kabanata 2

"Dad, hindi nga namin sinasadya ang nangyari. It was just an accident," giit ni Daniela habang nakaupo sila sa sofa ng malawak na sala ng bahay nila. Kaharap niya ngayon ang mga magulang niya, mga magulang ni Drewner at mismong si Drewner na blangko ang expresyon ng mukha.

Galit na galit ang daddy niya kanina nang makita ang hitsura nila ni Drewner na nasa ibabaw ng kama at parehong kumot lamang ang nakatakip sa kanilang mga h***d na katawan. Sa galit nito ay agad nitong nilapitan ang binata at inundayan ng malakas na suntok. Kung hindi lamang ito naawat nina Jerson at Lucy ay malamang na bugbog sarado ang inabot ni Drewner. Hindi naman kasi lumaban sa daddy niya ang binata at hinayaan lamang nito ang sarili na mabugbog.

Nang humupa na ang nag-aalimpuyon nitong galit ay agad nitong tinawagan ang mga magulang ni Drewner at pinapunta sa bahay nila kasama ang binata para pag-usapan ang nangyari sa kanila. Kaya heto silang anim at magkakaharap para ayusin ang nangyaring insidente.

"Kahit sabihin mong hindi sinadya ang nangyari sa inyo ay kinuha pa rin ng lalaking iyan ang iyong dangal. Kaya dapat lamang na panagutan ka niya," maawtoridad ang boses ng kanyang ama kaya bahagya siyang tumiklop. Nakakatakot salubungin ang galit nito.

"Of course. Pananagutan ng anak ko ang ginawa niya kay Daniela. Pakakasalan ng anak ko ang anak mo kaya huminahon ka lang diyan, Fred," mabilis namang sagot ng daddy ni Drewner na si Don Alejandro Ramsel, bahagyang may ngiti ito sa mga labi na pilit itinatago. Sa halip na magalit ito sa ginawa ng anak ay tila ba natuwa pa ito sa ideya na mag-aasawa na ang unico hijo nito. Nang marinig naman ng daddy niya ang sinabi ng kaibigan nito ay saka pa lamang ito kumalma. Mabilis na naglaho ang  kani-kanina lamang ay madilim nitong anyo.

"Hindi na lang tayo ngayon magkaibigan kundi magiging mag-balai pa tayong apat," nakangiting sabad naman ng ina ni Drewner. Halatado sa mukha nito ang galak sa mga nangyari. Siguro ay matagal na nitong gustong mag-asawa ang anak kaso wala pang nahahanap ang binata na babaeng karapat-dapat na iharap nito sa altar kaya hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong binata.

"Maganda ang sinabi mo, Amanda. So, kailan ang magiging kasal ng mga anak natin?" hindi naman maiwasan ng kanyang mommy ang langkapan ng excitement ang boses nito nang magsalita. Dapat ay magalit ito dahil 18 years old pa lamang siya ay mag-aasawa na siya kaagad. Pero sa halip na galit ay galak ang makikitang nakalarawan sa mukha nito. Kanina nang malaman nito ang nangyari ay nagalit din ito ngunit ngayong napag-uusapan ang kasal nila ni Drewner ay tila naglahong lahat ang galit nito kanina. At mukhang botong-boto ito kay Drewner para sa kanya.

"Dapat tanungin natin ang mga anak natin kung kailan sila magpapakasal," saad ng kanyang ama. "Pero kailangan ay sa lalong madaling panahon."

Sa sinabing iyon ng daddy niya ay nabaling sa kanilang dalawa ni Drewner ang atensiyon ng apat. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari. At saka hindi naman siya sigurado kung papayag ba si Drewner na pakasalan siya. Dahil ang kilala niyang Drewner ay hindi mapipilit gawin ang isang bagay kahit na ano pa iyon kung talagang ayaw nito.

"M-masyado pong mabilis ang mga pangyayari. B-baka puwedeng p-pag-isipan na muna nating mabuti ang lahat," aniya sa lahat. Mukha kasing tututol si Drewner na pakasalan siya dahil hindi naman ito nagsasalita mula pa kanina nang dumating ito sa bahay nila kasama ang mga magulang nito. Nanatiling tahimik lamang ito habang nakikinig sa pag-uusap ng mga nakakatanda sa kanila. Paminsan-minsan ay sinusulyapan siya. Saglit din na nagkakasalubong ang kanilang mga paningin. Saglit lamang dahil mabilis siyang nag-iiwas ng tingin. Hindi niya kasi kayang salubungin ang matiim nitong titig sa kanya. At isa pa ay nahihiya rin siya sa katotohanang may nangyari sa kanilang dalawa habang pareho silang wala sa kanilang mga sarili.

Sa pamamagitan ni Jerson ay napag-alaman nilang lasing na lasing pala si Drewner nang nakaraang gabi. Katatapos pa lamang ng dalawa na mag-inuman sa malapit na pub. Naparami ng nainom na alak ang binata kaya nalasing ng sobra. At dahil malapit lamang sa condo ni Jerson ang pub kung saan nag-inuman ang dalawa ay nagpasya ito na doon na lamang patulugin sa condo nito ang kaibigan. Pagkatapos maihatid sa unit nito ang kaibigan ay umalis ito at bumalik sa pub dahil naiwan sa kuwartong pinag-inuman nila ang cellphone ni Drewner. Hindi naman agad ito nakabalik sa condo nito dahil biglang nakasalubong nito ang isang dating kaibigan. Nayayang uminom hanggang sa inumaga na ito sa pakikipag-inuman sa kaibigan. Kung nakabalik lang sana ito agad sa condo nito ay siguradong hindi mangyayari ang nangyari sa kanila ni Drewner.

Siya naman ay nagkamali lamang ng kuwartong pinasok niya. Siguro dahil sa medyo nanlalabo ang mga paningin niya kagabi at sa hindi niya maipaliwanag na naramdaman niya kung kaya't ang tanging nasa isip na lamang niya ay makapasok ng kuwarto na itinuro ni Lucy kaya hindi niya nakitang mabuti na mali pala ang pinasok niyang kuwarto. Sa halip na ang kuwartong may number na three-zero-nine ang pasukin niya ay sa room number three-zero-six siya pumasok. Nangyari tuloy sa kanila ni Drewner ang hindi dapat na mangyari.

"Anong ibig mong sabihin, Daniela? Ayaw mo bang panagutan ni Drewner ang nangyari sa inyo? Hindi ako papayag!" muling lumakas ang boses ng kanyang daddy dahil sa kanyang sinabi. Hindi tuloy niya naiwasang makaramdam ng takot sa kanyang ama. Ngayon pa lang niya kasi ito nakitang nagalit ng ganoon katindi. "Ano ang balak mong gawin ngayon, Drewner?" masama ang tingin na baling naman nito sa binata.

Tumikhim muna ang binata at nag-alis ng tila bara sa lalamunan nito bago nagsalita. "Sa tingin ko ay tama si Daniela. Dapat muna naming pag-isipan ang lahat dahil masyadong naging mabilis ang mga pangyayari."

Lihim siyang nasaktan sa sinabi ni Drewner. Tama nga siya. Wala itong balak na panagutan ang insidenteng nangyari sa kanila. Huminga na lamang siya ng malalim para lumuwag ang tila nagsisikip niyang d****b. Sino ba naman kasi siya para pakasalan ng isang Drewner Ramsel na isang CEO ng Ramsel Business Conglomerate? Tiyak na maraming mga mayayaman at naggagandahang mga babae ang naghahabol dito. Wala siyang panama sa mga babaeng iyon.

"Hindi ako papayag! Kailangan sa lalong madaling panahon ay maikasal kayo ni Daniela," napatayong bigla ang daddy niya nang marinig ang sinabi ni Drewner. Ang mommy naman niya at mommy ng binata ay parehong nabura ang mga ngiti sa labi na kani-kanina lamang ay nakapagkit.

"Fred, huminahon ka lang at baka kung mapaano ka?" nag-aalalang hinawakan ng kanyang mommy ang daddy niya at muling pinaupo sa sofa.

"Kapag hindi mo pinakasalan ang anak ko ay hindi mo magugustuhan ang gagawin ko, Drewner. Kaya kong sirain ang reputasyon mo," nagngangalit ang mga bagang na banta ng kanyang daddy sa binata. Gusto niyang sawayin ito sa ginawang pagbabanta ngunit natatakot siyang baka mas lalo lamang itong magalit kapag ginawa niya iyon. 

Nag-aalala siya na baka muling ma-stroke ang daddy niya. Inatake na kasi ito dati ng mild stroke at ayaw niyang maulit iyon. Baka mas maging malala pa ang mangyari rito kapag muli itong ma-stroke. Tiyak na hinding-hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag mangyari iyon.

"Hindi ko sinabi na hindi ko pakakasalan si Daniela. Ang sabi ko lang ay dapat munang pag-isipan namin ito ng mabuti lalo pa't long-term commitment ang pag-aasawa. Pero kung papayag si Daniela ay willing naman ako na pakasalan siya," pahayag ni Drewner. Habang nagsasalita ay hindi nito inaalis ang paningin sa kanyang mukha.

"O ano, Daniela? Willing kang pakasalan ng anak ko. Ikaw, willing ka bang pakasalan ang anak ko?" untag sa kanya ng mommy ni Drewner dahil nananatili lamang siyang nakatingin sa mukha ng binata at hindi nagsasalita. Gusto niya kasing m****a sa mukha nito kung bukal ba sa loob nito ang pagpayag na pakasalan siya at hindi dahil lamang sa ginawang pagbabanta rito ng daddy niya. Ngunit bigo siyang makuha ang kasagutan sa tanong niya. Blangko lang kasi ang ekpresyon nito. Talagang magaling itong magtago ng sariling damdamin.

Humugot muna siya ng malalim na buntong-hininga bago walang gatol na sinagot ang tanong ng mommy ng binata. "Opo. Willing po akong magpakasal kay Drewner."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status